2022
Paano Natin Madaraig ang Mundong Puno ng Pagnanasa
Hunyo 2022


“Paano Natin Madaraig ang Mundong Puno ng Pagnanasa,” Liahona, Hunyo 2022.

Paano Natin Madaraig ang Mundong Puno ng Pagnanasa

lalaking nakatanaw sa bintana

Si Dan (binago ang pangalan) ay nakikipagkita sa akin para sa professional counseling. “Sinisikap kong sundin ang mga kautusan,” sabi niya, “pero palagi akong natutukso ng mga sensuwal na panggagambala. Muli akong nangangako pero napapagod ako at paminsan-minsan ay natatangay ako. Hindi ako nagpupunta sa mga pornography site, pero nahihipnotismo ako ng malalaswang larawan na tila nasa lahat ng dako. Nasasaktan ang asawa ko, at pagod na ako sa pagsisikap.”

Marahil ay may nadama kang katulad nito. Ang paghihirap ni Dan ay karaniwan. Marami sa atin ang nabubuhay sa mga kultura na abala sa sex at nahaluan ng mga tanawin, tunog, at ideya na hindi sumasagisag sa kasagraduhan ng katawan at ng mga banal na layunin ng sex o kasarian (tingnan sa 1 Corinto 6:19). Dahil sa internet, dumarami kapwa ang bilang ng paminsan-minsang paghahanap at ng masidhing paggamit ng pornograpiya,1 pati na rin ang kaakibat na mga hamon sa moralidad.

Bilang therapist, marami na akong naging pasyente na nahihirapang iwaksi ang tukso na magpakasasa sa mahahalay na kaisipan, pagturing sa ibang tao bilang isang bagay lang, malaswang media, o maraming bersyon ng tinatawag ng mga banal na kasulatan na “kahalayan” (Jacob 3:12; 4 Nephi 1:16). Bagama’t lalong nagiging masama ang mundo, iniuutos ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo na ipamuhay ang mga pamantayan ng moral na integridad (tingnan sa 3 Nephi 12:27–29; Doktrina at mga Tipan 42:23).

Paano natin mapagsisikapang sundin ang mataas na pamantayan habang napaliligiran tayo ng mga hamong ito? Paano natin mababawasan ang panghihina-ng-loob at madaragdagan ang katapatan?

Tukso, Kahihiyan, at Kahalayan

Kay Dan, malaking tulong ang malaman ang pagkakaiba ng tukso at ng kasalanan, maunawaan ang kahihiyan at ang kapangyarihan ng kalayaang pumili, at matutong mas umasa sa biyaya ng Tagapagligtas.

Si Dan ay may mabubuting hangarin, pero pakiramdam niya ay bigo siya. Nahiya siya, dahil na rin sa patuloy na mga panunukso sa kanya. Tulad ng marami, naisip niya na dahil nagpatangay siya sa ilang tukso, mas mabuting bumigay na lang siya.2 Bagaman ang pagkakonsensya ay mahalagang pakiramdam na naghihikayat sa atin na magsisi, ang pagkahiya ay maaaring magkaroon ng kabaligtarang epekto, na aakay sa atin para bumigay sa tukso. Nakapipinsala ito lalo na kapag mali ang paniniwala natin na ang tukso ay tanda ng kahinaan.

Hindi kasalanan ang tuksuhin o makaranas ng mga pisikal na damdamin.3 Ang seksuwal na damdamin ay isang banal na kaloob4 na, kapag ginamit nang angkop sa kasal o pagsasama ng mag-asawa ay nagdudulot ng kaligayahan at koneksyon sa mag-asawa.5 Ang mga pisikal na tugon ng damdamin na ito ay malakas, kung minsan ay mas pinalalakas ng mga hubog o galaw ng katawan. Sa kalikasan ito ay tinatawag na ethological reflex, kung saan ang posture o ekspresyon ay nagiging sanhi ng awtomatikong reaksyon. Kapag dumaraan sa mga tao sa kalye, halimbawa, ang pagalit na tingin ay nagbubunga ng kaibang tugon ng katawan kaysa sa magiliw na ngiti. Ang malalaswang larawan ay maaari ding makapukaw ng malakas na reaksyon. Ang mga damdaming ito at ang tuksong kumilos ayon sa mga ito ay hindi kasalanan, at kung hindi pinapansin ang pang-aakit ng mga ito, lilipas din kalaunan ang nadarama ng tao. Gayunman, kung patuloy na bibigyang-pansin ito, ang damdamin ay lumalakas.

