2020
Pagkakaroon ng Positibong Pananaw sa Seksuwalidad
Agosto 2020


Mga Young Adult

Pagkakaroon ng Positibong Pananaw sa Seksuwalidad

Biniyayaan tayo ng Diyos ng banal at angkop na damdaming seksuwal nang may kadahilanan. Kapag mas naunawaan natin ang mga damdaming iyon bilang mga single na miyembro ng Simbahan, magkakaroon tayo ng higit na kapayapaan at pag-asa.

figures of people

Malaking bahagi ng mundo ngayon ang tila lubhang nalilito tungkol sa maganda at positibong pang-unawa ukol sa seksuwalidad.1 At maging tapat tayo, sa ilang paraan, ang ilan sa ating mga miyembrong young adult ng Simbahan ay nalilito rin. Kaya’t linawin natin ang ilang bagay.

Unang-una, dapat nating malaman bilang mga Banal sa mga Huling Araw ang ating pananaw ukol sa seksuwalidad. Maraming taon na ang nakalipas, itinuro ni Elder Parley P. Pratt (1807–57): “Ang ating likas na pagmamahal na ito ay itinanim sa atin ng Espiritu ng Diyos, para sa matalinong layunin; at ang mga ito mismo ang pangunahing bukal ng buhay at kaligayahan—ito ang nagbibigkis sa lahat ng mabuti at makalangit na lipunan—ang mga ito ang pinakadiwa ng pag-ibig sa kapwa-tao, o pagmamahal; …

“Wala nang higit na dalisay at banal na alituntunin sa buhay. …

“Ang totoo, Diyos … ang nagtanim sa [ating] mga dibdib ng pagmamahal na iyon na nilayon para itaguyod ang [ating] kaligayahan at pagkakaisa.”2

At ipinaliwanag din ni Pangulong John Taylor (1808–87): “Dala-dala natin ito [likas (seksuwal) na pagnanasa] sa mundo, ngunit iyon, tulad ng lahat ng iba pang bagay, ay dapat mapabanal. … Ang tamang paggamit ng ating mga tungkulin ay humahantong sa buhay, kaligayahan, at kadakilaan sa mundong ito at sa daigdig na darating.”3

Sa madaling salita: Nilikha tayo ng Diyos upang magkaroon ng seksuwal na damdamin. Bahagi ito ng ating pagkatao. At maaari itong maging mabuti, kahanga-hanga, masayang bahagi ng buhay—basta’t matututuhan nating gamitin at idaan ang mga ito sa paraan na pahihintulutan Niya. Habang pinamamahalaan natin ang damdaming iyon sa angkop na paraan sa buong buhay natin, ang mga pagpapalang natatanggap natin ay hindi kapani-paniwala.

Sa pamamagitan ng kaloob na ito, may potensyal tayong tumulong na isakatuparan ang plano ng Ama sa Langit at maging katulad ng ating mga magulang sa langit.4 Nakalulungkot na sa ating mundo ngayon, marami nang naakay si Satanas na magkaroon ng baluktot na pananaw ukol sa seksuwalidad na nararapat, na bigay ng Diyos—nais niyang gamitin natin ito sa maling paraan o magkamali sa pagkaunawa rito at sa kasagraduhan nito. Kung minsan nililito niya tayo tungkol sa pagkakaiba sa pagitan ng sagrado at lihim, ipinadaramang dapat tayong mahiya sa pagkakaroon ng angkop na damdaming seksuwal, na hayaan ang pag-uusisa na humantong sa mga bagay na gaya ng pornograpiya, o gamitin ang ating sarili o ang katawan ng iba sa mga paraan na lampas sa mga itinakda Niyang hangganan. Ngunit sa katunayan, ang seksuwalidad—na ginamit sa mga paraan na nilayon ng Diyos—ay isang banal na kaloob. Kung tayo ay may negatibong damdamin tungkol sa ating seksuwalidad, marahil kailangan lamang nating maunawaan pa ito nang mas mabuti.

Paano Paano ako magkakaroon ng positibong pananaw sa seksuwalidad?

