Mga Young Adult
Pagkatutong Ituring ang Seksuwalidad Bilang Isang Sagradong Kaloob
Bilang mga miyembro ng Simbahan, itinuturo sa atin na ang seksuwal na intimasiya sa loob ng kasal ay isang napakagandang bahagi ng plano ng ebanghelyo. Maaari itong maging isang sagrado, maganda, at masayang bahagi ng ating buhay na humahantong sa higit na pakikipagkaisa sa ating asawa at sa Diyos. Pero paano naman ang damdaming seksuwal bago ikasal? Ang ating likas na pagiging seksuwal ay hindi nagsisimula sa kasal—binigyan na tayo ng Diyos ng damdaming seksuwal na isang malusog at mahalagang aspeto ng pagiging tao. Subalit kung minsan sumasama ang ating pakiramdam, nahihiya tayo, o nakakaramdam ng kasalanan dahil sa ating mga maling pagkaunawa tungkol sa ating damdamin at likas na pagiging seksuwal.
Ang ilan sa atin ay hindi naturuan tungkol sa positibong mga aspeto ng seksuwalidad—masasamang bunga lamang ng paglabag sa batas ng kalinisang-puri [ang naituro]. O siguro ay wala man lang naituro talaga sa atin na anuman tungkol sa kadalisayang seksuwal. At dahil karamihan ng natututuhan natin tungkol sa seksuwalidad ay nagmumula sa media, ang mga hindi tumpak na mensahe, na hinaluan ng kawalan ng pagkaunawa tungkol sa pananaw ng Diyos sa seksuwalidad, ay makadaragdag sa di-matitinong relasyon, paggamit ng pornograpiya, at pag-abuso sa kalayaan ng iba, tulad ng seksuwal na pag-atake. Kaya paano tayo matututong ituring ang seksuwalidad bilang isang sagradong kaloob, isang mahalagang bahagi ng ating likas na pagkatao na bigay ng Diyos? At paano natin kokontrolin ang ating seksuwalidad ayon sa sukdulang layunin nito sa walang-hanggang plano ng Diyos?
Nasasaisip ang mga tanong na ito, nabuo namin ang bahaging ito sa buwang ito para tulungan kayong maragdagan ang inyong pagkaunawa sa pananaw ng Diyos tungkol sa angkop na seksuwalidad. Umaasa kami na sa positibong pananaw na ito, magiging mas determinado kayong sundin ang batas ng kalinisang-puri, makasusumpong kayo ng layunin at pag-asa sa inyong indibiduwal na mga sitwasyon, magiging handa kayong magkaroon ng matatag at kasiya-siyang pag-aasawa, at aanyayahan ninyo ang kapayapaan ng Tagapagligtas sa inyong buhay. Sa pamamagitan ng inyong mga pagsisikap na sundin ang mga utos ng Diyos tungkol sa seksuwalidad, ang inyong “pagtitiwala [ay] lalakas sa harapan ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 121:45).
Pagpalain nawa kayo,
Mga tauhan ng Liahona young adult section