Digital Lamang: Mga Young Adult
Talaga bang Naaapektuhan Ako ng Media na Ginagamit Ko?
Namamalayan man natin ito o hindi, naaapektuhan tayo ng media na ginagamit natin. Kaya paano natin mapipili ang media na may “magandang balita o maipagkakapuri”? (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13).
Noong naglalaro ako ng tennis sa hayskul, madalas kong marinig na nagmumura ang iba pang mga manlalaro. Sinikap kong hindi magpaapekto sa mga salita nila. Ngunit sa isa sa mga laro ko, hindi ko tinamaan ang bola, at isang masamang salita ang lumabas mula sa bibig ko. Nang hindi ko man lang namamalayan, unti-unti akong naging manhid sa mga salitang sinasabi nila hanggang sa madama ko na naging natural na lang itong gamitin ng “likas na tao” (Mosias 3:19) na nasa akin.
Ang ipinapalibot natin sa ating sarili ay makakaapekto sa atin sa maraming paraan, at isa sa mga pinakamaimpluwensyang bagay na nakapaligid sa atin araw-araw ay ang media. Namamalayan man natin ito o hindi, ang mga uri ng media na tinatangkilik natin ay maaaring dahan-dahan at halos hindi napapansin na bumabaluktot sa ating realidad. Maaaring naiisip natin na ang paminsan-minsang panonood ng media na naglalaman ng pagmumura, pagtatalik, o karahasan ay walang epekto sa atin, ngunit ang totoo ay mayroon itong epekto. Kaya ano ang magagawa natin tungkol dito?
Pagpiling Hangarin ang Mabuting Media
Mahalagang tandaan na, sa kabila ng lahat ng kakila-kilabot na bagay na makikita natin sa ating telebisyon o mga cell phone, mayroong magandang media doon. Ibinabahagi ng mga missionary ang ebanghelyo sa pamamagitan ng nagbibighay-inspirasyong media. Maaari tayong muling makipag-ugnayan sa isang dating kaibigan o makahanap ng mensahe na talagang nagpapasigla sa ating espiritu gamit ang social media. Ngunit paano natin hahangarin ang marangal, kaaya-aya, at maipagkakapuring media na ito? (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13).
Ibinigay ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang hindi pumapalyang pagsubok na ito: “Kung may iniisip, nakikita, naririnig, o ginagawa tayong naglalayo sa atin sa Espiritu Santo, dapat tayong tumigil sa pag-iisip, pagtingin, pakikinig, o paggawa sa bagay na iyon. Kung ang layon ng isang bagay ay makalibang, halimbawa, [ngunit ito ay] naglalayo sa atin sa Espiritu Santo, walang dudang hindi para sa atin ang libangang iyon.”1
Tuwing pipili ako ng media, gusto kong itanong sa sarili ko ang mga bagay na tulad nito: Tinutulungan ba ako nitong mas mapalapit sa Diyos? Nadarama ko pa rin ba ang Espiritu Santo sa buhay ko? Maaari mo ring gamitin ang mga tanong na ito upang gabayan ka habang naghahanap ka ng positibong media. At bagama’t maaari tayong makagawa ng mga pagkakamali, maaari tayong maging mas mabuti—sa bawat pagpili.
Hindi ako perpektong halimbawa nito. Nakapanood na ako ng mga popular na palabas na hindi naghikayat sa akin na maging mas mabuting tao. At nakaka-scroll ako ng mga video sa social media na kung minsan ay naglalaman ng hindi angkop na pananalita. Pero sinisikap kong maging mas maingat. Araw-araw ay sinisikap kong pumili ng nagbibigay-inspirasyong media.
Kaninong Tinig ang Pinakikinggan Mo?
Sa abalang mundong ito, nahihirapan akong maupo nang tahimik. Tila inilalabas ko ang telepono ko para sumilip sa social media o mag-stream ng mga video para punan ang katahimikan. Ngunit madalas kong nakikilala ang Espiritu kapag tahimik. Kaya sinisikap kong mas kilalanin ang mga tinig ng sanlibutan na hindi sinasadyang nahahayaan kong magtaboy ng marahan at banayad na tinig (tingnan sa 1 Mga Hari 19:11–12).
Narito ang ilang paraan para masimulan nating lahat na kontrolin ang paggamit ng ating media:
-
Magsimula sa pagiging mas maingat. Tumigil sa walang-katapusang panonood. Mag-ukol ng oras para isipin talaga kung ano ang dinadala mo sa iyong isipan—ilalayo ka ba nito sa Espiritu Santo?
-
Pansinin kung kailan at bakit ka gumagamit ng media. Nag-uukol ka ba ng oras para maupo nang tahimik at madama ang Espiritu? O madalas mo bang ilabas ang iyong telepono sa mga tahimik na sandali, tulad ng ginagawa ko kung minsan?
-
Maaari kang magsagawa nang regular na pahinga sa paggamit ng media, marahil bilang bahagi ng iyong pagsamba tuwing Linggo. Ang pahinga sa paggamit ng media ay makatutulong sa iyo na maging mas sensitibo sa mga epekto nito sa iyo.
Gumawa ng Intensiyonal na mga Pagpili ng Media
Piliing maging intensiyonal tungkol sa at alamin ang mga impluwensyang inaanyayahan mo sa iyong buhay. Piliing muling suriin at tunay na tanungin ang iyong sarili kung ano ang epekto sa iyo ng media na ginagamit mo. Maaaring kailangan mong lumayo sa ilang aklat, pelikula, social media, o podcast upang mapansin ang mga hindi napapansing epekto nito.
Ngunit nangangailangan ito ng panahon! Ang ating pagsisikap na mabuhay sa mundo nang hindi nagiging makamundo ay isang proseso ng pagpapadalisay (tingnan sa Juan 17:11, 14–15). Maaari nating mas sikaping maging mas mabuti nang paunti-unti. Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Nais ng Panginoon na may pagsisikap.”2 Sa paglipas ng panahon, maaari tayong maging dalisay katulad ng Tagapagligtas. Kung magkakamali tayo, maaari tayong magsisi at bumaling sa Kanya nang may tunay na hangarin at lalo pang mapapadalisay! Iyan ang himala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Kapag nakatuon ako sa popular na media, mahirap malaman kung may negatibong epekto sa akin ang mga opinyon ng mundo. Ngunit alam ko na kapag nag-uukol ako ng oras na lumayo sa media, nakikita ko kung aling mga impluwensya ang kailangan kong alisin sa buhay ko. Kung minsan ay mahirap na pagpili ito, ngunit sulit ito.
Magiging tapat ako—ang larong iyon sa tennis ay hindi ang huling pagkakataon na nakapagsalita ako ng hindi maganda. Ngunit nang matanto ko kung paano nakakaapekto sa akin ang pagkakalantad sa kapaligirang iyon, pinili kong palitan ang mga taong nakapaligid sa akin. Maaari din nating gawin ang parehong sadyang pagpili sa media na ating ginagamit.