Lingguhang YA
Pakikipagdeyt nang May Plano at Layunin
Abril 2024


Digital Lamang: Mga Young Adult

Pakikipagdeyt nang May Plano at Layunin

Ilang bagay na natutuhan ko na makakatulong na gawing mas simple at di-gaanong nakaka-stress ang karanasan mo sa pakikipagdeyt.

isang bata pang mag-asawa na magkayakap at nakatingin sa isa’t isa

Pakikipagdeyt. Ang pagsasabi lang ng salita ay maaaring magdulot ng iba’t ibang reaksiyon: isang ngiti, isang simangot, pagtirik ng mga mata, kaba, at pati na pagduwal. Malinaw na hindi pare-pareho ang karanasan sa pakikipagdeyt para sa lahat. Narinig ko na ang mga young adult na tinutukoy ang pakikipagdeyt bilang kagalakan, pasakit, paglalakbay, tadhana, trahedya, at tagumpay. Nakausap ko kamakailan ang isang dalaga, na nakangiti nang pilit, na tinawag ang kanyang pakikipagdeyt na “hindi umiiral.”

Pagkaraan ng mahigit labindalawang taon ng pagtuturo sa klase ng mga young adult tungkol sa paghahandang makipagdeyt at mag-asawa, nakakita ako ng dalawang salita na nagbubuod sa karanasan ng marami: kumplikado at masalimuot.

Sa kabilang dako, nakita ko na ang ilang alituntuning nauunawaan nang husto ay makakatulong na gawing mas simple at di-gaanong nakaka-stress ang karanasan sa pakikipagdeyt. Lahat ng ito ay nagsisimula sa matatag na pag-unawa sa layunin ng Diyos para sa pag-aasawa at sa papel na maaaring gampanan ng pakikipagdeyt sa paglalatag ng pundasyon para sa matagumpay na pagsasama ng mag-asawa.

Ang Layunin ng Diyos para sa Pag-aasawa

Maaaring nakakaasiwang sabihin nang malakas, pero ang pangkalahatang ideya ng pakikipagdeyt bilang young adult ay na humahantong ito sa pagpapakasal—o kahit paano ay inaasam nating magkatotoo iyon. Ang kasal naman sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inaakay tayong maging higit na katulad ng ating mga magulang sa langit—na may sariling pamilya.

Narinig ko na ang maraming young adult na sinasabi na nakakatakot ang ideya ng pag-aasawa dahil napakarami nilang kilalang tao na hindi nagtagumpay ang pagsasama. Alam kong malungkot ang katotohanang ito. Pero sa halip na basta asamin lamang na manatiling magkasama bilang mag-asawa, maaari tayong magpatupad ng isang plano na tutulong sa atin na manatiling magkasama bilang mag-asawa. At kapag mas naunawaan natin ang plano ng kaligtasan, mas mauunawaan natin ang papel ng pag-aasawa sa planong iyan.

Itinuro ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Nauunawaan ni Satanas na ang pamilya ang sentro ng plano ng kaligayahan ng Panginoon. … Sinisikap niyang ihasik ang maiitim na binhi ng takot sa inyong puso, anumang bagay para hadlangan kayong maranasan ang pinakamaluwalhati at makabuluhang bahagi ng mortalidad: ang maningning na kabanalan at kaligayahang nagmumula sa paghahanap ng makakatuwang sa walang-hanggan at pagdadala ng mga anak ng Ama sa Langit sa mundong ito.

