2023
4 na Katotohanang Tutulong sa Iyo na Harapin ang Pagiging Young Adult
Mayo 2023


Digital Lamang: Mga Young Adult

4 na Katotohanang Tutulong sa Iyo na Harapin ang Pagiging Young Adult

Nahirapan ako sa pagiging young adult, pero may natutuhan akong apat na katotohanan na nakatulong sa akin na harapin ito.

isang collage ng mga banal na kasulatan, mga barya, mga kamay, at ni Jesucristo

Mag-aral. Magmisyon. Mag-asawa. Libutin ang mundo. Magtrabaho. Maging matatag sa pananalapi. Magkaanak. Sa napakaraming mahahalagang desisyon at mga opinyon na nagsasabi sa atin kung paano maging “adult,” paano ba natin mababawasan ang listahan ng ating mga prayoridad?

Sa napakaraming oportunidad na ito at sa karaniwang pangamba na baka pumalpak o mapag-iwanan, naiintindihan ko na napakaraming young adult ang nahihirapan. Subalit ang sagot sa paggawa ng prayoridad sa mga desisyon sa buhay ay palaging magkakapareho: bumaling kay Jesucristo. Habang nahaharap tayo palagi sa pabagu-bagong sitwasyon ng pagiging young adult, magagamit natin ang sumusunod na apat na mungkahi para manatiling nakasentro kay Cristo ang ating buhay.

Pag-aralan ang mga Banal na Kasulatan Araw-araw

May pagkakaiba sa pagitan ng pag-aaral at pagbabasa—isang bagay na gumagawa ng lahat ng kaibhan! Para sa akin, ang pag-aaral ay nagpapahiwatig ng mapanalanging pagbabasa nang may layunin at paghahanap ng patnubay at kaalaman.

Itinuon ni Pangulong Thomas S. Monson ang kanyang huling mensahe bilang propeta sa kapangyarihan ng Aklat ni Mormon. Bukod sa iba pang mga pagpapala, ipinangako niya na habang binabasa natin ang Aklat ni Mormon, “maririnig natin ang tinig ng Espiritu, mapaglalabanan ang tukso, madaraig ang pag-aalinlangan at pangamba, at [matatanggap ang] tulong ng langit sa ating buhay.”1

Sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, ipinapakita mo sa Diyos na mahalaga Siya. Gaya ng pagpapakain natin sa ating katawan tuwing umaga para sa pisikal na lakas, kailangan din ng ating espiritu ng espirituwal na lakas araw-araw. Ang pagkakaroon ng gawi na pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw ay magbibigay sa atin ng espirituwal na lakas na kailangan natin para manatiling nakaangkla kay Cristo at mabuksan ang ating puso’t isipan sa Espiritu.

Magbayad ng Ikapu

Bagama’t ang maling pananaw ay magagawa itong makamundo, ang pera ay isang aspeto ng buhay. Problema ito para sa maraming young adult. Hindi ba maganda kung ginarantiyahan tayo ng mga pagpapala kapag isinakripisyo natin ang kaunti ng naibigay sa atin?

Ay, teka lang—ginarantiyahan nga tayo!

Si Malakias sa Lumang Tipan at si Jesucristo mismo sa mga lupain ng Amerika ay kapwa nangako na kung magbabayad tayo ng ating ikapu, bubuksan ang mga bintana ng langit at bubuhos ang mga pagpapala (tingnan sa Malakias 3:10; tingnan din sa 3 Nephi 24:8–10). Alam ng Diyos ang ating mga problema sa pera at alam Niya na ang paghingi ng isang bahagi ng lahat ng kinikita natin ay maaaring napakabigat. Gayunman, ang iba pang bagay na magagawa natin sa 10 porsiyentong kontribusyong iyon ay hindi maikukumpara sa mga pagpapalang inilalaan ng Diyos para sa atin, at pinalalakas natin ang ating pananampalataya sa tuwing nagbibigay tayo ng ating ikapu sa Panginoon.

Ugaliing Magpasalamat

Ang pagpapasalamat sa gitna ng kabutihan at kasamaan ay isang kasanayan na nangangailangan ng pagsisikap at pagsasanay. Gayunman, ang pasasalamat ay may potensyal na gawing higit na mabuti ang buhay! Ang pagpapasalamat ay hindi lamang pagbabalewala sa lahat ng negatibong aspeto ng buhay at pagkukunwari na maayos at mainam ang lahat. Sa halip, may kasama itong paghahanap ng mga bagay na dapat ipagpasalamat sa kabila ng lahat ng negatibo.

Makikita sa mga pag-aaral na kabilang sa ilan sa mga positibong epekto ng pasasalamat ang mas magandang kapakanan, mas malalalim na relasyon, mas magandang pananaw at kaligayahan, mas malakas na pagpipigil sa sarili, nabawasang problema, mas magandang kalusugan ng katawan at isipan, at mas magandang buhay sa pangkalahatan! Sinabi ni Pangulong Nelson na ang pasasalamat ay “nagbibigay sa atin ng mas malawak na pananaw sa pinakalayunin at kagalakan ng buhay.”2

Sa susunod na magkaroon ka ng ilang minuto, piliing pagnilayan kung ano ang ipinagpapasalamat mo. Sa pamamagitan man ng panalangin o pagninilay, bibiyayaan ng pasasalamat ang iyong buhay at pananatilihin kang nakatuon sa Tagapagligtas.

Alamin ang Iba pa tungkol kay Jesucristo

Ang huling naiisip ko ay may kinalaman sa may pinakamalaking epekto at walang-hanggang nagpapabagong pangyayaring naganap: ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Maaari kong ituro ang isang sandali sa misyon ko na nagpabago sa aking pananaw tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Isang umaga iyon ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan nang bigla kong natanto ang halaga at kadakilaan ng Pagbabayad-sala ni Cristo. Hindi ko maalala ang nabasa ko, pero bigla kong naunawaan nang mas malalim kung gaano talagang walang kabuluhan ang lahat ng bagay sa buhay kung wala si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala.

Maaari kang magsimula ngayon sa pamamagitan ng pagbabasa at pakikinig sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta tungkol kay Cristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Subukang ipagdasal na makaunawa nang mas malalim. Ang pagsasama ng pag-aaral at panalangin ay naghahatid ng mga himala at mag-aanyaya ng higit na lakas sa iyong buhay. Paulit-ulit na tayong pinayuhan ni Pangulong Nelson na daigin ang sanlibutan, na tinukoy niya bilang “pagdaig sa tukso na higit na pahalagahan ang mga bagay ng mundong ito kaysa sa mga bagay ng Diyos.”3

Ang pag-aaral ng iba pa tungkol sa ating Tagapagligtas at sa Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala ay tutulong sa atin upang daigin ang sanlibutan, muling tumutok sa ating mga prayoridad, at baguhin kung paano tayo mag-isip at kumilos araw-araw. Mas ilalapit tayo nito sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo, at mas makakayanan nating harapin ang maraming hamon sa buhay.