2023
Pagpapalakas ng Aking Ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo
Hunyo 2023


Mga Young Adult

Pagpapalakas ng Aking Ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo

Ang pagkakaroon ng mas matatag na ugnayan sa Kanila ay tila mahirap maunawaan para sa akin, hanggang sa sinubukan ko ang isang bagong bagay.

woman praying in meadow at sunset

Retratong ginamitan ng modelo

Habang tumatanda ako, mas natatanto ko kung gaano ako umaasa sa mga ugnayan—ugnayan sa mga kaibigan, pamilya, at maging sa mga taong naghahatid na hindi kailanman nabigong dalhin ang pinakahuling online order ko (pagpalain nawa sila).

At sa loob ng maraming taon, alam ko na ang madalas na payo ng mga lider ng ating Simbahan na patatagin ang ugnayan sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas ay totoo at mahalaga.1

Pero hindi ko lang maisip kung paano talaga gawin iyon.

Ang ugnayan sa mga kaibigan at pamilya ko dito sa lupa ay kinapapalooban ng mga pakikipag-usap, pagbabahagi ng mga biro na para lang sa amin, at sama-samang paggugol ng oras. Kaya ang pag-iisip na magkaroon ng personal na ugnayan sa aking Ama sa Langit at kay Jesucristo, na pisikal na wala rito, ay tila mahirap maunawaan para sa akin.

Gayunman, habang nagninilay ako, natanto ko na ang ugnayan ng bawat isa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay personal at natatangi. Kaya paano kung gagawin ko sa aking ugnayan sa Kanila ang ilang praktikal na pamamaraan na nakatulong sa akin na magkaroon ng matibay na ugnayan sa aking mga mahal sa buhay dito sa lupa?

Ang ideyang iyon ang pampasiglang kailangan ko.

Nagpasiya akong subukan ang ideyang ito at muling suriin ang ugnayan ko sa Kanila pagkaraan ng 10 araw.

10 Paraan para Mapatatag ang mga Ugnayan

Habang pinagninilayan ko ang mga paraan para mas mapalapit sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas, sinaliksik ko ang 10 pangunahing tip tungkol sa mga ugnayan na madalas ibigay ng mga propesyonal at isinama ang mga ito sa payo ng mga propeta para mabigyan ng espirituwal na diin ang mga ito.

Narito ang 10 tip:

  1. Makipag-usap nang tapat, nang may tinig, at may tunay na layunin sa pamamagitan ng panalangin.2

  2. Maging mabuting tagapakinig.3

  3. Magpakita ng pasasalamat sa Kanila.4

  4. Magsakripisyo para sa Kanila.5

  5. Alamin ang mga bagay tungkol sa Kanila.6

  6. Gumugol ng makabuluhang oras kasama Nila.7

  7. Maglingkod nang magkasama.8

  8. Magpakita sa Kanila ng pagtitiwala at katapatan.9

  9. Aminin ang mga pagkakamali mo.10

  10. Alamin kung paano Sila nagpapakita ng pagmamahal sa iyo.11

Para makapagsimula, pinili kong alamin ang tungkol sa aking Ama sa Langit at sa Tagapagligtas (#5), makabuluhang gumugol ng oras kasama Nila (#6), at alamin kung paano Nila ako binibigyan ng pagmamahal (#10).

1. Pag-aaral tungkol sa Kanila

Para malaman ang iba pa tungkol sa Kanila, nagtuon ako sa pag-aaral ng Kanilang mga katangian. Pinag-aralan ko “Ang Buhay na Cristo,” ang mga kuwento ng mga himala sa Aklat ni Mormon, at ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Pinanood ko rin ang mga video ng Simbahan tungkol sa Biblia at Aklat ni Mormon para mailarawan sa aking isip ang mga katangian ng Tagapagligtas at kung paano Niya tinuruan at kinausap ang iba.

Ang isang katangian ng Tagapagligtas na pinag-aralan ko ay ang kahandaan Niyang isagawa ang kalooban ng Ama (tingnan sa 3 Nephi 11:11). Hindi ko maaarok ang isang tao na handang magdusa at mamatay para sa lahat ng pagkakamali, kalungkutan, kasalanan, at pasakit na haharapin ng bawat isa samantalang hindi naman nakagawa ng anumang pagkakamali ang taong ito. Gayon pa man, may isang taong nagkusa.

