Huwag Palampasin ang Debosyonal na Ito
5 Aral sa Buhay na Natutuhan mula sa Salt Lake Temple
Mula sa isang mensaheng ibinigay sa mga estudyante ng BYU–Pathway Worldwide noong Oktubre 20, 2020. Basahin ang buong teksto sa byupathway.org.
“Kabanalan sa Panginoon”: ang mga salitang ito na nakaukit sa templong ito at sa bawat templo ay mga salitang nais kong iukit sa aking puso.
Malawakang renobasyon ang ginagawa sa Salt Lake Temple para patibayin ang pundasyon nito. Mahabang panahon ang gugugulin dito, magastos ito, at mahirap!
Pakiramdam ba ninyo ay parang ganito ang buhay ninyo? Nais ninyong maging pinakamabuting bersyon ng inyong sarili, at ang paggawa niyan ay maaaring maging mahirap din.
Nakikita ko ang Temple Square halos araw-araw at pinag-isipan ko nang husto ang prosesong ito ng muling pagtatayo at ang mga aral na natutuhan ko. Gusto kong ibahagi sa inyo ang ilan sa mga aral na ito.
Aral 1: Karamihan sa paghahayag ay hindi tungkol sa “ano,” kundi tungkol sa “kailan.”
Narinig kong itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang katotohanang ito nang pag-usapan ang tungkol sa napakalaking proyektong ito.
Sinabi niya na alam na noon pa man ng mga lider ng Simbahan na kinakailangang isailalim sa renobasyon ang templo upang makaayon ito sa mga makabagong pamantayan sa pagtatayo ng gusali, ngunit hindi pa tama ang panahon. Ang teknolohiya, kagamitan, at tamang team ay wala pa. Ngayon ay nariyan na, at tingnan ninyo ang nangyayari!
Kung minsan alam natin na kinakailangang mangyari ang isang bagay sa ating buhay. Maaari tayong manalangin para sa sagot at maramdaman na parang hindi natin ito natatanggap. Magtiwala sa Panginoon at sa Kanyang takdang panahon. Batid Niya ang wakas mula sa simula. Alam Niya kung ano at sino ang kailangan natin ngayon at kung ano at sino ang kakailanganin natin bukas. Kung magtitiwala tayo sa Kanya, tutulungan Niya tayong baguhin ang ating buhay upang makatugon tayo sa mga kinakailangan sa kadakilaan sa kawalang-hanggan.
Aral 2: Ang makabuluhang pagsisikap ay nangangailangan ng panahon at pagsusumigasig.
Umabot ng 40 taon bago naitayo ang Salt Lake Temple!
Dumanas ng maraming problema ang mga pioneer, at mabagal at mahirap ang proseso ng pagtatayo. Paano kung sumuko ang mga pioneer na iyon? Paano kung sinabi nila na, “Napakahirap pala nito,” at umayaw na sila?
Ang renobasyon sa templong ito ay aabutin ng maraming taon—hindi 40 taon, ngunit hindi magiging madali ang proseso!
Ang ilan sa ating mga makabuluhang pangarap at mithiin sa buhay ay hindi nakakamtan sa loob ng isang araw, isang buwan, o kahit isang taon—at hindi laging magiging madali ang pagtatamo nito. Isipin na lang ninyo kung ano ang natatamo ninyo ngayon habang patuloy kayong nag-aaral! Huwag sukuan ang mga bagay na iyon na nahikayat kayong gawin. Isipin ang templong ito at patuloy na pagsikapang makamit ang inyong mga mithiin at mabubuting hangarin. Sulit ito.
Aral 3: Ang pagsisisi ay lalong nagpapalakas sa atin at ito ay prosesong panghabambuhay.
Ang templo ay halos palaging kinukumpuni at inaayos simula noong ilaan ito. Ang mga dingding ay inilipat, idinagdag ang air-conditioning, pinalitan ang mga linya ng kuryente, kasama ang marami pang ibang bagay.
Ang ating mga buhay ay palaging nangangailangan ng pagkumpuni at pag-upgrade. Ang proseso ng pagsisisi, pagpapabuti ng sarili, at pagpapalakas ng patotoo ay habambuhay na gagawin.
