2022
Pagiging Disente: Hindi Lang Ito tungkol sa mga Damit
Hunyo 2022


Mga Young Adult

Pagiging Disente: Hindi Lang Ito Tungkol sa mga Damit

Marami ang nagtutuon ng pansin sa pagiging disente sa panlabas na anyo. Pero paano naman ang pagiging disente sa kalooban?

profile ng isang dalagita

Marami sa atin ang lumaki na natututuhan ang tungkol sa pagiging disente sa simbahan. At malinaw kung bakit—ang pagiging disente ay mahalagang alituntunin ng ebanghelyo na makatutulong sa atin na pamahalaan ang ating mga iniisip at kilos gayundin kung paano natin iprisinta ang ating sarili. Sa pag-aaral kung paano isasaisip at ipamumuhay ito at ang kaugnay na mga alituntunin ng ebanghelyo, maaari tayong maging lalong katulad ng ating Tagapagligtas.

Habang lumalaki tayo, maaaring itinuro sa atin na ang pagiging disente ay tungkol lamang sa ating panlabas na hitsura. Ang mga turo tungkol sa pagiging disente ay maaaring nakatuon lamang sa manipis na kasuotan o iba pang mga aspeto ng pagprisinta ng ating sarili na maaaring higit sa karaniwan, tulad ng pagpapabutas sa iba’t ibang bahagi ng katawan, mga tato, estilo ng buhok, o pangkalahatang pag-aayos. Ngunit ang pagiging disente ay hindi lamang tungkol sa mga damit o sa panlabas na anyo—kabilang din dito ang nasa kalooban.

Ang ibig sabihin ng pagiging disente ay “pagiging simple at disente sa pananamit, pag-aayos, pagsasalita, at pag-uugali. Kung kayo ay disente, hindi kayo mang-aakit. Sa halip, hahangarin ninyong ‘luwalhatiin … ng inyong katawan [at ng inyong espiritu] ang Dios’ (1 Mga Taga Corinto 6:20; tingnan din sa talata 19).”1

Kung nauunawaan at ipinamumuhay natin ang mas kumpletong kahulugang ito, na may saloobin na hinahangad na luwalhatiin ang Diyos, ang kadisentehan ay nagiging isang bagay na magagamit natin upang masukat ang lahat ng ating kilos o gawa—hindi lamang ang pinipili nating isuot.

Ang Katapatan ng Ating Kalooban

profile images ng iba’t ibang tao

Itinuro ni Sister Elaine S. Dalton, dating Young Women General President: “Ang pagiging disente ay hindi lamang sa panlabas na hitsura. Ito ay kundisyon ng puso. Ito ay panlabas na pagpapakita ng kaalaman at katapatan ng kalooban. Ito ay isang ekspresyon na nauunawaan natin ang ating identidad bilang [mga anak] ng Diyos. Ito ay isang pagpapahayag na alam natin kung ano ang inaasahan Niyang gagawin natin. Ito ay isang pahayag ng pagtupad natin ng tipan.”2

Kaya kung ang pananamit nang disente ay tunay na pagsalamin ng katapatan ng ating kalooban na mamumuhay nang disente, paano tayo magkakaroon ng gayong katapatan sa ating kalooban?

Una, mapapalalim natin ang ating pang-unawa sa kung sino tayo, kung ano ang kahulugan sa atin ng ating mga tipan, at kasagraduhan ng ating katawan. At maaari nating isaisip ang mga tunay na dahilan ng pagpiling manamit nang disente. Ito ay tungkol sa pamumuhay ayon sa paraang nais ng Diyos.

