2020
Pagpigil sa mga Silakbo ng Iyong Damdamin: Paano Iayon ang Seksuwal na mga Ideya at Damdamin sa mga Inaasahan ng Panginoon
Agosto 2020


Digital Lamang: Mga Young Adult

Pagpigil sa mga Silakbo ng Iyong Damdamin: Paano Iayon ang Seksuwal na mga Ideya at Damdamin sa mga Inaasahan ng Panginoon

Hindi ang pagwawaksi sa angkop na mga seksuwal na damdamin ang ninanais ng Ama sa Langit para sa atin. Nais Niyang matuto tayong kontrolin ang mga ito para maghatid ang mga ito sa atin ng kagalakan sa halip na kalungkutan.

Marahil ay hindi mo na naaalala kung paano matutong lumakad. Sa simula, maaaring maraming beses kang natumba. Ngunit nang matumba ka, hindi ka pinagalitan. Malamang ay itinayo ka ng isang taong nagmamahal sa iyo at paulit-ulit kang hinikayat na subukan itong muli! Sa paglipas ng panahon, naging mas natural na ang paghakbang nang paisa-isa. Maiiwasan mo ngayon ang karamihan sa mga sitwasyong makakatisod sa iyo.

Kung maaari lamang na matiyaga nating pakitunguhan ang ating sarili na tulad noong natututo tayong pamahalaan ang iba pang mga aspeto ng ating pisikal na katawan, pati na kung paano kontrolin ang seksuwal na mga damdamin.

Paano Natin “Pipigilin ang Silakbo ng Ating Damdamin”?

Karamihan sa atin ay nakararanas ng seksuwal na mga damdamin bilang bahagi ng ating mortal na karanasan. Bagama’t ang mga damdaming ito na bigay ng Diyos ay mahalagang bahagi ng Kanyang plano para sa ating kaligayahan, marami sa atin ang nakadama na ng pagnanais na gamitin ang mga ito sa paraang hindi naaayon sa Kanyang mga utos.

Noong tinedyer pa tayo hanggang sa maging young adult tayo, marami sa atin ang nakaranas na ng mga hamon na nagmumula sa pag-aaral kung paano iaayon ang ating seksuwal na mga damdamin na nagmumula sa isang mortal na katawan sa mga inaasahan ng Panginoon kung paano natin gagamitin ang kaloob na ito.

Inuubos ng ilan sa atin ang maraming espirituwal na enerhiya natin sa pagsisikap na iwaksi pati na ang angkop na seksuwal na mga damdamin. Ngunit hindi ang pagwawaksi sa mga ito ang ninanais ng Ama sa Langit para sa atin! Sa halip, nais Niyang tulungan tayo na matutong kilalanin at kontrolin ang ating seksuwal na mga ideya at pag-uugali. Ang pagkakaroon ng kakayahang ito ay makakatulong sa atin kapwa bago at matapos ang kasal.

Itinuro ni Alma, “Pigilin … ang iyong [mga] silakbo ng damdamin, upang mapuspos ka ng pagmamahal” (Alma 38:12). Hindi sinabi ni Alma kailanman na alisin ang mga silakbo ng iyong damdamin—dahil hindi naman maituturing na masama ang mga silakbo ng damdamin. Sa halip, hinikayat niya tayong pigilin o kontrolin ang mga ito para mapuspos tayo ng pagmamahal.1

Kaya paano natin mapipigil ang mga silakbo ng ating damdamin? Narito ang ilang bagay na makakatulong sa iyo habang natututo kang “lumakad” sa mahalagang paglalakbay na ito.

Unawain ang mga Impluwensya

Una, makakatulong na maunawaan ang ilan sa mga kadahilanang umiimpluwensya sa kakayahan mong kontrolin ang iyong seksuwal na mga pagnanasa. Ang pag-unawa sa mga kadahilanang ito ay makakatulong sa iyo na siyasatin ang iyong seksuwal na mga damdamin:

  • Biolohiya: Bawat katawan ay lumilikha ng iba’t ibang antas ng ilang kemikal na nakakaapekto sa seksuwal na pagnanasa. Dahil dito, maaaring magkakaiba ang tindi ng pakikibaka ng bawat tao.

  • Mga gawi: Kung nakagawian mo nang isagawa ang iyong seksuwal na mga ideya at pagnanasa, maaaring mas mahirap magbago. Matagalang pagsisikap ang kailangan bago mapalitan ng mga positibong gawi ang mga gawing ito. Kailangan mong patuloy itong subukan kahit mabigo ka—at patawarin ang iyong sarili—habang ginagawa mo ang prosesong ito. Sa ilang pagkakataon, matutulungan ka ng isang pinuno ng Simbahan o mental health professional na madaig ang iyong masasamang gawi.

  • Mahihirap na emosyon: Isinasagawa ng ilang tao ang seksuwal na mga ideya at pag-uugali para labanan ang stress, kalungkutan, o depresyon. Matutong kilalanin ang mga emosyong iyon. Sa halip ay isiping mag-ehersisyo, sumulat sa journal, magpa-therapy, o iba pang positibong paraan ng paglaban sa mga damdaming ito.

