Lingguhang YA
Paano Natin Matutulutang Palakasin, sa Halip na Pahinain, ng mga Hamon ang Ating Pananampalataya?
Mayo 2024


Paano Natin Matutulutang Palakasin, sa Halip na Pahinain, ng mga Hamon ang Ating Pananampalataya?

Maaari nating piliing mas mapalapit kay Cristo sa pamamagitan ng ating mga pakikibaka.

larawang-guhit ng isang pigura sa loob ng ulo ng isang babae

Kamakailan, nagdalamhati ang aking ward sa pagpanaw ng isang kahanga-hangang young single adult. Sa daan para bisitahin namin ng aking Relief Society presidency ang kanyang ina, pinagnilayan ko kung ano ang maaari kong sabihin sa kanya. Ipinagdasal ko na bigyang-inspirasyon ako ng Panginoon na magbahagi ng isang nakasisiglang mensahe na magpapadama ng Kanyang pag-aliw sa kanya.

Pagdating namin, nakita ko kung gaano siya kalungkot. Palagi siyang masayahin at tapat noon, ngunit ngayon, tila humihina ang kanyang patotoo.

Sa halip na magbahagi ng isang mensahe, nadama ko lang na dapat ko siyang yakapin nang matagal at mahigpit. Nakiramay ako sa kanya, at ninais kong madama niya na mahal siya ng Ama sa Langit at alam Niya ang kanyang pagdadalamhati.

Ipinaalala sa akin ng karanasang ito ang mga panahon sa buhay kung kailan maaari tayong pagdudahin ng ating mga hamon kung nariyan ba talaga ang Ama sa Langit para sa atin. Kapag naiba ang Kanyang kalooban sa gusto nating resulta, maaari nitong pahinain ang pananampalataya at tiwala natin sa Kanya, lalo na sa mga panahon ng ating pagdadalamhati o pasakit.

Kailangan ng matinding pananampalataya at tapang para tanggapin ang kalooban ng Ama sa Langit kaysa sa sarili nating kalooban, lalo na kapag nakakasakit ng ating damdamin ang resulta. Ngunit habang naglalakad ako pauwi mula sa pagbisita sa nagdadalamhating inang ito, naalala ko ang mga salitang ito mula kay Pangulong Russell M. Nelson:

“Alagaan ninyo ang inyong patotoo. Pagsikapan ito. Angkinin ito. Pangalagaan ito. Pagyamanin ito para lumago ito. …

“… Hintaying mangyari ang mga [himala] sa inyong buhay.”1

Sa wakas ay naunawaan ko na ang pagpapalakas ng aking patotoo ang magtutulot sa akin na magkaroon ng pag-asa sa pagmamahal ng Diyos kapag naharap ako sa mga hamon. Alam ko na iniisip lamang Niya ang pinakamabuti para sa akin at tutulungan ako sa mahihirap na panahon.

Ngunit paano natin ito magagawa samantalang labis tayong nasasaktan?

Pagpipino ng Aking Pananampalataya

Habang nililimi ko ang mga karanasan ko sa buhay at kung paano lumago ang aking patotoo sa kabila ng aking mga hamon, natanto ko na may ilang partikular na bagay akong nagawa kapag nagdanas ako ng hirap:

  1. Tingnan ang mga hamon nang may walang-hanggang pananaw: Maaaring mahirap itong gawin habang nasasaktan ang damdamin at nagdaranas ng mga hamon. Ngunit sa kabila ng aking mga pakikibaka, ang pagpupunyaging tingnan ang mga bagay ayon sa pagtingin ng Diyos ay nakapagpalalim sa aking pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan.

