Lingguhang YA
Paano Nabigyang-Inspirasyon ng mga Huling Salita ng Aking Ama ang Aking Pagbabalik-loob
Mayo 2024


Paano Nabigyang-Inspirasyon ng mga Huling Salita ng Aking Ama ang Aking Pagbabalik-loob

Ang awtor ay naninirahan sa Namibia.

Nakatulong sa akin ang mga salita ng mga propeta, ng mga missionary, at ng aking ama na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo.

isang missionary na kausap ang dalawang lalaki

Lumipat ako sa isang malaking lungsod sa Namibia para sa unang taon ko bilang freshman sa unibersidad. Doon, nakitira ako sa kuya ko, na isang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Isang araw ng Linggo, inanyayahan niya ako na sumamang magsimba sa kanya, at pumayag akong sumama. Napansin ko na parang napakasaya ng lahat ng nakakilala ko sa gusali.

Ipinakilala ako ng kuya ko sa mga missionary, at nagtakda kami ng appointment. Sa totoo lang, hindi ko talaga gaanong pinansin ang mga lesson nila, at kahit lagi akong hinihikayat ng mga elder na ipagdasal ang itinuro nila para malaman ko kung totoo iyon, hindi ko iyon ginawa.

Kalauna’y nagsawa ako sa mga lesson. Hindi ko binasa ang mga talata sa banal na kasulatan o sinikap na baguhin ang mga bagay-bagay sa buhay ko, kaya sinimulan kong iwasan ang mga elder.

Pero sumama pa rin ako sa kuya ko na magsimba paminsan-minsan. At kapag inabutan ako ng mga elder, nagdadahilan ako kung bakit hindi na ako nakikipag-usap sa kanila.

Isang Mensahe ng Pamamaalam

Makalipas ang ilang taon, biglang nagkasakit ang aking ama, na walang palatandaan na gagaling pa. Hindi nagtagal bago siya pumanaw, nagbahagi siya ng isang mensahe sa aming magkakapatid. Sa pagsipi sa Mateo 6:33, pinayuhan niya kami na “hanapin muna ninyo ang [kaharian ng Diyos]” at sinabihan na kung naging matwid kami at sumusunod kay Jesucristo, malalagay sa tamang lugar ang lahat ng bagay sa aming buhay.

Sa kasamaang-palad, hindi ko hinayaang tumimo sa aking puso’t isipan ang kanyang mensahe ng pamamaalam nang mahabang panahon matapos siyang pumanaw.

Bago pumanaw ang aking ama, nagsikap na akong maniwala kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, pero nang mawala siya sa akin, nauntol ang aking lumalagong pananampalataya.

Napakasakit ng pagkawala ng aking ama. Pakiramdam ko ay naglahong lahat ang pag-asa ko sa buhay. Bumaling ako sa alak para maibsan ang aking dalamhati at pasakit. Itinigil ko talaga ang paggawa ng anumang bagay na tapat, at nadama ko na lang na unti-unti akong natatangay palayo.

Pero isang araw, noong nasa pinakamalungkot na punto ako ng aking buhay, biglang pumasok sa isip ko ang mga huling salita ng aking ama:

“Hanapin muna ninyo ang [kaharian ng Diyos].”

“Ano ang ginagawa ko sa buhay ko?” naisip ko. Malapit nang mamatay ang aking ama pero pinatotohanan pa rin niya ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo. “Bakit hindi ko iyon magawa?”

Ang pag-iisip tungkol sa aking ama ay nagpaalala rin sa akin ng kapayapaan at kaligayahang nakita ko sa mga mata ng mga miyembro tuwing nagsisimba kami ng kuya ko. Gusto ko ring madama ang kapayapaan at kaligayahang iyon.

Alam ko na oras na para seryosohin ko ang pagtatamo ng patotoo.

Isang Di-Inaasahang Sagot

Sinimulan kong kausaping muli ang mga missionary. Sinagot nila ang marami sa aking mga tanong, at sinimulan kong basahin ang mga talata sa banal na kasulatan na ipinabasa nila sa akin. Nagsimula akong higit na ipagdasal at pagsikapang matutuhan ang iba pa tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Nang anyayahan nila akong ipagdasal ang natututuhan ko, tinanggap ko ang paanyaya.

Nang mapag-isa ako, lumuhod ako at umusal ng pinakataimtim na panalanging naibigay ko, na nagtatanong kung totoo ang Simbahan. Nang pagnilayan ko ang aking panalangin, bigla kong nadama nang matindi ang Espiritu. Isang marahan at banayad—subalit tumatagos—na tinig ang bumulong sa aking isipan, “Eben, pumarito ka, sumunod ka sa akin. Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay.”

Nabigla ako.

Nang ikuwento ko ito sa mga missionary kalaunan, ipinaliwanag ko na inakala ko na ang tinig na narinig ko ay ang sarili kong isipan na sinisikap akong panatagin. Tiniyak nila sa akin na hindi iyon sarili kong isipan—iyon ang Espiritu Santo, na inaakay ako sa katotohanan.

Kamangha-manghang malaman na alam ng Ama sa Langit ang nangyayari sa akin at na maaari akong tumanggap ng sagot na katulad niyon. Pero nadama ko pa rin na kailangan ko ng iba pang pagpapatibay tungkol sa katotohanan ng ebanghelyo.

Dala ng Pananampalataya

Nang malapit na ang pangkalahatang kumperensya, inanyayahan ako ng mga missionary na isulat ang anumang mga tanong ko at makinig na mabuti para sa mga sagot.

Napanatag ng mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson ang lahat ng pagdududa ko. Nang anyayahan niya tayong “pumasok sa landas ng tipan at manatili roon,”1 nadama ko na parang sinasabi sa akin ng Ama sa Langit na magpabinyag ako.

Kaya, pagkatapos ng kumperensya, sinabi ko sa mga elder na handa na ako. Napagdudahan ko ang sarili ko, ang aking pagkamarapat, at ang kakayahan kong magbago at maging katulad ni Jesucristo, pero nang makausap ko ang bishop ko, natanto ko kung ano ang kailangan kong gawin. Nang maalala ko ang mga salita ng propeta, ng Espiritu, at ng aking ama, sumampalataya ako at bininyagan ng kuya ko. Sa wakas, masaya akong nagsimulang ipamuhay nang lubusan ang ebanghelyo.

Ibinibigay sa akin ng ebanghelyo ang mga sagot at kapanatagang kailangan ko sa buhay. Ang pag-unawa sa plano ng kaligtasan ay nagbibigay sa akin ng pag-asang makitang muli ang aking ama balang araw. Ang pakiramdam ko sa bawat sacrament meeting ay katulad ng unang Linggo naming iyon ng kuya ko—nadarama ko pa rin ang kapayapaan at kagalakang iyon.

Habang naghahanda akong magmisyon, inaasam kong ibahagi ang ebanghelyo at ang aking patotoo sa mundo. Handa akong ipalaganap ang liwanag ng ebanghelyo—ang liwanag ding iyon na ibinigay nito sa akin noong kailangang-kailangan ko iyon.