2020
Paano, Kailan, at Bakit: Pakikipag-usap sa Inyong mga Anak tungkol sa Seksuwalidad
Agosto 2020


Paano, Kailan, at Bakit: Pakikipag-usap sa Inyong mga Anak tungkol sa Seksuwalidad

Para matulungan ang ating mga anak na maghanda para sa at masiyahan sa kariktan at kagandahan ng seksuwalidad sa loob ng kasal, kailangan natin silang gabayan sa pagsisikap nilang kontrolin ang damdaming bigay sa kanila ng Diyos.

father and daughter talking

Retrato mula sa Getty Images, ginamitan ng mga modelo

Kung tatanungin ninyo ang mga kabataan, “Ano ang batas ng kalinisang-puri?” baka tumitig lang sila sa inyo, o maasiwa at pagkatapos ay mabilis na sabihing, “Ang ibig sabihin po niyan ay hindi pagkakaroon ng seksuwal na relasyon bago ikasal.” Batay sa aming karanasan, maraming kabataan ang nananatiling malinis bago ang kasal ngunit mali talaga ang pagkaunawa sa buong kahulugan at layunin ng batas ng kalinisang-puri o ng seksuwalidad—mga maling pagkaunawa na madalas, nakalulungkot, ay nagbubunga ng mga problema sa pagsasama ng mag-asawa sa hinaharap. Ang dapat na mithiin natin bilang mga magulang at lider ay tulungan ang ating mga anak na maging kapwa dalisay at handa ukol sa sex.

Isipin ang Lahat ng Aspeto ng Batas

Ang pisikal na mga aspeto ng batas ng kalinisang-puri (halimbawa: huwag makipagtalik bago ikasal at lubos na katapatan pagkatapos ng kasal) ay kailangan at mahalaga. Gayunman, ang hindi pakikipagtalik kung minsan ay tinatalakay nang mas madalas kaysa sa emosyonal at espirituwal na mga aspeto ng kagalakan at kagandahan ng seksuwal na intimasiya sa pagitan ng mag-asawa, gayundin ang kapayapaang nagmumula sa pamumuhay nang banal at dalisay bago at pagkatapos ng kasal.

Bukod pa sa pagkakaroon ng mga anak, ang seksuwal na intimasiya sa pagitan ng mag-asawa ay may isa pang mahalagang layunin. Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang intimasiya [mga seksuwal na relasyon] … ay hindi pag-uusisa lamang na dapat hanapan ng kasagutan, hangaring dapat bigyang-kasiyahan, o uri ng [paglilibang o] libangan na gagawin lang para sa sarili. Hindi ito [paglupig] na dapat mapagtagumpayan o kilos na dapat isagawa. Sa halip, isa ito sa mga pangunahing pagpapahayag sa mortalidad ng ating banal na katangian at potensiyal at paraan ng pagpapatibay ng emosyonal at espirituwal na ugnayan ng mag-asawa.”1

Para matulungan ang ating mga anak na maghandang tamasahin ang seksuwal na intimasiya sa kagandahan at pagiging kamangha-mangha nito sa loob ng kasal, kailangan nating ipaunawa sa kanila ang kanilang seksuwal na pag-unlad at gabayan sila habang sinisikap nilang kontrolin ang damdamin at emosyong bigay sa kanila ng Diyos.

Kung nag-aalala kayo na hindi pa ninyo nakakausap ang inyong mga anak tungkol sa seksuwalidad nang maaga o sa mga tamang paraan, hindi kayo nag-iisa. May ilang kadahilanan kung bakit maaaring malaking hamon ang mga pag-uusap na ito. Gayunman, hindi pa huli ang lahat para simulan ang pagtuturo. Nasa ibaba ang tatlong tip para tulungan kayong makapagsimula:

parents with toddler

1. Paano Makikipag-usap tungkol sa Seksuwalidad

Ang isang mahalagang elemento ng matitinong pag-uusap ng magulang at anak tungkol sa seksuwalidad ay ang maging bukas tungkol dito. Ayon sa pagsasaliksik, nakukuha ng mga tinedyer ang karamihan ng kanilang impormasyon tungkol sa seksuwalidad mula sa media o mga kaibigan ngunit nais nilang makakuha ng impormasyon mula sa kanilang mga magulang.

