2023
Pagkatutong Maniwala na Kaya Akong Pagalingin ng Tagapagligtas
Mayo 2023


Pagkatutong Maniwala na Kaya Akong Pagalingin ng Tagapagligtas

Alam ko na kayang pagalingin ni Jesucristo ang lahat, pero ang paghugot ng lakas sa Kanyang nagpapagaling na kapangyarihan sa sandali ng aking pangangailangan ay mas mahirap kaysa sa inakala ko.

isang babaeng binubuo ang kanyang sarili gamit ang mga piraso ng puzzle

Sa isang partikular na bahagi ng aking misyon, nahirapan ako sa isang problema na pinaniwalaan kong walang solusyon. Sawa na at dismayado, ikinuwento ko sa isang malapit na kaibigan ang sitwasyon. Matapos akong hayaang maglabas ng sama-ng-loob, ang kaibigang ito—na laging malapit sa Espiritu—ay napakasimple ng tugon, “Nasubukan mo na bang ipagdasal iyan?”

Ang sagot ay parang oo. Oo, sinikap ko nang ipagdasal iyan dati. Pero hindi buong-puso. Hindi pa ako nakapagdasal nang may pananampalataya na mapapagaling ng Tagapagligtas ang lahat ng sugat. Iyan ang katotohanang pinaniwalaan ko para sa iba pero hindi para sa aking sarili.

Bilang missionary, palagi kong itinuro sa mga tao na maaari silang makahanap ng paggaling kay Cristo. Pero gaano ko man sinikap na kumbinsihin ang sarili ko na angkop din sa akin ang Kanyang nagpapagaling na kapangyarihan , hindi ko iyon lubos na pinaniwalaan.

Isang araw ay napuspos ako ng mga paghihirap na dinaranas ko. Tila hindi gumagana ang mga bagay na karaniwang nakakaginhawa sa akin. Kinailangan ko ang iba pang bagay—kinailangan ko ang isang Tagapagligtas na kayang pagalingin ang lahat ng sugat. Nagdasal ako nang mas taimtim kaysa rati, at sa unang pagkakataon, hiniling ko sa Diyos na tulungan akong maniwala sa nagpapagaling na kapangyarihan na dumarating sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Nang pag-aralan ko ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at gawin ko ang lahat ng kaya ko para maniwala, nagsimulang magbago ang pag-iisip ko. Ako ay “napuspos ng kagalakan, kapayapaan, at kaaliwan,”1 at nalaman ko sa aking sarili na “lahat ng di makatarungan sa buhay ay naiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”2

Dumating ba ang aking paggaling sa pamamagitan ng isang pisikal na himala tulad ng mga naririnig natin sa Bagong Tipan? Mayroon bang di-maunawaang mga himala tulad ng tubig na naging alak o isang lalaking binuhay mula sa patay?

Wala.

Pero ang nagpapagaling na kapangyarihang nasaksihan ko sa buhay ko ay dumating sa pamamagitan ng araw-araw na kapanatagan at kapayapaang natanggap ko. Dumating ito sa pamamagitan ng di-maipaliwanag na magandang pananaw na nadama ko sa kaibuturan ng aking kaluluwa. Ang mga bagay na iyon ay nagbigay sa akin ng lakas na kinailangan ko para makaraos nang isa pang araw, isa pang linggo, at isa pang buwan, lahat nang may ngiti sa aking mukha.

Sa totoo lang, hindi ko napansin ang nagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas na umiimpluwensya sa buhay ko hanggang sa lumipas ang ilang panahon at parang mas gumaan ang aking pagsubok. Nang pagnilayan ko habang daan ang nadama ko ilang buwan na ang nakararaan, bago ako humingi ng tulong sa Tagapagligtas, natanto ko na nakaranas ako ng himala. Malinaw kong nakita na walang paraan para madaig ko ang mga hirap na dinaranas ko noon kung hindi naawa sa akin ang mapagmahal na Tagapagligtas at pinagaling ako.

Sa palagay ko, ang totoo ay na ang nagpapagaling na kapangyarihan ni Cristo ay kadalasang nakikita sa maliliit na himalang nangyayari sa araw-araw, at hindi ko pala napapansin ang katotohanang iyon. Oo, may naririnig tayo tungkol sa malalaki at nakikitang himala sa Biblia at sa Aklat ni Mormon, pero gusto kong isipin na ang ilan sa pinakamahahalagang himalang nangyari noong narito sa lupa si Cristo ay malamang na ipinakita sa pamamagitan ng simple at hindi nakasulat na mga kabaitan na tiyak kong ginawa Niya araw-araw.

Sa pakikipag-usap man Niya iyon sa isang taong naglalakad sa lansangan na nag-iwan sa kanila ng pag-asa o sa isang simpleng ngiti lamang Niya sa isang taong itinaboy ng lipunan, natitiyak ko, tulad ng sa akin, na madalas Niyang pinagaling ang mga taong ito sa kapwa maliliit at magagandang paraan.

Mapapagaling ni Cristo ang lahat ng sugat. Inuunat Niya sa akin ang Kanyang nagpapagaling na kamay sa mga paraan na halos hindi ko napapansin at bigo akong pasalamatan Siya. At naniniwala ako na magagawa rin Niya iyon para sa ating lahat. Tulad ng itinuro ni Sister Amy A. Wright, Unang Tagapayo sa General Primary Presidency: “Lahat tayo ay may mga bagay sa ating buhay na nawasak na kailangang buuin, ayusin, o pagalingin. Kapag bumaling tayo sa Tagapagligtas, kapag iniaayon natin ang ating puso’t isipan sa Kanya, kapag nagsisisi tayo, pupunta Siya sa atin ‘na may pagpapagaling sa kanyang mga bagwis’ [2 Nephi 25:13].”3

Kung hindi kayo naniniwala na mapapagaling kayo ni Jesucristo, hinihikayat kong ipagdasal ninyo na magkaroon kayo ng pananampalatayang maniwala. Ipagdasal na mabuksan ang inyong mga mata para makita ang maliliit na himalang nangyayari dahil sa Kanya araw-araw. Hanapin Siya. Ipinapangako ko na walang pasakit na napakabigat o hamon na napakalaki para hindi Niya mapagaling—sa Kanyang sariling panahon at sa Kanyang sariling paraan. Walang sinumang hindi kasama sa pagmamahal ng Tagapagligtas, at kabilang kayo riyan. Kung hahayaan ninyo Siya, tutulungan Niya kayong makahanap ng paggaling mula sa inyong mga sugat sa Kanyang sakdal na paraan. Nagawa Niya iyan para sa akin.

Mga Tala

  1. Preach My Gospel: A Guide to Missionary Service, binago at inedit (2018), 52.

  2. Preach My Gospel: A Guide to Missionary Service, binago at inedit (2018), 52.

  3. Amy A. Wright, “Pinagagaling ni Cristo ang Nawasak,” Liahona, Mayo 2022, 84.