2021
Pag-uugnay sa mga Anak na Babae ng Diyos sa Kanyang Kapangyarihan ng Priesthood
Enero 2021


Pag-uugnay sa mga Anak na Babae ng Diyos sa Kanyang Kapangyarihan ng Priesthood

Kailangan ang pakikilahok ng kababaihan sa gawain na isinasakatuparan ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan ng priesthood.

woman looking toward the temple

Larawan ng isang babae na nakatingin sa Oakland California Temple

Nalaman ko nang higit kailanpaman ang kahalagahan ng pag-unawa sa priesthood at sa mga kaugnay na pagpapala nito para sa kababaihan. Tayo ay nabubuhay sa panahon kung kailan ang pagkakapantay-pantay, kapangyarihan, pagiging patas, at ang pagpaparaya ay itinataguyod—kadalasan ay higit kaysa sa iba pang mga katangian. Bukod dito, ang identidad, awtoridad, espirituwalidad, at maging ang Diyos ay mga paksa na labis na ikinalilito ng maraming tao.

Maraming kababaihan, na hindi nakakaalam ng mga pagpapalang maaari nilang matanggap, ang hindi lubos na nakikinabang sa espirituwal na piging na para sa kanila. Marami ring kalalakihan ang nalilito sa paksa.

Paano natin lubos na mauunawaan ang kaugnayan ng kababaihan sa kapangyarihan ng priesthood at matutulungan sila na “sumulong,” at “gawin ang [kanilang] responsibilidad sa [kanilang] tahanan, komunidad, at kaharian ng Diyos—nang mas mahusay kaysa rati”?1 Una, kailangan natin na mapagpakumbabang hangarin na maunawaan ang mga katotohanang nauugnay sa priesthood, lalo na ang pinakahuling mga turo ng mga lider ng Simbahan. Pangalawa, maaari nating hangarin na maintindihan kung bakit hindi lubusang nauunawaan ng kababaihan ang pag-access sa kapangyarihan ng priesthood ng Diyos. Pangatlo, maaari tayong maging mulat sa paraan kung paano matutulungan ang kababaihan na mas lubusang makilahok sa gawain na isinasakatuparan ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan ng priesthood.

1. Anong mga Katotohanan ang Naipaliwanag na Hinggil sa Kababaihan at Priesthood?

Ang mga apostol at mga general auxillary leader ng kababaihan ay nagbigay kamakailan ng karagdagang diin sa ugnayan ng kababaihan at ng priesthood. Ang mga sumusunod ay ang ilang katotohanan na mahalaga upang maging tama ang pagkaunawa at pagtuturo.

Ang priesthood ay ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos.

Ang priesthood ay ang kapangyarihang ginagamit ng Diyos para maisagawa ang Kanyang dakilang gawain ng kaligtasan, upang maisakatuparan “ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Ang kalalakihan at kababaihan ay kapwa may mahalagang tungkulin sa gawain ng Diyos, at ang kalalakihan at kababaihan ay kapwa may access sa Kanyang kapangyarihan para maisakatuparan ang Kanyang gawain.

Ang kababaihan ay gumaganap ng isang opisyal at kritikal na tungkulin sa gawain ng kaligtasan.

Ipinahayag ni Bonnie L. Oscarson, dating Young Women General President, “Lahat ng babae ay kailangang ituring ang kanilang sarili na mahalagang kabahagi sa gawain ng priesthood. Ang kababaihan sa Simbahang ito ay mga pangulo, tagapayo, guro, miyembro ng council, kapatid, at ina, at ang kaharian ng Diyos ay hindi gagana maliban kung tutugon tayo sa responsibilidad at gagampanan ang ating tungkulin nang may pananampalataya.”2

Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), “Binigyan ng Diyos ang kababaihan ng simbahang ito ng gawain sa pagtatayo ng kanyang kaharian. May kinalaman ito sa lahat ng aspeto ng ating dakilang responsibilidad na may tatlong bahagi—una, na ituro ang ebanghelyo sa mundo; ikalawa, palakasin ang pananampalataya at gawing maligaya ang mga miyembro ng Simbahan; at, pangatlo, itaguyod ang dakilang gawain ng kaligtasan para sa mga patay.

