Huwag Palampasin ang Debosyonal na Ito
Simpleng Matematika para Mas Mapalapit sa Panginoon
Mula sa isang mensaheng ibinigay sa mga estudyante sa Ensign College sa Salt Lake City, Utah, USA, noong Disyembre 1, 2020. Basahin ang buong teksto sa ensign.edu.
Ang pagpapatibay ng ating relasyon sa Panginoon ay hindi kailangang maging kumplikado.
Pagkatapos ng nakaraang taon, sa kabila ng lahat ng kasiyahan at kalungkutan at di-inaasahang mga pangyayari, makabubuting suriin natin kung natututuhan natin ang mga aral na dapat at maaari nating matutuhan mula sa pandemyang ito at sa iba pang mga kaganapan kamakailan. Inilagay ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang post na ito nang pagbulayan niya ang natututuhan niya sa kakaibang panahong ito:
“Umaasa ako na kapag bumalik sa normal ang mga bagay-bagay—anuman ang normal na mangyayari—na hindi ko malilimutan ang mga damdamin at karanasan ko sa mga buwang ito ng pagbubulay at pag-iisa. …
“ … Magiging kahangalan kapag pinalampas natin ang sagradong pagkakataong ito na saliksikin ang ating kaluluwa, magsisi nang kaunti, at alamin kung paano tayo magiging mas mabuti at mas mabait.”1
Habang ginagawang pundasyon ang ideyang iyan, mag-aral tayo ng kaunting matematika. Gustung-gusto ko ang matematika, dahil sa lohika at katumpakan at kakayahang mahulaan ang kalalabasan nito, pero sisimplihan lang natin ito, dahil simpleng matematika lang ang magagawa ko sa mga panahong ito! Magdaragdag tayo, magbabawas, magpaparami, at maghahati.
Magdagdag
Sa napakaraming ingay sa ating paligid, sa magkakaibang tinig na umaagaw ng ating pansin at katapatan sa ating cellphone, sa ating screen, at maging sa loob ng ating tahanan, kailangan nating magdagdag ng isang banal na lugar sa ating buhay. Isipin kung saan kayo nakatira; ilarawan ito sa inyong isipan.
Nasa apartment ba kayo?
Sa bahay sa piling ng pamilya?
Sa isang basement?
Mayroon o walang mga roommate?
Saan kayo nagpupunta para matahimik, para manalangin, para makipag-ugnayan sa Diyos? At umuubra ba iyon?
Anuman ang sitwasyon ng inyong pamumuhay, maaari kayong magdagdag doon ng isang banal na lugar—isang puwang kung saan magkakaroon kayo ng katahimikan upang marinig ang tinig ng Diyos; upang “pakinggan Siya,” tulad ng ipinayo ng ating propeta na gawin natin;2 upang makipag-ugnayan at makatagpo ng patnubay at direksyon sa inyong buhay.
Saan kayo maaaring magdagdag ng isang banal na lugar sa inyong tirahan? Sikaping maghanap ng isang partikular na lugar o isang muwebles na maaaring maging banal na lugar ninyo. Siguro’y ang quilt sa kuwarto ninyo kapag wala ang inyong roommate sa maghapon, o isang silya sa tabi ng heating vent kung saan lumalabas ang mainit na hangin sa mga buwan ng taglamig. Siguro’y isa itong malambot na alpombrang nabili ninyo online at inilagay ninyo sa tabi ng inyong kama para luhuran. Ang banal na lugar na ito ay maaaring maging santuwaryo para sa inyo. Sa kung anong kadahilanan, at mula ito sa personal kong karanasan, ang lakas at kapanatagan ay maaaring dumating sa inyo dahil alam ninyo na ang inyong quilt, inyong upuan, inyong malambot na alpombra, o anuman, ay kumakatawan sa inyong banal na lugar at siyang lugar kung saan nangyayari ang mga banal na bagay. Alisin ang ingay. Lumikha ng katahimikan—nang talagang sadya—upang marinig Siya! Itinuro ni Jesus, “Sapagkat lahat ng laman ay nasa aking mga kamay; mapanatag at malaman na ako ang Diyos” (Doktrina at mga Tipan 101:16).
Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Inaanyayahan ko kayong gawing banal na lugar ang inyong apartment, dorm, tahanan, o silid kung saan kayo ligtas na makalalayo sa masasamang kaguluhan ng mundo.”3
Magbawas
Sumunod ang pagbabawas. Isipin kung paano ninyo ginugugol ang 24 na oras na ibinibigay sa inyo araw-araw. Marami sa mga oras na iyon ang ginugugol sa pagtulog (marahil ay hindi kasindami ng gusto mo!), at marami sa mga oras na iyon ang ginugugol sa klase at pag-aaral. Maraming oras ang ginugugol sa pagtatrabaho at pagkita ng pera para mabuhay. Ang mga oras (o minuto!) na natitira sa inyo pagkatapos ng iba-ibang gawain ninyo sa paaralan, trabaho, at pamilya ay maaari ninyong tawaging inyong “patay na oras.” Ito ang oras na kayo lang ang may buong kapangyarihang gumawa ng desisyon. Paano kayo magpapasiyang gugulin ang oras na iyon?
