2020
Isang Pangako ng Pagpapagaling at Pagbubuklod
Agosto 2020


Isang Pangako ng Pagpapagaling at Pagbubuklod

Sa pamamagitan ng katapatan sa ebanghelyo at paghahanap sa aking mga ninuno, pinagpala kaming mag-ina sa mga paraang hindi namin sukat-akalain.

family standing in front of temple

Paglalarawan ni Stephanie Hock

Mula nang mabinyagan ako, naging interesado na ako sa family history at gawain sa templo. Gustung-gusto ko ang ideya na mabuklod nang walang-hanggan sa aking pamilya, pero hindi ko inisip na mangyayari nga ito dahil marami sa mga miyembro ng aking pamilya, pati na ang aking ama, ang may problema sa adiksyon sa alak.

Lumaki ako sa gayong kapaligiran, pero ang mabuting payo ng aking mahal na ina ay nakatulong sa akin na huwag tahakin ang landas na iyon. Nabinyagan siya isang taon matapos akong mabinyagan.

Nang mag-18 anyos ako, nagpasiya akong magmisyon at tumanggap ako ng tawag na maglingkod sa Arizona, USA. Isa ito sa pinakamagagandang karanasan ko sa buhay. Nang makauwi ako, natuklasan ko na hindi na talaga mapigilan ang adiksyon ng aking ama sa alak. Naaalala ko na nagduda ako kung nagkaroon ba ng halaga ang aking paglilingkod kung ganito na kalala ang sitwasyon sa bahay namin.

Noong pangkalahatang kumperensya ng Abril 2018, narinig kong sinabi ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “[Habang] … [n]atutuklasan, [n]atitipon, at [n]aipagdudugtung-dugtong ninyo ang inyong pamilya … [m]akahahanap kayo ng pagpapagaling para sa nangangailangan ng pagpapagaling.”1

Patuloy na nanalangin, nagbasa ng mga banal na kasulatan, at naghangad ng inspirasyon ang aking ina para matulungan ang aking ama. Sa huli, nakumbinsi niya itong humingi ng tulong. Pumasok siya sa isang treatment home para sa loob ng siyam na buwan. Minsan sa isang buwan lang namin siya maaaring dalawin. Hindi ito madali, lalo na sa simula, pero sa paglipas ng bawat buwan kaming mag-ina ay patuloy na naging tapat sa ebanghelyo at naghanap sa aming mga ninuno. Sa paggawa nito, labis kaming pinagpala sa mga paraang hindi namin sukat-akalain.

Pagkatapos magamot ang aking ama, umuwi siya at hindi na uminom ng alak simula noon. Nagpaturo siya sa mga missionary pero hindi pa siya handang tanggapin ang ebanghelyo. Iminungkahi ng aking ina na pumunta kami sa bakuran ng templo at damhin ang Espiritu roon.

Hindi nagtagal pagkaraan niyon, nadama ng mga missionary na dapat silang dumaan sa bahay namin at bisitahin ang aking ama. Ibinahagi niya sa kanila ang hangarin niyang magpabinyag. Nang gabing iyon, ipinahayag sa akin ng aking ama’t ina ang magandang balita.

Tinupad na ng Panginoon ang Kanyang pangako. Ang nangailangan ng pagpapagaling ay napagaling. Napagaling ang aking ama mula sa kanyang adiksyon, at napagaling ang pagdududa ko ng napanibagong pananampalataya. Naghahanda nang mabuklod ngayon ang aming pamilya.

Tala

  1. Dale G. Renlund, “Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling,” Liahona, Mayo 2018, 49.