“Ang kababaihan sa Simbahan ang kasama ng kanilang mga kapatid na kalalakihan sa pagtataguyod ng dakilang gawaing ito ng Panginoon. … Ang mga babae ay may napakalaking responsibilidad at may pananagutan silang isakatuparan ang mga responsibilidad na iyon. Pinamumunuan nila ang sarili nilang mga organisasyon, at ang mga organisasyong iyon ay matatag at maaaring magsakatuparan at malaking puwersa para sa kabutihan sa mundo. Sila ay nagsisilbing katuwang ng [mga mayhawak ng] priesthood, lahat ay nagsisikap na itayo ang kaharian ng Diyos sa lupa. Ikinararangal at iginagalang namin kayo sa inyong kakayahan. Inaasahan namin ang pamumuno, at lakas, at kahanga-hangang mga resulta mula sa inyong pangangasiwa sa mga organisasyong ito na responsibilidad ninyo. Sinusuportahan at sinasang-ayunan namin kayo bilang mga anak na babae ng Diyos, na nakikipagtulungan sa kanya sa pagsasakatuparan ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng lahat ng mga anak na lalaki at [anak na] babae ng Diyos.”3

Itinalaga sa kapwa kababaihan at kalalakihan ang kapangyarihan at awtoridad ng mga mayhawak ng susi ng priesthood.

Ang mga susi ng priesthood ay “ang awtoridad na ibinigay ng Diyos sa [mga mayhawak ng] priesthood upang gabayan, pangasiwaan, at pamahalaan ang paggamit ng Kanyang priesthood sa mundo.”4 Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Bawat gawain o ordenansang isinasagawa sa Simbahan ay ginagawa sa ilalim ng direkta o hindi direktang awtoridad na ibinigay ng mayhawak ng mga susi para sa gawaing iyon.”5

Ang kababaihan ay may awtoridad na gawin ang kanilang mga tungkulin sa ilalim ng pamamahala ng isang mayhawak ng mga susi ng priesthood, na tulad ng kalalakihan. Sinabi ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang may mga susi ng priesthood … [ay] literal na [ginagawang] posible para sa lahat na naglilingkod nang tapat sa ilalim ng kanilang pamamahala na gumamit ng awtoridad ng priesthood at magkaroon ng kapangyarihan ng priesthood.”6

Sinabi ni Pangulong Oaks: “Hindi karaniwan sa atin ang sabihing may awtoridad ng priesthood ang kababaihan sa kanilang mga tungkulin sa Simbahan, ngunit ano pa bang awtoridad ang maitatawag dito? Kapag ang isang babae—bata man o matanda—ay itinalaga na mangaral ng ebanghelyo bilang full-time missionary, siya ay binibigyan ng awtoridad ng priesthood para isagawa ang tungkulin ng priesthood. Totoo rin ito kapag ang isang babae ay itinalaga na mamuno o magturo sa isang organisasyon ng Simbahan sa pamamahala ng isang mayhawak ng mga susi ng priesthood.”7

Missionaries walking

Kapag itinuturo ko ang konseptong ito sa aking mga estudyante, madalas akong nagtatanong, “Kung ang isang stake ay nagdaraos ng pinagsamang pulong ng panguluhan ng Young Men at Young Women, sino ang namumuno?” Dahil ang pangulo ng stake Young Wowen at pangulo ng stake Young Men ay parehong tinawag at itinalaga ng isang mayhawak ng mga susi ng priesthood (ang pangulo ng stake), sa kanilang mga tungkulin, pareho sila ng taglay na awtoridad ng priesthood at kung gayon, wala sa kanila ang namumuno sa isa pa. Makatwiran para sa kanila na magsalitan sa pangangasiwa ng mga miting.

Pantay na pinagpapala ng Panginoon ang kababaihan at kalalakihan sa pamamagitan ng Kanyang priesthood.