Gumawa ng listahan sa inyong isipan kung paano ninyo nagugol ang inyong patay na oras sa nakalipas na ilang araw. Pagkatapos ay isipin kung ano ang kailangang ibawas mula sa ginagawa ninyo sa patay na oras na iyon. Mayroon bang mga pampalipas-oras o mga pagpili sa media o mga pagsasayang ng oras na mas mainam na alisin nang lubusan o bawasan man lang? Ano ang kailangang ibawas sa inyong buhay? Maaaring isang tanong iyan para pagnilayan at itanong ninyo sa Ama sa Langit kapag naroon kayo sa banal na lugar na iyon na idaragdag ninyo!
Ibawas natin ang anumang bagay sa ating buhay, lalo na mula sa ating patay na oras, na nakakasakit sa Espiritu, mga aktuwal na aktibidad man iyon o mga pag-uugali o gawi, o mga ideya man ito o saloobin o pananalitang ginagamit natin kung minsan. Kung nakakasakit ito sa Espiritu, ibawas ito. Kalimutan na ninyo iyon. Alisin ito sa inyong buhay. At magdagdag ng mga bagay na mas banal.
Magparami
Tumuloy naman tayo sa pagpaparami. Ano ang nais nating paramihin sa ating buhay? Ano sa buhay ninyo ang gusto ninyong paramihin, at ang ibig kong sabihin, paramihin pa nang husto? Siguro ang unang pumasok sa isipan ninyo ay pera! Hindi ba magandang palakihin ang balanse sa inyong bank account o ang suweldong tinatanggap ninyo, kahit doble o triple lang?
Pero mag-isip kayong mabuti. Ano ang gusto ninyong paramihin sa inyong buhay? Paano naman ang pagmamahal at pagmamahalan? Paano naman ang damdamin ng kapayapaan at kagalakan? Paano naman ang pagpapatawad at paggaling? Hindi ba natin gustong paramihin pa ang mga bagay na ito? Maaari nating ilagay ang lahat ng ito sa ilalim ng heading na “mga pagpapala.” Hindi ba gusto lang nating paramihin ang ating mga pagpapala—lahat ng mabubuting bagay sa ating buhay?
Naniniwala tayo sa isang Diyos ng kasaganaan, isang Diyos na may walang-hanggan at walang-katapusang kakayahan at yaman—pagmamahal, karunungan, at kabutihan. Wala Siyang ibang nais kundi maawaing paramihin ang ating mga pagpapala, pero kailangan tayong lumapit sa Kanya sa pamamagitan ng estilo ng pamumuhay na may pagsisisi at pagsunod sa Kanyang mga utos. Kapag pinag-ibayo natin ang ating aktibong paghahangad na magtamo ng liwanag, maglingkod, at magtamo ng mga katangian ni Jesucristo sa ating buhay, kapag pinag-ibayo natin ang ating paghahangad na magsisi at sumunod, mahimalang pinararami ng ating Ama ang ating mga pagpapala. Simpleng equation lang.
At ang mga pagpapalang ito ay muling dumarami kapag ibinabahagi natin ang ating kagalakan at pananampalataya at kapayapaan sa iba. Tumutulong tayong paramihin ang kanilang mga pagpapala at ang kabutihan sa kanilang buhay kapag ibinibigay natin ang ating pagmamahal at ating hangaring gumawa ng mabuti, pasiglahin ang iba, at magpagaan ng pagdurusa. Lahat ng ito ay muling dumarami kapag nakikipagsanib-puwersa tayo sa iba na ang mga mithiin ay katulad ng sa atin. At patuloy na darami ang mga pagpapala.
Maghati
Ngayon naman ang paghahati. Sandali lang. Gusto ba nating magkaroon ng pagkakahati sa ating buhay? Malinaw na itinuro sa atin ni Jesus na kung hindi tayo isa, kung hindi tayo nagkakaisa, tayo ay hindi sa Kanya. Nais Niyang maging isa tayo, para lumikha ng matinding pagkakaisa mula sa ating magandang pagkakaiba-iba, upang maging isa tayo sa Kanya. Upang matamo ang ganitong klase ng pagkakaisa at pagiging isa, oo, may ilang bagay na kailangan nating hiwalayan.
Itinuro ni Jesus, “Siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo, at kanyang inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit sa isa’t isa” (3 Nephi 11:29). Kaya dapat nating ihiwalay ang ating sarili mula sa pagtatalo, mula sa pag-uudyok na magalit sa mga nasa paligid natin.
