Mga Piling Atleta at ang Ebanghelyo
Nagkuwento ang apat na piling atleta na mga miyembro ng Simbahan kung paano nakatulong sa kanila ang ebanghelyo hindi lamang sa kanilang isport kundi maging sa kanilang buhay.
Casey Patterson: Beach Volleyball
Hindi ko na nalimutan kailanman ang linyang ito mula sa isang mensahe sa kumperensya: “Ang kasipagan … ay kinapapalooban ng pagpupursiging makamit ito ‘nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas’ (Doktrina at mga Tipan 4:2). Iyan lamang ang kaibhan sa pagitan ng karaniwan at ng magaling” (F. David Stanley, “The Principle of Work,” pangkalahatang kumperensya ng Abril 1993).
Sa aking isport nagtutuon ako sa pagiging matibay at pagiging positibo. Madaling tumingin sa batang mas mataas tumalon o mas mahusay kaysa sa iyo, ngunit ang pagpigil sa iyong pag-uugali ang talagang mahalaga. Kasipagan ang pangunahing kumokontrol sa iyong tadhana. Mahalagang ikumpara ang sarili mo sa iyong sarili—hindi sa iba.
Tungkol kay Casey:
-
Halos 25 taon nang naglalaro ng volleyball.
-
May tatlong nakababatang kapatid na babae.
-
Kumakatawan sa USA.
-
Kawili-wiling impormasyon: Ayaw siyang payagan ng kanyang ina na pagupitan ng estilong mohawk ang kanyang buhok hangga’t hindi siya nakakapagmisyon at nakakapag-asawa.
Jason Smyth: Track and Field
Nasuri akong may sakit sa mata noong walong taong gulang ako, at sa paglipas ng mga taon wala pang 10 porsiyento ang nakikita ko. Ngunit nagkaroon ako ng maraming pagpapala sa pamamagitan ng isport sa pagtakbo at pakikipaglaban sa Paralympics. Ilang taon pa lang ang nakararaan, inoperahan ako dahil sa isang pinsala, at hindi ko tiyak kung magagawa ko pang makipaglabang muli. Ngunit niloob ng Ama sa Langit na gumaling ako nang husto at patuloy na makipaglaban.
Alam ko na mahal ako ng Ama sa Langit at hangad Niya ang pinakamabuti para sa akin, at nagbibigay iyan sa akin ng kapanatagan at katiyakan na ang nangyayari ang pinakamabuti para sa akin.
Tungkol kay Jason:
-
15 taon nang tumatakbo.
-
May isang kapatid na lalaki at tatlong kapatid na babae.
-
Kumakatawan sa Ireland.
-
Kawili-wiling impormasyon: Ang pagsali sa isports ng mga piling atleta ay nagbibigay sa kanya ng kakaibang pagkakataong maibahagi ang ebanghelyo.
Mary Lake: Volleyball
Habang lumalaki ako, nahihirapan ang maraming babae sa pagtatangka ng kaaway na alisin ang pagpapahalaga nila sa kanilang sarili. Binibigyang-diin ng mundo ang ating hitsura, at kung isa kang atleta, maraming nanonood sa iyo. Labis akong nabalisa sa paglalaro ng volleyball sa Brigham Young University. Maraming matang nakatutok sa akin, at hindi ako napanatag. Ipinagdasal kong malampasan ang mga pagdududang kaakibat ng kawalan ng kapanatagang iyon. Hindi naging agaran ang sagot, ngunit alam ko na ang mga dalanging iyon sa Ama sa Langit sa sandaling iyon ang tumulong sa akin na malampasan ang mga iyon.
Ipinaalala sa akin ng Espiritu na ibang tao na ako ngayon kaysa noong apat na taon na ang nakararaan. Sa paglingon sa nakaraan, nakikita ko ang mga pagkakataon na sa tulong ng Ama sa Langit ay nagkaroon ako ng mga karanasan at impresyon na mas mahalaga ako kaysa inakala ko.
Hindi lang ako atleta. Sabi ng nanay ko maaari kong itigil ang lahat ng bagay na ibinabansag sa akin ng ibang tao, ngunit maaari pa rin akong maging isang napakabuting tao at anak. Makatao ang pagtrato sa akin ng pamilya ko at mahal nila ako sa mga bagay na hindi ukol sa athletics. Lalo akong nasiyahan sa isport ko dahil ang pagpapahalaga ko sa sarili ay hindi talaga konektado sa galing kong maglaro. Ilang taon lang ng buhay ko ang volleyball, ngunit ang aking pagkatao ay walang-hanggan.
Madalas akong lapitan ng mas batang mga babae at kinakausap ako tungkol sa volleyball. Nagkakaroon ako ng ideya sa kanilang pagkatao at sa nadarama ng Ama sa Langit tungkol sa kanila. Gusto ko lang ipaunawa sa kanila na hindi sila kailangang maging atleta sa kolehiyo o gumawa ng anumang di-pangkaraniwan para magkaroon ng malaking halaga at mahalin. Ang pangunahing mensahe ko sa kanila ay magtanong sa Ama sa Langit tungkol sa kanilang kahalagahan at matanto na hindi ito konektado sa anumang ginagawa nila.
Tungkol kay Mary:
-
Naglalaro na ng volleyball simula sa edad na 7.
-
Bunso sa anim na magkakapatid—tatlong kapatid na babae at dalawang kapatid na lalaki.
-
Kumakatawan sa USA.
-
Kawili-wiling impormasyon: Mahilig sa mga numero at nag-aral ng accounting sa Brigham Young University.
Jackson Payne: Gymnastics
Nagkaroon ako ng pagkakataong maging kwalipikado sa London Olympics noong 2012, ngunit sa pinakamahalagang kumpetisyon, nalaglag ako mula sa aparato. Nawala ang pagkakataon ko sa Olympics. Nasa kabilang panig ako ng mundo, at gumuho ang mga pangarap ko.
Di-nagtagal matapos ang kabiguang iyon, nagpasiya akong magmisyon. Hindi sana ako nakapagmisyon kung nakasali ako sa Olympics, ngunit ang misyon ko ay binuo ng sunud-sunod na himala. Malaki ang pasasalamat ko sa pagkakataong iyon.
Natulungan ako ng ebanghelyo na gumawa ng mga tamang desisyon, lalo na sa mga pagkakataon na mahirap sundin ang aking mga pamantayan. Hinuhubog nito ang aking pagkatao at lahat ng pinahahalagahan ko.
Tungkol kay Jackson:
-
Mga 22 taon na sa gymnastics.
-
Ikalima sa anim na magkakapatid—tatlong kuya, isang ate, at isang nakababatang kapatid na babae.
-
Kumakatawan sa Canada.
-
Kawili-wiling impormasyon: Nakamayan si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) nang ilaan ang Edmonton Alberta Temple.