2021
Pagkakaroon ng Espirituwal na Suporta Matapos Sumapi sa Simbahan nang Mag-isa
Agosto 2021


Mga Young Adult

Pagkakaroon ng Espirituwal na Suporta Matapos Sumapi sa Simbahan nang Mag-isa

Ang awtor ay naninirahan sa Virginia, USA.

Hindi ko nadama kailanman na malayo ako sa mga magulang ko, pero nagsugo ng mga anghel ang Ama sa Langit para palakasin ako.

men sitting on a handrail

Para sa akin, ang pagsapi sa Simbahan nang mag-isa, nang walang nakapapanatag na mga patotoo ng aking mga kaibigan at pamilya, ay mahirap at malungkot.

Ang pagkatuklas sa Simbahan ang pinakahihintay na sagot sa aking mga dalangin na mas maunawaan ang aking Tagapagligtas at mamuhay ako nang tulad Niya. Pero nagmula ako sa isang relihiyosong pamilya na aktibong miyembro ng simbahang Baptist, at hindi nila naunawaan at matindi nilang tinanggihan ang desisyon kong maging Banal sa mga Huling Araw.

Gusto ng mga magulang ko ang inakala nilang pinakamainam para sa akin at naniwala sila na ang paglisan ko sa kinalakhan kong relihiyon ng aming pamilya ay sisira sa aking pananampalataya.

Naging mas mahirap pa ang mga bagay-bagay nang pumanaw ang tatay ko dahil sa kanser bago ako nabinyagan. Halos hindi ko nakayanan ang pagkawala ng aking mapagmahal na ama habang kinakailangan ko ring pumili sa pagitan ng kalooban ng Diyos at ng kagustuhan ng aking pamilya.

Pakiramdam ko ay parang sagad na sagad na ako.

Mga Anghel ng Ama sa Langit

Habang nagdurusa si Jesucristo sa Getsemani, nagsugo ng isang anghel ang Diyos para palakasin Siya (tingnan sa Lucas 22:43). Naniniwala ako na isinugo ang anghel na iyon para tulungan si Cristo bilang pagpapahayag ng walang-maliw na pagmamahal ng Ama sa Langit. Gayundin, nagsugo Siya ng mga anghel upang palakasin ako.

Kabilang sa mga anghel na ito ay sina Sister Neff at Sister Smallcomb, ang mga missionary na unang nagturo sa akin. Mayroon silang patotoo at talino para gabayan ako sa aking matitinding tanong. At habang mas madalas kong nasaksihan ang pagmamahal ni Cristo sa pamamagitan nila, mas natutuhan kong mahalin ang ebanghelyo.

Ilang taon matapos akong mabinyagan, kinausap ko si Sister Smallcomb at pinasalamatan ko siya sa kahandaan pa ring sagutin ang mga tanong ko. Sinabi ko rin na sana ay hindi ako nakakaabala sa kanya.

“Marcus,” natatawa niyang sinabi, “puwede mo akong padalhan ng mga tanong tungkol sa ebanghelyo kahit kailan.”

Lubhang nakakaaliw na malaman na may isang tao akong malalapitan para sa mga sagot. Kahit paano, sina Sister Neff at Sister Smallcomb ang aking mga tagapagturo sa ebanghelyo, ginagabayan ako sa landas ng aking pagbabalik-loob at tinutulungan akong maunawaan ang kahulugan ng maging miyembro ng Simbahan.

Ngunit hindi lamang sila ang gagabay sa akin.

Paghahanap sa Iba pang mga Tagapagturo

Gustung-gusto ko noong magkaroon ng mga espirituwal na talakayan sa pamilya ko. Pero nang sumapi ako sa Simbahan, ang mga pag-uusap na iyon—kahit ilang panahon lamang—ay naging imposible nang gawin. Sa mga espirituwal na talakayan sa pamilya ko, nasasaid ako sa halip na sumisigla.

Ang pamumuhay ayon sa ebanghelyo nang wala ang pamilya ko ay hindi isang pagsubok na kakayanin kong tiising mag-isa. Salamat na lang, naroon ang aking Ama sa Langit at ang tapat na bishop sa aking young single adult ward.

Anuman ang tinalakay ko sa bishop ko, espirituwal akong lumalago palagi. Nadama ko ang suporta at pagmamahal na kailangan ko.

Siguro hindi napupunan ang espirituwal na mga pangangailangan ninyo sa pamamagitan ng isang bishop. Pero maaaring dumalo ang isang institute teacher, mission president, senior missionary couple, ministering brother o sister, kaibigan, at napakarami pang iba para suportahan kayo.

Paano natin hahanapin ang mga tagapagturong iyon sa ating buhay? Ang isa sa pinakamahahalagang hakbang ay ang gawin ang lahat ng inyong makakaya para patuloy na ipamuhay ang ebanghelyo. At makapagtitiwala kayo na maaaring gabayan (at gagabayan) ng perpektong Ama sa Langit ang maraming taong katulad ni Cristo para tulungan kayo.

Makakahanap din kayo ng isang tagapagturo sa paglalagay sa inyong sarili sa mga positibong sitwasyon. Ang pagsasagawa ng isang ministering assignment, pagganap sa calling, pagbibigay ng pagkain sa mga missionary at pagsali sa kanila sa mga lesson, pagdalo sa institute, at pagpapatotoo ay pawang mga paraan para makalikha ng mga pagkakataong bumuo ng magagandang relasyon.

Pagtitiwala sa Ama sa Langit

Sa buong paglalakbay ko sa buhay, kapag nadama ko na nag-iisa ako, patuloy na nagsusugo ng mga anghel ang Ama sa Langit para panatagin at palakasin ako.

Natanto ko na talagang hindi ako kailanman napunta sa isang kalagayan na hindi ako nagkaroon ng suporta. Palagi akong inaakay ng Ama sa Langit sa mga makakatulong, lalo na kapag may problema sa bahay. Ang kinailangan ko lang gawin ay manatiling sumasampalataya sa Kanya at panatilihing bukas ang aking espirituwal na mga mata at tainga para sa Kanyang patnubay at mga pagpapala. Taimtim kong pinatototohanan na ang mga salita ng Tagapagligtas ay totoo:

“Ngunit hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo” (Mateo 6:33).

Mapagmahal ko kayong hinihikayat na manatiling aktibo sa ebanghelyo kapag ipinagdarasal ninyo na gabayan kayo ng Ama sa Langit sa kapaki-pakinabang na mga relasyon at tagapagturo na tutulong sa inyo na manatili sa landas ng tipan at makabalik sa Kanya.