Kung baluktot ang ating pananaw ukol sa seksuwalidad, paano natin titingnan ang ating likas na seksuwalidad na bigay ng Diyos sa positibong pananaw at matutong maunawaan at ituon ang ating damdamin sa wastong paraan, habang sinisikap nating maging katulad ng Tagapagligtas? Paano tayo magiging komportable sa kung sino tayo at tatanggapin ang bigay ng Diyos na damdaming seksuwal na nilikhang kaakibat ng ating pagkatao? Narito ang ilang mga mungkahi na maaaring makatulong:

1. Unawain na lahat ng tao ay kapwa espirituwal at pisikal na nilalang

Maaari ninyong maisip ang seksuwalidad bilang isang bagay na pisikal lamang, ngunit malaki rin ang kinalaman o kaugnayan nito sa ating puso at isipan. May epekto ang ating kaisipan sa ating mga kilos, at ang paraan ng paggamit natin sa ating katawan ay may epekto rin sa ating espirituwal na pagkatao. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), “Ang ating espiritu at katawan ay pinagsama sa paraan na ang ating katawan ay nagiging kasangkapan ng ating isipan at pundasyon ng ating pagkatao.”5

Kapag ipinahahayag mo ito sa loob ng hangganan ng batas ng kalinisang-puri, ang ating angking seksuwalidad ay hindi hadlang sa espirituwalidad. Kung mayroon ka ngang maling ideya tungkol sa seksuwalidad bilang isang negatibong bagay, malamang na madala ito sa iyong pag-aasawa. Ngunit itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang seksuwal na pagsasama [sa loob ng kasal] ay … pagsasama hindi lamang ng isang lalaki at isang babae kundi ang pagsasama ng lalaki at babaing iyon at ng Diyos. … Hindi kayo magiging higit na katulad ng Diyos sa iba pang pagkakataon sa buhay na ito kaysa kapag ipinapahayag ninyo ang partikular na kapangyarihang iyon.”6 Paano mababago ng pag-unawa sa bagay na iyon ang iyong kasalukuyang pananaw tungkol sa seksuwalidad o seksuwal na intimasiya (pakikipagtalik)—kahit habang ikaw ay single o walang-asawa?

2. Alamin ang tungkol sa iyong katawan

Kung hindi mo pa nagagawa, alamin ang anatomiya ng tao. Kapag mas naunawaan mo ang likas na proseso ng pag-unlad ng iyong katawan, mas mauunawaan mo na ang angkop na damdaming seksuwal ay normal na bahagi ng buhay. Ang pag-aaral tungkol sa anatomiya ng tao, pagtawag sa mga bahagi ng katawan sa pangalan nito, at pag-unawa sa seksuwal at pisikal na gamit sa mga ito ay tumutulong upang mabawasan ang pagkaasiwa sa pagbanggit sa mga bahaging ito. Kasabay nito, dapat din nating “alisin ang nakahihiya, mahahalay, at tahasang seksuwal na mga salita, mga biro, at tema sa [ating] mga pag-uusap.”7 Kapag nauunawaan ang mga bahagi ng katawan at layunin ng mga ito, hindi na natin nakikita ang mga ito sa seksuwal na konteksto lamang.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang bawat bahagi ng inyong katawan ay kamangha-manghang kaloob mula sa Diyos”8—at kitang-kitang kasama riyan ang mga sexual organ o ari. Ang mga ito ay nilikha para sa isang matalinong layunin, at nasa atin ang responsibilidad na alamin o matutuhang gamitin ang mga ito sa mga paraan na nais ng Panginoon.

3. Huwag matakot o mahiya

Ang pagkaalam pa tungkol sa iyong katawan ay makatutulong sa iyo na maunawaan kung paanong normal na aspeto ng ating katawan ang seksuwal na damdamin. At habang sinisikap nating lahat na daigin ang “likas na tao” sa buhay na ito (tingnan sa Mosias 3:19), ang simpleng pagkakaroon ng angkop na damdaming seksuwal ay hindi isang bagay na dapat ikahiya. Kasalanan lamang ito kapag hindi wasto o angkop ang kilos mo ukol sa mga ito o kapag hindi mo pinipigilan ang pag-iisip ng mahahalay o mapagnasang kaisipan. Hindi tayo nakadarama ng hiya o kaya ay binabagabag ang ating konsiyensya kapag nakakaramdam ng gutom! Nahihiya lang tayo kapag sumobra tayo sa pagkain ng paborito nating pagkain dahil sa gutom tayo o wala tayong tigil sa kaiisip sa pagkagutom. Tulutan ang iyong sarili na matukoy na ang angkop na seksuwal na damdamin at kaisipan ay bahagi ng ating pagkatao na bigay ng Diyos at nagsisilbi ng kapaki-pakinabang na layunin sa tamang lugar at panahon.

