Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos
CES Devotional para sa mga Young Adult • Mayo 4, 2014 • San Diego, California
Mahal kong mga kapatid na kabataan, masaya akong makapagsalita sa inyo mula sa San Diego, California. Kasiyahan kong maparito sa CES devotional ngayong gabi. Malugod naming binabati kayong lahat na young adult ngayong gabi, pati na kayong mahal naming mga senior high school student. Masaya kaming makasama kayo. Binabati rin namin ang mga returned missionary. Nagpapasalamat ang Simbahan at ang Panginoon sa lahat ng inyong paglilingkod!
Gayundin, binabati namin kayong mga prospective missionary. Kailangan ng Panginoon ang matwid na mga kabataang babae at lalaki na tutulong sa Kanya na tipunin ang Israel at ihanda ang mundo sa Kanyang Ikalawang Pagparito.
Gusto kong malaman ninyo na minamahal at pinagtitiwalaan kayo ng Panginoon. Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay naniniwala sa inyo at madalas kayong ipinagdarasal. Kayo ang mamumuno sa Simbahan balang araw, at maraming nakalaang magagandang pagpapala ang Panginoon sa buhay ninyo.
Uulitin at bibigyang-diin ko ang bagay na iyan—kayo ang mamumuno sa Simbahan 20 hanggang 30 taon mula ngayon. Ang ilan sa inyo ay maglilingkod bilang mga bishop; stake president; mission president; Primary, Young Women, at Relief Society president; at temple president at matron. Oo, nakikinig sa akin ngayon yaong malamang na maging mga lider sa mga komunidad at bansa sa mundo. Mayroong magiging mga miyembro ng general women’s presidency o isang General Authority Seventy o marahil ay isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Ngayon ay hindi pa ninyo alam kung gaano kapambihira ang inyong hinaharap!
Mga Lider ng Simbahan
Narinig ko na inaakala ng ilang tao na ang mga lider ng Simbahan ay nabubuhay nang “malayo sa katotohanan.” Nakalimutan nila na kami ay kalalakihan at kababaihang puno ng karanasan, at napakaraming lugar na ang aming napuntahan at iba’t ibang tao na ang nakahalubilo namin. Ang aming mga tungkulin ngayon ay talagang nakakarating kami sa iba’t ibang panig ng mundo, kung saan namin nakadaup-palad ang mga namumuno sa pulitika, relihiyon, negosyo, at kawanggawa sa mundo. Bagama’t nabisita na namin ang White House sa Washington, D.C., at ang mga lider ng mga bansa sa buong mundo, nabisita na rin namin ang pinakasimpleng mga tahanan, kung saan namin nakadaup-palad ang mga maralita at naglikod kami sa kanila.
Kapag pinag-isipan ninyong mabuti ang aming buhay at ministeryo, malamang na umayon kayo na nabubuhay kami sa mundo sa mga paraang iilan lang ang nakararanas. Matatanto ninyo na mas “malayo sa realidad” ang buhay ng maraming tao kaysa sa amin.
Sabi ng iba napakatanda na namin. Totoo na siyam sa mga Apostol ay lampas na sa 80 anyos! Ako’y 85 na.
Gayunman, may kani-kanya at pinagsama-samang karunungan ang mga Kapatid na dapat makapanatag. Naranasan na naming lahat iyan, pati na ang mga epekto ng iba’t ibang batas at patakaran ng tao, at mga kabiguan, trahedya, at kamatayan sa sarili naming pamilya. Alam namin ang nangyayari sa inyong buhay.
Napuna ko rin na walang mahiyain sa Labindalawa. Lahat kami ay malakas ang personalidad. Kaya kapag nagkaisa kami ng desisyon, magtiwala kayo na nag-usap-usap kami at nagpasiya matapos ang maraming panalangin at masinsinang talakayan.
Sabi pa ng mga apo ko “cool na cool” daw ako—gamit ang terminolohiya nila. Narinig kong sinabi ng ilang young single adult na “hip” daw ako. Sana maganda ang maging “hip”!
Masigla’t malakas pa kami, at pinagpapala kami ng Panginoon na isulong ang Kanyang gawain sa kamangha-manghang mga paraan. Ngayong gabi tatalakayin ko sa inyo ang tatlong mahahalagang paksa: una, paggamit ng teknolohiya; pangalawa, paglaban sa pornograpiya; at pangatlo, ang doktrina ng kasal—tatlong napakahahalagang bagay na kinakaharap natin ngayon.
