2021
Sa Mundong Tumitindi ang Kadiliman, Paano Tayo Magkakaroon ng Pag-asa at Kagalakan?
Mayo 2021


Paghahanap ng mga Sagot: Pakikipag-ugnayan sa Isa’t Isa ng mga Kababaihan ng Relief Society

Sa Mundong Tumitindi ang Kadiliman, Paano Tayo Magkakaroon ng Pag-asa at Kagalakan?

Ang tanong ng maraming matatapat na kababaihan, pati ako.

babaeng nakatingin sa kulay-kahel na kalangitan sa paglubog ng araw

Mayroon akong di-magandang ugali na sabihin sa Ama sa Langit kung ano sa palagay ko ang kaya ko at hindi ko kayang gawin. Naaalala kong sinabi ko sa Kanya noong bata pa ako na ayaw kong mabuhay sa mga huling araw dahil alam ko na hindi ko makakayanan ang gayon kasamang panahon.

Habang patuloy ang buhay, sinasabi ko pa rin na hindi ko makakayanan ang tumitinding kadiliman sa mundo.

Ang kakatwa, sinabi sa patriarchal blessing ko na magkakaroon ako ng kagalakan sa buhay na ito. Madalas na iniisip ko kung paano inaasahan ng Diyos na makakasumpong ako ng kagalakan sa mundo kung saan hayagang pinipili, sinusuportahan, at itinataguyod ng mas maraming tao ang kasamaan.

Paano kaya magkakaroon ang sinuman ng pag-asa o nagtatagal na kagalakan sa masamang mundong ito?

Ang malinaw na hindi pagkakatugmang ito sa sinasabi sa akin ng patriarchal blessing ko at sa kung ano ang nangyayari sa mundo ngayon ay humantong sa pag-aaral ko ng ginagampanan ng pag-asa at kagalakan sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Pag-asa

Nang simulan kong pag-aralan ang tungkol sa pag-asa, nabasa ko ang isang pahayag ni Elder Steven E. Snow, isang emeritus General Authority Seventy: “Ang pag-asa natin sa Pagbabayad-sala [ni Jesucristo] ay nagbibigay sa atin ng kapangyarihang magkaroon ng walang hanggang pananaw. Sa gayong pananaw, hindi lamang natin iniisip ang buhay na ito ngayon kundi maging ang pangako ng mga kawalang-hanggan. Hindi tayo kailangang mabitag sa makikitid at pabagu-bagong inaasahan ng lipunan.”1

Natanto ko na naranasan ko mismo ang makapangyarihang katotohanang ito ilang taon na ang nakakaraan. Bago ko natapos ang aking misyon sa katimugang France, sinalakay ng mga terorista ang Paris, na nagpadama ng pagkaligalig at takot sa buong bansa. Kapag kinakausap namin ang mga tao isang linggo pagkatapos niyon, madalas nilang itanong sa amin kung paanong mayroon pa rin kaming pananampalataya gayong hinayaan ng Diyos na mangyari ang mga kakila-kilabot na bagay na iyon. Nagbahagi kami sa kanila ng mga kuwento sa banal na kasulatan, at itinuro namin ang tungkol sa pagmamahal at plano ng kaligayahan ng Diyos. Ang mga taong nagkaroon muli ng pag-asa ay yaong mga nakinig sa aming mensahe at nagsikap na magkaroon ng walang-hanggang pananaw.

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kung walang pag-asa kay Cristo, walang pagkilala sa banal na plano para sa pagtubos ng sangkatauhan. Kung wala ang kaalamang iyan, mali ang paniniwala ng mga tao na ang buhay ngayon ay maikli lamang at maaaring maglaho kinabukasan—na ang kaligayahan at pagsasama ng pamilya ay panandalian lamang.”2

Kung ang kawalan ng pag-asa kay Cristo ay nagdudulot ng kapighatian na madalas nating makita sa mundo, kung gayon ang pagpapalakas ng ating pananampalataya at pag-asa kay Cristo ay tiyak na makakatulong sa atin na magkaroon ng higit na pag-asa sa buhay. Pinagtibay ito ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Dahil pinagtibay muli ng Pagpapanumbalik ang saligang katotohanan na kumikilos nga ang Diyos sa daigdig na ito, makaaasa tayo, dapat tayong umasa, kahit pa nahaharap tayo sa pinakamahihirap na laban.”3

Kung minsan kahit alam natin na dapat tayong umasa kay Cristo, hindi pa rin madaling gawin ito lalo na sa tumitinding kadiliman sa mundo sa paligid natin. Kapag pinanghihinaan ako ng loob, gusto kong isipin ang matalinong payo na ito ni Kevin J. Worthen, presidente ng Brigham Young University:

Kung nais nating palakasin ang ating pag-asa, dapat tayong mas magtuon sa Tagapagligtas, lalo na kapag nakadarama tayo ng kawalan ng pag-asa. Isa sa pinakasimple ngunit pinakamabisang paraan na magagawa natin iyan ay tularan ang Kanyang halimbawa sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba. Kapag ginawa natin ito, ang pagtutuon natin sa ating sarili ay mapopokus sa iba, at magsisimula tayong magkaroon ng mga hangarin para sa kanilang kapakanan. Pagkatapos ang pag-asang iyan ay malalakipan ng katiyakan na matutulungan sila ni Cristo at magagawa Niya ito sa pamamagitan natin. Ang dagdag na pananampalatayang ito sa ating mabubuting hangarin ay magpapalago sa ating maliit at sumisibol na pag-asa na hahantong sa isang matatag, matibay, at higit na mainam na pag-asa na maaaring magpabago sa atin—at sa iba.4