Sabi ni Pangulong M. Russell Ballard, Tumatayong Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Habang lumalaki ang ating mga anak, kailangan nila ang impormasyong itinuturo ng mga magulang nang mas tuwiran at malinaw kung ano ang angkop at di-angkop. Ang mga magulang ay kailangang … kausapin ang [kanilang mga anak] sa simpleng paraan tungkol sa sex at sa turo ng ebanghelyo tungkol sa kalinisang-puri. Hayaang magmula ang impormasyong ito sa mga magulang sa tahanan sa isang angkop na paraan.”2

Para magkaroon ng bukas na komunikasyon, maaari kayong:

  • Magsimula habang bata pa ang inyong mga anak sa pamamagitan ng pagtawag sa mga bahagi ng katawan gamit ang tamang tawag sa mga ito. Itinuturo nito sa mga bata ang tungkol sa kanilang kamangha-manghang katawan at ibinibigay sa kanila ang pananalitang kailangan nila upang maging malusog at maalam.

  • Ipaalam sa inyong mga anak na maaari nila kayong tanungin ng kahit ano, at sikaping huwag magpakita ng labis na reaksyon o magpadama na nakakahiya ang kanilang mga tanong o pagtatapat. Matuwa na kinakausap nila kayo, pakitaan sila ng pagmamahal at suporta, at gawin ang lahat para manatiling bukas ang linya ng komunikasyon.

  • Iwasang gumamit ng mga talinghaga para sa seksuwalidad. Kailangang ilahad sa mga bata ang impormasyon sa malinaw at tapat na paraan. Halimbawa, ikinukuwento ng ilang kabataan ang mga lesson na ang paglabag sa batas ng kalinisang-puri ay ikinukumpara sa chewing gum o pagkain na ipinapasa-pasa sa mga tao sa paligid ng silid at sa gayon ay hindi na ito masarap. Bagama’t mabuti ang intensyon, ang mga ganitong uri ng talinghaga ay naghahatid ng takot sa seksuwalidad o ng mababa o di-maibabalik na pagpapahalaga sa sarili, na nagpapahina sa pag-asa at kapayapaang nagmumula sa tunay na pagsisisi.

family at dinner table

2. Kailan Magsasalita tungkol sa Seksuwalidad

Karamihan sa mga magulang ay minsan lang kinakausap ang kanilang mga anak tungkol sa seksuwalidad. Ngunit dahil sa mga maling mensaheng nakukuha ng mga kabataan mula sa mundo ngayon—kung minsan sa araw-araw—kailangan ng mga anak ng higit pa sa isang pagkausap mula sa kanilang mga magulang.3 Nakikinabang nang husto ang mga anak sa isang aktibong paraan kung saan inaasahan ng mga magulang ang mga hirap na kakaharapin ng mga bata tungkol sa seksuwalidad at sinasandatahan sila ng mga estratehiyang makakatulong.

Sa pagsasalita tungkol sa posibleng pagkalantad sa pornograpiya, sinabi ni Sister Joy D. Jones, Primary General President: “Ang maagap na pag-uusap tungkol dito ay mas makabubuti, at nagiging mas handa ang mga anak na pag-usapan ito kapag alam nila na minamahal sila at walang mababago sa pagmamahal na iyon anuman ang sinabi o nagawa nila. …

“Mga magulang, kinakailangang simulan natin ang pag-uusap at huwag nang hintayin na ang mga anak pa natin ang lumapit sa atin. … Nais natin na maging handa at matatag ang ating mga anak, hindi natatakot. Gusto natin ang pag-uusap kung saan nagtatalakayan ang mga magulang at mga anak at hindi lang mga magulang ang nagsasalita.”4

Para mas may layon, maaaring:

  • Magkaroon kayo ng mga home evening lesson tungkol sa mga paksang may kinalaman sa seksuwalidad at hayaan ang mga anak ninyo ang magturo kapag handa na sila. Maaaring isama sa mga paksa ang pagbibinata/pagdadalaga, imahe ng katawan, mga positibong aspeto ng seksuwalidad, mga panganib ng paggamit ng pornograpiya, na normal ang magkaroon ng damdaming seksuwal, at marami pang iba.