Itinuro din ni Jesus, “Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, pagpalain ninyo sila na sumusumpa sa inyo, gawan ninyo ng mabuti sila na napopoot sa inyo, at ipanalangin ninyo sila na may masamang hangarin sa paggamit sa inyo at umuusig sa inyo” (3 Nephi 12:44). Para masimulan pa nating sundin ang utos na iyon ni Cristo, kailangan nating ihiwalay ang ating sarili mula sa ating kapalaluan, mula sa ating kasakiman, mula sa ating masamang palagay, mula sa anumang pagkapoot sa mga grupong naiiba sa atin, at lalo na mula sa anumang uri ng rasismo. Sigurado ako na maaalala nating lahat ang pakiramdam na marinig si Pangulong Nelson na sabihing: “Nalulungkot ako na nararanasan ng mga kapatid nating Itim sa buong mundo ang pait na dulot ng rasismo at diskriminasyon. Nananawagan ako ngayon sa ating mga miyembro sa lahat ng dako na manguna sa pagwaksi sa ugali at gawain ng di-pantay na pakikitungo.”4 Kaya nga kailangan nating ihiwalay ang ating sarili mula sa pagtatalo, kapalaluan, at rasismo.
Kabaligtaran
May isa pang math operation na gusto kong siyasatin: ang kabaligtaran. Kung kukunin ninyo ang numero 5, halimbawa, na ang totoo ay 5/1, ang kabaligtaran ay 1/5. Naaala ba ninyo iyan? Parang kabaligtaran ito—babaligtarin lang ninyo ang numero. Kaya, kapag nahaharap ka sa kagipitan, na lagi namang nariyan, gamitin ninyo ang kabaligtaran at baligtarin ito! Sa halip na magtanong ng, “Bakit ako? Bakit nangyayari sa akin ang mahirap na bagay na ito?” subuking magtanong ng, “Bakit hindi ako? Ano ang matututuhan ko rito? Ano ang maaari kong baguhin? Paano ako lalago sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Jesucristo?” Napakabisa nito.
Kapag nahaharap kayo sa isang isyu na nagiging dahilan para pagdudahan ninyo ang inyong pananampalataya, gamitin ang kabaligtaran. Tiyaking lubos na siyasatin ang inyong mga tanong, pero maging positibo sa halip na negatibo sa pamamagitan ng pagtingin sa inyong mga tanong mula sa isang lugar ng pananampalataya, mula sa walang-hanggang pananaw, mula sa pagkilala na mas mataas ang mga paraan ng Diyos kaysa sa inyong mga paraan, at ang Kanyang mga iniisip ay mas mataas kaysa sa inyong mga iniisip, o sa iniisip ng sinuman, tungkol doon (tingnan sa Isaias 55:8–9).
Tiyak na matutukoy ninyo ang iba pang mga paraan na magagamit ninyo ang kabaligtaran at mababaligtad ang di-gaanong tapat na pananaw!
Hayaang Manaig ang Diyos
Naaalala nating lahat ang paanyaya ni Pangulong Nelson na hayaang manaig ang Diyos sa ating buhay. Sunud-sunod niyang itinanong: “Handa ka bang hayaang manaig ang Diyos sa iyong buhay? Handa ka bang maging pinakamahalagang impluwensya sa buhay mo ang Diyos? Hahayaan mo ba ang Kanyang mga salita, Kanyang mga utos, at Kanyang mga tipan na impluwensyahan ang ginagawa mo sa bawat araw? Mas uunahin mo ba ang Kanyang tinig kaysa sa iba? Handa ka bang unahin ang kailangan Niyang ipagawa sa iyo kaysa sa lahat ng iba pang mga ambisyon mo? Handa ka bang ipasakop ang iyong kalooban sa Kanyang kalooban?”5
Ang pagpayag na manaig ang Diyos sa ating buhay ay ang paggamit ng kabaligtaran kapag nahaharap tayo sa paghihirap at kawalang-katiyakan at nagpasiyang baligtarin ang mga ito!
Kaya, para marebyu, naituro sa atin ng araling ito sa matematika na
-
magdagdag ng isang banal na lugar at pakinggan Siya;
-
ibawas ng anumang bagay na nakakasakit sa Espiritu;
-
paramihin ang ating mga pagpapala sa paglapit sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsisisi at pagsunod;
-
ihiwalay ang ating sarili mula sa pagtatalo, kapalaluan, kasakiman, masamang palagay, at rasismo; at
-
gamitin ang kabaligtaran at hayaang manaig ang Diyos.
Si Jesus, ang Dalubhasang Mathematician, ang ating Tagapagligtas at Hari. Ang Kanyang perpektong pagmamahal sa inyo ay tunay, nagpapabago ng buhay, at nagliligtas ng buhay. Hayaang manaig Siya sa inyong buhay, at makasusumpong kayo ng di-masambit na kagalakan.