Digital Lamang: Mga Young Adult
Pagbuo ng Nagtatagal na Pag-iibigan: Isang Gabay sa Pagharap sa mga Hamon Habang Nasa Isang Relasyon
Ang mga awtor ay naninirahan sa Sweden.
Nang magkasakit ako matapos makipagkasundong magpakasal, hindi ako sigurado kung tatagal ang aking relasyon.
Claudiana: Hindi nagtagal matapos kaming magkasundo ni Gustavo na magpakasal, nagkasakit ako nang malubha. Nagpatingin kami sa iba’t ibang doktor, pero walang isa man sa kanila ang nakaalam kung ano ang sakit ko. Halos lahat ng pagkain ay nagpasakit sa tiyan ko, at ilang linggo ako sa ospital sa tuwing nagsusuka ako at nababawasan ng dugo. Mabilis na bumagsak ang kalidad ng buhay ko.
Nagpatuloy ako sa sitwasyong ito nang maraming taon, at hindi pa rin nalaman kung ano ang sakit ko. Namanas ako at nalugas ang buhok ko sa gamot na ibinigay sa akin para gamutin ang mga sintomas ko. Hindi nagtagal ay hindi na ako makilala.
Para akong halimaw na kakaiba ang anyo at sinabi ko kay Gustavo na OK lang kung gusto niya akong hiwalayan. Ayaw kong ilagay sa alanganin ang kaligayahan niya. Pero nagniningning pa rin ang mga mata niya tuwing nakatingin siya sa akin, at ayaw niyang umalis sa tabi ko. Noon ko nalaman na natagpuan ko na ang tunay na pag-ibig.
Pagkaraan ng apat na mahabang taon, nasuri din sa wakas na mayroon akong agresibong uri ng Crohn’s disease at sinimulan akong gamutin gamit ang high-tech na panggagamot. Muling tumubo ang buhok ko, at nawala ang pamamanas. Lima’t kalahating taon pagkatapos magkakilala, sa wakas ay nakasal kami ni Gustavo sa templo.
Ang katotohanan na nagsama kami ni Gustavo nang walang pangako na gagaling ako ay maaaring makagulat sa ilang tao. Pero gumawa kami ng ilang desisyon bago at habang may sakit ako na nakatulong sa amin na makabuo ng nagtatagal na relasyon. Kung dumaranas kayo ng inyong asawa ng mga pagsubok habang nagdedeyt kayo, narito ang ilang alituntuning nakatulong sa amin ni Gustavo na maaari ding makatulong sa inyo.
Linawin ang mga Inaasahan
Gustavo: Nang una kaming magdeyt, inilista ni Claudiana ang ilang mahahalagang bagay na gusto niyang malaman ko tungkol sa kanya.
-
Ayaw niyang makipagdeyt para lang magkaroon ng kasintahan. Gusto niyang makahanap ng isang tao na naghahanap ng isang relasyon na maaaring humantong kalaunan sa kasal.
-
Gusto niya ng isang asawa na kapareho niya ang mga pinahahalagahan at paniniwala.
Sa panahong iyon, hindi ako miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nilinaw ni Claudiana na, bagama’t ayaw niyang ipilit sa akin ang kanyang relihiyon, naniwala siya na ang pagkakaroon ng iisang mga pinahahalagahan ay hahantong sa mas malusog at mas maligayang pagsasama ng mag-asawa.
Claudiana: Nag-alala ako na baka isipin ni Gustavo na baliw ako para sabihin sa kanya ang mga bagay na ito sa unang deyt namin. Pero gusto kong maunawaan niya ang mga inaasahan ko at na hindi ako mag-uukol ng oras sa isang relasyon na maaaring magtapos sa kabiguan. Iginalang ni Gustavo ang aking mga pamantayan at naging interesado sa aking relihiyon—at dahil dito, naging handa akong bigyan siya ng pagkakataon. Ang paglilinaw ng aking mga inaasahan ay nagtulot sa amin na magkaunawaan nang maaga sa aming relasyon at nagpatibay sa aming katapatan sa isa’t isa sa mahihirap na panahon.
Buong Katapatan na Suportahan ang Isa’t Isa
Claudiana: Nang tumindi ang aking karamdaman, nagsimulang humina ang aking pananampalataya. Inakala ko na hindi nakikinig ang Ama sa Langit sa aking mga dalangin, at inisip ko kung ano ang nagawa ko para danasin ang pagdurusang ito. Sa isang pagsusuri sa ospital, napakasakit ng nararamdaman ko kaya inakala ko na mamamatay na ako. Sa sandaling ito natakot ako para sa buhay at kinabukasan ko, pero hinablot ako ni Gustavo at ipinaalala sa akin ang mga bagay na dati kong itinuturo sa kanya noong sinisiyasat niya ang Simbahan.
“Panahon na para ipamuhay ang mga turong iyon,” sabi niya. “Kailangan mong manampalataya.”
