Ang Plano ay Iligtas Ka
Bago tayo isilang sa mundo, naglahad ng plano ang Ama sa Langit upang tayo ay maging katulad Niya. Sa planong iyan, magiging posible ang ating walang-hanggang pag-unlad dahil sa mga papel na ginagampanan ni Jesucristo. Si Jesus “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6).
Pinili
Si Jesucristo ang unang espiritu na isinilang sa pamilya ng Ama sa Langit. Pinili si Jesus “mula sa simula” (Moises 4:2) na maging Tagapagligtas natin. Nang ilahad ng Ama ang Kanyang plano para sa ating kadakilaan, naghimagsik si Satanas at ang kanyang mga tagasunod, ngunit nanatiling tapat si Jesus. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jesucristo itinapon sa lupa si Satanas.
Tingnan din sa Juan 17:5, 24; Mosias 18:13; Eter 3:14; Moises 4:3; Abraham 3:24–27.
Tagapaglikha
Sa patnubay ng Ama sa Langit, nilikha ni Jesucristo ang magandang mundong ito para sa atin. “Ang lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya; at alin man sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala siya” (Juan 1:3).
Tingnan din sa Mga Taga Colosas 1:16–18; Mosias 4:2; 3 Nephi 9:15; Doktrina at mga Tipan 14:9; Moises 2:26–27.
Huwaran
Bilang bahagi ng plano ng Ama sa Langit, si Jesucristo ay isinilang sa mundo at tumanggap ng mortal na katawan. Siya ay “nag-anyong alipin” at “siya’y nagpakababa sa kaniyang sarili” (Mga Taga Filipos 2:7–8) upang maunawaan Niya kung paano tayo tutulungan sa ating sariling paglalakbay sa mundo. Ang Kanyang buhay at mga turo ay nagbibigay sa atin ng perpektong halimbawa kung paano mamuhay. Sa pagsunod sa Kanya, tayo ay magiging katulad ng Diyos at makababalik sa Kanya balang-araw.
Tingnan din sa IÂ Ni Pedro 2:21; 2Â Nephi 31:16; 3Â Nephi 18:16.