Ang pundasyon ng templo ay pinapatibay sa pamamagitan ng paglalagay ng espesyal na sementong binobomba para punan ang anumang bitak na maaaring naiwan sa orihinal na pagtatayo o nalikha sa paglipas ng mga taon. Ang templong ito ay yari sa granito, at kasing bigat ito ng isang aircraft carrier. Ang mga bitak sa pundasyon ay kailangang ayusin kahit walang makakakita sa mga ito.
May mga bitak sa ating buhay, mga hamon na marahil ay walang ibang makakakita. Ang mga bitak na ito ay mapupunan kapag nagsisi tayo—mga bitak na mapupunan dahil nagbayad-sala si Jesucristo para sa bawat isa sa ating mga kasalanan at pagkukulang, dahil mapapagaling tayo ng Kanyang biyaya. Katunayan, ang pagsisisi ay hindi lamang tungkol sa pag-aayos ng mga bitak kundi tungkol din sa pagpapalakas at pagpapabuti sa atin kaysa dati, tulad ng templo.
Aral 4: Maaaring mabanaag sa atin ang Liwanag ni Cristo.
Isa sa mga paborito kong lugar sa Temple Square ay ang lugar kung saan mababanaag ninyo ang Salt Lake Temple sa isang maganda, at payapang lawa ng tubig.
Ang propetang si Alma sa Aklat ni Mormon ay nagtanong sa mga miyembro ng Simbahan ng ilang mahahalagang katanungan. Ang isa sa mga ito ay, “Kayo ba ay makatitingala sa Diyos… nang may dalisay na puso at malinis na mga kamay…, na ang larawan ng Diyos ay nakaukit sa inyong mga mukha?” (Alma 5:19).
Sa madaling salita, kapag tinitingnan kayo ng iba, mababanaag ba nila ang Liwanag ni Cristo sa inyo? Upang makita ang repleksyon, kailangang may liwanag. Kapag alam natin kung sino at kaninong anak tayo—mga minamahal na anak na lalaki at anak na babae ng mga magulang sa langit, na may banal na katangian at walang hanggang tadhana1—mas malamang na mabanaag sa atin ang Liwanag ni Jesucristo. Mas malamang na makakita tayo nang malinaw sa mundong ito na lalo pang dumidilim.
Aral 5: Walang sinumang nagiging banal nang walang pagsisikap.
Sa lawa ng tubig, mababanaag doon ang mga bintana, mga pinto, mga taluktok ng templo, at ang nakasulat na mga salitang, “Kabanalan sa Panginoon.” Naalala ko na si John Stott, isang paring Anglican, ang nagsabi ng, “Walang sinumang nagiging banal nang walang pagsisikap.”
Sa pagbanggit ng pahayag na iyon, itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na “wala akong nalalamang anumang bagay na napakahalaga na basta nangyayari na lang.”2 Sa madaling salita, kailangan tayong magkusa at magsumigasig na mataglay ang katangian ng kabanalan sa ating buhay! Kahit ang mga pinaka-ordinaryong gawain, kapag kusang ginawa, ay makakatulong sa ating mga pagsisikap na maging mas banal.
Kung kabanalan ang hinahangad natin, kailangan tayong matagpuan sa mga banal na lugar. Kabilang sa mga lugar na ito ang mga templo, simbahan, at ating mga tahanan. Isa sa mga dahilan kung bakit banal ang mga lugar na ito ay dahil inilaan ang mga ito. Ang ibig sabihin ng ilaan ay “italaga… [para sa] isang sagradong layunin.”3 Ito ay isang pandiwa—isang salitang nagsasaad ng kilos. Kung ang mga templo, chapel, at tahanan ay inilaan bilang mga banal na lugar—at kung nais kong maging banal ang buhay ko—kailangan kong ilaan ang aking buhay sa layuning iyon. “Kabanalan sa Panginoon”: ang mga salitang ito na nakaukit sa templong ito at sa bawat templo ay mga salitang nais kong iukit sa aking puso.
Isang pundasyon. Liwanag. Tubig. Kabanalan. Mga nakikitang paalala ng ating tiyak na saligan, ang Ilaw ng Sanlibutan, Tubig na Buhay, ang Banal ng Israel. Pinatototohanan ko na si Jesucristo ay buhay, na ang Kanyang liwanag at Kanyang pagmamahal ay tunay, at ginagawa Niya ang Kanyang gawain sa kaibuturan ng ating puso.