“Nakikinig ba Kayo sa Kumperensya Gamit ang Inyong mga Tainga—o ang Inyong Puso?,” Liahona, Okt. 2023.
Mga Young Adult
Nakikinig ba Kayo sa Kumperensya Gamit ang Inyong mga Tainga—o ang Inyong Puso?
Ang personal na paghahayag ay tungkol sa pakikinig sa Espiritu nang buong puso mo.
Para sa akin, ipinadarama sa akin ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya ang Banal na Espiritu. Ang pakikinig sa kumperensya ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong madama ang pagmamahal ng Diyos at magkaroon ng espirituwal na inspirasyon.
At dahil pinatototohanan ng mga tagapagsalita ang katotohanan, naaanyayahan ang Espiritu sa puso’t isipan ng lahat ng naroon (tingnan sa Alma 31:5), kaya medyo mas nauunawaan natin ang Diyos at ang Kanyang mga layunin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:5–10).
Pero kung minsa’y may mga gambala o iba pang mga hamon na maaaring magpahirap na makatanggap ng mga espirituwal na impresyon sa oras ng kumperensya. Nalulungkot siguro kayo na hindi lumakas ang inyong pananampalataya o hindi nasagot ang inyong mga tanong.
Ano ang ginagawa ninyo kapag nagkagayon?
Maaari tayong magsimula sa pag-iisip kung may anumang bagay na nagpapahirap sa atin na magtuon. Maaari nating tiyakin na hindi lang tayo nakikinig gamit ang ating tainga kundi pinagninilayan natin ang mga pahiwatig at damdaming dumarating sa ating isipan at ating puso. Para makinig gamit ang ating puso, maaari tayong humingi ng tulong sa panalangin na maunawaan kung paano natin personal na maiaangkop ang mga mensahe sa atin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 8).
Ang pag-unawa sa personal na paghahayag at kung paano ito nauugnay sa mga mensahe mula sa mga lingkod ng Diyos ay makakatulong sa atin na malaman kung ano ang ibig sabihin ng makinig gamit ang ating puso’t isipan.
Plano ng Diyos, Kaligayahan Ninyo
Ang personal na komunikasyon sa pagitan ninyo at ng Ama sa Langit ang tinatawag nating personal na paghahayag. At ito ay personal. Tulad ng sinabi ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang personal na paghahayag ay para sa mga indibiduwal. Makatatanggap kayo ng paghahayag, halimbawa, kung saan titira, kung anong trabaho ang kukunin, o kung sino ang pakakasalan. Ang mga lider ng Simbahan ay maaaring magturo ng doktrina at magbahagi ng inspiradong payo, ngunit ang responsibilidad para sa mga desisyong ito ay nasa inyo. Iyon ang paghahayag na tatanggapin ninyo.”1
Maaaring mangusap ang Diyos nang direkta sa inyong puso’t isipan tungkol sa mga personal na bagay, pero kailangang maging handa kayong pakinggan Siya (tingnan sa Santiago 1:5). May kalayaan pa rin kayong pumili. Pero ang Kanyang plano ng kaligayahan ay magpapaligaya lamang sa inyo kung pipiliin ninyong mas mapalapit sa Kanya.
Tinanong tayo kamakailan ni Pangulong Russell M. Nelson, “Handa ka bang hayaang maging pinakamahalagang impluwensya sa buhay mo ang Diyos? Hahayaan mo ba ang Kanyang mga salita, Kanyang mga utos, at Kanyang mga tipan na impluwensyahan ang ginagawa mo sa bawat araw? [Tutulutan mo bang mauna] ang Kanyang tinig kaysa sa iba?”2
Ang kahandaan ninyong makinig sa tinig ng Diyos ay lubos na magpapasiya kung gaano ninyo talaga Siya maririnig. Kahit gusto lang ninyong maging handa ngayon mismo, “hayaan ang pagnanais na ito [na] umiral sa inyo” (Alma 32:27) para magbago ang inyong puso.
Ang mga Propeta ay Nagsasabi ng Katotohanan
Medyo lumabis ang ilan sa pagkakamaling tanggapin ang “personal” na bahagi ng personal na paghahayag. Mali ang sinasabi nila na ang mga turo ng mga propeta at apostol ay hindi angkop sa lahat—na maaari nating ipasiya para sa ating sarili kung ano ang angkop sa atin at “na ang katotohanan ay depende sa tao—na dapat ipasiya ng bawat tao para sa kanyang sarili kung ano ang totoo.” Tulad ng babala ni Pangulong Nelson, “Ang gayong paniniwala ay pananaginip nang gising para sa mga taong may maling akala na hindi rin sila mananagot sa Diyos.”3
Tumatawag ang Diyos ng mga propeta at apostol para tumayo bilang mga saksi ni Jesucristo, magsabi ng katotohanan, at mamahala sa mga gawain ng Kanyang kaharian sa lupa. At tinanggap nila ang mga responsibilidad ng mga tungkuling iyon. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:23.)
Ang katotohanan ay ang wika ng Espiritu, kaya kapag narinig natin ang mga walang-hanggang katotohanan na nagpatotoo nang buong tapang at malinaw, dumarating ang Espiritu Santo para ikintal sa ating isipan ang pagiging ganap at kagandahan ng mga katotohanang iyon. Maipauunawa rin sa atin ng Espiritu kung paano naaangkop sa bawat isa sa atin ang katotohanan ng mga salita ng ating mga pinuno.
