Lingguhang YA
Pagtalikod sa Tradisyon at Pagtitiwala sa Panginoon
Abril 2024


“Pagtalikod sa Tradisyon at Pagtitiwala sa Panginoon,” Liahona, Abr. 2024.

Mga Young Adult

Pagtalikod sa Tradisyon at Pagtitiwala sa Panginoon

Dahil sa payo ng propeta tungkol sa lobola, naguluhan kami tungkol sa hinaharap.

larawang-kuha ng mga awtor

Larawang-kuha sa kagandahang-loob ng mga awtor

Ang young adulthood ay isang panahon sa buhay na nagbibigay-lakas. Bilang dalawang sister na naglalakbay bilang mga disipulo sa South Africa, palagi kaming nagkakaroon ng mga karanasang nagpapatibay sa aming pananampalataya na dahilan para masabik kami tungkol sa hinaharap. Pero kung minsan, maaaring nakalilito ang panahong ito ng buhay kapag gumagawa tayo ng mga desisyon tungkol sa edukasyon, trabaho, at lalo na kung kanino magpapakasal.

O, sa aming sitwasyon, sa pag-alam kung ano ang mangyayari kapag nag-asawa kami.

Isang Hamon na Hindi Inaasahan

Sa South Africa, may isang sinaunang kaugalian na tinatawag na lobola—na karaniwang kilala bilang “halaga ng nobya”—na sinusunod pa rin sa ilang bansa sa Africa ngayon. “[Ang lobola] ay tanda ng pasasalamat na ibinibigay ng pamilya ng nobyo sa pamilya ng nobya. Noong unang panahon ibinibigay ng pamilya ng nobyo sa pamilya ng nobya ang anumang bagay na mahalaga sa kanila.”1

Ayon sa tradisyon, ang mga baka (na itinuturing na sagrado sa maraming kultura ng Africa) ay madalas ibigay sa pamilya ng nobya para kumatawan sa espirituwal na koneksyon na mabubuo sa pagitan ng dalawang pamilya. Pero sa panahong ito, ang lobola ay mas madalas na binabayaran sa pamamagitan ng pagbibigay ng malaking halaga ng pera. Ang halaga ay naaapektuhan na ngayon ng edukasyon, trabaho, at katayuan sa lipunan ng nobya.2

Ang pagbabayad ng lobola ay nilayong ipakita kung gaano kahalaga ang babae kapwa sa kanyang pamilya at sa lalaking balak niyang pakasalan. Simbolo ito ng pagkakaisa sa pagitan ng mga pamilya. Kaya, sa buong buhay namin, lagi kaming nagsisikap na maging mga babaeng magalang, matagumpay, at matalino. Gusto naming ipagmalaki kami ng aming pamilya at suklian din sila sa pagpapalaki sa amin.

Pero noong 2014, noong pareho kaming mga kabataan, dumating si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, para magsalita sa mga miyembro sa Africa. Nadama namin ang dalisay na pagmamahal ng Diyos para sa bawat isa sa amin habang nagsasalita siya. Gayunman, sa kanyang mensahe, itinuro niya na ang tradisyon ng lobola ay hindi na naaayon sa ebanghelyo. Hinikayat niya na huwag sundin ang kaugaliang ito, na sinasabing: “Iba’t iba ang mga bunga ng [halaga ng nobya] at humahantong ito sa pag-uugaling hindi angkop para sa isang miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. … Ang paraan ng Panginoon ang tunay na landas para mapagsama-sama ang mga pamilya magpakailanman.”3

Nakikibahagi ang buong kultura namin sa kaugaliang ito, at lagi kaming inaasahan na sundin din ito, kaya naguluhan kami pagkatapos ng kanyang mensahe.

Nakakatawa ang mga una naming naisip: “Hindi kami nagtrabaho nang husto para hindi makakuha ng mga baka!”