si Jesus na nag-aalok ng kapatawaran sa babaeng nahuling nangangalunya

Ni Hindi Kita Kinukundena, ni Eva Koleva Timothy

Nangyayari ang kasalanan kapag pinili nating pansinin, paulit-ulit na isipin, o kumilos ayon sa tuksong gawin ang isang bagay na alam nating hindi natin dapat gawin. Dahil sa kalayaang moral, maaari nating piliing huwag kumilos ayon sa tukso, kahit mahirap ito. Ito ang sinasabi ni Alma na gawin ng kanyang anak nang sabihin niya sa kanya na “huwag nang sundin pa ang pagnanasa ng iyong mga mata, kundi pigilin mo ang iyong sarili” (Alma 39:9). Maaari sanang piliin ni Haring David na tumalikod nang makita niya si Batseba, pero sa halip ay inisip niya ang tukso at humantong pa ito sa imoral na gawain (tingnan sa 2 Samuel 11:1–16). Maging si Jesus ay tinukso (tingnan sa Mga Hebreo 4:15), ngunit Siya ay “hindi nagpadaig” sa tukso (Doktrina at mga Tipan 20:22). Ayon sa matandang kasabihan, maaaring hindi mo mapigilan ang ibon sa paglapag sa ulo mo, pero maaari mong pigilan ang paggawa ng pugad nito.

Dahil may tulong, natutuhan ni Dan na huwag mataranta kapag natutukso kundi kilalanin ang kanyang nadarama, at piliing magpatuloy sa mabubuting pag-uugali.

Ang Pinsalang Dulot ng mga Kasalanang Moral

Ibinuod ng Panginoon ang mga pinsalang dulot ng kahalayan, na nagsasabing, “Siya na tumitingin sa isang babae upang pagnasaan siya, o kung sinuman ang magkasala ng pakikiapid sa kanilang mga puso, hindi mapapasakanila ang Espiritu, kundi itatatwa ang pananampalataya at matatakot” (Doktrina at mga Tipan 63:16). Ang palaging pagtutuon ng pansin sa mundo ay nagiging sanhi ng espirituwal na “pagkabulag” (1 Nephi 15:24), na magandang deskripsiyon kung paanong hindi na makahatol ang tao kapag ipinagpatuloy ang pagnanasa. Kung magpapatuloy ito, ang katawan ay nagkakaroon ng mga gawi na maaaring maging “de-ilong lubid” (2 Nephi 26:22) na mahirap kalagin dahil kapwa sa kasiyahang dulot nito at sa naibsang mga pananabik.6

Ang pagpapakain sa makamundong pagnanasa ay nagpapahina sa espirituwal na pandamdam at pananampalataya. Ang mga disipulo na paulit-ulit na nahahatak sa kahalayan ay kadalasang nangangamba na hindi sila marapat na maglingkod at kulang sa espirituwal na tiwala (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:45). Ang makamundong pagnanasa ay maaaring magpaguho rin sa tunay na pag-ibig at mag-iwan ng damdamin sa asawa na siya ay ginamit o pinabayaan.

Pagpiling Kumilos sa Halip na Pakilusin

Sa tulong ng Espiritu, makikilala natin nang maaga ang mga panganib at makapipili tayo ng mga kapaligiran at pag-uugali na naaayon sa mga pinahahalagahan ng tipan (tingnan sa 2 Nephi 2:14; 4:18). Pinayuhan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga nakikipaglaban sa pagnanasa na “magsimula sa paglayo sa mga tao, materyal, at kalagayan na makapipinsala sa inyo. Tulad ng alam ng mga umiiwas sa pag-inom ng alak, mapanganib ang magpatukso. Totoo rin iyan sa mga isyu ng moralidad.”7

Nagsimulang umiwas si Dan sa paggamit ng mga electronic device kung kailan madali siyang matukso, tulad kapag siya ay nag-iisa, pagod, o nai-stress. Hindi na siya nanonood ng mga palabas sa TV na puno ng problema at ng iba pang libangan at sa halip ay nag-ukol ng oras sa pakikipag-ugnayan sa iba. Pinalakas niya ang kanyang espiritu sa pamamagitan ng pag-uukol ng mas maraming oras sa mga banal na kasulatan, pagsusulat sa journal, pagtulog nang mas maaga, at pag-eehersisyo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:124).8 Ang mahahalagang alituntuning ito ay makatutulong sa bawat isa sa atin na mabawasan ang mga tukso at dagdagan ang lakas, lalo na kapag palagi natin itong ginagawa.

Espirituwal na Paggaling at Biyaya

Ang gawain para maging isang disipulo ay maaaring mahirap, at kahit ang mga taong desidido ay maaaring maging marupok kapag nalantad sa mga pang-aakit ng mundo. Kapag naulit ang dating maling ginawa, makakatulong ang magbalik sa tamang landas sa halip na malugmok sa panghihina-ng-loob.