Nagbibigay ang Panginoon ng maraming pagpapala sa pamamagitan ng Kanyang priesthood na maaaring dumating sa lahat ng miyembrong gumagawa at tumutupad ng mga sagradong tipan. Itinuro ni Pangulong Ballard, “Lahat ng gumawa ng sagradong mga tipan sa Panginoon at tumutupad sa mga tipang iyon ay may karapatang makatanggap ng personal na paghahayag, mabiyayaan ng paglilingkod ng mga anghel, makipag-ugnayan sa Diyos, makatanggap ng kabuuan ng ebanghelyo, at, sa huli, maging mga tagapagmana na kasama ni Jesucristo ng lahat ng mayroon ang Ama.”8

Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972): “Ang mga pagpapala ng priesthood ay hindi lamang para sa kalalakihan. Ang mga pagpapalang ito ay ipinagkakaloob din … sa lahat ng matatapat na kababaihan ng Simbahan. … Ibinibigay ng Panginoon sa kanyang mga anak na babae ang bawat espirituwal na kaloob at pagpapalang maaaring matamo ng kanyang mga anak na lalaki.”9

At habang ginagawa ng kababaihan ang gawain ng kanilang Ama, sila rin ay pagpapalain na maging “mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo” (Mga Taga Roma 8:17; tingnan din sa talata 16).

Ang kapwa kababaihan at kalalakihan (may asawa at wala) ay maaaring pagkalooban ng kapangyarihan ng priesthood sa templo.

Noong 1833, ipinangako ng Panginoon kay Joseph Smith na ang mga Banal, kapwa kalalakihan at kababaihan, ay pagkakalooban ng “kapangyarihan mula sa itaas” (Doktrina at mga Tipan 95:8). Nilinaw ni Pangulong Ballard: “Ang endowment ay literal na kaloob na kapangyarihan. Lahat ng pumapasok sa bahay ng Panginoon ay nangangasiwa sa mga ordenansa ng priesthood. Ito ay tumutukoy sa kapwa kalalakihan at kababaihan.”10 Ang lahat ng marapat na miyembro na tumanggap ng kanilang endowment at tumutupad sa mga tipang ginawa nila sa templo ay may kapangyarihan ng priesthood. Kaya, ang kababaihan, may asawa o wala, ay maaaring magkaroon ng kapangyarihan ng priesthood sa kanilang tahanan kahit na walang bumibisitang mayhawak ng priesthood.

Itinanong ni Sheri L. Dew, dating tagapayo sa Relief Society General Presidency, “Ano ang kahulugan ng magkaroon ng access sa kapangyarihan ng priesthood? Nangangahulugan ito na maaari tayong tumanggap ng paghahayag, mapagpala at matulungan sa pamamagitan ng pagmiministeryo ng mga anghel, matuto na hawiin ang tabing na naghihiwalay sa atin mula sa ating Ama sa Langit, mapalakas para mapaglabanan ang tukso, maproteksyonan, at maliwanagan, at gawing mas matalino kaysa sa kung ano tayo—ang lahat ng ito nang walang mortal na tagapamagitan.”11 Ano ang pinakamahalang bunga ng kapangyarihang ito at paano ito matatanggap? Inihayag ng Panginoon na “ang kapangyarihan ng kabanalan,” kabilang na ang kapangyarihang maging katulad Niya, ay naipapakita sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:20).

Kung minsan ang gamit ng awtoridad ng priesthood ay magkaiba sa Simbahan at sa tahanan.

Ang organisasyon ng Simbahan ay ayon sa herarkiya; ang pamilya ay patriyarkal. Itinuro ni Pangulong Oaks na may “ilang pagkakaiba sa paraan ng paggamit ng awtoridad ng priesthood sa pamilya at sa Simbahan.”12 Ayon sa banal na disenyo, ang mag-asawa ay maaaring magkaroon ng magkaibang mga responsibilidad, gayunman, sila ay nagtutulungan bilang may “pantay na pananagutan.”13 Itinuro ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Tandaan, mga kapatid, na sa tungkulin ninyo bilang pinuno ng pamilya, ang asawa ninyo ang inyong kompanyon. … Noon pa man, inutos na ng Diyos sa mga tao na dapat pagbuklurin ng kasal ang mag-asawa. Samakatwid, walang pangulo at pangalawang pangulo sa isang pamilya. Magkasamang gagawa sa walang hanggan ang mag-asawa para sa kapakanan ng pamilya. Sila’y iisa sa salita, sa gawa, at sa kilos, habang sila’y namumuno, gumagabay at pumapatnubay sa kanilang pamilya. Pantay ang pananagutan nila. Pinaplano at inoorganisa nila ang mga gawain ng pamilya nang magkasama at nang buong pagkakaisa habang sila’y sumusulong.”14

