2021
May mga Tanong ba Kayo tungkol sa Ebanghelyo? Narito ang Limang Paraan para Makahanap ng mga Sagot
Enero 2021


Digital Lamang

May mga Tanong ba Kayo tungkol sa Ebanghelyo? Narito ang Limang Paraan para Makahanap ng mga Sagot

May mga tanong din ako. At wala kayong dapat ikatakot.

“Mayroon ba sa inyo na may mga tanong?

Narinig na ba ninyo ito sa katapusan ng isang lesson at naisip, “Oo, isang milyon” o “Oo, litung-lito ako,” pero tahimik lang kayo?

Naranasan ko na iyon. At kung minsa’y takot pa rin akong magkaroon ng mga tanong.

Takot ako na hindi sapat ang nalalaman ko, sa maaaring isipin ng iba, at makaalam ng impormasyon na maaaring makaragdag pa sa aking mga tanong.

Gayunpaman, wala kayong dapat ikatakot o ikahiya sa pagkakaroon ng tanong at pagnanais na higit na makaunawa, lalo na pagdating sa ebanghelyo. Nais ng Ama sa Langit na maghangad tayo ng higit na kaalaman! Sabi pa nga ni Elder Dieter F. Uchtdorf, “Ang pagtatanong ay hindi tanda ng kahinaan; ito ay simula ng paglago.”1

Ang lahat ay may iba pang matututuhan. At ang pagtatanong ay nagbubukas ng daan sa kaalaman at mas malakas na pananampalataya—basta’t naghahanap kayo ng mga sagot sa tamang mga paraan! Narito ang limang paraan para mahanap ang liwanag sa inyong mga tanong.

1. Suriin ang Inyong mga Pinagkukunan

Maraming mapagkakatiwalaang mabubuting mapagkukunan na makapagbibigay sa inyo ng karagdagang kaalaman tulad ng mga banal na kasulatan at mga materyal ng Simbahan. Pero marami ring maling impormasyon at kaduda-dudang mapagkukunang nakakubli sa mundo. Mabuti na lang at nakikilala ninyo ang katotohanan mula sa panlilinlang!

May limang bagay na ibinigay si Anthony Sweat, isang assistant professor ng kasaysayan at doktrina ng Simbahan sa Brigham Young University, na itatanong sa pagtukoy kung mapagkakatiwalaan ang isang mapagkukunan:

  1. Ito ba ay isang pangunahing mapagkukunan? (Isinulat o ginawa ng isang taong nakibahagi o nakakita sa pangyayari.)

  2. Ito ba ay isang salaysay ng kasalukuyang pangyayari? (Nakatala o malapit sa panahon ng kaganapan.)

  3. Isa ba itong pananaw na walang pinapanigan? (Hangga’t maaari, hinahangad ng awtor na maging makatarungan, balanse, walang pinapanigan, at walang kinikilingan.)

  4. Ano ang kaugnayan nito sa iba pang mga mapagkukunan? (Ang mga petsa, totoong pangyayari, pahayag, at iba pa ay naaayon sa iba pang mga mapagkukunan na tumutukoy sa parehong mga kaganapan.)

  5. Ang mga pahayag ba nito ay may katibayan? (Ang mga pahayag ay batay sa matibay na katibayan at suportang datos.)2

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Tungkol sa pananampalataya at determinasyon, nakakatulong na ituon ang inyong tanong sa mga taong talagang mayroon nito!”3 Ang kanyang mga salita at ang mga tanong sa itaas ay maaaring magbigay sa inyo ng lakas-ng-loob sa paghahanap ng mapagkakatiwalaang impormasyon.

2. Umasa sa mga Salita ng mga Propeta

Ang mga propeta at apostol ay naghahatid ng doktrina at katotohanan (at samakatwid, ng mga sagot para sa inyo!) sa pamamagitan ng paghahayag. Maraming beses na akong napanatag sa pagbabasa o pakikinig ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya kapag ako ay naguguluhan o balisa.

Kahit hindi ninyo nauunawaan ang lahat tungkol sa mensahe ng ilang pinuno ng Simbahan, tandaan na ang kanilang mga salita ay nagmumula sa Ama sa Langit—nagmumula ang mga ito sa isang pinagmumulan ng pagmamahal at katotohanan. Kung naaalala at pinagkakatiwalaan ninyo ang mga salita ni Elder Ulisses Soares: “Ang pagkakaroon ng mga propeta ay [tanda] ng pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak,”4 maghahatid kayo ng pag-asa sa inyong buhay, anumang kaalaman ang hinahangad ninyo.

3. Pag-aralan ang mga Banal na Kasulatan … Talagang Mag-aral

Ano ang hitsura ng pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan? Maaaring mas maganda ang sa akin! Pero kapag talagang pinagninilayan ko ang binabasa ko, may napapansin akong malaking kaibhan sa sarili ko. Nakadarama ako ng higit na kapayapaan at pag-asa. Para mabigyang-inspirasyon ang inyong isipan sa mga banal na kasulatan, subukan ang mga tip na ito:

  • Simulan at wakasan ang inyong pag-aaral sa panalangin. Kapag inanyayahan ninyo ang Espiritu na tulungan kayong makaunawa, tatanggap kayo ng mas dakilang mga kaalaman at pahiwatig.