Ang awa ng Panginoon ay dakila, at nangangako Siyang magpapatawad na “kasindalas na magsisisi ang [Kanyang] mga tao” (Mosias 26:30). Inilarawan ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol ang agarang epekto ng pagbaling sa Panginoon: “Kahit sinadya pa nating magkasala o paulit-ulit tayong makaranas ng kabiguan at kalungkutan, sa sandaling ipasiya nating magsikap na muli, makakatulong sa atin ang Pagbabayad-sala ni Cristo.”9

Nais ng Panginoon na tulungan tayong lahat sa prosesong ito ng “[pagsilang na muli] sa Diyos, na nagbago mula sa ating makamundo at pagkahulog na kalagayan, tungo sa kalagayan ng kabutihan” (Mosias 27:25). Ipinangako ni Pangulong Russell M. Nelson:

“[Si Jesucristo ay] nakatayong nakaunat ang mga kamay, umaasa at handa tayong pagalingin, patawarin, linisin, palakasin, dalisayin, at pabanalin. …

“Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi. Ang pagsisisi ay hindi ginagawa nang isang beses lang, ito ay isang proseso. Ito ay susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan.”10

Ipinatong ni Jesus ang Kanyang mga kamay sa mga mata ng isang taong bulag

Now I See [Ngayon ay Nakakakita na Ako], ni Eva Koleva Timothy

Sa pamamagitan ng paglapit sa Tagapagligtas at paggawa ng gawain para maging isang disipulo, madaraig ng mga Banal ang mundo at ang mga hamon nito ukol sa moralidad.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Brian Willoughby, Nathan Leonhardt, at Rachel Augustus, “Untangling the Porn Web: Creating an Organizing Framework for Pornography Research among Couples,” Journal of Sex Research, tomo 57, blg. 6 (2020), 709–21.

  2. Bagama’t maraming indibiduwal ang nakakaranas ng mapaminsalang seksuwal na mga kaisipan at pag-uugali, karamihan sa kalalakihan at kababaihan na nanonood ng pornograpiya ay hindi nakatutugon sa mga criteria ng adiksyon (tingnan sa Joshua B. Grubbs and others, “Sexual Addiction 25 Years On: A Systematic and Methodological Review of Empirical Literature and an Agenda for Future Research,” Clinical Psychology Review, tomo 82 [Disyembre 2020]). Mula sa praktikal at espirituwal na pananaw, makatutulong na malaman ang pagkakaiba ng alinman sa mga pag-uugaling ito (tingnan sa Dallin H. Oaks, “Paghulagpos mula sa Bitag ng Pornograpiya,” Liahona, Okt. 2015, 50–55).

  3. Tingnan sa Wendy Ulrich, “Hindi Kasalanan ang Maging Mahina,” Liahona, Abr. 2015, 20–25.

  4. Tingnan sa “Pagkakaroon ng Positibong Pananaw sa Seksuwalidad,” Liahona, Ago. 2020, 44–47.

  5. Tingnan Jeffrey R. Holland, “Of Souls, Symbols, and Sacraments” (Brigham Young University devotional, Ene. 12, 1988), speeches.byu.edu; tingnan din sa Dale G. Renlund at Ruth Lybbert Renlund, “Ang mga Banal na Layunin ng Seksuwal na Intimasiya,” Liahona, Ago. 2020, 12–17.

  6. Ito ay tinatawag na “incentive salience” sa literatura ng adiksiyon, at inilalarawan nito ang matinding kagustuhan na hanapin ang isang bagay na pumupukaw sa kasiyahan. Kapag nangyayari ito, ang paghatol ay nagbabago at nagiging napakahalaga ng paghahanap ng kasiyahan. Inilarawan ito ni Pedro sa espirituwal na kataga, na tumutukoy sa “mga matang puno ng pangangalunya” na “hindi mapuknat sa pagkakasala” (2 Pedro 2:14).

  7. Jeffrey R. Holland, “Huwag nang Magbigay-Puwang Kailanman sa Kaaway ng Aking Kaluluwa,” Liahona, Mayo 2010, 45.

  8. Sa mga addiction program, bahagi ito ng pagrekober, kung saan ang mabubuting gawi ay nalilinang upang mapakain ang espiritu at matugunan ang lehitimong emosyonal na mga pangangailangan sa mabubuting paraan.

  9. Dale G. Renlund, “Patuloy na Nagsisikap ang mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Mayo 2015, 57.

  10. Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,,” Liahona, Mayo 2019, 67.