Sabi ni Elder Renlund, “Inaanyayahan ko kayong magkaroon ng tiwala na tumanggap ng personal na paghahayag para sa inyong sarili, na nauunawaan ang naihayag ng Diyos, na naaayon sa mga banal na kasulatan at ang mga kautusang naibigay Niya sa Kanyang hinirang na mga propeta at sakop ng sarili ninyong responsibilidad at kalayaang pumili.”4
Ang Kanilang Pinakadakilang Hangarin
Kung minsa’y maaaring hindi kayo sigurado sa itinuturo ng propeta at mga apostol. O baka nahihirapan kayong unawain kung paano naaangkop sa inyo ang kanilang mga salita. Sa mga sandaling ito, tandaan na ang kanilang tungkulin ay tumulong na gabayan kayo, isang mahalagang anak ng ating Ama sa Langit, pabalik sa Kanya.
Nagpatotoo si Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Hindi tayo dapat mabahala kung ang mga salita ng mga lingkod ng Panginoon ay salungat sa paraan ng pag-iisip ng mundo, at kung minsan, sa sarili nating iniisip. … Ang pinakadakilang mithiin nila ay ang malugod ang Panginoon at tulungan ang mga anak ng Diyos na bumalik sa Kanyang piling.”5
Ang pagtutuon sa mapagmahal na hangarin ng mga propeta at apostol ay magpapabago sa paraan ng pagtanggap ninyo sa kanilang mga salita. Ang matanto ang kanilang pagmamahal at katapatan sa Ama sa Langit, sa Tagapagligtas, at sa inyong kaligtasan ay tutulong sa inyo na maging mas handang papasukin ang kanilang mga salita sa inyong puso.
Maaaring mahirap maging disipulo ni Jesucristo sa mga huling araw. Maaaring mahirap pakinggan ang payo mula sa pulpito na hindi natin palaging gusto o ramdam na handa tayong pakinggan, lalo na kapag madalas bigyang-kahulugan ng mga tinig ng mundo ang payo ng mga propeta na parang isa pang listahan ng mga panuntunan o paghihigpit.
Pero totoo, binibigyan tayo ng Panginoon ng mga propeta at apostol para gabayan tayong mamuhay sa pinakamaayos at pinakamasayang paraan hangga’t maaari. Hindi nila tayo pinipilit na sundin ang kanilang payo. Sa halip, nag-aanyaya sila, ipinauunawa sa atin kung bakit mataas ang mga pamantayan ng Panginoon para sa Kanyang mga disipulo, at pinalalalim ang ating pananampalataya sa Diyos.
Itinuro kamakailan ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Mali bang magkaroon ng mga panuntunan? Siyempre hindi. Kailangan nating lahat ang mga iyon araw-araw. Ngunit maling magtuon lamang sa mga panuntunan sa halip na magtuon sa Tagapagligtas. Kailangan ninyong malaman kung bakit at kung paano at pagkatapos ay pag-isipan ang mga kahihinatnan ng inyong mga pagpili. …
“Ang mahahalagang temporal at espirituwal na pagpili ay hindi lamang dapat na nakabatay sa personal na kagustuhan o kung ano ang mas madali o popular. Hindi sinasabi ng Panginoon na, ‘Gawin ninyo ang anumang gusto ninyo.’
“Ang sinasabi Niya ay, ‘Hayaang manaig ang Diyos.’”6
Si Jesucristo ang ating lakas, at inaakay tayo ng Kanyang mga propeta at apostol pabalik sa Kanya. Tinutulungan nila tayong hanapin Siya sa abot ng ating kakayahan upang matamo natin ang lahat ng pagpapalang inilaan ng Diyos para sa atin.
Tahakin ang Landas ng Tipan nang May Tiwala
Taglay ang pananampalataya kay Jesucristo at may pusong handa, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay (tingnan sa Moroni 10:4–5). Habang nakikinig kayo sa mga propeta at apostol, mauunawaan ninyo ang mga bulong ng Espiritu sa pamamagitan ng personal na paghahayag.
Mayroon kayong mga lider na pinili ng Diyos at karapat-dapat na tumulong sa inyo. Magagabayan nila kayo pabalik sa landas ng tipan kung kinakailangan. Matutulungan nila kayong manatili kung nahihirapan kayong manatili ngayon. At anuman ang inyong nakaraan, matutulungan nila kayong bumaling kay Jesucristo at tumahak sa landas ng tipan nang may tiwala.
Nagpatotoo si Elder Andersen: “May baul ng kayamanan ng patnubay ng langit na naghihintay na inyong matuklasan sa mga mensahe ng pangkalahatang kumperensya. Ang pagsubok sa atin ay kung paano tayo tutugon sa ating naririnig, nababasa, at nadarama.”7
Kung makikinig kayo sa mga mensahe ng Diyos nang may mga tainga at pusong handang tumanggap, mapapalago ninyo ang inyong patotoo. Malalaman ninyo ang katotohanan ng ebanghelyo at maniniwala kayo sa awtoridad ng propeta at mga apostol ng Panginoon. Makikita at maipamumuhay ninyo talaga ang pinakamainam na buhay—ang buhay na nais ng Ama sa Langit na ipamuhay ninyo dahil mahal Niya kayo.