Digital Lamang
Dapat Akong Maghanda para sa Sakramento?
Ang pag-uukol ng panahon para matanto ang mahahalagang pagpapala ng sakramento bawat linggo ay makapagbibigay sa iyo ng espirituwal na lakas at magagandang karanasan.
Naaalala ko ang una kong karanasan sa sakramento. Kaiimbita lang sa akin ng mga missionary na magsimba sa unang pagkakataon. Sa kasamaang-palad, wala akong alam kung paano ginagawa ang sakramento o ano ang isinasagisag nito, kaya kinailangang ipaliwanag ng mga batang babaeng katabi ko sa upuan ang buong proseso habang nangyayari ito.
Sa paggunita sa karanasang ito, napagtanto ko na nakatulong sana sa akin kung nasubukan ko munang makaalam pa nang kaunti sa sarili ko tungkol sa sakramento, pero mapalad ako na ang mga batang babaeng nakatabi ko sa unang araw na iyon ay handang-handang ipaliwanag sa akin ang lahat sa sandaling iyon. Mula noon, marami nang nagbago sa buhay ko—kabilang na ang aking kaalaman sa ebanghelyo at ang kahulugan ng sakramento.
Nagkaroon na rin ng maraming pagbabago sa nagdaang mga pangkalahatang kumperensya. Nang wakasan ni Pangulong Russell M. Nelson ang pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2019, inihayag niya ang ilang pagbabago sa mga tanong sa isang temple recommend interview, at nang ulitin niya ang ika-8 tanong, “Sinisikap mo ba na panatilihing banal ang araw ng Sabbath, kapwa sa tahanan at sa simbahan; dumadalo ka ba sa inyong mga pulong; naghahanda ka bang tumanggap at marapat na tumatanggap ng sakramento; at namumuhay ayon sa mga batas at kautusan ng ebanghelyo?” (idinagdag ang pagbibigay-diin).
Natigilan ako sa salitang maghanda.
Natanto ko na ang sakramento ay hindi isang bagay na pinaghahandaan mo ilang sandali lamang bago ipasa ang tinapay at tubig. Makapaghahanda ka para sa sakramento sa buong linggo upang madama mo nang husto ang Espiritu at makaramdam ka ng pagpapanibago tuwing Linggo.
Mula noon, nagsimula na akong maghanda sa buong linggo na tumanggap ng sakramento sa pamamagitan ng:
-
Pag-aaral ng aking mga banal na kasulatan gamit ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin at pag-iisip ng mga ideyang maibabahagi ko sa iba at sa susunod na miting ng Sunday School.
-
Pag-iimpake ng kailangan ko sa pagsisimba sa Sabado ng gabi para sa mga miting sa umaga (ang mga kagalakan ng trabahong panggabi!). Tinitiyak kong maimpake ang aking mga banal na kasulatan at ang isang notebook para makapagtala ako sa oras ng sacrament meeting, at ipinagdarasal ko na mahanap ko ang mga sagot sa simbahan kung paano pa ako magpapakabuti sa susunod na buong linggo.
-
Ang pakikinig sa espirituwal na musika sa Linggo ng umaga bago ako dumalo sa sacrament meeting ay nagpaparamdam din sa akin sa Espiritu at itinatama ang takbo ng aking isipan.
-
Pagbabasa ng mga himnong kakantahin namin sa sacrament meeting at paghahanap sa mga talata sa banal na kasulatan na tinutukoy ng mga ito. Tinutulungan ako nito na lubos na matanto ang mensahe at kahulugan sa likod ng mga himno at tinutulungan akong pagnilayan ang mga bagay na ito sa buong oras ng miting.
-
Panghuli, pag-iisip tungkol sa dahilan ng sakramento bago ito ipasa. Ipinaaalala ko sa sarili ko na kailangan kong laging alalahanin sa buong linggo ang “dahilan” ng sakramento at ang kahalagahan nito—ang Tagapagligtas.
Ang layunin ng sakramento ay ang alalahanin si Jesucristo at ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo para sa atin (tingnan sa Mateo 26:26–28). Ang sakramento ay nag-aanyaya rin sa atin na panibaguhin ang ating tipan sa binyag at palalimin ang ating pangako na maging higit na katulad Niya, alalahanin Siya, at maging mas mabubuting disipulo. Tinutulutan din tayo nito na simulan ang susunod na linggo na espirituwal na napanariwa.
Mas marami na akong natutuhan tungkol sa sakramento simula noong unang araw na iyon sa simbahan. At ngayon ay labis akong nagagalak bawat linggo habang papasok ako sa sacrament meeting, batid na muli kong aalalahanin ang sakripisyo ng aking Tagapagligtas para sa akin at magiging mas masigasig ako sa pagtupad sa aking mga tipan. Ang paghahanda ay gumagawa ng positibong kaibhan sa Espiritung nadarama mo sa buong oras ng miting. Bago dumating ang sakramento sa buhay ko, madalas akong makaramdam ng kahungkagan—parang may kulang. Hindi ko alam na ang kulang pala sa buhay ko ay isang ordenansang napakasimple, ngunit napakamakapangyarihan din. Isang ordenansa na tumutulong sa akin na palalimin ang aking pagmamahal sa Tagapagligtas at pasalamatan ang lahat ng ginagawa Niya para sa akin.