2021
Paggawa ng Ministering na Isinasaisip ang Kalusugan ng Isipan
Agosto 2021


Mga Alituntunin ng Ministering

Paggawa ng Ministering na Isinasaisip ang Kalusugan ng Isipan

Maibabahagi natin ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa mga taong namumuhay na mayroong mga hamon sa kalusugan ng isipan at emosyon.

young woman opening window shutters and breathing in the fresh air

Natagpuan ng isang bata pang ina ang sarili na nahihirapan sa depresyon. Nakipagtulungan siya sa mga doktor para makakuha ng tamang gamot, pero matagal ang prosesong ito. May isang araw na talagang napakahirap, at agad siyang kumonsulta sa kanyang doktor. Nagpasiya silang dalawa na dapat siyang itakbo sa ospital.

Sama-samang bumisita ang mga miyembro ng ward, inalagaan ang kanyang mga anak, at nagbigay ng tulong sa pagkain. Sa mga linggo at buwan matapos nito, nahirapan nang humingi ng tulong ang babaeng ito dahil sa kanyang depresyon, kaya natutuhan ng mga miyembro na sila na mismo ang mag-alok ng suporta.

Kalaunan, ibinahagi ng sister na ito na dumating ang tulong sa mga inspiradong sandali, kung kailan ito lubhang kailangan. Binanggit niya na ang isa sa mga pinakamahalagang bagay mula sa panahong iyon ay ang malaman na ang kanyang mga kapatid ay nagmamalasakit sa kanya at naroon para suportahan siya. Nadama niya ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa paglilingkod ng mga miyembro ng kanyang ward. Nalaman niya na alam ng Panginoon ang tungkol sa kanya at ang kanyang mga paghihirap at sa tulong Niya ay matitiis niya ang kanyang mga hamon nang may pananampalataya.

Mga Ideya sa Ministering

Ang mga isyu tungkol sa kalusugan ng isipan at emosyon ay karaniwan, kahit na hindi kailangan ng marami ang agarang pagpapaospital. Ang mga hamong ito ay malamang na makikita sa mga miyembro ng bawat ward o branch. Maaaring maapektuhan ng mga ito ang mga tao sa lahat ng nasyonalidad at lahat ng katayuan sa buhay.

Sa paggawa ninyo ng ministering, malamang na makakilala kayo ng isang taong nahihirapang makisalamuha o nahihirapan ang emosyon o damdamin. Sa ganitong pagkakataon, isipin ninyo ang payong natanggap ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Kapag may [nakilala] ka, tratuhin mo sila na parang mabigat ang problema nila … at mas malamang na tama ka.”1 Ang problema sa pag-iisip, pakikisalamuha, o damdamin ay maaaring isang dahilan kaya nahihirapan ang isang tao.

human hands reaching out to help sad young womman sitting and hugging knees

Narito ang ilang ideya kung paano maglingkod:

  1. Makinig upang malaman. Hayaang magbahagi ang tao ng marami o kahit kaunting impormasyon na komportable siyang ibahagi. Sinusuportahan ninyo siya sa pamamagitan lamang ng pakikinig; maaari kayong makatanggap ng inspirasyon tungkol sa mga paraan na makapagbibigay kayo ng kapanatagan. (Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang “Mga Alituntunin ng Paglilingkod: Limang Bagay na Ginagawa ng Mabubuting Tagapakinig,” Liahona, Hunyo 2018, 6–9.)

  2. Magpakita ng pagkahabag. Sikaping simulan at tapusin ang bawat pakikipag-ugnayan sa tapat na pagpapakita ng pagmamahal at malasakit sa tao. (Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang “Mga Alituntunin ng Paglilingkod: Tumulong nang May Habag,” Liahona, Hulyo 2018, 6–9.)

  3. Magbigay ng suporta. Ang paggaling mula sa mga paghihirap sa pakikisalamuha at ng damdamin ay hindi simple at hindi madaling gawin. Kung minsan, maaari niyang hilingin na layuan muna siya o maaaring humingi ng tulong. Magbigay ng suporta sa panahon at paraan na matatanggap ng taong ito. (Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang “Paglinang ng Pakikiramay sa Pagmiminister,” Liahona, Peb. 2019, 8–11.)

  4. Sumangguni sa mga lider. Hindi kayo nag-iisa. Humingi ng suporta mula sa mga lider at sa iba. Nang may pahintulot, ibahagi ang mga pangangailangan ng taong nahihirapan at ang mga posibleng gawin ng iba para makapaglingkod. (Para sa iba pang ideya, tingnan ang “Paghingi ng Tulong na Tulungan ang Iba,” Liahona, Okt. 2018, 6–9.)

Paalala: Kung ang taong pinaglilingkuran ninyo ay may dalang panganib sa sarili o sa iba, maaaring kailangang isangkot ang angkop na mga awtoridad para tumulong.

Tala

  1. Henry B. Eyring, “Sa Lakas ng Panginoon,” Liahona,” Liahona, Mayo 2004, 16.