“Kapag nahaharap kayo sa desisyon na magsimula ng sarili ninyong walang-hanggang pamilya, huwag maghintay dahil natatakot kayo. Tandaan ang sabi sa banal na kasulatan, ‘huwag kang matakot, manampalataya ka lamang’ [Marcos 5:36]. Ang pagsasama naming mag-asawa at ang aking pamilya ay … literal na personal na pagpapamalas ng dakilang plano ng kaligayahan para sa akin. Ipinapangako ko sa inyo na maaari din itong magkatotoo sa inyo. Ang pagtutuon sa masayang liwanag na hatid ng buhay-pamilya ay papawi ng takot.”1

Para mahikayat ang mga nagdedeyt, kailangan nating ituring ang pag-aasawa na higit pa sa isang kautusan; kailangan nating tanggapin ang katotohanan na ang pag-aasawa ay maaaring maging, at talagang, isang kahanga-hanga at masayang bahagi ng plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Ang pagkakaroon ng katuwang na mahal ninyo at ng isang pamilyang pinahahalagahan ninyo ay humahantong sa mga pinakamalaking kagalakan sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Kung hindi, hindi tayo aakayin ng Ama sa Langit sa landas na iyon. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “[Ang] pagpapahayag tungkol sa mag-anak ay tumutulong upang matanto [natin] na ang selestiyal na kasal ay nagdudulot ng mas malalaking posibilidad para sa kaligayahan kaysa sa iba pang ugnayan.”2

Pakikipagdeyt nang Tama Hanggang sa Magpakasal nang Tama

Itinuro minsan ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) na para magpakasal nang [tama] ay kailangan nating makipagdeyt nang [tama].3 Tila mas madaling sabihin iyan kaysa gawin. Nagbigay ng mahalagang utos si Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) sa mga binata ng Simbahan tungkol sa paksa: “Humanap ng isang taong makakasundo ninyo.”4

Maikli at simple, pero napakalalim.

Pero paano namin siya mahahanap? At paano namin malalaman kung magkakasundo kami?

Para sa halos lahat, para mahanap siya, kailangan ninyong makipagdeyt. Dapat ay may layunin at makabuluhan ang pakikipagdeyt na iyan. Ang pinakamaganda, ito ang klase ng pakikipagdeyt na tumutulong sa atin na subukan ang pagiging magkasundo. Ang pakikipagdeyt ay nagbibigay rin sa atin ng pagkakataong matutuhan ang mga kasanayan—oo, ang mga kasanayan—na lumikha ng makabuluhang relasyon.

Una, ang pinakamalaking hamon—paghahanap ng idedeyt. Ang buong artikulo ay maaaring ilaan sa paksang ito, pero magmumungkahi ako ng siyam na simpleng salita: “Para makapagdeyt ng mas marami, makihalubilo sa mas marami.” Sa sinumang gustong makapagdeyt nang mas marami at makakilala nang mas maraming tao, inirerekomenda ko na makilahok at makihalubilo. Maaaring kailangan ng kaunting pagsisikap para mahanap ang mga lugar na kasama ang uri ng mga tao na kapareho ninyo, pero magiging sulit ang gugugulin ninyong panahon.

Isa sa pinakamagagandang tanda ng pagkakasundo sa pagitan ng mag-asawa ay ang pagkakatulad sa interes. Kapag nagpunta kayo sa mga aktibidad at lugar na interesado kayo, makakakita kayo ng iba na kapareho ninyo ang mga interes. Laging makakatulong na tandaan na para makilala ang isang tao, kailangan kayong makipagkita sa kanya.

Pagkakasundo: Isang Dalawang-Hakbang na Proseso

Isipin ang pakikipagdeyt para subukan kung magkasundo kayo bilang isang dalawang-hakbang na proseso. Una, kapag nagsimula kayong makipagdeyt, sikaping makipagdeyt sa iba’t ibang tao. Ang pakikipagkilala sa iba’t ibang personalidad ay makakatulong sa inyo na malaman kung anong uri ng tao ang makakasundo ninyo at kung ano ang hahanapin sa isang mapapangasawa. Ito ang isang dahilan kaya pinayuhan na ng mga propeta ang mga tinedyer na iwasan ang mga eksklusibong relasyon hanggang sa mas tumanda sila at sa halip ay “bumuo ng mabubuting pakikipagkaibigan sa maraming tao.”5

Ang pakikipagdeyt sa iba’t ibang tao ay maaaring mahirap. Hindi lahat ay may oportunidad o opsyon na kaswal na makipagdeyt nang madalas. At nariyan din ang panganib na masyadong matuon sa paghahanap sa mailap na perpektong katugma.