Maaari tayong magsimula sa pagtatanong sa ating sarili, “Magiging komportable ba ako sa hitsura ko kung nasa piling ako ng Panginoon?” Gayundin, maaari nating ikonsidera ang mga bagay na tulad ng ating pananalita at pag-uugali: “Maitatanong din ninyo ito sa inyong sarili … : ‘Sasambitin ko ba ang mga salitang ito o sasali ba ako sa mga gawaing ito kung narito ang Panginoon?’ Ang tapat na sagot sa mga tanong na ito ay aakay sa inyo na gumawa ng mahahalagang pagbabago sa inyong buhay.”3

Itinuro ni Sister Carol F. McConkie, dating Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency:

“Ang pagiging disente sa pananamit, kaanyuan, pag-iisip, at pag-uugali ay indibiduwal at personal na patotoo sa Panginoon na iginagalang natin Siya at tayo ay ‘nalulugod’ sa mga tipang ginawa natin sa mga sagradong ordenansa ng priesthood. …

“Ang mga pagpili natin sa araw-araw tungkol sa damit na isinusuot natin, sa mga salitang binibigkas natin, sa iniisip natin, sa mga larawan na tinitingnan natin, sa musikang pinapapasok natin sa ating tahanan, at sa media na pinapayagan nating pumasok sa ating puso at isipan, at sa ating pag-uugali sa publiko at sa pribadong lugar—lahat ng ito—ay nagpapakita kung gaano natin iginagalang ang tipang iyon.”4

Maaari tayong magtuon nang husto sa isang aspeto ng kadisentihan na ni hindi natin iniisip na baka hindi tayo disente sa ibang paraan. Bukod pa sa ating pananamit, ano ang ating pinapanood, binabasa, pinakikinggan, o sinasabi at ginagamit na biro sa ating mga kaibigan? Maaari kang maging disente sa panlabas at hindi pa rin maging disente ang nasa kalooban mo.

Maraming pag-uugali na maaaring hindi natin natatanto na hindi tugma sa alituntunin ng pagiging disente, kabilang na ang pagtsitsismis, panghuhusga o hindi pagsasali sa iba, pagiging mapagmataas o mayabang, pagmumura o paggamit ng masasamang pananalita, pagkilos nang magaspang o hindi angkop sa publiko, at pagiging mainggitin. Ang mga katangian at pag-uugaling ito ay labag sa mga kautusan maliban sa pagiging disente, tulad ng utos na mahalin ang inyong kapwa at tumigil sa paghusga. Nagpapakita rin ang mga ito ng kawalan ng pagpapakumbaba, kaamuan, at kaugnayan sa Diyos—na may kaugnayang lahat sa pagiging disente.

Ang pagiging disente ng kalooban ay maaaring bagong konsepto sa atin, pero maaari nating baguhin ang takbo ng ating isipan at simulang makita ang layunin ng paghiling ng Ama sa Langit sa atin na maging disente sa lahat ng bagay. Nais Niyang magtuon tayo sa mga bagay na magagawa natin para umunlad sa espirituwal, maglingkod sa iba, kumilos nang may kabaitan, at magkaroon ng dalisay na mga kaisipan. Nais Niyang gamitin natin ang ating katawan hindi bilang mga palamuti kundi sa halip ay bilang mga kasangkapan sa Kanyang mga kamay.5

Paano Natin Maituturo ang Pagkadisente

Sa mas kumpletong pag-unawa na ito kung ano pa ang kaakibat ng pagiging disente, mas mahusay nating maituturo ang alituntuning ito sa iba.

Maituturo natin na ang pagiging disente ay tungkol sa katapatan ng kalooban kay Jesucristo at sa pagtulong sa iba na maunawaan kung paano magkaroon ng gayong uri ng katapatan.

