Gawain sa Family History: Isang Pinagmumulan ng Lakas
Napakalaki ng lakas na matatamo natin sa pag-aaral tungkol sa ating mga ninuno.
Ang lola ko sa ina ay nakatira sa guest room ng bahay ko sa mga huling ilang buwan ng kanyang buhay. Hanggang ngayon, 18 taon matapos siyang pumanaw, tinatawag pa rin namin ang guest room na iyon na “kuwarto ni Lola.”
Nagkaroon ako ng isang napakalinaw na panaginip mga isang taon na ang nakalipas nang mapadaan ako sa kuwarto ni Lola at naroon sa loob ang lola ko. Lumabas siya para yakapin ako nang mahigpit, at may luha sa kanyang mga mata at ngiti sa kanyang mukha, sinabi niya sa akin, “Salamat sa pagmamahal mo sa iyong mga ninuno. Hindi ko masabi sa iyo kung gaano kahalaga iyon sa amin.”
Mula nang mapanaginipan ko ito, hindi na ako naging katulad ng dati.
Bakit ba Natin Dapat Malaman ang mga Kuwento tungkol sa Ating mga Ninuno?
Sa pandaigdigang debosyonal ni Pangulong Russell M. Nelson sa mga young adult noong Mayo 2022, sinabi niya:
“Malaki ang mga pakinabang [ngayon] ng bawat matwid na pagpiling ginagawa ninyo sa buhay na ito. Ngunit mas malaki pa ang mga walang-hanggang pakinabang kaysa sa natanggap ninyo sa buhay na ito. Kung pipiliin ninyong makipagtipan sa Diyos at tapat kayo sa mga tipang iyon, may pangako na kayo ay ‘magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa [inyong ulo] magpakailanman at walang katapusan’ [Abraham 3:26].
“Ang mga katotohanang ito ay dapat maghikayat sa inyo na makaramdam ng FOMO [fear of missing out]—o takot na hindi mapabilang. May potensyal kayong maabot ang kahariang selestiyal. Ang totoong FOMO ay ang hindi kayo mapabilang sa kahariang selestiyal, at tumanggap na lang ng mas mababang kaharian dahil pinili lamang ninyong sundin dito sa lupa ang mga utos sa mas mababang kaharian.”1
Isipin kung ano ang nadarama ng inyong mga ninuno na maalaala sa bahay ng Panginoon kapag tumatayo ang kanilang mga inapo bilang proxy para mapagpakumbabang ialok sa kanila ang pangako ng kaluwalhatian at ang kalayaan mula sa FOMO na inilarawan ni Pangulong Nelson. Nagiging mga tagapagligtas tayo sa Bundok ng Sion kapag nagsasagawa tayo ng mga ordenansa para sa pumanaw nating mga ninuno (tingnan sa Obadias 1:21; tingnan din saDoktrina at mga Tipan 103:9).
Gusto kong imungkahi na sa ibang paraan, tumutulong ang ating mga ninuno na maligtas tayo. Ang ating mga ninuno, kasama ang Diyos, ay nakatulong na ilaan ang mga buhay natin ngayon.
Alam ba ninyo ang mga sakripisyong ginawa ng inyong mga ninuno na nakaapekto sa kinaroroonan ninyo ngayon? Nakapag-ukol na ba kayo ng oras para kilalanin ang inyong mga ninuno? Alam ba ninyo kung anong mga katangian o karanasan ninyo ang katulad ng sa kanila? Paano makakatulong sa buhay ninyo ang pagkaalam sa impormasyong ito?
Sa aking karanasan, ang makaalam tungkol sa aking pangatlong lola-sa-tuhod na si Mary Jane Cutcliff ay nagpakita sa akin kung gaano kalaki ang impluwensya ng aming mga ninuno sa buhay namin. Si Mary Jane ay isa sa mga una kong ninuno na nabinyagan sa Simbahan noong 1857 sa Liverpool, England. Sumapi siya sa Simbahan matapos magkaroon ng matinding espirituwal na karanasan. Ang pagkaalam sa kanyang matinding pananampalataya ay nagbigay-inspirasyon sa akin na manampalataya at magtiwala sa mga katotohanang inihayag sa akin ng Espiritu.
Ang isa pang halimbawa ng mabibisang kuwento tungkol sa mga ninuno ay si Kapitan Moroni, na pinunit ang kanyang tunika at ginamit ang isang piraso bilang kanyang Bandila ng Kalayaan (tingnan sa Alma 46:11–25). Ang pirasong ito ng kanyang tunika ay isang simbolo ng kapwa nila ninunong si Jose, “kung kaninong bata ay pinagpunit-punit ng kanyang mga kapatid sa maraming piraso” (Alma 46:23) nang ipagbili siya sa Ehipto at nadaig niya ang sunud-sunod na mga hamon na alam ng lahat.
Hindi lamang nalaman ni Kapitan Moroni ang mabisang kuwentong ito tungkol sa kanyang ninuno, kundi naiangkop niya ito sa kanyang buhay at binigyang-inspirasyon ang iba na alalahanin ang kuwento ni Jose at manampalataya at umasa na madaig ang sarili nilang mga hamon. Magagawa rin iyon sa atin ng pagkaalam sa mga kuwento ng ating mga ninuno.
Ang Bisa ng Family History
Sinabi kamakailan ni Elder Rafael E. Pino ng Pitumpu na ang “madalas na pakikibahagi sa gawain sa templo at family history … ang paraan para magkasama-sama at mabuklod ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 128:15].”2 Mabibigyan tayo ng ating mga ninuno ng mga halimbawang tutularan at magdaragdag sa ating hangarin na magkasama-sama magpakailanman ang ating pamilya.
Sinabi ko na simula nang mapanaginipan ko ang lola ko, hindi na ako katulad ng dati. At iyan ang totoo. Mula nang gumawa ako ng family history, nagbago na ang aking isipan. Naging mas masigasig na akong makilala ang mga miyembro ng pamilya ko sa magkabilang panig ng tabing.
Binanggit ni Pangulong Nelson na ang tunay na FOMO ay ang hindi mapabilang sa kahariang selestiyal. Ang pagmamahal ko sa Diyos noon pa man ang nakaganyak sa akin na bumalik para makapiling Siya sa kahariang selestiyal. At sa pagpapatibay ng pagmamahal ko sa aking mga ninuno, lalo akong naganyak. Alam ko na mahal ng Diyos ang bawat isa sa Kanyang anak. Ayaw Niyang hindi mapabilang ang sinuman sa atin sa mga walang-hanggang pamilya at sa kagalakan ng kaluwalhatiang selestiyal. Nagpapasalamat ako sa Kanyang plano na nagtutulot sa akin na makabalik sa Kanya at sa aking pamilya.
Sa ngayon, hindi ko maunawaan ang lahat ng kahulugan ng aking pagmamahal o gawain sa family history sa aking mga ninuno (tulad ng binanggit ng lola ko sa aking panaginip), pero alam ko na ang aming mga relasyon ay walang hanggan at na mahal namin ang isa’t isa. Nagiging manipis ang tabing at balang-araw ay hindi na tayo ihihiwalay nito sa ating mga mahal sa buhay. Nasasabik na akong makita silang muli sa araw na iyon.