COVID-19: Isang Pagkakataong Muling Magtuon sa Pinakadiwa ng Ebanghelyo
Sa buong kasaysayan, palaging may mahihirap na panahon. Ngayon, nahaharap tayong lahat sa malubhang paghihirap na dulot ng COVID-19. Paulit-ulit na natin itong narinig: walang katulad ang mga panahong ito. Marami sa atin ang nag-aalala sa ating kalusugan at sa kapakanan ng ating mga mahal sa buhay. Nadama na nating lahat ang mga epektong dulot ng virus na ito sa ekonomiya at damdamin. Parang wala nang normal. At nagambala ang gawaing-misyonero at gawain sa templo. Maraming taong nabibigatan sa pagbabago ng mga nakasanayan na sa bahay.
Ang pagharap sa isang walang-katiyakang hinaharap ay maaaring magsanhi ng pagkaligalig o maging ng takot—marahil ay nararamdaman na ninyo ito. Ngunit sa gitna ng lahat ng kaguluhang ito, may pag-asa! Sa kabila ng kawalang-katiyakan at mga pagbabago, hindi nagbago ang mahalaga at pangunahing mga alituntunin ng ebanghelyo:
-
Ang pormal na mga miting at pagtitipon sa Simbahan ay maaaring pansamantalang nakansela o nalimitahan, ngunit ang pamumuhay ng ebanghelyo ay hindi! Maaari tayong magpatuloy sa pagsamba, paglilingkod, at pamumuhay ng ebanghelyo sa ating tahanan.
-
Ang Diyos ay nasa Kanya pa ring kalangitan.
-
Ang Kanyang anak na si Jesucristo pa rin ang namumuno sa gawaing ito. Nauunawaan Niya ang mga pakikibaka ng mundo gayundin ang ating sariling personal na mga pakikibaka. Nangako Siya, “Hindi ko kayo iiwang nag-iisa” (Juan 14:18). Isinusugo niya ang Espiritu Santo para samahan tayo.1
-
Tumawag ang Diyos ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. At sa pamamagitan nila, nailugar Niya kung ano talaga ang kailangan natin upang makayanan ang unos na ito.2 Pag-isipan ang bagong kurikulum na nakasentro sa tahanan, pati na ang iba pang mga pagbabago, na nakatulong sa atin na maghanda para sa panahong ito at mabuhay at maglingkod sa mas mataas at mas banal na mga paraan.3 Ang mga huling pagbabagong ito ay hindi nagkataon lamang—inilugar ang mga ito ng isang mapagmahal na Diyos na nakakaalam ng lahat.
Sa kabila ng kaguluhan, at nasasaisip ang mga bagay na ito, maaari tayong magtuon sa pinakadiwa ng ebanghelyo, na kinabibilangan ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.
Ngunit paano natin magagamit ang pananampalatayang iyan? Sa simula pa lamang, tinulutan na ng Panginoon ang Kanyang mga disipulo na magtiis ng mga hamon nang hindi natatanggap ang lahat ng sagot. Mas lumalalim ang mga ugat ng ating pananampalataya kapag kailangan nating gamitin ang kalayaang pumili at sumulong sa harap ng kawalang-katiyakan. Inulit ito ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, na sinasabing, “Hindi mo alam ang lahat, pero sapat na ang alam mo!”4
Ang kuwento tungkol kay Nephi at sa kanyang mga kapatid na nagsikap na kunin ang mga laminang tanso ay isang magandang halimbawa nito. Alam nila kung ano ang kailangan nilang gawin: kunin ang mga lamina! May magandang ideya pa sila kung bakit. Hindi lang nila alam kung paano iyon gawin. Matapos mabigo nang dalawang beses (tingnan sa 1 Nephi 3:10–27), hindi na makaasa pa si Nephi sa sarili niyang mga kakayahan. Sa halip na sumuko, minsan pa siyang sumubok. Pansinin ang tuwirang pag-aangkop ng mga salita ni Nephi sa ating sitwasyon ngayon:
“Ako ay pinatnubayan ng Espiritu, nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat kong gawin.
“Gayunman, ako ay yumaon” (1 Nephi 4:6–7).
Sa kabila ng maraming tanong sa ating buhay, kung tayo ay “yayaon” tulad ni Nephi, na nagtitiwala sa Diyos at sumusunod sa Kanyang mga propeta at nakatuon sa pananampalataya, gagabayan at huhubugin Niya tayo. Sa isang punto ng prosesong ito, ang pinoproblema nating mga tanong ay magiging pundasyon ng ating mga pagbulalas.
Palakasin natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo, ang ating tiwala sa Kanyang mga lingkod, at ang ating pagmamahal sa isa’t isa sa pagharap natin sa kinabukasan. Ang panahong ito ng pandaigdigang kapighatian at hirap ay maaaring maging sagradong dahilan para mas mapalapit tayo sa kanya. Habang ginagawa natin ito, mapupuspos ng Kanyang magiliw na kapayapaan ang ating kaluluwa, maging sa gitna ng kaguluhan, at masusumpungan natin ang lakas at mga sagot na kailangan natin.