  2. Hangarin Siya sa lahat ng oras: Tila sa pinakamahihirap na sandali ng buhay, sinasambit ko ang pinakataimtim na mga panalangin, higit na pinag-aaralan ang mga katotohanan ng ebanghelyo, at mas pinagsisikapang hangarin at sundin ang payo ng mga sinauna at makabagong propeta. Ngunit ang paggawa ng mga bagay na ito sa magagandang panahon ay nakatulong din sa akin na lumapit sa Tagapagligtas sa halip na lumayo sa Kanya kapag nagiging mahirap ang mga bagay-bagay. Magagawa nating lahat ang pagpapasiyang iyon na hanapin Siya kapwa sa mga sandali ng pakikibaka at ng kapayapaan—ang paggawa nito ay maaaring ipaalala sa atin palagi ang sakdal na pagmamahal ng Ama sa Langit.

  3. Alalahanin ang mga himala nang may pasasalamat: Higit sa lahat, ang pag-alaala sa maraming maliliit at makapangyarihang himala na naipagkaloob sa akin ng Panginoon ay laging naghihikayat sa akin na magtiwala sa Kanya at panatilihing matatag ang aking pananampalataya sa mahihirap na panahon. Sa katunayan, dahil sa mga himala ng pagpapagaling na naipagkaloob Niya sa akin kaya ko nais na makipaglaban para mapanatiling matatag ang aking pananampalataya kay Jesucristo. Napakarami Niyang nagawa para sa akin at napakarami Niyang himalang nagawa sa aking buhay, at nais kong magpakita ng pasasalamat para sa lahat ng nagawa Niya para sa akin.

Pangangalaga sa Ating mga Patotoo

Wala akong ganap na tapang o pananampalataya o tiwala sa Panginoon, ngunit sinisikap kong matamo iyon. Alam ko na sa kabila ng mahihirap na panahon, nabiyayaan ako ng Ama sa Langit ng lakas na manatiling tapat kahit nagdaranas ako ng pighati o hindi dumarating ang mga pagpapalang ipinagdasal ko kung kailan ko gusto.

Nagpasiya akong tulutan ang mga hamon at pasakit sa buhay ko na palakasin ang aking patotoo kay Jesucristo sa halip na pahinain ito. Mahirap harapin ang apoy ng mandadalisay, ngunit totoong nakakatulong ito sa atin na maunawaan ang ating Tagapagligtas at maging higit na katulad Niya kung pipiliin nating tulutan ito na gawin iyon.

Hindi nawalan ng patotoo ang inang binisita ko, ngunit nahirapan siya noon na makita ang kabutihan ng Diyos sa gitna ng kanyang pagdadalamhati. Natanto ko na ang pagpapakita sa kanya, sa pamamagitan ng yakap na iyon, na minahal ko siya at ng Ama sa Langit ay sapat na para sa kanya sa sandaling iyon.

Tulad ng pinaalala sa atin ni Elder Alan T. Phillips ng Pitumpu: “Kayo ay [anak ng Ama sa Langit]. Kung nadarama ninyo na kayo ay nawawala, kung kayo ay mayroong mga tanong o kulang sa karunungan, kung kayo ay nakikibaka sa inyong mga pinagdadaanan o nahihirapan sa mga espirituwal na alituntuning tila taliwas sa inyong sariling kaisipan at pang-unawa, bumaling sa Kanya. Manalangin sa Kanya para sa kaginhawahan, pagmamahal, mga sagot, at direksyon. Anuman ang pangangailangan o nasaan man kayo, ibuhos ang inyong puso sa inyong Ama sa Langit.”2

Laging mahirap makawala sa likas na hilig nating magalit o madismaya sa Ama sa Langit kapag hindi nangyayari ang mga bagay-bagay ayon sa gusto natin. Ngunit ipinapangako ko na kapag patuloy mong tiningnan ang mga bagay-bagay nang may walang-hanggang pananaw, hinanap ang Ama sa Langit at si Jesucristo, at inalala ang mga himalang nagawa Nila para sa iyo, hindi manghihina ang iyong pananampalataya. At mas marami ka pang makikitang himala, tulad ng ipinangako ni Pangulong Nelson.

Mayroon akong personal na patotoo na ang pangangalaga sa ating patotoo ay susuporta sa atin sa ating pinakamahihirap na panahon.