2020
Paano Kontrolin ang Paggamit ng mga Digital Device at Bawiin ang Inyong Pamilya
Agosto 2020


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Paano Kontrolin ang Paggamit ng mga Digital Device at Bawiin ang Inyong Pamilya

Narito ang pitong tip upang matiyak na ang mga digital device ay ating mga lingkod at hindi ating mga amo.

woman with baby looking at phone

Retrato mula sa Getty Images

Basahin ang sumusunod na mga sitwasyon:

  • Nakaupo ang isang pamilya sa isang restawran, naghihintay sa kanilang pagkain, ngunit sa halip na mag-usap-usap, lahat ay nakatutok sa kanilang smartphone.

  • Dama ng isang tinedyer ang kakulangan at pag-iisa habang ini-scroll niya ang piling-piling mga pagtatanghal ng kanyang mga kabarkada sa social media.

  • Sinikap ng isang batang babae sa parke na mag-angat ng ulo ang kanyang ama mula sa pagtitig sa kanyang cell phone at pansinin siya.

  • Panay ang tingin ng isang lalaki sa sports alerts sa kanyang smartwatch habang kinakausap siya ng kanyang asawa.

  • Palaging nagte-text ang isang binatilyo sa buong home evening lesson.

Bawat isa sa mga halimbawang ito—at maraming iba pa na walang-dudang naranasan ninyo—ay maliliit na trahedya. Ang mga smartphone at iba pang mga digital device ay kapwa isang pagpapala at isang sumpa. Ikinokonekta tayo ng mga ito sa isang kagila-gilalas na mundo ng impormasyon. Tinutulungan tayo nitong gumawa ng family history, mag-aral ng mga banal na kasulatan, at makipag-usap sa pamilyang nasa malalayong lugar. Ngunit kapag hindi nakontrol nang wasto, maaari ding makasira ang mga digital device sa mga ugnayan ng pamilya at makaapekto sa ating mental, espirituwal, at pisikal na kalusugan.

Ang Kabalintunaan ng Teknolohiya

Bilang marriage and family therapist, saksi ako sa patuloy na lumalaking hamon ng masisigasig na tao na nakikipag-agawan sa mga digital device ng pansin ng kanilang mga mahal sa buhay. Napakalaking kabalintunaan nito. Ang mismong mga device na dapat sana ay makatulong na magkaroon tayo ng koneksyon at pagandahin pa ang ating mga ugnayan, sa ilang pagkakataon, ay pinababaw ang mga relasyon at ginawang balisa ang mga tao. Sa katunayan, natutuklasan ng maraming mananaliksik na ang dumaraming bilang ng mga ulat tungkol sa depresyon, pagkabalisa, bullying, at pagpapakamatay ay may kaugnayan sa epidemya ng kalungkutan, na kadalasa’y dulot ng laganap na paggamit ng mga personal electronic device.1

Sa ating mga tahanan, kahit maaaring pisikal na magkakasama ang lahat, kapag nakalabas ang mga device, maaaring magpadama kaagad ang mga ito ng kalungkutan at kawalan ng koneksyon. Kung gusto nating makabuo ng pagkakaisa at koneksyon sa mga ugnayan sa ating pamilya, kailangan nating matukoy ang pagkahati ng pansin na nangyayari kapag gamit ang mga device sa mga pagtitipon ng ating pamilya.

Hindi natin kailangang lumabis sa ating reaksyon at lubusang alisin ang teknolohiya sa ating buhay. Sa halip, kailangan nating ilagay sa lugar ang paggamit ng teknolohiya upang magkaroon ito ng silbi sa ating mga ugnayan sa halip na makasira ito.

Ang mga Pangganyak ng Isang Parang Totoong Mundo

Ang pagtutok sa ating mga device ay nagpapaliit sa pisikal na mundo sa ating paligid—pati na ang lahat ng tunog, texture, visual, at marami pang ibang ipinararamdam nito—at ipinagpapalit ang mga ito sa isang parang totoong mundo na hindi nagkokonekta sa atin nang lubos sa ating katawan at paligid. Dahil dito, maaaring makalagpas sa atin ang mahahalagang pisikal na hudyat na nagsasabi sa atin kung ano ang kailangan natin upang maging malusog. Halimbawa, sa sobrang pagtutok sa screen, baka hindi na natin mapansin na tayo ay pagod, gutom, o may dinaramdam.