1. Paggamit ng Teknolohiya
Una’y ang paggamit ng teknolohiya. Noong 2007 at 2008, nagsalita ako sa mga estudyanteng nagsipagtapos sa BYU–Hawaii at BYU–Idaho. Sa mga okasyong iyon sinabi ko, “Hindi puwedeng manahimik na lang tayo habang ang iba, kabilang na ang mga pumupuna sa atin, ay tinatangkang bigyan ng depinisyon ang itinuturo ng Simbahan.”1 Sa oras na iyon hinikayat ko ang mga nagsipagtapos na gamitin ang makabagong teknolohiya para makilahok sa usapan sa buong mundo tungkol sa Simbahan. Akala ko hindi ako napag-iwanan ng panahon nang imungkahi ko na magbahagi sila ng kanilang mga pananaw sa mga blog. Mula noon, natuto na ako sa Facebook, Twitter, Pinterest, YouTube, Google+, Instagram, at nang papaalis na ako ay sinabi sa akin ng secretary ko ang tungkol sa Snapchat. Wow! Parang hindi na talaga mapigilan ang pagsulong ng teknolohiya kahit ilang sandali.
Napakagaling ng cell phone ko! Talagang smart ang Smartphone! Napakarami nitong naitutulong sa atin, tulad ng pag-access ng impormasyon, pagkuha ng direksyon sa mapa, pagbabahagi ng mga retrato at mensahe, at paminsan-minsan pa nga ay talagang makipag-usap sa iba.
Ang makabagong daigdig na tinitirhan natin ngayon ay patuloy na nagbabago, na kung minsan ay mabuti at kung minsan ay di-gaanong mabuti.
Mga Pagkakaiba ng Nakaraan sa Kasalukuyan
Mula sa panahon nina Adan at Eva hanggang sa panahon nina Joseph at Emma Smith, medyo mabagal ang pagbabago ng mundo sa paglipas ng mga henerasyon.
Ang mga tao noong araw ay nagtamasa ng saganang liwanag mula sa langit at ng katamtamang dilim, walang mga ilaw sa kalye, ilaw ng sasakyan, at kaunting polusyon na nasa lahat ng lungsod natin sa buong daigdig. Sa mga lungsod ngayon, halos hindi na makita ang langit sa gabi hindi tulad noong panahon nina Abraham, Moises, Ruth, Elisabet, Jesus, at ng mga naunang Banal sa mga Huling Araw.
Dumanas din sila ng likas na katahimikan, at kaunting ingay ng ilang tao na gumagambala sa kanila sa araw at lalo na sa gabi. Ang ingay ng modernong mga sasakyan, eroplano, at ng isang bagay na maaaring musika sa ilan sa inyo ay lubos na natabunan ang likas na himig ng mundo. (Kailangang ninyong maunawaan, na sa henerasyon ko, ang musika para sa inyo at ang musika para sa akin—magkaibang-magkaiba.) Wala na kayong mapupuntahang restawran na walang musikang tumutugtog sa background. Kahit sa mga liblib na kagubatan, kadalasan ay nababasag ang katahimikan dahil sa ingay ng eroplanong lumilipad sa alapaap.
Gayundin, naranasan ng mga tao noong araw na mapag-isa na halos imposible nang mangyari sa matao at abalang mundo natin ngayon. Kahit mag-isa tayo ngayon, may makakausap tayo gamit ang cell phone, laptop, at TV para malibang at may pagkaabalahan.
Bilang Apostol, magtatanong ako ngayon sa inyo: May panahon pa ba kayong mapag-isa at mag-isip-isip? Iniisip ko kung ang mga tao noong unang panahon ay mas nagkaroon ng pagkakataon kaysa sa atin na makita, madama, at maranasan ang presensya ng Espiritu sa kanilang buhay.
Tila habang mas lumiliwanag, umiingay, at abala ang ating mundo, mas hirap tayong madama ang Espiritu sa ating buhay. Kung wala kayong panahong mag-isip na mabuti, maaari bang simulan ninyo ito ngayong gabi?
Payo ng Propeta
Mahalagang mapanatag at makinig at sundin ang Espiritu. Napakarami lang gumagambala sa atin na umaagaw sa ating pansin, na mas matindi kaysa noon.
Kailangan ng bawat isa na magnilay at mag-isip na mabuti. Maging ang Tagapagligtas ng mundo, noong Kanyang ministeryo sa lupa, ay humanap ng panahong gawin ito: “At pagkatapos na mapayaon niya ang mga karamihan, ay umahon siyang bukod sa bundok upang manalangin: at nang gumabi na, ay siya’y nagiisa doon.”2
Kailangan natin ng panahong tanungin o interbyuhin ang ating sarili nang regular at sarilinan. Madalas ay abala tayo at napakaingay ng mundo kaya mahirap marinig ang makalangit na mga salitang “mapanatag, at malaman na ako ang Diyos.”3
Ang mga handheld device, tulad ng mga smartphone, ay isang pagpapala, ngunit maaari din itong maging dahilan para hindi natin marinig ang “marahan at banayad na tinig.” Sila dapat ang ating mga lingkod, hindi ang ating mga amo. Halimbawa, kung mamaya ay ibinahagi ninyo sa social media ang magagandang sinabi sa debosyonal na ito, ang smartphone ninyo ay isang lingkod. Kung nag-surf kayo sa internet na walang tiyak na dahilan, ang smartphone ninyo ay isang amo.
