Mga Young Adult
Pansariling Personal na Paghahayag
Paano mo nalalaman ang pagkakaiba sa pagitan ng paghahayag at ng sarili mong mga iniisip?
Nabubuhay tayo sa isang mundo na maraming oportunidad. Mayroon tayong kalayaan na piliin ang ating magiging trabaho, paaralan, asawa, kung saan natin gustong tumira, at marami pang iba. Tunay na isang pagpapala ito sa ating henerasyon. Pero sa kabilang banda, nagiging mas mahirap ding pumili dahil napakaraming landas at oportunidad na magdadala ng mabubuting bagay. Paano natin pipiliin ang tama kapag napakaraming magagandang oportunidad? Kapag ikaw ay naguguluhan at nalilito sa napakaraming pagdedesisyong ito, dapat mong malaman na gusto ng Ama sa Langit na gabayan ka. Makapipili ka ng tamang landas at makakukuha ng mga sagot na hinahanap mo kung susundin mo ang Kanyang tinig. Alamin kung paano Siya nakikipag-usap sa iyo, magtiwala sa Kanya, sundin ang propeta, maging matiyaga, maging positibo, at manampalataya, at sa huli ay gagabayan ka sa tamang landas.
—Vira Vashchenko, Kyiv, Ukraine
Nakita ko sa buong buhay ko kung paano ako ginabayan ng Panginoon, at kinikilala ko na ang lahat ng nagawa ko ay dahil sa Kanya at sa Kanyang paggabay. Kahit na sa mga sandaling pakiramdam ko ay lumalakad akong mag-isa, sa huli, ipinaaalam at ipinadarama Niya sa akin na palagi Siyang nariyan para sa akin. Ito ang dahilan kung bakit ako nagpasya na palaging patuloy na sumulong nang may pananampalataya, kahit na nararamdaman kong nag-iisa ako. Para sa akin, hindi palaging malinaw ang aking landas, at hindi ko palaging nakikita kung ano ang naghihintay sa akin sa hinaharap, pero palagi akong gumagawa ng mga desisyon nang may pananampalataya, at pagkatapos ay nakakakita ako ng liwanag at nakikilala ang kamay ng Diyos sa aking buhay. Alam ko na mahal tayo ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, at handa Silang gabayan tayo, pero inaasahan din Nila tayo na manampalataya sa Kanila at kumilos kapag nakatanggap tayo ng mga paghiwatig mula sa Espiritu.
—Indhira Mejia, Dominican Republic
Sa aking pagtanda, natutuhan ko ang wika ng Espiritu. Nagsasalita ang Espiritu sa akin sa pamamagitan ng mga simpleng ideya. Kailangan ng ilang ensayo bago masanay dito, pero madalas na dumarating sa akin ang Espiritu sa mga tahimik na lugar, gaya halimbawa kapag nagmamaneho ako ng aking kotse habang papasok sa trabaho. Alam ko na hindi ko ito sariling mga ideya dahil madalas na nagbibigay ng inspirasyon ang Espiritu kahit hindi ko iniisip ang isang paksa.
—Clarissa Mae Taylor, Utah, USA
Sa tingin ko, ang isa sa mga teknik na dapat na maging bihasa tayo ay ang kakayahan na makilala ang mga mahihinang bulong ng Espiritu Santo. Ang masigasig na pagbabasa ng banal na kasulatan ang nagtulak sa akin na mas maging bihasa rito. Talagang naniniwala ako na ang naghahanap nang masigasig ay makasusumpong; at ang mga hiwaga ng Diyos ay ilalahad sa kanila, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo (tingnan sa 1 Nephi 10:19). Sa madaling salita, kung gusto kong makilala ang Espiritu, hindi ko mahahayaan ang sarili ko na mag-isip ng mga walang saysay na bagay o ng mga pang-araw-araw na alalahanin ng buhay, kundi sa halip ay kailangan kong lubos na makibahagi sa gawain at kalimutan ang aking sarili. Doon ako nagkakaroon ng kakayahan na mas makilala ang Espiritu dahil handa ako para rito! Kung ang barko ay hindi madaling nakapaglalayag sa gitna ng isang unos, hindi rin natin maririnig ang Espiritu kung nadadala tayo ng mga alalahanin sa buhay na hindi naman natin makokontrol.
—Emmanuel Borngreat Dogbey, Accra, Ghana
Sa aming maliit na pamilya, nakikilala namin ang Espiritu dahil sa kapayapaan na nadarama namin, lalo na kapag nadarama namin ito bilang mag-asawa. Kapag mga sariling ideya namin ito, hindi namin nararamdaman na talagang tama ang bagay na ito—palaging may duda o takot sa likod nito. Pero kapag ito ay isang paghahayag, palagi kaming nakadarama ng kapayapaan, kahit na sinusubukan naming mangatwiran at tila hindi namin lubos na maunawaan ang mga bagay-bagay sa una. Kapag matagumpay naming nasunod ito, nakikita naming napupunta ang mga bagay-bagay sa dapat pagkalagyan ng mga ito at nagiging maayos ang lahat. Doon namin tinitignan ang isa’t isa at sinasabing, “Ah, nauunawaan ko na ngayon!”
—Maryana Wright, Utah, USA
Bagamat maaring natatanggap natin ang personal na paghahayag sa iba’t ibang paraan, isang bagay ang walang dudang totoo: madalas nakikipag-usap ang Diyos sa atin. Kailangan lang nating maging handa na magsikap para dagdagan ang ating kakayahan na makilala at marinig ang Kanyang tinig. Tulad ng ipinayo ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ipanalangin sa pangalan ni Jesucristo ang inyong mga alalahanin, ang inyong mga takot, mga kahinaan—oo, ang pinakainaasam ng inyong puso. At makinig! Isulat ang mga naiisip ninyo. Itala ang inyong nadama at isagawa ang mga bagay na ipinahiwatig sa inyong gawin. Habang inuulit ninyo ang prosesong ito araw-araw, buwan-buwan, taun-taon, kayo ay ‘uunlad sa alituntunin ng paghahayag’” (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 95).