Mga Pagpapala ng Self-Reliance
Oras na Ginugol sa Makabuluhang Paraan
Dahil ginagamit nang matalino ni Pele Mika Ah Lam ang malaking bahagi ng kanyang oras, masaya siya araw-araw, mayroon siyang maliit na negosyo, at nalilingon niya ang nakaraan nang walang panghihinayang.
Ang oras sa isla sa Pacific ay medyo naiiba kaysa sa maraming iba pang bahagi ng mundo. Nakukumpleto ang araw-araw na mga gawain ayon sa posisyon ng araw, hindi ayon sa orasan. Magigising ka sa huni ng mga ibon at sa pagsalpok ng mga alon, at hindi sa isang nakabibinging alarm.
Para kay Pele Mika Ah Lam ng Samoa, may isa pang mahalagang konsiderasyon tungkol sa panahong ipinamumuhay niya: “Susulitin ko nang husto ang oras o panahon saanman ako naroon.”
Pagkatuto sa loob at sa labas ng Klase
Lumaki si Pele sa isang nayon kung saan ang mga pamilya—pati na ang sarili niyang pamilya—ay nabubuhay sa pagtatanim o paghahanap ng sarili nilang pagkain anuman ang mayroon sa kanilang lugar. Ang dumadaloy na tubig at kuryente ay hindi isang bagay na inaasahan, at ang mga tahanan ay simple at maganda. Ang edukasyon ay hindi madaling bayaran. “Sinusuportahan ng aming buong pamilya ang bawat isa sa mga bayarin sa pag-aaral,” sabi ni Pele. “Ganyan sa Samoa.”
Matapos magsikap nang husto at makakuha ng pinakamatataas na marka sa paaralan, natanggap si Pele na mag-aral sa National University of Samoa. Pinili niyang mag-aral ng accounting, mathematics, at computer. Isinisingit din niya sa kanyang iskedyul ang mga klase sa institute.
Habang nag-aaral, sumali si Pele sa isa pang aktibidad na magpapabago sa kanyang buhay sa malapit na hinaharap, bagama’t hindi niya iyon natanto noon. Parang katuwaan lang, nakikipagkita siya tuwing Biyernes ng gabi sa iba pang mga miyembro ng Simbahan na nag-aaral sa unibersidad para talakayin ang ebanghelyo at matuto ng mga bagong kasanayan. Iba-iba ang mga aktibidad na ito bawat linggo maliban sa isa: sa huling Biyernes ng bawat buwan, nakaugalian na nilang mag-aral kung paano magluto ng ibang putahe.
“Pinag-ukulan ko ito ng matamang pansin,” sabi ni Pele. “Ayokong sayangin ang pagkakataong matuto ng anumang bago.”
Malaki ang kikitain niya sa desisyong iyon sa hinaharap.
Nagsara ang Isang Pintuan, Nagbukas ang Isang Bintana
Ang gastos sa pag-aaral sa unibersidad ay maaaring malaking hadlang sa halos kaninuman. Para kay Pele, nang maubusan siya ng pondo, kinailangan niyang tumigil sa pag-aaral. Gayunman, nagsikap siyang mabuti at pinag-aralan ang lahat ng kaya niyang pag-aralan habang naroon—pati na kung paano magluto ng maraming iba’t ibang putahe.
Bilang asawa at bilang ina ng maliliit na bata, inisip niyang mabuti kung paano niya magagamit ang natutuhan niya para makatulong na suportahan ang kanyang pamilya. Sa buong buhay niya, naturuan si Pele na manalig sa Diyos at magsikap nang husto.
“Nagpasiya akong magsimula ng sarili kong negosyo,” sabi niya. “Mayroon ako ngayong maliit na puwesto ng barbecue at salad, nagluluto ako ng pagkain na natutuhan ko habang nag-aaral ako!”
Dahil sa tagumpay ng kanyang negosyo, sapat ang kinikita ni Pele para matustusan ang kanyang sariling pamilya, at nakakatulong din siyang alagaan ang kanyang mga magulang at mga kapatid.
“Naniniwala ang aming pamilya na ‘ang pananampalatayang walang gawa ay patay’ [Santiago 2:20],” sabi niya. “May pananampalataya kami sa Diyos at nananalig kami na tutulungan Niya kami sa lahat ng paraan. Ngunit kailangan naming gawin ang aming tungkulin.”
Oras sa Isla
Namumuhay pa rin si Pele ayon sa “oras sa isla.” Gumigising siya at natutulog na kasabay ng pagsikat at paglubog ng araw at tinatanggap ang simple at payapang pamumuhay sa Samoa. At nauunawaan at ipinamumuhay niya ang katotohanang ito: “Ang pagdaan ng oras ay sadyang kay tulin; minsang ito’y lumipas di ma’aring ulitin.”1
Itinuro ni Elder Ian S. Ardern ng Pitumpu: “Ang oras ay hindi ipinagbibili; ang oras ay isang bagay na hindi mabibili, anuman ang gawin ninyo, sa kahit anong tindahan sa anumang halaga. Subalit kapag ginamit ang oras sa matalinong paraan, ang halaga nito ay walang-kapantay.”2
Dahil sinisikap ni Pele na sulitin ang oras na mayroon siya, pinaunlad siya ng Diyos at ang kanyang pamilya, at nakasumpong sila ng kaligayahan sa gitna ng mga hamon. Malakas ang kanyang patotoo, matagumpay ang negosyo, at maganda ang kinabukasan.
“Lubos kaming pinagpala,” sabi niya.