At iyon ay Siya.

Noon pa man ay nananalig na ako sa Kanya, ngunit habang pinagninilayan ang Kanyang pagmamahal at kahandaang isuko ang Kanyang buhay para sa akin, pinalalim nito ang aking pananampalataya, ang aking pasasalamat, at ang sarili kong kahandaang sundin Siya. At ang Kanyang tapang ay nagbigay-inspirasyon sa akin na sumulong nang may pananampalataya at pag-asa, kahit na kung minsan ay nararanasan ko ang pagkabalisa at takot sa mga hindi ko nalalaman.

At pagkatapos ay bumabaling ako sa katangian ng Ama sa Langit.

Halos buong buhay kong iwinawasto ang pagiging perpeksyonista ko, at naiisip ko Siya noon bilang isang galit na pigura kapag nabibigo ko Siya dahil sa aking mga kahinaan at pagkakamali.

Ngunit habang mas pinag-aaralan ko ang Kanyang likas na katangian, nalaman ko na hindi Siya walang awa (tingnan sa Alma 32:22). Siya ay mapagpasensya at mabait at mapagmahal (tingnan sa 2 Pedro 3:9). Palagi Siyang handang patawarin ako (tingnan sa Mosias 26:29–31). Siya ang pinakamatinding tagasuporta ko (tingnan sa 2 Nephi 26:24).

At natanto ko na Siya talaga ay aking Ama at ako ay Kanyang banal na anak. Lubos Niya akong minamahal (tingnan sa Juan 3:16–17) at gusto lamang Niya akong makabalik.

Ang pag-aaral tungkol sa likas na katangian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ay nagbago sa lahat ng pananaw ko sa nadarama Nila tungkol sa akin at kung gaano talaga Siya kaaktibong nakikilahok sa buhay ko. At natanto ko na hindi Sila mga estranghero sa akin—kilala ko na Sila mula pa sa simula, at kilala rin Nila ako noon pa man.

2. Paggugol ng Oras kasama Nila

young man gazing at sky

Larawan mula sa Getty Images

Tulad ng pag-uukol ko ng oras para mabisita ang isang kaibigan, nag-ukol ako ng panahon sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas araw-araw. Taimtim akong nanalangin nang malakas at naglaan ng oras para makinig. Pinatugtog at pinagnilayan ko ang mga paborito kong himno. Nagnilay-nilay ako. At dahil ang mga templo ay isinara (dahil sa COVID-19), ginawa ko ang mapayapang mga paglalakad.

Karaniwan ay may pinakikinggan akong podcast o audiobook kapag naglalakad ako. Ngunit sa mga paglalakad na ito, inilayo ko ang sarili ko sa mundo. Pinili kong pakinggan Sila. Ang paggawa nito ay nakatulong sa akin na makaugnay sa Espiritu at makilala at pagnilayan ang maliliit na detalye ng mundo at ng layunin ko.

Naunawaan ko kung gaano pinag-isipan ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas ang Kanilang mga nilikha—at kabilang ako roon.

Nakadama ako ng malaking espirituwal na lakas mula sa makabuluhan at tahimik na panahong iyon kasama ng aking Ama sa Langit at ng Tagapagligtas. Nakita ko ang iba ko pang mga pagpapala, lalo akong nakadama ng pasasalamat sa buhay sa pangkalahatan, nakatanggap ako ng ibayong kasiguraduhan sa aking mga desisyon, at nadama kong pinatatatag ako ng Kanilang tahimik na lakas.

Tulad ng iba pang mga ugnayan, ang pagbibigay-prayoridad sa paglalaan ng makabuluhang oras ay mas naglapit sa amin sa isa’t isa.

3. Pagkilala sa Paraan ng Pagpapakita Nila sa Akin ng Pagmamahal

Lahat tayo ay pinakamainam na tumatanggap ng pagmamahal sa mga partikular na paraan.12 Inisip ko kung paano nagpakita ang ibang tao ng pagmamahal sa akin at kung ano ang lubhang nakakaapekto sa akin sa paglipas ng mga taon, at natanto ko na damang-dama ko na ako ay minamahal sa pamamagitan ng mga makabuluhang salita ng ibang tao.

