Digital Lamang: Mga Young Adult
Pagtulong sa mga Mahal sa Buhay na Harapin ang mga Tanong at mga Pag-aalinlangan tungkol sa Pananampalataya
Maaaring mahirap harapin ang mga pag-aalinlangan tungkol sa pananampalataya. Narito ang ilang tip na tutulong sa iyong mga mahal sa buhay na maharap ito.
Isang kaibigan ang tumawag sa akin noong isang gabi habang nagmamaneho ako pauwi mula sa trabaho, at nang kumustahin niya ako, nasabi ko ang saloobin ko. Nababahala ako tungkol sa ilang katanungan ko. Ang ilang aspeto tungkol sa Simbahan ay tila walang katuturan sa akin. Nakaramdam ako ng pagkadismaya na hindi naging malinaw ang mga sagot sa aking mga tanong. At bagama’t hindi ako magagalitin, nakadama ako ng galit at pagkainis. Matagal ko nang pinuproblema ang mga katanungan ko, at hindi ko na alam ang gagawin ko.
Sa pagpasok ko sa aming garahe, nasabi ko na ang lahat ang saloobin ko. Sinabi ko sa kanya ang tungkol sa mga katanungang bumabagabag sa akin at kung ano ang nararamdaman ko. Matapos ang pag-uusap namin, mas gumaan ang pakiramdam ko. At iyon ay hindi dahil nasa kanya ang lahat ng sagot sa mga tanong ko—wala sa kanya. Gayunman, handa siyang makinig lang sa akin. Inalam niya ang nararamdaman ko at tinulungan ako na maunawaan na hindi lamang ako ang nag-iisang tao na may mga katanungan. Ang mga tanong ko ay hindi nagpapakita ng kawalan ko ng pananampalataya, at OK lang na hindi ka sigurado.
Ang pagtatanong tungkol sa ebanghelyo ay maaaring maging isang karanasang puno ng hamon at nagpapabago ng buhay. At ang pagnanais na tulungan ang isang mahal sa buhay na harapin ito ay maaaring maging mahirap at magdulot ng pagkalito. Maaaring maramdaman nila na hindi sila kabilang o sila lamang ang may problema dahil nagtatanong sila.
Ngunit matutulungan mo sila at maipapaunawa mo sa kanila na sila ay kabilang at hindi nag-iisa sa mga panahon ng kawalang-katiyakan.
Ano ang Gagawin Kapag Tinutulungan ang Isang Kaibigan na Nagtatanong
Kapag ang mga kaibigan o mahal sa buhay ay may mga tanong, pagdududa, o nahihirapan na mapalakas ang pananampalataya, gusto nating gawin ang lahat ng makakaya natin para makatulong. Ngunit mahirap malaman kung ano talaga ang makakatulong. Narito ang ilang ideya na tutulong sa iyo para matulungan mo ang iyong mga mahal sa buhay:
-
Hayaang gabayan ka ng Espiritu. Manalangin na malaman kung paano ka makakatulong at kung ano ang iyong sasabihin, at pagkatapos ay magtiwala sa Panginoon.
-
Magpakita ng pagdamay. Magtanong tungkol sa nararanasan ng iyong kaibigan at makinig para makaunawa. Kilalanin na ang ganitong uri ng karanasan ay mahirap, at ipabatid sa kanila na nariyan ka para tumulong sa abot ng iyong makakaya.
-
Manatiling nariyan para sa tao. Marahil ang kailangan lang nila ay pakinggan mo sila at maging mahabaging kaibigan na hindi madaling manghusga.
-
Tandaan na hindi mo responsibilidad na ayusin o lutasin ang mga problema ng kaibigan mo. Maaari kang makinig at tumulong—ngunit ito ay pakikibaka nila, hindi sa iyo. Anuman ang ipasiya nila ay hindi sumasalamin sa iyo o sa iyong pananampalataya.
-
Kung nabalisa ka sa mga tanong o problema ng mahal mo sa buhay, sikaping maging mahinahon at tulungan silang makadama ng kapayapaan kapag kasama ka nila. Kapag may mga tanong ang isang tao, maaari silang makadama ng pagkabalisa, pagkalito, o pagkainis. Kaya kapag tumugon ka nang mahinahon sa halip na magsabi ng masasakit na pananalita, mas makakatulong ka.
-
Tandaan na hindi mo kailangang masagot ang lahat ng tanong. Maaari kang magbigay ng iyong mga ideya at pananaw, pero OK din na sabihin na “Hindi ako sigurado tungkol diyan,” o kaya’y gumugol ka ng oras na pag-isipan o pag-aralan iyon bago sumagot.
-
Iwasang magmungkahi kaagad ng “madaling solusyon.” Madalas na ang kailangan lang ng mga tao ay isang taong makikinig muna sa kanila bago sila makikinig sa mga mungkahi.
-
Kung ang sagot o mungkahing ibinigay mo ay hindi nakatulong o hindi umepekto sa kanila, hayaan mo lang ito. Kailangang hanapin ng bawat isa sa atin ang mga sagot para sa ating sarili at ayon sa sarili nating paraan, at ang bawat isa sa atin ay tumatanggap ng paghahayag sa magkakaibang paraan.
-
Manalangin at mag-ayuno para sa iyong mga mahal sa buhay. Ang pananalangin para sa kapakanan ng iba ay makapaghahatid ng mga kapangyarihan ng langit sa kanilang buhay. Sa katunayan, ang Nakababatang Alma ay naakay na magsisi dahil sa mga panalangin ng kanyang ama (tingnan sa Mosias 27:14). Huwag maliitin ang magagawa ng iyong pananampalataya para sa iba!
-
Anuman ang mangyari, tandaan na mahal mo ang taong ito. Kapag ang isang taong mahal natin ay nagpasiyang iba ang paniwalaan o gumawa ng mga desisyong hindi natin nauunawaan, mapipili pa rin nating igalang ang kanilang kalayaan at mahalin sila anuman ang mangyari.
Sa kabuuan, tandaan na OK lang ang magtanong o maramdaman na hindi ka nakatitiyak tungkol sa mga bagay-bagay—ito ay mahalagang bahagi ng pag-unlad dito sa mortalidad. Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Natural lamang ang magtanong—ang binhi ng tapat na pagtatanong ay kadalasang sumisibol at lumalagong tulad ng malaking puno ng pang-unawa. May ilang mga miyembro ng Simbahan na, sa anumang pagkakataon, ay hindi nagkaroon ng anumang malalim o sensitibong tanong. Isa sa mga layunin ng Simbahan ang pangalagaan at linangin ang binhi ng pananampalataya—ito man ay nasa lupa ng pagdududa at kawalang-katiyakan. Ang pananampalataya ay pag-asa sa mga bagay na hindi nakikita ngunit totoo.”1
Wala pa rin akong mga sagot sa lahat ng mga tanong ko. Ang isa sa pinakamalalaking bagay na naitulong ng kaibigan ko na gawin ko ay ang unawain na hindi kailangang masagot kaagad ang lahat ng tanong ko. Sa paglipas ng panahon, paisa-isang dumating ang mga sagot sa akin. Tiwala ako na may mga sagot ang Diyos at binabantayan Niya ako. Umaasa ako na darating ang mga sagot kapag kailangan ko ang mga ito. At sapat na iyan sa akin ngayon.