Isang Pangitain ang Umakay sa Akin sa Katotohanan
Naisip ko lang ba ang estatuwa?
Ilang taon na ang nakalipas, nakikipagkita ako sa mga missionary, at nagkakaproblema ako sa aking kalusugan. Miserable ako, at ang tanging gusto ko ay makadama ng kaunting patnubay sa buhay ko.
Wala akong tiwala sa sarili ko o hindi ako sabik sa anumang bagay, lalo na sa simbahang ito na laging binabanggit ng mga missionary. Gayunpaman, nayayamot na nagpasiya akong dumalo sa sacrament meeting sa unang pagkakataon.
Sumama sa akin ang nanay ko, at pagdating namin sa gusali ng simbahan, natuwa ako nang makita ko ang kumikinang na ginintuang estatuwa sa bubong. Iyon ang pinakamagandang tanawing nakita ko! Mukhang napakapayapa at kaakit-akit ng gusaling ito kaya nagbago ang buong saloobin ko, at sabik akong pumasok sa loob.
Sa oras ng sakramento, pumikit ako, at isang larawan ni Jesus ang lumitaw sa aking isipan. Habang lumalaki ako, alam ko na noon pa man ang tungkol kay Jesus, pero hindi ako naging interesado sa Kanya hanggang nitong huli. Hindi ko pa nabasa ang Biblia kailanman. At talagang hindi ko alam kung bakit namatay sa krus si Jesucristo o bakit mayroon Siyang labindalawang Apostol o bakit napakaraming propetang nagturo tungkol sa Kanya.
Pero sa sandaling iyon, pakiramdam ko ay nakaugnay ako sa Kanya. Sa wakas ay parang totoo Siya para sa akin. Nakadama ako ng nag-uumapaw na pagmamahal at hangaring alamin pa ang iba. Naniwala ako na Siya ang pinagmumulan ng katotohanan at pagmamahal na hinahanap ko.
Makalipas ang ilang araw, tinanong ko ang nanay ko tungkol sa estatuwang napansin ko. Mukhang medyo naguluhan siya at sinabi niya na wala siyang napansing estatuwa, pero gusto niyang dumaang muli sa gusali para makita iyon matapos kong ilarawan kung gaano iyon kaganda.
Pero nang makarating kami sa gusali ng simbahan, wala na ang estatuwang nakita ko ilang araw pa lamang ang nakalilipas. Hindi ako makapaniwala! May nag-alis kaya roon?
Sa simbahan nang sumunod na linggo, tinanong ko ang isang tao tungkol sa estatuwa. Nagtaka siya at sinabi na hindi naman nagkaroon ng estatuwa ang gusali kahit kailan. Pero nang ilarawan ko ang hitsura ng estatuwa, sabi niya, “Ah! Ang tinutukoy mo ba ay ang estatuwa ni Moroni? Walang ganoon sa mga gusali ng simbahan, pero halos lahat ng templo ay may estatuwa niya.” Sinabi niya sa akin na si Moroni ay isang propeta sa Aklat ni Mormon at may papel ding ginampanan sa Pagpapanumbalik.
Naisip ko na baka naguniguni ko lang ang estatuwa. Pero sinaliksik ko sa Aklat ni Mormon ang mga pagbanggit kay Moroni. Nalaman ko na nawala sa kanya ang kanyang pamilya at mga kaibigan, na nasaktan siya sa mga kasalanan ng mundo, at na sa kabila ng lahat ng iyon, sinunod pa rin niya ang utos ng Diyos na protektahan ang katotohanan. Nalaman ko rin na nagpakita siya nang maraming beses kay Joseph Smith para magbigay sa kanya ng mga mensahe mula sa Ama sa Langit. Ang pag-aaral tungkol kay Moroni at sa kanyang mga turo at kung paano niya lubos na sinunod si Cristo at iningatan ang katotohanan ay nakatulong sa akin na talagang ibaling ang buong puso ko sa ebanghelyo.
Nang sa wakas ay magkaroon ako ng pagkakataong bumisita sa Sapporo Japan Temple, nakita ko ang totoong estatuwa ni Moroni sa unang pagkakataon. Iyon ay kapareho ng estatuwang nakita ko sa tuktok ng gusali ng aming simbahan. Pero ang nakita ko noong araw na iyon ay nagningning sa kinang na hindi makikita sa mundong ito. Naniniwala ako na ang “kumikinang na estatuwa” ay isang pangitain mula sa Ama sa Langit, na nag-aanyaya sa akin na hanapin ang Kanyang pagmamahal at ang katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Na alamin ang tungkol sa mga sinaunang propetang gaya ni Moroni na nagpatotoo kay Cristo at sa mga buhay na propeta na gayon din ang ginagawa. Na hanapin ang direksyong matagal ko nang hinahanap.
Alam ko na ipinanumbalik ng Panginoon ang ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith at na mayroon tayong mga buhay na propeta ngayon na ginagabayan Niya upang ihatid sa atin ang katotohanan at tulungan tayong makabalik sa Ama sa Langit. Alam ko na si Jesucristo ang pinagmumulan ng kapayapaan at kagalakan sa buhay na ito at maging sa kabilang buhay.
Ang liwanag ng Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo at lahat ng pagpapalang ipinagkakaloob nito ay lubos na nagpabago sa buhay ko, at tulad lamang sa unang araw na iyon ng pagsisimba, alam kong gagabayan ng Ama sa Langit ang buhay ko habang patuloy akong sumusunod sa Kanya at sa kanyang mga sugo.