Pero ang totoo, talagang nalito kami. Kung ayaw na ng Ama sa Langit na sundin namin ang tradisyong ito, kapag ayaw magpakasal ng karamihan sa mga tao sa aming kultura nang walang lobola, paano namin masusunod ang Ama sa Langit at si Jesucristo at maigagalang ang aming kultura at pamilya? Tila kakaiba ang ebanghelyo sa mga miyembro ng aming pamilya na hindi kasapi ng Simbahan, pero magiging mas mahirap pa ito ngayon para maunawaan nila.

Nang makita namin ang ilang miyembro na tumatalikod sa Simbahan dahil hindi nila maunawaan ang turong ito mula sa isang buhay na propeta, natanto namin na kailangan naming idulog ang aming mga tanong sa Ama sa Langit.

Paghahanap ng mga Sagot

Nang sumapi kami sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong mga tinedyer kami, nangako kami sa isa’t isa na laging magtutulungan na manatiling malapit sa Panginoon, anuman ang mangyari. Nagpasiya kami na anuman ang mangyari sa aming buhay, lagi kaming manghahawakan sa aming pananampalataya dahil nakita na namin kung paano humahantong sa tunay na kagalakan ang pamumuhay ayon sa ebanghelyo.

Kaya, noong nahihirapan kaming unawain ang mensahe ni Elder Uchtdorf, naalala namin ang pangakong iyon. Naalala namin ang kahalagahan ng pagbibigay ng prayoridad sa relasyon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at pagtitiwala sa ipinangako Nilang mga pagpapala. Pareho kaming nagtuon sa pagpapalalim ng aming pananampalataya sa Kanila para muling mabuo ang tiwalang iyon.

Nang humiling ako (si Phindi) ng patnubay sa Ama sa Langit sa panalangin tungkol sa pakikipagdeyt at pag-aasawa, may pumasok sa aking isipan. Nabigyang-inspirasyon ang isang Apostol ng Panginoon na pumarito sa aking bansa at magsalita tungkol sa isang tradisyon na partikular sa aming kultura dahil kilala ng Ama sa Langit ang bawat isa sa amin. Alam Niya kung ano ang maaaring naglilimita sa amin, at nasa puso Niya kung ano ang pinakamainam para sa amin pagdating sa landas ng tipan.

Durban South Africa Temple

Larawan ng Durban South Africa Temple na kuha ni Matt Reier

Taimtim kong pinagnilayan ang katotohanang ito at natanto ko na talagang ayaw ng Ama sa Langit na malimitahan ng mga makamundong tradisyon ang aming mga walang-hanggang kasal at pamilya. Ang pag-iisip tungkol dito ay nakatulong sa akin na makita kung paano madalas na nagiging katiwalian ang lobola, lalo na kapag hindi na makapagpakasal ang ilang magkasintahan dahil sa napakataas na halaga nito. Unti-unti kong natanto na maaari akong magtiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo nang higit pa kaysa sa sarili kong kaalaman, kahit mahirap iyon.

Bumaling ako (si Samu) sa mga banal na kasulatan para maghanap ng mga sagot sa aking mga pag-aalala tungkol sa hinaharap. Noon pa man ay naniniwala na ako na may puwang sa ebanghelyong ito para sa mga tanong at hinihikayat tayong magtamo ng kaalaman at maghangad ng personal na paghahayag. Kaya pinag-aralan ko ang Aklat ni Mormon nang higit kaysa rati. Sa paglipas ng panahon, nadama ko na ang mga katotohanan sa aklat na iyon ay nagpapatibay na maaari akong magtiwala sa mga salita ng mga propeta ngayon. Nadama ko na nagbabago ang puso ko at lumalalim ang aking relasyon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Habang patuloy akong nag-aalala kung ano ang magiging kinabukasan ko hinggil sa pakikipagdeyt at pag-aasawa, naalala ko ang katotohanang ibinigay sa Nephi na “ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila” (1 Nephi 3:7). At dahil diyan, alam kong mapagkakatiwalaan ko Siya at makakaasa sa Kanyang mga pangako.