Sa paggawa lamang sa mga bagay na mas naglalapit sa atin kay Cristo, magkakaroon tayo ng mas malaking pag-asa sa ating hinaharap, anuman ang mangyari sa mundo sa ating paligid. Kapag pinatibay natin ang ating ugnayan sa Kanya, matututuhan nating tingnan ang buhay sa pamamagitan ng walang-hanggang pananaw at mauunawaan na ang mga paghihirap at pagsubok na nararanasan natin sa buhay na ito ay “maikling sandali na lamang” (Doktrina at mga Tipan121:7).

Kagalakan

At paano naman ang kagalakan? Hindi ba’t narito tayo para magkaroon ng kagalakan? (Tingnan sa 2 Nephi 2:25.) Paano tayo magkakaroon ng kagalakan kapag walang katiyakan ang mga bagay-bagay at ginagawa natin ang lahat para lamang magkaroon ng pag-asa sa mas magandang bukas?

Ipinaliwanag minsan ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahulugan ng kagalakan: “Ang pananaw natin sa ebanghelyo ay tumutulong sa atin na maunawaan na ang kagalakan ay higit pa sa panandaliang damdamin o emosyon; sa lalong maliwanag, ito ay isang espirituwal na kaloob at kalagayan at pagiging [higit na katulad Niya].”5

Nang marinig kong sinabi niya ito, binago ko ang paraan ng paghahanap ko ng kagalakan. Hanggang sa panahong iyon, naghahanap na ako ng tunay na kaligayahan, isang bagay na hindi maglalaho at hihigit sa lahat ng kalungkutan at pasakit. Gayunman ang paliwanag ni Elder Bednar ay nagmulat sa aking mga mata sa ideya na siguro kaya hindi ko nahahanap ang kagalakang ipinangako sa akin ay dahil mali ang hinahanap ko.

Sa halip na maghanap para makadama ng kagalakan, dapat sana ay naghanap ako para maging masaya.

Paano nagiging masaya ang isang tao? Wala akong ideya.

Idinagdag ni Elder Bednar, “Nagmumula ang kagalakan sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pagiging marapat sa pagtanggap at matapat na pagtupad sa mga sagradong ordenansa at tipan, at pagsisikap na lubos na magbalik-loob sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga layunin.”6

Itinuro din ni Pangulong Nelson:

“Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.…

“Ang kagalakan ay isang kaloob sa matatapat. Ito ang kaloob na nagmumula sa sadyang pagsisikap na mamuhay nang matwid, tulad ng itinuro ni Jesucristo.”7

Ito ang nagpaunawa sa akin nang malaman ko ang marami pang katotohahan tungkol sa pinagmumulan ng kagalakan.

Pananampalataya kay Jesucristo? Lubos na pagbabalik-loob sa Kanya at sa Kanyang mga layunin? Ito ang mga bagay na narinig ko na sa buong buhay ko. Talaga bang ang mga ito ang susi para mabago ang nadarama ko tungkol sa pamumuhay sa mundo sa panahong ito ng kadiliman?

Oo!

Nang pagnilayan ko ang mga sandali sa aking buhay noong nadama ko ang lubos na pag-asa at kagalakan, natanto ko na halos sa tuwina ay lubos akong nakatuon sa pagpapatibay ng aking kaugnayan kay Cristo at pagsisikap na maging higit na katulad Niya.

Bagama’t maaaring nahihirapan pa rin ako sa mga sandali ng pagdadalamhati o pighati, may pag-asa at pananampalataya ako na kapag patuloy akong lumapit kay Cristo, nariyan Siya para tulungan ako sa aking mga kahinaan. Umaasa ako na balang-araw ay makakamtan ko ang lubos na kagalakan, at kapag hinanap ko ang liwanag ng Tagapagligtas at nagsikap na maging masaya sa kabila ng mahihirap na kalagayan, mahahanap ko ang uri ng kagalakang ipinangako sa akin sa aking patriarchal blessing at ipinangako iyan sa ating lahat—na “ang kanilang kagalakan ay malulubos magpakailanman” (tingnan sa 2 Nephi 9:18).

Mga Tala

  1. Steven E. Snow, “Pag-asa,” Liahona, Mayo 2011, 53–55.

  2. Russell M. Nelson, “A More Excellent Hope” (Brigham Young University devotional, Ene. 8, 1995), 5, speeches.byu.edu.

  3. Jeffrey R. Holland, “Ganap na Kaliwanagan ng Pag-asa,” Liahona, Mayo 2020, 81–84.

  4. Kevin J. Worthen, “The Process and Power of Hope” (Brigham Young University devotional, Set. 8, 2020), 4, speeches.byu.edu.

  5. David A. Bednar, “That They Might Have Joy” (Brigham Young University devotional, Dis. 4, 2018), 4, speeches.byu.edu.

  6. David A. Bednar, “That They Might Have Joy,” 4.

  7. Russell M. Nelson, “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Liahona, Nob. 2016, 81–84.