Kung ikaw ay naaakit sa kapwa mo lalaki o kapwa mo babae, maaaring matakot o mahiya ka dahil sa iyong nadarama, ngunit ayaw ng Diyos na ganito ang madama mo. Maaari tayong masiyahan sa pamumuhay sa loob ng hangganang itinakda Niya para sa ating ikabubuti. Bawat isa sa atin ay may natatanging paglalakbay sa buhay na ito, at kung mahal natin Siya at sinusunod ang Kanyang mga utos, walang sitwasyon na hindi magagawang para sa ating ikabubuti ng Ama sa Langit (tingnan sa Mga Taga Roma 8:28; Juan 14:15; Doktrina at mga Tipan 90:24). Sa tulong Niya, maaari tayong matuto at lumago at maging katulad Niya.

4. Lumikha ng makabuluhang mga koneksyon

Ang pisikal na damdamin ay bahagi lamang ng seksuwalidad. Ang isa sa tunay na pangangailangan sa likod ng angkop na damdaming seksuwal ay koneksyon o kaugnayan. Bilang mga tao, gustung-gusto nating maging malapit sa iba. Ang pakikipag-ugnayan sa iba sa pamamagitan ng malalim na pagkakaibigan, pagsasamahan, angkop na haplos, at pagmamahal ay makatutulong na makita ninyo ang iba sa kung sino sila talaga at ipahayag ang seksuwalidad sa wastong paraan habang sinusunod pa rin ang batas ng kalinisang-puri.

Si Elder Marlin K. Jensen, emeritus General Authority Seventy, ay nagsabing: “Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ‘ang pagkakaibigan ay isa sa mga dakilang prinsipyong batayan ng [ating relihiyon].’ Ang kaisipang iyan ay dapat magbigay-inspirasyon at makahikayat sa ating lahat dahil nadarama ko na ang pagkakaibigan ay isang pangunahing pangangailangan ng ating mundo. Palagay ko ang lahat sa atin ay may malaking pananabik sa pagkakaibigan, matinding pananabik para sa kasiyahan at seguridad na maibibigay ng malalapit at walang-hanggang mga ugnayan.”9

5. Isipin na banal ang sarili ninyong katawan (dahil banal ito!)

Ang ating katawan ay pambihirang kaloob mula sa Diyos. Gayunman marami sa atin ang madalas mahulog sa bitag ng pamimintas sa ating katawan. Kung maaalala natin kung gaano kahalaga sa atin ang katawan bago tayo nabigyan nito (at kung gaano ang magiging halaga nito sa atin pagkatapos nating mamatay [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:17, 50]), marahil maaaring makadama tayo ng higit na pasasalamat at hindi lapastanganin ang mga kahanga-hangang kaloob na ito.

Itinuro ni Pangulong Nelson: “Ang inyong pisikal na katawan ay isang kagila-gilalas na likha ng Diyos. Ito ay Kanyang templo at templo rin ninyo at dapat pagpitaganan. … Ang pag-aaral tungkol sa inyong katawan ay nagpapatunay na ito ay nilikha ng Diyos.”10 At ang pagkaalam kung paano kabanal talaga ang ating katawan ay makakaimpluwensya sa ating mga kilos tungo sa kabutihan. Ipinaliwanag din ni Pangulong Nelson: “Kapag alam natin talaga ang ating likas na kabanalan, … itutuon natin ang ating mga mata sa mga tanawin, ang ating mga tainga sa mga tunog, at ang ating mga isip sa mga kaisipan na makabubuti sa ating pisikal na katawan bilang templo ng Diyos. Sa araw-araw nating panalangin, pasasalamatan natin Siya bilang ating Manlilikha at pasasalamatan Siya para sa karilagan ng ating sariling pisikal na katawan. Pangangalagaan at pahahalagahan natin ito bilang kaloob sa atin ng Diyos.”11