Ano ngayon ang nangyayari kapag namatay ang isang kabiyak? Itinuro ni Pangulong Oaks: “Pagkamatay ng tatay ko, nanay ko ang namuno sa pamilya namin. Wala siyang katungkulan sa priesthood, pero dahil siya ang buhay na magulang siya ang namuno sa kanyang pamilya. Kasabay nito, laging lubos ang paggalang niya sa awtoridad ng priesthood ng aming bishop at iba pang mga lider ng Simbahan. Siya ang namuno sa kanyang pamilya, pero sila ang namuno sa Simbahan.”15

2. Mga Balakid

Ano ang ilan sa mga balakid na pumipigil sa kababaihan na lubos na maunawaan ang kanilang pag-access sa kapangyarihan ng priesthood ng Diyos?

Pagkalito ng kapwa kalalakihan at kababaihan hinggil sa priesthood.

Itinuro ni Pangulong Oaks: “Ang Melchizedek Priesthood ay hindi isang katayuan o isang tatak. Ito ay isang banal na kapangyarihang ipinagkakatiwala para gamitin sa kapakinabangan ng gawain ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Dapat nating tandaan palagi na ang mga lalaking maytaglay na priesthood ay hindi ‘ang priesthood.’ Hindi wastong sabihin ‘ang priesthood at ang kababaihan.’ Dapat ang sabihin natin, ‘ang mga maytaglay na priesthood at ang kababaihan.’”16

Sa pagsasabi ng, “Aawitin ngayon ng priesthood,” o “kailangan natin ng mga boluntaryong priesthood para sumama sa Young Women camp,” nakagagawa tayo sa ating sarili at sa iba ng isang pagkakamali, gaano man kaganda ang ating mga intensiyon, sa pamamagitan ng panunulsol at pagpapalaganap ng kalituhan at pagpapaliit sa kapangyarihan ng Diyos.

Ang pag-iisip na ang priesthood ay walang kinalaman sa kababaihan.

Kapag naanyayahan na pag-aralan ang priesthood, ang ilang sister ay tumutugon ng, “Hindi ko kailangang pag-aralan ang paksang iyan. Hindi ito angkop sa akin.” Ngunit dahil pinagpapala ng priesthood ang lahat ng anak ng Diyos, lahat tayo ay makikinabang kung mas mauunawaan natin ito. Lahat tayo ay makikinabang kung mas mauunawaan natin ang priesthood. Isipin kung paano pagpapalain ang Simbahan at ang ating mga pamilya kung ang kapwa kababaihan at kalalakihan ng Simbahan ay parehong mahusay na nauunawaan at nagtuturo ng mga katotohanan tungkol sa priesthood.

Binigyang-diin ni Linda K. Burton, dating Relief Society General President, na kailangang pag-aralan ng kababaihan at maging ng kalalakihan ang paksa ng priesthood. “Sisters, hindi tayo makatatayo at makapagtuturo ng mga bagay na hindi natin nauunawaan at nalalaman sa ating mga sarili.”17

Church meeting

Paglalagay sa kababaihan ng mga limitasyon na hindi naman umiiral.

Malinaw na ang ilang calling sa Simbahan ay nangangailangan ng ordinasyon sa katungkulan ng priesthood, pero dapat tayong maging maingat na hindi bigyan ng limitasyon ang kababaihan dahil lamang sa kultura, kasaysayan, mga maling pananaw, o tradisyon. Halimbawa, ang kababaihan ay maaring maging mga lider at gurong may kakayahan, mahahalagang tinig sa mga council sa Simbahan, at mabisang halimbawa ng pagkadisipulo sa mga miyembro sa lahat ng edad.

