2020
Ministering sa Pamamagitan ng mga Chicken Pot Pie
Agosto 2020


Ministering sa Pamamagitan ng mga Chicken Pot Pie

Ipinadama sa akin ng mga kaibigan ko ang pagmamahal ng aking Ama sa Langit noong kailangang-kailangan kong madama ito.

chicken pot pie

Paglalarawan ni Allen Garns

Nang mamatay ang nanay ko nang di-inaasahan sa edad na 61, talagang nagulat ako. Siya ang pinagkukunan ko ng pagmamahal, kahinahunan, suporta, lakas, at katuwaan. Pakiramdam ko ninakaw sa akin ang nanay ko at ninakaw sa tatlong anak ko ang lola nila. Nagalit pa ako sa Ama sa Langit. Paano Niya nagawa iyon sa amin?

Ilang araw ding nagigising ako sa hatinggabi at hindi na ako makatulog ulit. Isang umaga, nagising ako nang alas-3 ng madaling-araw. Umaasang malilimutan ko na wala na sa buhay ko ang nanay ko, tumingin ako sa aking cell phone at may nakita akong cooking video sa newsfeed ko. Ito ay perpektong halimbawa ng pagkaing nakakaginhawa: chicken pot pie. Naisip ko kung gaano kasarap kumain ng chicken pot pie, pero parang ayaw kong maghanda ng anumang pagkain para sa pamilya ko maliban sa magbuhos ng gatas sa isang mangkok ng cereal. Sa ngayon, kailangan kong magtiis na walang anumang pagkaing nakakaginhawa, o iyon ang akala ko.

Kada ikalawang araw, dinadalhan ako noon ng dalawang kaibigan ko ng mga chicken pot pie. Hindi ko napigilang umiyak. Labis akong naantig ng kanilang kabaitan. Alam kong hindi ito nagkataon lang. Muli nitong pinagtibay sa akin na inaalagaan ako ng Diyos, na mahal Niya ako, at iniintindi Niya ang tila walang-kabuluhang pagnanais ko sa chicken pot pie kahit nagalit ako sa Kanya. Kinailangan ko nang husto ang paalalang ito.

Nagpapasalamat ako sa mga kaibigan kong iyon na nagdala sa akin ng mga chicken pot pie. Naglingkod sila sa akin sa mga paraang maaaring hindi nila naisip. Ipinadama nila sa akin ang pagmamahal ng aking Ama sa Langit noong kailangang-kailangan kong madama ito.

Itinuro sa akin ng karanasang ito ang kahalagahan ng pagkilala at pagsunod sa mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo. Maaaring ang mga ito mismo ang sagot sa panalangin ng isang taong nahihirapan.

Hindi natin dapat hayaang humadlang ang ating mga kawalan ng kapanatagan o pagdududa sa paglilingkod sa iba. Nawa’y palagi nating sikaping maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon at ibahagi ang Kanyang pagmamahal sa iba.