  • Tulungan ninyo ang inyong mga anak na makabuo ng partikular na mga estratehiya para malabanan ang tukso. Halimbawa, kung may problema ang inyong anak sa mahahalay na ideya o pag-uugali, magpalitan kayo ng mga ideya kung ano ang gagawin kapag pumapasok ang mga ideyang ito sa kanilang isipan. Halimbawa, kumanta ng himno, mag-isip ng isang talata sa banal na kasulatan, manalangin, mag-ehersisyo, o magsuot ng pulseras na nagpapaalala sa kanila na piliin ang tama.

  • Turuan ninyo ang mga bata kung paano umiwas sa mga taong seksuwal na mapagsamantala at manatiling ligtas. Paalala: sikaping iwasang magturo tungkol sa kaligtasan (na madalas maghatid ng takot) na kasabay ng pagtuturo tungkol sa seksuwal na intimasiya sa loob ng kasal; maaaring magkaroon ng takot sa lahat ng aspeto ng seksuwalidad.

mother and daughter

3. Pag-usapan Kung Bakit May mga Pamantayan ng Seksuwalidad

Kadalasan ay gustong malaman ng mga bata kung bakit inaasahan silang gawin ang mga bagay-bagay. Bakit ba nila dapat sundin ang batas ng kalinisang-puri samantalang hindi naman sumusunod ang ilang tao sa paligid nila? Kapag naunawaan nila ang mga dahilan sa likod ng mga inaasahan sa kanila, mas malamang na gawin nilang bahagi ng buhay nila ang pagbabahagi ng ebanghelyo at mga pinahahalagahan ng pamilya. Natutuklasan ng mga kabataang nakakaalam kung bakit sila nangangakong sundin ang batas ng kalinisang-puri na ang pangakong ito ay “hindi nagiging pabigat … at, sa halip, ito ay nagiging galak at kasiyahan.”5

Kung gusto nating sundin ng ating mga anak ang batas ng Diyos ukol sa kalinisang-puri, kailangan natin silang bigyan ng mga dahilan kung bakit mahalagang sundin ang batas na ito. Kailangang ituro sa kanila na “ang seksuwalidad ay isang makapangyarihang kaloob mula sa Ama sa Langit at na dapat itong gamitin sa loob ng hangganan na Kanyang itinakda.”6 Ang pag-unawa kung paano lumalago ang “makapangyarihang kaloob” na ito ay tutulong sa mga kabataan na gumawa ng mga pasiya na naaayon sa kanilang hangaring sundin ang batas ng Diyos ukol sa kalinisang-puri.

Habang tinatalakay ninyo ang seksuwal na pag-unlad sa inyong anak, isipin ang mga turong ito:

  • Ang seksuwalidad ay isang likas na bahagi ng bawat anak ng Diyos. Tayo ay nilikha “ayon sa larawan ng Diyos” (Genesis 1:27), na nangangahulugan na ang ating katawan, pati na ang ating sexual organs, ay nilikha ng Diyos.

  • Ang pagkakaroon ng damdaming seksuwal at seksuwal na pagkapukaw ay normal. Hindi kailangan na kumilos ang mga bata ayon sa mga damdamin at pakiramdam na iyon kundi sa halip ay dapat nilang malaman ang mga ito. Ibig sabihin ay napapansin nila ang mga damdaming seksuwal ngunit hindi sila negatibo tungkol dito. Naipakita sa pananaliksik na ang pagkakaroon ng kaalaman ay makatutulong sa atin na gumawa ng mas mabubuting pasiya ayon sa ating mga pinahahalagahan at mithiin, tulad ng pagsunod sa batas ng kalinisang-puri.