  • Isulat ang mga impresyong natatanggap ninyo. Ang pagbabasa ng mga impresyong ito kalaunan ay maaaring makatulong sa inyo na maiugnay ang mga ito sa inyong buhay at makilala ang mga sagot sa paglipas ng panahon.

  • Tumigil sandali. Maupo nang tahimik at pansinin ang muling pagdating ng mga ideya at damdamin pagkatapos ninyong magbasa at mag-aral. Tandaan, nangungusap ang Espiritu sa marahan at banayad na tinig.

4. Alamin Kung Paano Tumanggap ng Paghahayag

Sa panahong ito ng buhay, higit kong kinailangan kaysa rati ang Ama sa Langit para patnubayan at tulungan akong palakasin ang aking pananampalataya. At kung minsa’y nabibigo ako habang ginagawa ko ang lahat para maanyayahan ang Espiritu at wala pa rin akong natatanggap na anumang sagot mula sa langit. Mabuti na lang, natutuhan ko kay Sister Sheri Dew, dating Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency, na para mabuksan ang linya ng pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit, itanong sa inyong sarili ang mga bagay na ito:

  • Itinanong ba ninyo ang mga bagay na iyon na ipinapalagay na may mga sagot?

  • Handa ba kayong magtiwala sa Panginoon at hindi Siya pagdudahan?

At pagkatapos ay hilingin sa Ama sa Langit:

  • Na ituro sa inyo kung paano Siya nangungusap sa inyo bilang isang indibiduwal.

  • Kung ano ang nadarama Niya para sa inyo.

“Pagkatapos ay masdan kung paano Niya kayo tinuturuan,” wika niya, “kabilang na sa mga talata sa banal na kasulatan na nakakaakit sa inyo, sa binibigyang-diin sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya na maaaring hindi ninyo narinig noong una, at kung anu-ano pa. … Sa paglipas ng panahon, sasabihin Niya sa inyo, at habang ginagawa Niya ito, malalaman ninyo ang iba pa tungkol sa paghiwatig sa paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu.”5

Ang dalawang mahahalagang tanong na ito ay nakagawa ng malaking kaibhan sa aking kakayahang mapansin at matanggap ang paghahayag.

5. Kumapit sa Nalalaman na Ninyo

Kung minsa’y hindi kaagad dumarating ang mga sagot. Maaaring ang sagot sa inyo ngayon mismo ay magtiwala lamang sa Ama sa Langit at magtiyaga. Tandaan ang payo ni Elder Uchtdorf na “pagdudahan muna ang inyong pagdududa bago ninyo pagdudahan ang inyong pananampalataya.”6

Kung kayo ay pinanghihinaan ng loob, isipin ang mga katotohanang nasa puso ninyo. Kapag nahihirapan ako, inaalala ko ang mga sandaling iyon na nalaman ko nang may katiyakan na ako ay pinakamamahal na anak ng mga Magulang sa Langit, na may plano ang Diyos para sa akin, at na si Jesucristo ang aking Tagapagligtas.

Kapag may mga tanong kayo, maaaring madaling magtuon sa hindi ninyo nauunawaan sa halip na sa inyong nauunawaan. Pero kung handa kayong palambutin ang inyong puso, magkaroon ng walang-hanggang pananaw, at mapagpakumbabang iaayon ang inyong kalooban sa Ama sa Langit, lagi Niya kayong aakayin sa katotohanan at bibigyan kayo ng pag-asa hanggang sa dumating ang karagdagang kaalaman. At balang-araw, magkakaroon ng mga sagot ang lahat ng inyong tanong (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 101:32–36).

Mga Tala

  1. Dieter F. Uchtdorf, “The Reflection in the Water” (Church Educational System fireside para sa mga young adult, Nob. 1, 2009), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org.

  2. Tingnan sa Anthony Sweat, Seekers Wanted: The Skills You Need for the Faith You Want (2019), 11–20.

  3. Jeffrey R. Holland, “Ang Mensahe, ang Kahulugan, at ang Maraming Tao,” Liahona, Nob. 2019, 6.

  4. Ulisses Soares, “Ang mga Propeta ay Nagsasalita sa Pamamagitan ng Kapangyarihan ng Espiritu Santo,” Liahona, Mayo 2018, 99.

  5. Sheri L. Dew, Worth the Wrestle (2017), 8, 9, 41.

  6. Dieter F. Uchtdorf, “Halina, Sumama sa Amin,” Liahona, Nob. 2013, 23; tingnan din sa Jeffrey R. Holland, “Panginoon, Nananampalataya Ako,” Liahona, Mayo 2013, 93–94.