2023
Ang mga Pagpapala ng Pagkonekta sa mga Ninuno
Hunyo 2023


Digital Lamang: Mga Young Adult

Ang mga Pagpapala ng Pagkonekta sa mga Ninuno

Tinulungan ako ng aking yumaong lola na tanggapin ang ebanghelyo ni Jesucristo at magkaroon ng patotoo tungkol sa gawain sa family history.

Freiberg Germany Temple

Sa buong buhay ko, naniwala ako na kailangan ay may espirituwal na ugnayan sa pagitan ko at ng aking mga ninuno.

Madalas magkuwento at magpakita ng mga larawan ng aking mga ninuno ang lolo’t lola ko, at mas napapalapit ako sa kanila sa tuwing pinag-uusapan namin sila. Kami ng pamilya ko ay hindi mga miyembro ng Simbahan noon, pero tinuruan pa rin ako ng lola ko na magdasal araw-araw. At sa pamamagitan ng mga panalanging iyon, nagsimula akong maniwala sa Diyos at sa ideya na nabubuhay pa kahit paano ang pumanaw kong mga ninuno.

Araw ng mga Patay

Sa Hungary nagdiriwang kami ng isang pista-opisyal pagkatapos ng Halloween na tinatawag na Araw ng mga Patay. Sa okasyong ito, lahat ay bumibisita sa mga sementeryo kung saan nakalibing ang kanilang mga mahal sa buhay at ninuno, at naglalagay kami ng mga bulaklak sa kanilang puntod at nagsisindi ng mga kandila para alalahanin at papurihan sila.

Noong maliit pa ako, pakiramdam ko pinalad akong magkaroon ng mas malalim na koneksyon sa aking mga ninuno, dahil isinilang ako talaga sa Araw ng mga Patay. Palaging napaka-espesyal ng araw na iyon para sa akin.

Pero madalas din akong magreklamo tungkol sa pagbisita sa aking mga ninuno, dahil ayaw kong ubusin ang kaarawan ko sa mga sementeryo. Hindi ko nakita kung ano ang kakaiba sa pagbisita sa mga puntod ding iyon taun-taon, lalo na’t doon nakalibing ang mga ninunong hindi ko nakilala kailanman.

Gayunman, nang lumaki na ako at nagkaroon ng patotoo tungkol sa ebanghelyo, mas marami na akong nalaman tungkol sa plano ng kaligayahan ng Diyos at sa kasagraduhan ng gawain sa family history. Alam ko na magagawa at dapat pahalagahan ng lahat ang kanilang mga ninuno at sikaping magkaroon ng malalim na koneksyon sa mahahalagang miyembrong ito ng aming pamilya.

Isang Hangaring Tulungan ang Lola Ko

Ipinakilala ako sa Simbahan sa pagpasok ng taong 2018. Gustung-gusto kong matuto mula sa mga missionary, at nang sabihin nila sa akin ang kahalagahan ng family history at gawain sa templo, hindi ako nagulat. Alam ko nang may mahalagang bagay tungkol sa pag-aaral at paglilingkod sa mga miyembro ng pamilya na pumanaw na.

Ipinaliwanag ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang family history at gawain sa templo ay hindi lamang para sa mga patay kundi pagpapala rin sa mga buhay. …

“… Higit pa ito sa isang nakasisiglang libangan, sapagkat ang mga ordenansa ng kaligtasan ay kinakailangan para sa lahat ng anak ng Diyos.”1

Nang marinig ko ito, nasabik akong patuloy na matuto tungkol sa ebanghelyo at magawa kalaunan ang gawain sa templo para sa aking mga ninuno at lalo pang makakonekta sa kanila.

Noong Nobyembre 1, 2018, binisita namin ng pamilya ko ang puntod ng lola ko. Kilalang-kilala ko na siya sa buong buhay ko, at nangulila ako sa kanya mula nang pumanaw siya. Pinag-aaralan ko pa noon ang Simbahan, at medyo natitiyak ko na tututulan at pipigilan ng lola ko ang interes ko sa Simbahan kung buhay pa siya. Napaka-makaluma niya sa kanyang relihiyon.

Kaya nagulat ako na, habang nakatayo ako sa harap ng kanyang puntod at nagdarasal para sa kanya, nagkaroon ako ng malinaw na impresyon na alam na niya ang mga katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Nadama ko na ipinagmamalaki niya ako dahil nagkaroon ako ng pagkakataong mamuhay ayon sa halimbawa ng Tagapagligtas.