At nang matanto ko ito, naunawaan ko rin na para sa akin, ang mga pinakamalalim na sagot sa panalangin o kapanatagan mula sa Ama sa Langit o sa Tagapagligtas ay palaging sa pamamagitan ng mga salita, nagmula man ang mga salita sa isang taong binigyan ng pahiwatig na kausapin ako, sa mga katotohanan sa mga banal na kasulatan, sa mga aklat, o sa magagandang sipi mula sa mga propeta at apostol. Ang mga salita ay palaging pumupuno sa aking kaluluwa at nagbibigay ng kapanatagan sa akin nang higit kaysa anupaman.

Naisip ko rin kung paano Sila nagbibigay ng pagmamahal sa akin sa pamamagitan ng iba pang mga paraan, tulad ng sa pamamagitan ng mga mahal ko sa buhay, ng mga estranghero, at maging sa pamamagitan ng mga nakatutuwang pangyayari na “nagkataon lamang” at mga pagbibigay ng awa. Napaluha ako nang matanto ko ang pagmamahal Nila sa napakaraming paraan, pero lalo na sa pinakamainam na paraan na natatanggap ko ito. Talagang kilala Nila tayo at alam Nila kung paano tayo matutulungan nang personal at sa epektibong paraan.

Maipapakita rin natin sa Kanila ang pagmamahal sa pinakamaiinam na paraan na alam nating gawin—sa pagbabahagi ng ebanghelyo, pagsunod sa Kanila, at paglilingkod sa kapwa.

Kung kailangan mo ng tulong para malaman kung paano Sila nagpapakita ng pagmamahal sa iyo, hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kang kilalanin ito. Ipapakita Niya ito sa iyo.13

Pagkakaroon ng Tunay na mga Ugnayan

Ang karanasang ito ay nagbigay sa akin ng ideya kung gaano kalaki ang espirituwal na lakas na makakamtan ko kapag uunahin ko ang aking ugnayan sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas.

At balak kong patuloy na gamitin ang mga tip na ito sa pakikipag-ugnayan. Nakikita ko na ngayon na ang ugnayan ko sa Kanila ay tunay, makapangyarihan, mahalaga, at walang-hanggan. Hindi Sila di-nahahawakan, tulad ng inakala ko dati.

Kasama natin Sila. Nakikibahagi Sila sa bawat detalye ng buhay natin. Handa Silang ibuhos sa atin ang lakas, kapanatagan, karunungan, patnubay, at kapayapaan, lalo na kapag naglalaan tayo ng panahon at lugar para sa Kanila sa ating buhay.

Subukin ang inyong sariling mga pamamaraan upang maging mas malapit sa Kanila at tingnan kung ano ang mangyayari! Mapatototohanan ko na kung uunahin natin ang mahahalagang ugnayang ito at sinusunod natin Sila, makakamtan natin ang nakapagpapagaling na impluwensya ng Tagapagligtas, susulong nang may pananampalataya (tingnan sa mga Filipos 4:13), at magkakaroon ng higit na tiwala at kagalakan.

Alam kong mayroon ako nito.

Mga Tala

  1. Tingnan sa James E. Faust, “A Personal Relationship with the Savior,” Ensign, Nob. 1976, 58–59.

  2. Tingnan sa “Paano Ko Ginagawang #PakingganSiya: Elder Jeffrey R. Holland” (video), ChurchofJesusChrist.org.

  3. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 88–92.

  4. Tingnan sa Thomas S. Monson, “Ang Banal na Kaloob na Pasasalamat,” Liahona, Nob. 2010, 87–90.

  5. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Sakripisyo,” Liahona, Mayo 2012, 19–22.

  6. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Mga Propeta, Pamumuno, at Batas ng Diyos” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Ene. 8, 2017), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org.

  7. Tingnan sa M. Russell Ballard, “How I Hear Him in Still and Quiet Moments,” blog post, Hulyo 17, 2020, ChurchofJesusChrist.org.

  8. Tingnan sa Cristina B. Franco, “Ang Galak sa Di-Makasariling Paglilingkod,” Liahona, Nob. 2018, 55–57.

  9. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 92–95.

  10. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 67–69.

  11. Tingnan sa Dieter F. Uchtdorf, “Ang Pag-ibig sa Diyos,” Liahona, Nob. 2009, 21–24.

  12. Tingnan sa Gary Chapman, The 5 Love Languages: The Secret to Love That Lasts (2010).

  13. Tingnan sa Sheri L. Dew, Worth the Wrestle (2017), 8, 9, 41.