6. Gamitin ang media na nagpapakita ng magagandang pag-uugnayan

Kasama sa masasayang samahan ang pagkonekta, pakikinig, paglilingkod, pagpapatibay, paggawa, at pag-unlad nang magkasama. Ang magandang relasyon ay nagbibigayan at hangad nila kapwa ang kaginhawahan at kapakanan ng bawat isa. Ang paggamit ng media na nagpapakita ng magandang pag-uugnayan at ng proseso na kailangan upang bumuo ng isang relasyon ay makatutulong sa iyo na magkaroon ng mas positibong pananaw ukol sa seksuwalidad.

Ang isa sa mga dahilan kung bakit ang pornograpiya ay nakasisira sa isang maganda at positibong pananaw ukol sa seksuwalidad ay na humahadlang ito sa makabuluhang mga ugnayan at naghahangad na ituon ang isang relasyon sa isang aspeto. Iwasan ang anumang nakasulat, napapanood, o naririnig na media na labis na pumupukaw sa iyong seksuwal na pagnanasa. Ang mabuting musika, nagbibigay-inspirasyong media, at malusog na paggamit ng internet at mga filter ay makatutulong. Ang AddressingPornography.ChurchofJesusChrist.org ay makapagbibigay sa iyo ng karagdagang kapaki-pakinabang na kasangkapan para sa pag-aaral tungkol sa seksuwalidad sa malusog na paraan.

Kung may problema ka sa pornograpiya, dapat kang sumangguni sa iyong bishop o branch president, at maaari ka ring lumapit sa iba pang mga lider ng Simbahan, pamilya, o mga kaibigan para sa suporta. At sa ilang pagkakataon, maaaring makatulong ang isang mental health professional.

7. Pakitunguhan ang lahat bilang mga anak ng Diyos

Bahagi ng seksuwal na pag-unlad ang pag-alam kung paano igalang at maunawaan ng iba. Kabilang dito ang matutong maging mapagkakatiwalaan, di-makasarili, tapat, at maunawain sa damdamin ng ibang tao—na ituring sila bilang mga banal na anak ng Diyos. Lahat ng mga katangiang ito ay isang bagay na kaya—at dapat—nating pagsikapan sa ating buhay, at ito ay isang bagay na magiging napakahalaga pagdating sa seksuwal na intimasiya sa inyong magiging asawa sa walang-hanggan.

Itanong sa iyong sarili: Paano mo pinakikitunguhan ang mga tao? Mabait ka ba? Iginagalang mo ba ang emosyonal na mga pangangailangan at pisikal na hangganan ng ibang tao? Ang mga katangiang ito ay makatutulong sa iyo na umunlad sa lahat ng aspeto ng buhay, kabilang na ang malusog at angkop na seksuwalidad.

8. Alalahanin ang tunay mong pagkatao

Ang Ama sa Langit ay maraming ipinagkatiwalang damdamin sa iyo. Ang pagsunod sa batas ng kalinisang-puri ay nagpapahintulot sa iyo na igalang at mahalin ang Diyos, ang iyong sarili, at ang ibang tao.

Alalahanin na ikaw ay nilalang na walang-hanggan na dumaranas ng mortal na pamumuhay. Ang iyong personal na karanasan sa seksuwalidad sa buhay na ito ay kakaiba at may espesyal na papel itong ginagampanan sa pagdalisay sa iyo dito sa lupa. Ang pagdalisay ay hindi palaging madali, ngunit ito ay humahantong sa kagalakan at kapayapaan sa pagiging katulad ng iyong Ama sa Langit. At sa pagtupad mo sa Kanyang mga utos, mapapatnubayan at matutulungan ka Niya na linangin ang lakas at kaalaman mula sa sarili mong karanasan ukol sa seksuwalidad na tutulong sa iyo na gampanan ang iyong banal na tadhana at potensyal.