Maipapaliwanag natin na sa pagiging disente ay hindi natin dapat ikahiya ang ating katawan. Ang pagiging disente ay hindi tungkol sa pagtatakip ng ating katawan dahil likas na masama ito—sa katunayan ay kabaligtaran ito. Itinuro ni Elder Robert D. Hales (1932–2017) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kapag natatanto natin na ang ating katawan ay kaloob at kapag nauunawaan natin ang mga layunin na nagagampanan natin dahil dito, pinoprotektahan at iginagalang natin ang mga ito sa paraan ng ating pagkilos at pananamit.”6

Matitiyak natin na ang pagiging disente ay itinuturo kapwa sa mga batang lalaki at babae, sa kalalakihan at kababaihan. At maibabahagi natin ang katotohanan na tayo ay “kumikilos para sa [ating] sarili at hindi pinakikilos” (2 Nephi 2:26)—upang kapag napaliligiran tayo ng kahalayan ng daigdig, may kapangyarihan tayong kontrolin ang ating sarili at huwag mag-isip ng hindi angkop na kaisipan. Ngunit maaari din tayong mahabag sa iba at gawin ang lahat ng ating makakaya para matulungan ang isa’t isa na panatilihing naaayon sa iniuutos sa atin ng Diyos ang ating mga iniisip at ginagawa.

Sa huli, maituturo natin na ang pagiging disente ay hindi dapat gamitin bilang kasangkapan ng paghatol sa iba. Dapat nating unahin ang pagmamahal, pagiging magiliw, at pagtanggap sa iba kaysa hindi maging maganda ang pakiramdam ng isang tao dahil sa kanilang pananamit. Kapag inuuna natin ang pagtulong sa iba na maunawaan ang kanilang banal na kahalagahan at identidad, likas na maisasama nila ang mga alituntunin ng pagiging disente sa kanilang buhay—kapwa sa loob at labas.

Niluluwalhati ang Diyos

Kapag nagtutuon tayo sa pagiging disente sa kalooban, mas madarama natin ang impluwensya ng Espiritu Santo sa ating buhay. Itinuro ni Elder Hales, “Ang pagiging disente ay pagiging mapagpakumbaba, at ang pagiging mapagpakumbaba ay nag-aanyaya na mapasa atin ang Espiritu.”7 Magagabayan tayo ng Espiritu na malaman kung ano ang isusuot, sasabihin, at ang dapat gawin para manatiling disente sa lahat ng paraan.

Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na tayo ay “isang lahing pinili, isang maharlikang pagkapari, isang bansang banal, sambayanang pag-aari ng Diyos, upang [ating] ipahayag ang mga makapangyarihang gawa niya na tumawag sa [atin] mula sa kadiliman, tungo sa kanyang kagila-gilalas na liwanag” (1 Pedro 2:9). Niluluwalhati natin ang Diyos sa ating mga disenteng kilos at kaanyuan. Hindi lang ito tungkol sa ating damit; tungkol din ito sa kung paano natin iprisinta ang gawaing ipinagagawa sa atin.

Mangyari pa, si Jesucristo ang ating perpektong halimbawa ng pagiging maamo at disente sa lahat ng aspeto ng buhay. Lagi Niyang tinutukoy ang Kanyang Ama bilang pinagmumulan ng Kanyang kapangyarihan, hindi ang Kanyang sarili. Niluluwalhati Niya ang Diyos sa lahat ng ginagawa Niya at sa kung ano Siya. At iyan talaga ang pagiging disente.

Mga Tala

  1. Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo (2006), 42; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  2. Elaine S. Dalton, “Arise and Shine Forth” (mensahe sa Brigham Young University Women’s Conference, Abr. 30, 2004), 1, speeches.byu.edu.

  3. Tapat sa Pananampalataya, 42.

  4. Carol F. McConkie, sa Marianne Holman Prescott,“Modesty Is a Witness of Our Covenants, Says Sister McConkie” (balita), Hunyo 2, 2015, ChurchofJesusChrist.org.

  5. Tingnan sa Lexie Kite at Lindsay Kite, “More Than a Body: Seeing as God Sees,” New Era, Ago. 2019, 8–11.

  6. Robert D. Hales, “Pagiging Disente: Pagpipitagan sa Panginoon,” Liahona, Ago. 2008, 18.

  7. Robert D. Hales,“Pagiging Disente,” 18.