Lingguhang YA
Dumating at Natapos na ang Kumperensya. Ano ang Gagawin Natin Ngayon?
Mayo 2024


Dumating at Natapos na ang Kumperensya. Ano ang Gagawin Natin Ngayon?

Maaaring mahirap malaman kung paano talaga natin maipamumuhay ang lahat ng turo.

isang babaeng may notebook na puno ng mga tala at drowing

Ang pangkalahatang kumperensya ay isa sa mga paborito nating panahon ng taon—magandang panahon ito para mapasigla at mapaalalahanan tungkol sa ating mga pagpapala at responsibilidad bilang mga disipulo ni Cristo. Ngunit kung minsa’y madaling malimutan kung para saan ang mga mensahe, lalo na pagkaraan ng kumperensya!

Ipinaalala sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson ang kahalagahan ng pangkalahatang kumperensya nang hilingin niya sa atin na gawin “ang kumperensya [na] pagpapakabusog sa mga mensahe [na nagmula sa] Panginoon … sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod. Alamin ninyo kung paano ninyo maipapamuhay ang mga ito.”1

Ang pangkalahatang kumperensya ay isang panahon para makatanggap ng inspirasyon, ngunit mahalagang tandaan na ito ay patnubay na bigay ng Diyos. Ang kumperensya—sa totoo lang—ay paghahayag at banal na kasulatan sa makabagong panahon.

Kaya ngayong nagpaalam na tayo hanggang sa susunod na kumperensya, paano natin maipamumuhay ang mga turong karirinig pa lang natin? Paano tayo patuloy na magpapakabusog sa mga salita ng ating mapagmahal na mga pinuno, nang hindi napapagod sa pagsisikap na gawin kaagad ang napakaraming bagay?

Bagama’t magkakaiba ang mga karanasan at sitwasyon ng lahat, narito ang apat na simpleng tip na makakatulong sa inyo na makinabang nang husto sa pangkalahatang kumperensya:

Rebyuhin ang mga Mensahe

Maaaring mahirap tulutan ang 10 oras ng paghahayag na sabay-sabay na tumimo kaagad sa inyong puso’t isipan! Ngunit ang pagkakaroon ng anim na buwan sa pagitan ng mga kumperensya ay nagbibigay sa atin ng panahon na balikan ang mga mensahe at ipaalala sa ating sarili ang pinakabagong mga turo mula sa ating propeta at mga apostol.

Iminungkahi ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), “Sa susunod na anim na buwan, ang inyong edisyon ng kumperensya sa [Liahona] ay dapat itabi sa inyong mga banal na kasulatan at madalas na sangguniin.”2

Maaari kayong magulat sa mga salita o alituntuning mahalaga sa inyo sa ikalawang pagkakataon. Habang pinakikinggan o binabasa ninyo ang mga mensahe mula sa kumperensya sa mga susunod na buwan, hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kayong matukoy ang mga aral na dapat ninyong pagtuunan. Ipagdasal na magkaroon kayo ng pang-unawa at patnubay kung paano ninyo ito partikular na maipamumuhay.

Huwag Kaligtaan ang Inyong mga Tala

Marami sa atin ang nagtatala o nagsusulat ng mga impresyon habang nakikinig sa kumperensya, ngunit pagkatapos, hinahayaan na lang maalikabukan ang mga iyon. Ang punto ng mga talang iyon ay para maalala ang mga espirituwal na karanasan at impresyon at pagnilayan ang mga katotohanang mahalaga sa inyo.

Maglaan ng oras para regular na rebyuhin ang mga itinala ninyo (makakatulong na ilagay ito sa isang lugar na madali itong makita at hindi ito malilimutan) at pag-aralan nang mas malalim ang mga mensaheng iyon sa kumperensya na nakaantig sa inyong puso.

Itinuro sa atin ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Kung sapat kayong nagtitiwala sa Diyos upang pakinggan ang Kanyang mga mensahe ng paghimok, pagtutuwid, at paggabay mula sa Kanyang mga tagapaglingkod, matatagpuan ninyo ang mga ito.”3 Maaaring ihayag ng inyong mga tala ang nais ng Panginoon na pagtuunan ninyo. (At kung hindi kayo nagtala, hindi pa huli ang lahat—isulat ang ilan habang binabalikan ninyo ang mga mensahe!)

Gumawa ng Isang Plano na Kaya Ninyong Gawin

Itinuro din sa atin ni Pangulong Nelson, “Kapag alam ng Tagapagligtas na talagang gusto ninyong lumapit sa Kanya—kapag nadama Niya na pinakamimithi ng inyong puso na humugot ng lakas sa Kanya sa inyong buhay—gagabayan kayo ng Espiritu Santo na malaman kung ano mismo ang dapat ninyong gawin [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:63].”4

Kapag natukoy na ninyo ang mga mensaheng sa pakiramdam ninyo ay dapat ninyong gawin, lumikha ng isang plano kung paano ninyo isasama ang alituntunin o pag-uugaling iyon sa inyong buhay. Huwag padaig sa pakiramdam na kailangan ninyong ipamuhay kaagad ang bawat mensahe. Ang pagtatakda ng partikular at maisasakatuparang mga mithiin ay makakatulong sa inyo na gumawa ng mga pagbabagong makakayanan ninyo. Paisa-isang hakbang lang! O, tulad ng itinuro ni Elder Michael A. Dunn ng Pitumpu, “Isang porsyento na mas mahusay!”5

Maging Mapagpasensya at Matiyaga

Ang pagbabago at pag-usad ay kadalasang dumarating nang paunti-unti, at OK lang iyan! Maging mapagpasensya sa inyong sarili. Ang mahalaga ay patuloy na magsikap at magpanatili ng bukas na pakikipag-usap sa Ama sa Langit sa panalangin. Ipinaaalala rin sa atin ni Elder Dunn: “At bagama’t hindi tayo magiging perpekto, kailangan nating maging determinado [na tumbasan ng pasensya ang ating tiyaga]. Gawin ninyo iyan, at ang nakalulugod na gantimpala ng dagdag na kabanalan ay maghahatid sa inyo ng ligaya at kapayapaan na hinahangad ninyo.”6

Kung kayo ay matiyaga at mapagpasensya, makikita ninyo ang kaibhang magagawa ng pamumuhay ayon sa mga turo sa pangkalahatang kumperensya sa inyong buhay.

Ang mithiin ng pangkalahatang kumperensya ay hindi lamang para marinig ang salita ng Diyos kundi para tulungan din tayong maging mas mabubuting disipulo ni Cristo. Ang ating pamumuhay ayon sa mga mensahe ay nag-aakay sa atin na mas mapalapit sa Tagapagligtas, at bawat munting pagsisikap na ginagawa ninyo para magawa iyon ay isang hakbang sa tamang direksyon. Magpatuloy, at makikita ninyo na lumalago ang inyong pananampalataya sa Kanya at ang inyong pag-unawa sa Kanyang ebanghelyo—at nagbabago ang inyong buhay!