Huwag masyadong ituon ang iyong sarili sa iyong seksuwalidad. Ang pinakamahalagang tawag sa iyo ay ang iyong pagkakakilanlan bilang pinakamamahal na anak ng mga Magulang sa Langit. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na: “Ang pinakatunay na naglalarawan sa ating lahat ay na tayo ay mga anak ng ating mga Magulang sa Langit, isinilang sa mundong ito na may layunin, at ipinanganak na may banal na tadhana. Kapag ang alinman sa iba pang mga paniniwala, anuman ito, ay hadlang sa pinakatunay na katotohanan, kung gayon ito ay nakapipinsala at inaakay tayo nito sa maling landas” (sa “Interview With Elder Dallin H. Oaks and Elder Lance B. Wickman: ‘Same-Gender Attraction,’” newsroom.ChurchofJesusChrist.org).

May layunin ang ating magkakaibang karanasan at ang mga katangian na ipinagkaloob sa atin dito sa mortalidad. Nais ng Ama sa Langit na tanggapin, igalang, at mahalin mo ang sarili mo dahil sa banal mong pagkatao. Sa kabilang dako, gagabayan Niya kayo sa inyong sariling paglalakbay at pagpapalain kayo sa mas malaking paraan kaysa maiisip ninyo.

Huwag kalimutan na ito ay isang habang-buhay na paglalakbay

Ang pag-unawa at paglilinang sa positibo, malusog na pakiramdam ng angkop na seksuwalidad ay hindi isang bagay na sisimulan ninyong pagsikapan pagkatapos ng kasal o isang bagay na lubusan mong malalaman sa magdamag. Ito ay panghabang-buhay na paglalakbay—na magpapala sa inyo sa maraming paraan sa inyong buhay dito sa lupa at sa buhay na walang-hanggan. At kung kabilang sa inyong paglalakbay ang masasaya at malulungkot na karanasan, dapat ninyong malaman na ang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay para sa lahat ng lumalapit sa Kanya (tingnan sa Mosias 4:1–3, 10–13).

Sa huli, anuman ang ating kalagayan o karanasan, kapag sinusunod natin ang halimbawa ng ating Tagapagligtas, tutuparin ng Diyos ang lahat ng Kanyang ipinangakong pagpapala sa atin, at mauunawaan natin na lahat tayo ay may bahaging gagampanan sa Kanyang plano (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:23). Sa tulong Niya, tayo ay magtatagumpay sa lahat ng ating pagsisikap na makamit ang isang positibong pananaw ukol sa seksuwalidad.

Mga Tala

  1. Nakita ni Apostol Pablo na ang mga tao ngayon ay “hinihila ng iba’t ibang pita” (II Timoteo 3:6).

  2. Writings of Parley Parker Pratt (1952), 52–53.

  3. John Taylor, The Gospel Kingdom, sel. G. Homer Durham (1943), 61.

  4. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Apostasy and Restoration,” Ensign, Mayo 1995, 84; tingnan din sa “Seksuwal na Kadalisayan,” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2011), 35; Dale G. Renlund at Ruth Lybbert Renlund, “Ang mga Banal na Layunin ng Seksuwal na Intimasiya,” Liahona, Ago. 2020, 12–17.

  5. Boyd K. Packer, “The Instrument of Your Mind and the Foundation of Your Character,” Brigham Young University 2002–2003 Speeches (2003), 2; tingnan din sa M. Russell Ballard, “Pagbibigay sa Ating mga Espiritu ng Kontrol sa Ating Katawan,” Liahona, Nob. 2019, 106–9.

  6. Jeffrey R. Holland, “Of Souls, Symbols, and Sacraments” (Brigham Young University devotional, Jan. 12, 1988), 8, speeches.byu.edu; may diin sa orihinal.

  7. Kalinisang-puri (polyeto ng missionary lesson, 2007), 11.

  8. Russell M. Nelson, “Ang Inyong Katawan: Isang Kagila-gilalas na Kaloob na Dapat Pahalagahan,” Liahona, Ago. 2019, 52.

  9. Marlin K. Jensen, “Friendship: A Gospel Principle,” Ensign, May 1999, 64.

  10. Russell M. Nelson, “Ang Inyong Katawan: Isang Kagila-gilalas na Kaloob na Dapat Pahalagahan,” Liahona, 52.

  11. Russell M. Nelson, “Ang Inyong Katawan: Isang Kagila-gilalas na Kaloob na Dapat Pahalagahan,” Liahona, 54.