2020
Bakit Tayo Narito?
Agosto 2020


Bakit Tayo Narito?

Nagbitiw kami sa trabaho, ibinenta namin ang lahat, at nagpaalam kami sa pamilya at mga kaibigan para lumipat sa isang lugar na hindi pa namin napuntahan kailanman.

fabric map of Chile

Paglalarawan ni Shauna Mooney Kawasaki

Sa araw ang trabaho ko, at ang asawa kong si Elen, ay sa gabi. Halos hindi kami nagkikita. Hindi kami nagdaraos ng home evening o panalangin ng pamilya. Nagpupunta kami noon sa sacrament meeting, pero hindi kami tapat sa ebanghelyo.

Unti-unti kaming nakadama ng kahungkagan na nagmula sa pagtutok namin sa mga bagay ng mundo sa halip na sa mga bagay ng Panginoon. Pakiramdam namin ay higit pa roon ang gusto ng Ama sa Langit mula sa amin.

Kaya nagpunta kami sa Santiago Chile Temple para sa patnubay kung paano kami magiging mas mabuti. Kapwa namin natanggap ang pahiwatig na kailangan naming lumipat kasama ang maliliit naming anak na babae mula sa Santiago patungo sa hilagang baybayin ng Coquimbo.

Hindi pa kami nakapunta roon, at wala kaming alam tungkol sa lugar. Pero nagbitiw kami sa trabaho, ibinenta namin ang lahat, at nagpaalam kami sa pamilya, mga kaibigan, at pag-aaral ko sa unibersidad.

Sa Coquimbo, wala kaming kakilala, at wala kaming pera. Nakakita ako ng trabaho, pero halos kulang pang pambayad iyon sa upa. Tanong namin, “Bakit tayo narito?”

Nag-isip si Elen kung may magagawa siya para makatulong sa pagbabayad ng mga bayarin. Isang araw nanahi siya ng bagong takip para sa isa sa mga lumang silya namin. “Ibebenta ko ito at titingnan ko kung may bibili nito,” sabi niya. Mayroon ngang bumili nito. Lumakas ang loob, nag-aral pa si Elen tungkol sa pagpapalit ng upholster ng mga muwebles. Nagsimula siyang mag-anunsyo at nagsimulang tumanggap ng gagawin.

Noong 2016, tinawag ako bilang bishop ng aming bagong ward. Dahil sa trabaho ko, naipagpatuloy ko ang pag-aaral sa kolehiyo, at sa calling ko, halos hindi ko na naman nakikita ang pamilya ko.

“Hindi puwede ito,” sabi ni Elen. “Bakit hindi mo na lang ako tulungan? Tuturuan kita kung paano. Narito ka lang sa bahay, at luluwag ang oras mo para sa calling mo.”

Nag-alala ako tungkol sa pagbibitiw sa trabaho, pero iminungkahi ni Elen na manalangin kami sa Ama sa Langit at sabihing: “Narito po ang negosyo namin. Magkasama po naming gagawin ito. Bigyan po sana Ninyo kami ng kaliwanagan kung paano namin magagawa ito habang naglilingkod si Gregorio bilang bishop.”

Sumagot ang Ama sa Langit. Ngayon, makalipas ang maraming taon na halos hindi kami nagkikita, nag-a-adjust kami dahil palagi kaming magkasama. Kung minsan pabirong sinasabi ni Elen, “Wala ka bang gagawing mga interbyu bilang bishop? Bumalik ka na lang pagkaraan ng apat na oras!”

Dito sa Coquimbo, natuto kaming manampalataya at ipamuhay ang ebanghelyo bilang pamilya, at napagpala kami. Lumipat kami sa isang lungsod na hindi namin alam para paglingkuran ang mga taong hindi namin kilala, at nakakita kami ng mga himalang hindi namin inasahan.