3. Ano ang Magagawa Natin?

Narito ang ilang paraan upang ang bawat isa sa atin ay makatulong sa ating kababaihan sa ebanghelyo na mas lubusang makilahok sa gawain na isinasakatuparan ng Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang priesthood.

Alamin ang mga pinakahuling salita ng mga Kapatid at ng ating mga babaeng lider.

Sa nakalipas na ilang taon, ang mga senior na miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagsalita nang partikular tungkol sa tungkulin ng kababaihan sa Simbahan. Nakikinig ba tayong mabuti sa mga talumpating ito?

Halimbawa, noong 2015, ibinulalas ni Pangulong Russell M. Nelson: “Hindi kumpleto ang kaharian ng Diyos at hindi makukumpleto kung walang kababaihang gumagawa ng mga sagradong tipan at tumutupad sa mga ito, kababaihang nakapangungusap nang may kapangyarihan at awtoridad ng Diyos!”18

Tulungan ang lahat ng miyembro na maunawaan ang natatanging tungkulin ng kababaihan sa gawain ng priesthood.

Ipinaalala ni Pangulong Ballard sa kababaihan ng Relief Society na “ang lawak at tindi ng [kanilang] impluwensya ay kakaiba—impluwensyang hindi kayang tularan ng kalalakihan. Walang ibang makapagtatanggol sa ating Tagapagligtas nang may higit na paghihikayat o kapangyarihan kaysa sa inyo—mga anak na babae ng Diyos na malalakas ang loob at matibay ang paniniwala. Ang kapangyarihan ng tinig ng isang babaeng nagbagong-buhay ay hindi masusukat, at kailangan ng Simbahan ang inyong mga tinig ngayon nang higit kailanman.”19 Ipinahayag ni Bonnie L. Oscarson: “Ang [kababaihan] ng Simbahan ay kailangang ituring ang kanilang sarili na mahalagang kabahagi sa gawain ng kaligtasan na pinamamahalaan ng priesthood at hindi lamang nagmamasid at sumusuporta.”20

Bigyan ng atensiyon ang mga lider ng kababaihan.

Makatwiran na binibigyan natin ng malaking atensiyon ang sinasabi ng mga sinang-ayunan natin bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Taglay nila ang mga susi ng kaharian, at pinangangasiwaan ng Panginoon ang Kanyang gawain sa pamamagitan nila. Bukod sa kanilang mga turo, ang mga babaeng lider ng Simbahan ay itinalaga at binigyan ng awtoridad ng priesthood para magsalita sa kapwa kalalakihan at kababaihan ng Simbahan. Gusto rin nating marinig ang kanilang mga turo at marinig kung anong payo ang ibibigay sa atin ng Diyos sa pamamagitan nila.

Isali ang mga babae sa mga council, na hindi lang pinahihintulutang dumalo kundi iginagalang din ang kanilang mga pananaw bilang mga aktibong kalahok tulad ng iba.

Sabi ni Pangulong Ballard: “At sinumang lider ng priesthood na hindi isinasali ang mga babaeng lider nang may paggalang at pagtanggap ay hindi iginagalang at ginagamit nang maayos ang mga susing ibinigay sa kanya. Hihina ang kanyang kapangyarihan at impluwensya hanggang sa matutuhan niya ang mga paraan ng Panginoon.”21

ward council

Huwag magbigay ng “mapanghahawakan” na mga sagot sa mga tanong na hindi pa sinasagot mismo ng Panginoon.