Natigilan ako.

Itinuro sa akin ng mga missionary kamakailan na ang mga nasa kabilang panig ng tabing ay may mga pagkakataong malaman ang tungkol sa ebanghelyo kung hindi sila nagkaroon ng pagkakataong malaman iyon dito sa lupa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:22–24). Kahit paano ay nalaman ko na naituro na sa lola ko ang mga katotohanang ito at handa na siyang tanggapin ang ebanghelyo. Nalaman ko na kailangan niya ang tulong ko para magawa ang kanyang gawain sa templo.

At para magawa iyon, kinailangan kong magpabinyag mismo.

Sandali kong pinag-isipan noon kung talagang gusto kong maging miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. At ang karanasang ito sa puntod ng lola ko ang nagtulak sa akin na magtakda ng petsa ng binyag sa mga missionary.

Isang Mahimalang Temple Trip

Makalipas ang ilang buwan, nagplano ang mga young single adult sa aming lugar na magbiyahe para bumisita sa Freiberg Germany Temple nang sumunod na taon. Nahirapan kaming ihanda nang maaga ang dadalhin naming mga pangalan ng sarili naming mga kapamilya.

Binisita ko ang maraming kapamilya at isang pari sa isang nayon kung saan nanirahan ang aking mga ninuno para mangalap ng impormasyon at mga talaan. Humiling din ako ng patnubay sa panalangin para mahanap ko ang iba pang mga miyembro ng aking pamilya na kailangang gawan ng mga ordenansa sa templo.

Sa huli, nakakalap at nakapaghanda ako ng mga 40 pangalan ng mga kapamilya na pabibinyagan sa unang temple trip ko. Pero may isang partikular na ninuno na talagang tuwang-tuwa ako.

Sa araw ng pagbisita namin sa templo, hinawakan ng isa sa pinakamatatalik kong kaibigan (na kalaunan ay naging asawa ko) ang kamay ko at dinala ako sa bautismuhan para kumpletuhin ang binyag ng lola ko. At nang ilubog niya ako sa tubig at iahon niya akong muli, nadama ko ang pinakamasayang damdamin mula sa Espiritu Santo.

Nalaman ko kaagad na kasama ko ang lola ko at na nagpapasalamat siya na sa wakas ay naging miyembro na siya ng Simbahan. Nagpapasalamat ako sa kanya sa pagtulong sa akin na maunawaan talaga kung gaano kahalaga sa ating mga ninuno ang gawaing ginagawa natin sa mga templo.

Kailangan Natin ang Isa’t Isa

Lubos akong nagpapasalamat sa karanasang ito sa lola ko, dahil pinagtibay nito sa akin ang hinala ko sa buong buhay ko—na ang ating mga ninuno at mahal sa buhay na pumanaw na ay patuloy na nabubuhay at na mapapalalim natin ang ating koneksyon sa kanila.

Maaari tayong humugot ng lakas, pagmamahal, at napakaraming iba pang pagpapala mula sa ating mga ninuno habang nalalaman natin ang tungkol sa kanila, nagpapasalamat tayo para sa kanila, at nagsasagawa tayo ng mga sagradong ordenansa sa templo para sa kanila.

Sa pag-anyaya sa mga miyembro ng Simbahan na dagdagan ang oras nila sa paggawa ng gawain sa family history, nangako si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa pagtugon ninyo nang may pananampalataya sa paanyayang ito, ang inyong puso ay babaling sa mga ama. … Ang pagmamahal at pasasalamat ninyo sa inyong mga ninuno ay mag-iibayo. Ang inyong patotoo at pananalig sa Tagapagligtas ay lalalim at mananatili. At ipinapangako ko na mapoprotektahan kayo laban sa tumitinding impluwensya ng kaaway.”2

Walang-hanggan ang pasasalamat ko sa mabait kong lola. Nasasabik na ako sa araw na muli kaming magkakasama at masasabi ko sa kanya kung paano niya ako tinulungan na lubos na tanggapin ang ebanghelyo ni Jesucristo. Alam ko na kapag sinisikap nating kumonekta sa ating mga ninuno at patatagin ang ating mga relasyon sa kanila, mapapalalim natin ang ating pananampalataya at mas mapapalapit tayo kay Cristo.

Kailangan nila tayo—hinihintay nila tayo. At kailangan din natin sila (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 128:18).

Mga Tala

  1. Dale G. Renlund, “Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 46.

  2. David A. Bednar, “Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 26–27.