Pag-unlad Bilang Isang Missionary sa Panahon ng COVID-19
Ang iyong pagtuon ang gumagawa ng lahat ng kaibhan.
Kung may nagtanong sa akin nitong nakalipas na ilang buwan kung ano sa palagay ko ang mangyayari sa misyon ko, hindi ko mahuhulaan kung ano ang naghihintay sa akin. Pero may isang bagay na hindi nagbabago: Missionary pa rin ako para sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw—pero ngayon ay missionary din ako sa gitna ng isang pandemya.
Pero ano ang ibig sabihin nito?
Nangangahulugan ito ng paghahangad na gawin ang kalooban ng Panginoon sa mas malalim na paraan. Nangangahulugan ito ng pagsisikap na paglingkuran ang Panginoon at ang Kanyang mga anak habang nahaharap sa patuloy na pagbabago. Nangangahulugan ito ng pagkatutong umakma nang mabilis sa mga bagong sitwasyon. Nangangahulugan ito ng pagkatutong mas umakma sa mga pagbabago, magtiis, magpasensya, at magmahal araw-araw.
Nangangahulugan din ito ng pagharap sa maraming kawalang-katiyakan at pagtatanong ng maraming bagay tulad ng:
“Pauuwiin ba ang kompanyon ko bukas?”
“Ililipat ba kami sa ibang area dahil sa virus?”
“Ano ang mangyayari sa mga taong tinuturuan namin kung kailangan kong umalis?”
Patuloy kaming nagtuturo ng ebanghelyo gamit ang social media, pero hindi ito palaging madali—at talagang hindi ito ang karanasan sa misyon na naisip ng sinuman sa amin. Magkagayunman, narito pa rin kami, matatag sa aming desisyong maglingkod kahit saan, paglingkuran ang Panginoon anuman ang sitwasyon o paraan ng paggawa nito, para antigin ang puso ng Kanyang mga anak.
Bakit pinipili ko pa ring maglingkod?
Oo, ang mga hirap sa buhay ng missionary ay pisikal, mental, at espirituwal—nagdaan na kaming lahat sa isa man lang sa mga iyan. Oo, dumanas na kami ng maraming paghihirap at patuloy na mahaharap sa dagdag na mga hamon, pero salamat kay Jesucristo, na nagbuwis ng Kanyang buhay para sa atin, alam naming sulit ang lahat ng ito.
Natanto ko na batid ng Ama sa Langit ang nangyayari sa ating lahat. Alam Niya na magkakaroon ng mga missionary na hindi makakapasok sa templo o makakatapak sa loob ng missionary training center bago makapunta sa kanilang misyon. Alam Niya na magkakaroon ng mga kabataan na hindi magkakaroon ng pagkakataon kailanman na maglingkod sa mga lupaing itinalaga sa kanila. Subalit alam ng mga missionary na ito na mahal at pinoprotektahan tayo ng Panginoon tulad ng palagi Niyang ginagawa. At ang aming mga pagsisikap ay sapat na sa Kanyang paningin. Talagang natutuhan naming lahat na maaari kaming maglingkod sa Panginoon at ibahagi ang Kanyang ebanghelyo kahit saan at sa anumang sitwasyon. At sulit ito.
Ano ang nagtutulak sa akin na patuloy na sumulong?
Sa mga araw na mahirap, napagtanto ko na may dalawang paraan upang tingnan ang sandaling ito:
-
Nang may negatibong pananaw, inip na naghihintay na bumalik sa normal ang mga bagay-bagay.
-
O nang may bagong pananaw, nagtatakda ng mga mithiin, nagpaplano nang positibo at personal, ginagamit ang sitwasyong ito bilang isang pagkakataong gumawa ng mga pagbabago na matagal na naming hinangad pero ipinagpaliban.
Sinisikap kong piliin ang pangalawang opsiyon. Habang naiisip ko ang kasalukuyang sitwasyon ng mundo, naisip ko kung ang COVID-19 ay isang pagkakataon para tulungan tayong mas pahalagahan ang ating mga relasyon o hikayatin tayong mas lalong buksan ang ating puso sa ating Lumikha at maging handang makinig sa kanya. At unahin ang ebanghelyo nang higit kaysa rati.
Hindi lamang ito isang mahirap na panahon para sa mga missionary—mahirap ito para sa lahat. Ngunit tulad ng panawagan ni Kapitan Moroni sa iba na sumapi sa layunin ng kalayaan (tingnan sa Alma 46), tinatawag din tayong magbangon at huwag matakot. At kilalanin na ang ating Ama sa Langit ay talagang palaging sumasaatin, binibigyan tayo ng kakayahang maglingkod nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas, anuman ang mangyari (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 4:2).
Bilang mga missionary ng Panginoon, dapat naming laging ituon ang aming mga mata sa ating Tagapagligtas at sa aming walang-hanggang mithiin. Alalahanin natin na mahal ng Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang anak at nais Niyang makabalik tayong lahat sa Kanya.
Totoo, mahirap mang maging missionary sa panahon ng COVID-19, magagawa natin ang panahong ito na isa sa pinakamaganda sa ating buhay. Sa totoo lang, naging gayon ito para sa akin! At lahat ng ito ay dahil sa aking pagtuon, dahil lagi kong sinisikap na alalahanin ang pagmamahal ko sa Ama sa Langit at ang aking hangarin na tulungan Siyang tipunin ang nakalat na Israel. At alam ko na pagkakalooban Niya ng magiliw na awa ang bawat isa sa Kanyang mga missionary kapag ginawa namin ang lahat para matupad ang tungkuling ito na ibinigay Niya sa amin.