Binalaan ni Pangulong Oaks ang mga miyembro ng Simbahan na iwasang sagutin ang mga tanong na hindi pa sinasagot ng Panginoon: “Huwag nating gawin ang pagkakamaling nagawa noon, … pagtatangkang ipaliwanag ang paghahayag. Ang mga paliwanag na ito ay halos gawa-gawa lamang ng mga tao. Ang mga paghahayag ay ang sinasang-ayunan natin bilang kalooban ng Panginoon at diyan makikita ang kaligtasan.”22

Nagbigay si Pangulong Ballard ng perpektong halimbawa para rito: “Bakit ang kalalakihan—at hindi ang kababaihan—ang inorden sa mga katungkulan sa priesthood? … Hindi inihayag ng Panginoon kung bakit Niya itinatag ang Kanyang Simbahan ayon sa paraang ginawa Niya.”23 Binalaan din tayo ni Pangulong Ballard na “huwag magbahagi ng mga sabi-sabing nagpapalakas ng pananampalataya pero wala namang basehan o mga lipas nang pag-unawa at paliwanag tungkol sa ating doktrina at mga kaugalian noong araw. Katalinuhan palagi na ugaliing pag-aralan ang mga salita ng mga buhay na propeta at apostol; alamin ang mga kasalukuyang isyu, patakaran, at pahayag sa Simbahan sa mormonnewsroom.org at sa LDS.org; at tingnan ang mga gawa ng kilala, mapag-isip, at tapat na mga LDS scholar para matiyak na hindi kayo nagtuturo ng mga bagay na hindi totoo, lipas na, o kakatwa at kataka-taka.”24 Tandaan na kung minsan, “Hindi ko alam” ang talagang pinakamainam na sagot. Kailangan natin na masigasig na magsaliksik sa liwanag ng pananampalataya para matutunan ang banal na katotohanan.

Tulungan ang mga babae at lalaki na mas maunawaan ang priesthood.

Ang pagtulong sa kapwa lalaki at babae na magkaroon ng tiwala sa kanilang kakayahan na mag-aral at matuto ng tungkol sa priesthood ay mahalaga. Ang ilang banal na mga kasulatan na makatutulong sa prosesong ito ay kinabibilangan, ngunit hindi limitado lamang sa, Alma 13 at Doktrina at mga Tipan mga bahagi 2, 13, 20, 76, 84, 95, 107, 110, 121, at 124. Ang pagdalo sa templo para mapanampalatayang maghanap ng hindi lamang mga sagot kundi lalo na ng mga inspiradong tanong hinggil sa paksa ay napakahalaga rin.

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie (1915-85) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang doktrinang ito ng priesthood—na hindi alam ng mundo at hindi rin gaanong alam maging sa Simbahan—ay hindi matututunan sa pamamagitan lamang ng mga banal na kasulatan. …

“Ang doktrina ng pagkasaserdote ay nalalaman lamang sa pamamagitan ng personal na paghahayag. Dumarating ito nang taludtod sa taludtod at tuntunin sa tuntunin, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo sa mga nagmamahal at naglilingkod sa Diyos nang buong puso, sigasig, isip, at lakas. (Tingnan sa D at T 98:12.)”25

Tulungan ang kababaihan na maunawaan na kailangan nilang pumanig sa Panginoon at sa Kanyang mga propeta.

Ang mundo ay nagiging mas watak-watak at mapangutya. Sa maraming paraan, nilalabanan ng kababaihan ang isa’t isa. Malalakas ang mga opinyon at masisidhi ang mga emosyon. Isipin ang kabutihang magagawa sa mundo kung nakikita ng lahat ng mga miyembro ng Simbahan na sila, tulad ni Esther, ay inilaan “para sa bagay na ito” (Esther 4:14) at sila, bilang indibiduwal at nagkakaisang grupo, ay kailangan para mamuno, at hindi para sumunod, sa mundo.