Mabuti na lang, hindi mo kailangang “pormal” na magdeyt nang marami para maraming matutuhan. Karamihan sa atin ay may pagkakataong makipag-ugnayan sa iba’t ibang kalalakihan at kababaihan araw-araw. Kung matalino tayo, magagamit natin ang mga relasyong iyan para matukoy ang mga katangiang gusto nating hanapin sa isang asawa.

Pangalawa, kapag sinimulan ninyong ideyt ang isang tao nang mas seryoso, makipagdeyt sa iba’t ibang paraan. Kadalasan, nakikita ko na ginugugol ng mga magkasintahan ang buong deyt nila na nakaupo sa sopa at nanonood ng paborito nilang palabas sa TV, para magreklamo kalaunan na ang asawa nila ay hindi pala katulad ng inakala nila.

Para maituro ang kahalagahan ng pagdedeyt sa iba’t ibang paraan, ipinakikita ko sa aking institute class ang isang larawan na tila puzzle ng mukha ng asawa ko na kalahati pa lang ang nabubuo. Kapag itinatanong ko kung paano ito nauugnay sa pakikipagdeyt, ang sagot kadalasan ay, “Binubuo mo ang asawa mo.” Gayunman, kung titingnan ninyong mabuti, makikita ninyo na tinatanggal ko ang mga piraso ng puzzle para mahayag ang kumpletong larawan niya sa ilalim. Bawat piraso ng puzzle ay kumakatawan sa isang pakikipag-ugnayan (o pagdedeyt) na naghahayag ng isang bagay tungkol sa personalidad ng asawa ko.

Ang iba’t ibang uri ng pakikipag-ugnayan ay maghahayag sa iba’t ibang katangian niya. Kung gusto kong malaman ang kanyang espirituwalidad, dapat naming gawin nang magkasama ang isang bagay na nakabatay sa espirituwal. Gayundin, kung gusto kong malaman kung paano siya nakikipag-ugnayan sa mga bata, nanaisin naming mag-ukol ng oras sa piling ng mga bata.

Dagdagan ang Tiwala; Bawasan ang Pag-aalala

Sa gitna ng pakikipagdeyt para alamin kung magkasundo kayo, tandaan na ang pagdedeyt mismo ay maaari at dapat maging masaya. Ang pakikipagdeyt ay isang pagkakataong magkaroon ng mga bagong kakilala, makipagkaibigan, at lumabas at gumawa ng isang bagay! Hindi kailangang maging pamantayan ang unang pagdedeyt para malaman kung magiging tagumpay o kabiguan ang lahat ng pagkikita ninyo sa hinaharap. Kahit hindi pa ninyo natatagpuan ang mapapangasawa ninyo, magkakaroon ka naman ng bagong kaibigan.

Dapat nating pagsikapang lahat na makasal sa walang hanggan, pero ang sobrang pag-aalala tungkol sa pakikipagdeyt at pag-aasawa, lalo na sa pagsukat ng pagpapahalaga ninyo sa sarili sa pamamagitan ng mga tagumpay ninyo sa pakikipagdeyt, ay tiyak na magpapalungkot sa inyo. Ang paghahanap ng kasundong asawa at ang gawing matagumpay ang inyong pagsasama ay maaaring maging isang paglalakbay na maganda at puno ng pananampalataya.

May malaking kapayapaan sa pagkaalam na bibiyayaan tayo ng lahat ng kailangan natin para lumigaya at umunlad kapag nagtuon tayo sa ating mga tipan at sa mga layunin at pangako ng ating mapagmahal na Ama sa Langit.