Maaari ding makasira sa ating kagalakan ang gayong kawalan ng koneksyon sa pisikal na mundo. May malaking pagkakaiba, halimbawa, sa pagitan ng pagtanggap ng isang nakatawang emoji sa screen at sa personal na masayang pagtawa ng isang mahal sa buhay.

Kailangan ng mga Taong Kokontrol sa Paggamit ng mga Digital Device

Ang mga digital device ay dinisenyo sa paraang mahirap itong tanggihan at bitawan. Sa katunayan, maraming software at phone developer ang sadyang pinupuntirya ang kahinaan nating mga tao upang patuloy tayong tumingin at mag-scroll sa walang-katapusang pagpasok ng impormasyon.2

Lubhang karaniwan ang pagdependeng ito sa mga device kaya madaling mabalewala ang laki ng epekto nito sa atin. Samakatwid, kailangan ng mga kabataan ang mga adult na maaaring magpakita ng wastong paggamit ng mga device na ito at magturo sa mga bata tungkol sa mga epekto nito.

Tulad ng itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang mga digital device “dapat ang ating mga lingkod, hindi ang ating mga amo.”3

Habang nasasaisip iyan, narito ang pitong tip kung paano kontrolin ang paggamit ng ating mga digital device:

father and young son

1. Maging katulad ng Tagapagligtas: magbigay ng buong pansin.

Ipinakita sa atin ng Tagapagligtas kung paano talaga makihalubilo sa iba nang walang gumagambala. Sa Kanyang buong ministeryo, lagi Siyang nakatuon sa indibiduwal (tingnan sa Marcos 5:25–34; 35–42; Lucas 19:2–8.)—Ibinigay ni Cristo ang Kanyang buong pansin sa kanilang lahat. Nang ipakita Niya sa mga Nephita ang Kanyang mga sugat, hindi Niya minadali ang proseso. Bagkus, ang mga tao ay “isa-isang nagsilapit hanggang sa ang lahat ay makalapit” (3 Nephi 11:15; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Kapag ipinapakita natin ang gawing ito, tinuturuan natin ang ating mga anak kung paano tunay na makatutok sa isang lugar sa bawat pagkakataon sa halip na mahati ang kanilang pansin sa mga device at sa mga tao sa kanilang paligid. Kapag kausap ninyo ang isang tao, lalo na ang inyong anak o asawa, ibigay sa kanila ang inyong buong pansin sa pamamagitan ng pagbitaw sa inyong cell phone.

Ang malungkot, naging karaniwan na ang pagtalikod sa mga mahal natin sa buhay para sagutin ang isang text message at asikasuhin ang pangangailangan ng iba. Maaaring magkaroon ito ng negatibong epekto sa ating mga ugnayan at maaaring maghatid ng isang mensahe nang hindi sadya na ang taong kaharap natin ay di-gaanong mahalaga.

Mangako na uunahin ninyo ang mga taong kaharap ninyo kaysa sa mga pang-aabala ng inyong smartphone o device. Tumutok sa kanila. Makinig tulad ng gagawin ng Tagapagligtas. Magtuon.

2. Huwag munang bigyan ng mga smartphone at social media account ang mga bata.

Huwag munang bigyan ang mga bata at tinedyer ng mga smartphone at partisipasyon sa social media hanggang sa matuto na silang makitungo sa mga tao, tulad ng pakikinig, pagtutok, pagdamay, at pagkonekta sa iba. Bago pasukin ng mga bata ang mundo ng mga digital device, mahalagang matuto silang maging mabuting mamamayan sa pamamagitan ng paggalang at pakikipag-ugnayan sa iba.

Ang isa sa mga dahilan kaya 11 taong gulang ang karaniwang edad ng pagkalantad sa pornograpiya4 (at, sa maraming pagkakataon, mas bata pa) ay dahil maraming bata ang binibigyan ng mga smartphone sa murang edad. Isaisip din ito: kahit nasa hustong pag-iisip na ang inyong mga anak para magkaroon ng mga social media account, maraming mga tao online na magkakaroon ng access sa mga social account ng inyong anak na hindi pa husto ang pag-iisip.5

girls in soccer outfits

Retrato mula sa Getty Images

3. Bumuo ng mga patakaran sa pamilya at magtakda ng mga limitasyon.

Lumikha ng malilinaw na hangganan sa inyong tahanan kung kailan gagamitin at itatabi ang mga smartphone at device.

Isang malakas na rekomendasyon: anyayahan ang lahat sa pamilya na magkusang regular na itabi ang kanilang mga device. Marahil ay maaari kayong magtalaga ng isang lugar na paglalagyan ng mga ito, kung saan hindi ito madaling makuha—isang basket sa kusina, halimbawa.