Tulad na naituro ni Pangulong Russell M. Nelson, ang buhay ay tungkol sa pagkatuto na “hayaang manaig ang Diyos”4 at “daigin ang mundo.”5 Ang kaalamang ito ay nakatulong sa amin na unti-unting palalimin ang aming tiwala sa Ama sa Langit. Kahit hindi namin alam kung paano magiging maayos ang pag-aasawa para sa amin, alam namin na kapag tinupad namin ang aming mga tipan at nagtuon kami sa aming relasyon sa Kanya at kay Jesucristo, mabibiyayaan kami ng mga himala kapag tinalikuran namin ang tradisyong ito.

Ang Pinakamahalagang Relasyon

Ang mga relasyon at pakikipagdeyt ay maaaring mahirap at walang katiyakan para sa sinumang naghahangad na magpakasal sa templo saanman sa mundo. Kapag naiwan tayong nananabik sa isang makakasama sa kawalang-hanggan, kung minsa’y parang nakakatakot ang hinaharap. Magtiwala kayo—napakaraming bagay na hindi namin alam na personal naming nararanasan kung paano magiging maayos ang buhay kapag karamihan sa aming kultura ay hindi iisiping mag-asawa nang hindi nagbabayad ng lobola.

Pero sa kabila ng mga hadlang sa amin (at anumang mga hadlang, sagabal sa kultura, o hamon na maaaring nararanasan ninyo hinggil sa pakikipagdeyt at pag-aasawa), naniniwala kami talaga na magpapatuloy ang Ama sa Langit na tulungan kaming lahat na tuklasin at tuparin ang aming mabubuting hangarin kapag nagtiwala kami sa Kanya. Kapag nagtuon kami sa aming relasyon sa Kanya at kay Jesucristo, lahat ng iba pa tungkol sa hinaharap ay hindi na gaanong nakakatakot at mas puno na ng pag-asa.

Kung minsan pakiramdam namin ay parang napag-iiwanan kami, at iniisip namin kung magiging mas madaling magpatangay na lang sa mga kaugalian, inaasahan, at pamantayan ng mundo. Pero kapag pinagninilayan namin ang mga pagpapala at kagalakang laan ng Panginoon para sa amin bilang mga disipulo ni Cristo, natatanto namin na hindi kami napag-iiwanan. Nasa mga kamay kami ng isang mapagmahal na Ama sa Langit, na gagabay sa amin tungo sa di-mailarawang mga pagpapala.

Samantala, patuloy naming ginagawa ang lahat para umunlad sa espirituwal at temporal. Bumubuo kami ng magagandang relasyon sa mga kaibigan, sa pamilya, at sa isa’t isa. Ang mga relasyon namin sa aming mga mahal sa buhay—at lalo na sa Ama sa Langit at kay Jesucristo—ay laging tutulong sa amin na madama ang koneksyon at pagmamahal at magbibigay sa amin ng lakas na magpatuloy sa landas ng tipan.

Ang ilang mabubuting hangarin ay maaaring tila imposible kapag nararanasan namin ang mabubuti at masasamang bagay na nangyayari sa panahon ng kabataan. Pero habang patuloy naming tinutupad ang aming mga tipan at hinahanap ang Panginoon, nanananganan kami sa pag-asa na makapagpakasal sa templo. Hanggang sa sandaling iyon, tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson, maaari kaming laging maghangad at umasa sa mga himala.6 Nararanasan namin talaga ang kagalakan, mga pagpapala, at, oo, ang mga himala ng pamumuhay ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Umaasa kami na alam ninyo na may nakalaan ding mga himala at pagpapala para sa inyo.

Ang awtor ay naninirahan sa Gauteng, South Africa.

Mga Tala

  1. Olwethu Leshabane, “Let’s Talk about Lobola,” Art of Superwoman, Okt. 22, 2021, artofsuperwoman.com/2021/10/22/lets-talk-about-lobola.

  2. Tingnan sa Leshabane, “Let’s Talk about Lobola,” artofsuperwoman.com/2021/10/22/lets-talk-about-lobola.

  3. Dieter F. Uchtdorf, sa isang broadcast sa lahat ng stake sa Africa, Nob. 23, 2014.

  4. Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 92–95.

  5. Russell M. Nelson, “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022; 95–98.

  6. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Ang Kapangyarihan ng Espirituwal na Momentum,” Liahona, Mayo 2022, 99.