Isang gabi nabasa ko ang Eter 12:12: “Sapagkat kung walang pananampalataya [ang] mga anak ng tao, ang Diyos ay hindi makagagawa ng himala sa kanila; anupa’t hindi niya ipinakita ang kanyang sarili hanggang sa matapos muna silang magkaroon ng pananampalataya.” Tinulungan ako ni Gustavo na maniwala sa isang himala—kung hindi dahil sa kanya, maaaring nawalan na ako ng pag-asa. Ipinaalala niya sa akin ang walang-hanggang pagmamahal at kapangyarihan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na magbigay-kakayahan at maaari ko pa ring matanggap ang ipinangako nilang mga pagpapala. Walang hanggan ang pasasalamat ko na tumulong siyang panatilihing nag-aalab ang aking pananampalataya.
Hindi lang ako espirituwal na sinuportahan (at patuloy na sinusuportahan) ni Gustavo, kundi sinuportahan din niya ang damdamin ko. Noong maysakit ako, nahabag sa akin ang mga tao at kinaawaan ako, pero hindi si Gustavo. Siyempre, nakinig siya sa mga alalahanin ko at niyakap ako nang umiyak ako, pero pinalakas din niya ang loob ko, biniro ako, at inilalabas ako ng bahay kapag malungkot ako. Binigyan ako ni Gustavo ng pag-asa sa mahirap na panahong ito at ikinintal sa akin ang tiwala kaya naglaho ang aking karamdaman.
Kung nahihirapan ang asawa ninyo, gumawa ng mga bagay na magpapasigla sa kanila. Ipakita sa kanila na nagmamalasakit kayo sa kanila. Suportahan sila kapag masaya sila at kapag malungkot sila. Tulungan silang patatagin ang kanilang relasyon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ginagawa ni Gustavo ang mga bagay na ito. Ang kanyang magandang pananaw at pagmamahal ay nakatulong sa amin na makabuo ng isang relasyon na nanatili sa kabila ng aking karamdaman.
Unahin ang Magandang Komunikasyon
Gustavo: Hindi lang ang karamdaman ni Claudiana ang naging mahirap na panahon para sa amin. Noong nagdedeyt kami, may mga sandali paminsan-minsan na nagkakagalit kami. Isang araw nagpasiya kaming maupo at mag-usap tungkol sa mga ginawa namin na nakasakit o hindi naging komportable sa bawat isa sa amin.
Malaking kaibhan ang nagawa ng pag-uusap na ito dahil nalaman namin ang mga pag-uugali na wala kaming malay na nakakaapekto pala sa aming ugnayan. Imposibleng mabasa ang isipan ng iba, kaya mahalagang maging matapat tungkol sa nangyayari at kung ano ang hindi umuubra sa aming relasyon. Nang patuloy naming ipinaalam ni Claudiana sa isa’t isa ang aming mga pangangailangan at humingi ng tulong sa Ama sa Langit sa pagdaig sa aming mga kahinaan (tingnan sa Eter 12:27), mas naiwasan namin ang pag-aaway at mga di-pagkakasundo.
Pagbuo nang Paunti-unti
Claudiana at Gustavo: Bilang mga miyembro ng Simbahan, maaaring madaling umasa na sasabihin sa atin ng Diyos kung sino mismo ang pakakasalan natin at pagkatapos ay pagkakalooban tayo ng perpektong relasyon. Ang totoo, bagama’t “sa lahat ng mga bagay ang Diyos ay gumagawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya” (Roma 8:28), labis Niyang pinahahalagahan ang ating kalayaan para gawin ang mga desisyong ito para sa atin.
Sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan:
“Ang matiwasay na relasyon ng mga mag-asawa ay nabubuo nang paunti-unti, bawat araw, habambuhay.
“At magandang balita iyan.
“Dahil gaano man nakakabagot ang inyong relasyon ngayon, kung palagi kayong magdaragdag ng kaunting kabutihan, habag, pakikinig, sakripisyo, pag-unawa, at pagiging di-makasarili, kalaunan ay mabubuo ang isang mataas na piramide.
“Kung mukhang natatagalan ito, tandaan: ang maliligayang pagsasama ng mag-asawa ay nakatadhanang tumagal magpakailanman!”1
Kung may relasyon kayo sa isang taong dumaranas ng malubhang problema sa kalusugan o iba pang mga paghihirap na makakaapekto sa inyong hinaharap, manalig sa kapangyarihan ng Diyos na tumulong. Mapanalanging sumangguni sa Kanya at humingi ng paghahayag para sa inyong mga kakaibang sitwasyon para malaman kung paano susulong. Kapag ginagawa ninyong bahagi ng inyong relasyon ang Ama sa Langit at si Jesucristo, tinutupad ang inyong mga tipan, nagtutuon sa magkakapareho ninyong pinahahalagahan, sinusuportahan ninyo ang isa’t isa, at inuuna ninyo ang magandang komunikasyon, maaari din kayong makabuo ng isang pag-iibigan na tumatagal.