  • Mababang pagtingin sa sarili: Ang mga damdamin ng mababang pagpapahalaga sa sarili ay madalas magpahina ng iyong determinasyon. Isiping maglingkod at gumawa ng iba pang mga aktibidad na nagpapaganda sa pakiramdam mo sa iyong sarili.

  • Kunwa-kunwariang mga kaugnayan: Hindi mapapalitan kailanman ng isang kunwa-kunwariang kaugnayan ang pangangailangan mo sa isang tunay na koneksyon. Sa halip, paghusayin ang iyong mga kasanayang makipag-ugnayan at magkaroon ng mabubuting kaibigan. Maghanap ng magagandang oportunidad na makipagkaibigan o magkaroon ng mga libangan. Ang pakikipag-ugnayan sa iba ay isang susi sa tagumpay.

Matuto mula sa Halimbawa ng Tagapagligtas

Pagkatapos Niyang mag-ayuno nang 40 araw, tinukso ni Satanas si Jesus na gawing tinapay ang mga bato. Ang itinugon lang Niya ay: “Nasusulat, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa’t salitang lumalabas sa bibig ng Dios” (Mateo 4:4).

Hindi nilabanan ng Tagapagligtas si Satanas sa pamamagitan ng pagsasabi na hindi Siya gutom, o na hindi Niya gusto ng pagkain. Sa halip, hinarap Niya ang tuksong ito sa pagsasabi ng mas mataas at mas dakilang dahilan para sa kawalan ng pagnanais na kumain: ang paghahangad na mamuhay ayon sa bawat salita ng Diyos. Nakita Niya na ang Kanyang misyon ay mas mahalaga kaysa mga pisikal na pagnanasa.

Kung sisikapin mong kumbinsihin ang utak mo na wala kang seksuwal na mga damdamin, ipapaalala sa iyo ng katawan mo na mayroon ka nito, na maaaring magparamdam sa iyo ng pagkagapi, stress, at pagkahapo.

Ngunit kung haharapin mo ang iyong seksuwal na mga pagnanasa na tulad ng pagharap ng Tagapagligtas sa pagnanais sa pagkain, mas mapipigil mo ang iyong mga damdamin. May mas malaking dahilan ang Tagapagligtas na mangilin kaysa patangay sa tukso, at gayon din ikaw! Pinangakuan tayo ng napakaraming pagpapala sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan kapag sinusunod natin ang mga kautusan at ang “pagsunod sa batas ng kalinisang-puri ay nagdudulot ng ilan sa pinakamalalaking pagpapala sa kalalakihan at kababaihan sa mortalidad: lubos na kumpiyansa sa espirituwalidad sa harap ng pamilya, mga kaibigan, mga kasamahan sa Simbahan, at, sa huli, sa harap ng Tagapagligtas.”2

Dapat Mong Malaman na Kaya Mong Magtagumpay

Ang mga utos ng Panginoon ay magpapala sa buhay mo kung susundin mo ang mga ito. Ang kautusang kontrolin ang mga silakbo ng iyong damdamin ay kabilang dito: ang mga pagsisikap mong sumunod ay magdudulot ng walang-hanggang kagalakan. Ang pagkontrol sa iyong seksuwal na mga damdamin ay maaaring isang panghabambuhay na pag-aaral, ngunit naroon ang Ama sa Langit para tulungan kang magtagumpay! Kung makagawa ka ng mga pagkakamali, magsisi at subukang muli. Huwag sumuko. Bahagi iyan ng nagpapadalisay na proseso sa mortalidad.

Ang Ama sa Langit ay isang mapagmahal na Ama na nagmamalasakit at handang tumulong sa atin, lalo na sa sagradong bahaging ito ng mortalidad. Huwag kalilimutan kailanman na nagtanim Siya ng angkop na seksuwal na mga damdamin sa iyong kalooban, at matutulungan ka Niyang malaman kung paano mo magagamit ang mga ito para sa ikabubuti ng iyong buhay anuman ang iyong sitwasyon ngayon sa pamamagitan ng pagtulong sa iyo na makipag-ugnayan sa iba sa mabubuting paraan, pagbibigay sa iyo ng determinasyon at tibay, paggabay sa iyo na magkaroon ng kamalayan sa sarili mo, pagmamahal sa sarili mo, at pagtanggap, at higit kang inilalapit sa Tagapagligtas bawat araw.

Tandaan, nais ng Diyos na lumigaya ka. Si Satanas ang nagnanais na maging miserable ka at nagpapahina ng loob at nanlilinlang para ihiwalay ka sa Diyos. Ang pagpapatangay sa mga seksuwal na tukso sa labas ng kasal ay maglalayo sa iyo sa mga pagpapala ng walang-hanggang kaligayahan at maghahantong sa iyo sa kalungkutan. Ngunit ang mga pagsisikap mong maunawaan, maituon, at makontrol ang iyong seksuwalidad, kahit isa itong panghabambuhay na pagsisikap, ay maaaring maghantong sa iyo sa kaligayahan, kapakumbabaan, at pagkakawanggawa sa lahat, pati na sa sarili mo.

Mga Tala

  1. Para sa iba pa tungkol sa paksang ito, tingnan sa Bruce C. at Marie K. Hafen, “Bridle All Your Passions,” Ensign, Peb. 1994, 14–18

  2. David A. Bednar, “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 44; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 121:45