  • Masturbation o pagsasalsal kadalasan ang unang karanasan ng isang bata sa seksuwalidad at ginagawa nang hindi nila alam. Kahit maliliit na bata ay mahilig hipuin ang kanilang sarili, at ang pagtugon ng mga magulang sa mga unang pag-uugaling ito ang maghahanda sa mga kabataan na makaramdam tungkol sa kanilang sarili at sa kanilang seksuwalidad. Mahalagang makahanap ng balanse ang mga magulang sa pagitan ng pagtulong sa mga bata na maunawaan kung bakit iniutos ng Diyos na ang seksuwal na pag-uugali ay nagaganap sa pagitan ng isang mag-asawa, habang hindi nayayamot o nagagalit kapag hinihipo ng mga bata ang kanilang sariling katawan o inaamin ng mga kabataan na nagsasalsal sila.

  • Kung nauunawaan ng mga bata kung bakit may mga pamantayang nauugnay sa mga relasyon at seksuwalidad (kabilang na ang pakikipagdeyt, kahinhinan, kalinisang-puri, atbp.), mas malamang na makita nila ang karunungan sa mga batas ng Diyos at mahikayat silang sundin ang mga ito. Habang itinuturo ninyo ang mga pamantayang ito, tandaan na mahalagang gawin ito nang hindi ipinakikita na nakakahiya o nakakatakot ito.

father and son with basketball

Retrato mula sa Getty Images

Bigyang-diin ang Kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Tulad noong nagsisimula pa lamang matutong maglakad ang ating maliliit na anak, maaaring madapa ang mga kabataan habang natututo silang unawain at pigilan ang kanilang sariling seksuwalidad. Mahalagang tandaan na itaguyod natin ang pag-unlad sa halip na ang pagkabagabag ng konsensiya at turuan ang mga bata na maaari silang pagkalooban ni Jesucristo ng biyaya at kapangyarihan at awa upang palakasin at tulungan silang manatiling dalisay ang puri at balang-araw ay matamasa ang mga pagpapala ng seksuwal na intimasiya sa pagitan ng mag-asawa.

Ang pagiging magulang ay hindi madali. At ang ating mga pagsisikap sa pagtuturo sa ating mga anak ay maaaring hindi palaging perpekto, ngunit magagawa natin ang lahat ng ating makakaya para turuan ang ating mga anak tungkol sa magandang kaloob na seksuwal na intimasiya sa pagitan ng mag-asawa. Kung sa pakiramdam natin ay nagkukulang tayo, magiging mas mahusay tayo sa tulong ng Panginoon. Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Dahil sa kaloob na Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa lakas ng langit na tutulong sa atin, tayo ay maaaring umunlad, at ang kahanga-hanga sa ebanghelyo ay napagpapala tayo sa ating mga pagsisikap, kahit hindi tayo laging nagtatagumpay.”7

Mga Tala

  1. David A. Bednar, “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 42.

  2. M. Russell Ballard, “Like a Flame Unquenchable,” Ensign, Mayo 1999, 86.

  3. Tingnan sa Dalmacio Flores at Julie Barroso, “21st Century Parent–Child Sex Communication in the United States: A Process Review,” Journal of Sex Research, vol. 54, no. 4–5 (2017), 532–48.

  4. Joy D. Jones, “Pagharap sa Problema ng Pornograpiya: Pagprotekta, Pagtugon, at Paggaling,” Liahona, Okt. 2019, 39, 40.

  5. Dieter F. Uchtdorf, “Huwag Mo Akong Kalimutan,” Liahona, Nob. 2011, 122.

  6. “Sexual Intimacy Is Sacred and Beautiful” (lesson sa family home evening), ChurchofJesusChrist.org/addressing-pornography/resources.

  7. Jeffrey R. Holland, “Bukas ay Gagawa ng mga Kababalaghan ang Panginoon sa Inyo,” Liahona, Mayo 2016, 125–26.