2020
Tumayo sa Tabi Ko ng Panginoon
Agosto 2020


Sinuportahan Ako ng Panginoon

Hindi ko inasahan na tatagal nang isang buong taon ang destino ng asawa ko sa militar, pero tinulungan kami ng karanasang ito na lumago sa espirituwal bilang isang pamilya.

woman reaching out to man boarding airplane

Paglalarawan ni Colby A. Sanford

Mga tatlong buwan na kami ng aking pamilya sa Texas, USA, nang tawagan ako ng aking ina isang araw mula sa kanyang tahanan sa England.

“Ewan ko po, Inay,” sabi ko sa kanya, “pero pakiramdam ko may mangyayari ngayon, at hindi ko alam kung magugustuhan ko ‘yon.”

Nang umuwi ang asawa kong si Matthias noong gabing iyon, sabi niya, “May sasabihin ako sa iyo.” Nalaman ko agad na kailangan niyang umalis, pero hindi ko inasahan na tatagal nang isang buong taon ang kanyang destino sa militar. May dalawang linggo kami para paghandaan ang kanyang pag-alis. Marami akong iniluha noong panahong iyon.

Mahirap na taon iyon. Natakot at nag-alala ako na malayo sa akin ang asawa ko o ang pamilya ko sa England, pero napakagandang karanasan din iyon para sa akin bilang isang ina na kapapanganak pa lang at para matuto kaming patuloy na espirituwal na lumago bilang pamilya.

Nakaugalian na namin ang araw-araw na panalangin ng pamilya at pag-aaral ng banal na kasulatan. Kaya kapag may mga pagkakataon kami ni Matthias na magkausap, karaniwa’y sa Skype, magkasama kaming nagdarasal at nagbabasa ng mga banal na kasulatan.

Habang binabasa ko ang mga banal na kasulatan nang mag-isa at kasama ang aking asawa, isang talata ang paulit-ulit na pumasok sa aking isipan: “Kaya nga, magalak, at huwag matakot, sapagkat ako ang Panginoon ay kasama ninyo, at tatayo sa tabi ninyo” (Doktrina at mga Tipan 68:6). Pagkatapos ay natanto ko na palagi kong nagagawang umasa sa Ama sa Langit.

Sa tungkulin ko bilang ward choir director ay nanatiling nakatuon ang aking isipan sa mga titik ng mga himno at sa mga banal na kasulatan at sa mga pangakong alok ng mga ito. Ang pagkanta at pakikinig sa mga himno ay nagbigay sa akin ng kapayapaan.

Nang magkapulmonya ang baby naming si Noah, binigyan siya ng mga mayhawak ng priesthood ng basbas ng kalusugan at binigyan ako ng basbas ng kalakasan at kapanatagan. May magagaling akong ministering sister na tumulong din sa akin. Nakipagkita rin ako sa iba pang mga asawa na ang mga mister ay nakadestino sa ibang lugar. Mas nakatulong sila sa akin kaysa nakatulong ako sa kanila. Tumulong pa ang kapitbahay namin sa pagtatabas ng damo.

Nagpapasalamat ako sa maliliit at mga simpleng bagay na nagpala sa aming pamilya. Tila lagi kaming pinagpapala ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng isang tao na tumutulong sa amin kapag kailangang-kailangan namin ng tulong.