Nagpasiya ang isang pamilya na kailangan nang i-charge at itabi ang mga device sa oras at pagkatapos ng hapunan para makatuon ang mga miyembro ng pamilya sa pag-uukol ng panahon na magkasama-sama nang walang gumagambala.

Kapag sadya tayong nagtakda ng mga limitasyon sa ating mga device, unti-unting madarama ng mga miyembro ng ating pamilya na mas konektado tayo.

4. Huwag palaging mag-text.

Kapag nagbabahagi ng marubdob na damdamin o mahahalagang ideya sa iba, makipaglapit sa tao ayon sa inyong sitwasyon. Kung hindi posible ang harapang pag-uusap, subukan ang video call para nakikita at naririnig mo ang kausap mo. Kung hindi puwede iyon, tumawag sa telepono para marinig mo ang boses ng kausap mo.

father in raincoat covering child

5. Iwasan ang walang-katuturang paglalaro at pag-scroll.

Madaling buksan nang hindi nag-iisip ang ating mga device para magpahinga, maglibang, at magsaya. Labanan ang ganitong pakiramdam. Sa halip, ibaba ang inyong device at gumawa ng isang bagay na pupukaw sa inyong mga pandamdam, tulad ng pagpunta sa labas ng bahay.

Noong Hunyo 2018, inanyayahan ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga kabataan ng Simbahan na “kumalas sa paggamit ng social media sa pamamagitan ng pagtigil sa paggamit nito sa loob ng pitong araw.”6

Bilang mga magulang, maaari din kayong mag-anyaya ng gayon sa inyong tahanan, sa paminsan-minsang hindi paglalaro, hindi paggamit ng social media, o iba pang mga digital na pang-aabala.

6. Sanayin ang sarili na hindi tumugon kaagad.

Isipin kung kailangan ba ninyong tumugon kaagad sa bawat mensahe at alert. Sinasanay tayo ng ating mga device na maniwala na bawat pang-aabala o pagtunog nito ay mahalaga at kritikal, kaya posibleng malihis ang ating pansin mula sa mga bagay na pinakamahalaga. Subukang maghinay-hinay at ipagpaliban ang inyong sagot sa mga mensahe para magkaroon kayo ng higit na presensya at kamalayan sa mga taong nasa paligid ninyo. Napuna ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang ilan sa Simbahan ay “ipinagpapalit ang mga walang-hanggang kaugnayan sa mga digital device, libangan, at pampalipas oras na pansamantala lamang.”7

7. Magtalaga ng mga digital-free zone.

Magtalaga ng mga sagradong lugar kung saan hindi puwedeng gumamit ng mga device kailanman. Halimbawa, nagpasiya ang isang pamilya na habang lumilibot sila sa bayan sakay ng kotse, hindi puwedeng ipasok ang mga cell phone at device sa sasakyan para magkausap-usap ang mga miyembro ng pamilya. Sa ganitong mga uri ng mga limitasyon, naitututok ang pansin at koneksyon nila sa isa’t isa, para maiwasan ang kalungkutan sa mga pamilya.

Pagpapabanal sa Ating mga Tahanan

Para magawang kanlungan ang ating mga tahanan mula sa mundo, kailangan ang pagsisikap at pag-iingat, lalo na dahil napakaraming digital na pang-aabala sa buong paligid natin. Para sa kapakanan ng mga kaugnayan at kalusugan ng ating pamilya, lahat ng pagsisikap ay sulit.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Jeremy Nobel, “Forging Connection against Loneliness,” American Foundation for Suicide Prevention, Set. 25, 2018, afsp.org.

  2. Tingnan sa Avery Hartmans, “These Are the Sneaky Ways Apps like Instagram, Facebook, Tinder Lure You In and Get You ‘Addicted,’” Business Insider, Peb. 17, 2018, businessinsider.com.

  3. M. Russell Ballard, “Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos,” (debosyonal ng Church Educational System para sa mga young adult, Mayo 4, 2014), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org.

  4. Tingnan sa Jane Randel at Amy Sánchez, “Parenting in the Digital Age of Pornography,” HuffPost blog, Peb. 26, 2017, huffpost.com.

  5. Tingnan sa “Cyberbullying,” Ensign, Ago. 2013, 39.

  6. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), HopeofIsrael.ChurchofJesusChrist.org.

  7. David A. Bednar, “Ang Katunayan ng mga Bagay-Bagay,” Liahona, Hunyo 2010, 25.