4. Konklusyon

Sinabi ni Emma Smith: “May gagawin tayong isang bagay na di karaniwan. … Umaasa tayong magkakaroon ng mga pambihirang pagkakataon at mahihirap na gawain.”26 Ang mahihirap na gawain na ito, maging mga panawagan din, higit kailanman, ay nagmula sa mga lider ng Simbahan para sa mga sister nitong nakaraang ilang taon. Habang mas nauunawaan natin ang mga katotohanan na nauugnay sa priesthood, nalalaman ang mga posibleng dahilan kung bakit maraming babae ang nabubuhay na hindi sinasamantala ang kanilang mga pribilehiyo, at kumikilos sa kaalaman tungkol sa kababaihan at sa kanilang mga pagkakataon na makilahok sa gawain ng priesthood, maaaring “matagpuan [natin] ang galak at kapayapaang dulot ng kaalaman na sa pamamagitan ng inyong pagtuturo ay may naantig kayong buhay, napasigla ninyo ang isa sa mga anak ng Ama sa Langit sa kanyang paglalakbay sa lupa upang balang-araw ay makabalik sa Kanyang piling.”27

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae,” Liahona, Nob. 2015, 97.

  2. Bonnie L. Oscarson, “Tumanggap ng Responsibilidad nang May Lakas, Kababaihan ng Sion,” Liahona, Nob. 2016, 14.

  3. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Gordon B. Hinckley (2016), 114–115.

  4. Handbook 2: Administering the Church (2010), 2.1.1.

  5. Dallin H. Oaks, “Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2014, 49.

  6. M. Russell Ballard, “Kalalakihan at Kababaihan sa Gawain ng Panginoon,” Liahona, Abr. 2014, 48; tingnan din sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2011), 138–39.

  7. Dallin H. Oaks, “Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood,” 51.

  8. M. Russell Ballard, “Kalalakihan at Kababaihan sa Gawain ng Panginoon,” Liahona, 48–49.

  9. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Fielding Smith (2013), 185–186. Para sa mas malalim na pagtalakay sa mga pagpapala ng priesthood, tingnan sa Bruce R. McConkie, “The Ten Blessings of the Priesthood,” Ensign, Nob. 1977, 33–35.

  10. M. Russell Ballard, “Let Us Think Straight” (Brigham Young University devotional, Ago. 20, 2013); 7, speeches.byu.edu.

  11. Sheri Dew, Women and the Priesthood: What One Mormon Woman Believes (2013), 125.

  12. Dallin H. Oaks, “Awtoridad ng Priesthood sa Pamilya at sa Simbahan,” Liahona, Nob. 2005, 26.

  13. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Mayo 2017, 145.

  14. L.Tom Perry, “Pagiging Ama, Isang Walang Hanggang Tungkulin,” Liahona, Mayo 2004, 71.

  15. Dallin H. Oaks, “Awtoridad ng Priesthood sa Pamilya at sa Simbahan,” 26.

  16. Dallin H. Oaks, “Ang mga Kapangyarihan ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2018, 65.

  17. Linda K. Burton, “Priesthood: ‘A Sacred Trust to Be Used for the Benefit of Men, Women, and Children’” (Brigham Young University Women’s Conference, Mayo 3, 2013), womensconference.byu.edu/transcripts.

  18. Russell M. Nelson, “Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae,” 96.

  19. M. Russell Ballard, “Kalalakihan at Kababaihan at Kapangyarihan ng Priesthood,” Liahona, Set. 2014, 37.

  20. Bonnie L. Oscarson, “Tumanggap ng Responsibilidad nang May Lakas, Kababaihan ng Sion,” 14.

  21. M. Russell Ballard, “Kalalakihan at Kababaihan at Kapangyarihan ng Priesthood,” Liahona, 35, 36.

  22. Dallin H. Oaks, Life’s Lessons Learned: Personal Reflections (2011), 68–69.

  23. M. Russell Ballard, “Kalalakihan at Kababaihan at Kapangyarihan ng Priesthood,” Liahona, 35, 36.

  24. M. Russell Ballard, “Ang mga Oportunidad at Responsibilidad ng mga CES Teacher sa Ika-21 Siglo” (mensahe sa Church Educational System Religious Educators, Peb. 26, 2016), broadcasts.lds.org.

  25. Bruce R. McConkie, “The Doctrine of the Priesthood,” Ensign, Mayo 1982, 32–34.

  26. Emma Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 14.

  27. M. Russell Ballard, “Ang mga Oportunidad at Responsibilidad ng mga CES Teacher sa Ika-21 Siglo.”