Alalahanin ang natutuhan ni Elijah: “Ang Panginoon ay wala sa hangin; … ang Panginoon ay wala sa lindol: … ang Panginoon ay wala sa apoy,” ngunit ang Panginoon ay nagsalita sa “marahang bulong na tinig.”4
Paggamit Natin ng Teknolohiya
Isa pang tanong: Iyong totoo, ilang oras ninyo ginagamit ang cell phone o tablet ninyo araw-araw, hindi kasama iyong gawain ninyo sa eskuwela o Simbahan?
Walang masama sa paggamit nito, nakakatulong pa nga ito. Gayunman, kapag sagabal na ang smartphone sa ating mga relasyon sa kaibigan at pamilya—at lalo na sa Diyos—kailangan nating gumawa ng pagbabago. Para sa ilan sa inyo, kaunti lang ang babaguhin; para sa iba, maaaring marami.
Nag-aalala rin ako na ang sobrang text messaging, Facebooking, tweeting, at Instagraming ay pumapalit na sa pakikipag-usap—pakikipag-usap nang harapan sa isa’t isa at sa pagdarasal sa ating Ama sa Langit at pag-iisip tungkol sa mga bagay na pinakamahalaga sa buhay.
Kadalasan, kasama ng mga kabataan ang kanilang pamilya o mga kaibigan sa isang silid pero abala sila sa pakikipag-ugnayan sa isang taong wala naman doon, kaya lumalampas ang pagkakataon nilang makausap ang katabi lang nila. Sa ganitong sitwasyon, kailangan ninyo sigurong lumabas ng silid at i-text sila para makuha ang kanilang atensyon!
Ang pinakamagandang natutuhan ko sa buhay ay nagmula sa pakikinig sa mga taong maraming karanasan, na mas matanda na at maraming natutuhang mahahalagang bagay na kailangan kong malaman. Sana’y samantalahin ninyo na makausap ang inyong mga magulang, tita at tito, at lolo’t lola habang kasama pa ninyo sila.
Nag-aalala rin ako na ang ilan sa inyo ay nagbubukas ng inyong email, Facebook, Twitter, o Instagram account o nagte-text sa oras ng pinakamahalagang pagtitipon sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw—ang ating sagradong sacrament meeting. Sa mahalagang pulong na ito dapat ay nakatuon tayo sa Panginoon sa pagdarasal, pag-awit ng mga himno, at pakikibahagi sa mga sagisag ng Kanyang katawan at dugo sa halip na gumagamit ng mga multimedia device. Hindi kayo makakaugnay sa Espiritu sa oras ng sakramento habang nakatingin kayo o nagtetext sa inyong smartphone o tablet. Ang pag-uugnayang ito ay nangangailangan ng Liwanag ni Cristo, na umaantig sa inyong puso’t isipan at nagpapadama ng matinding pagmamahal at katapatan.
Alam ko na marami sa inyo ang may scriptures at iba pang mga materyal ng Simbahan sa inyong mga cell phone at tablet. At narinig ko pa nga na may ilang magulang at lider ng Simbahan na nababahala tungkol sa pinakabagong teknolohiyang ito, pero ako’y hindi.
Gumagamit na ang Simbahan ng mga bagong teknolohiya noon pa man para makatulong sa pagsulong ng gawain ng Panginoon. Sinimulan nating pasakayin ang ating mga missionary sa mga bangka noong 1830s, pero gumamit tayo ng mga barko nang magkaroon nito noong 1860s. At kalaunan ay tinanggap natin na mga eroplano ang pinakamagandang sakyan ng ating mga missionary papunta sa iba’t ibang panig ng mundo noong 1960s.
Talagang nauulit ang kasaysayan sa kamangha-manghang mga paraan. Noong araw, iningatan ng Israel ang mga salita ng mga propeta sa mga scroll. Dumating ang panahon na ginamit ng mga naunang Kristiyano ang codex, ang unang bersyon ng makabagong aklat.
Heto tayo 2,000 taon kalaunan, at kayong mga kabataan ay nagbabasa ng inyong scriptures sa mga smartphone o tablet—binabasa ito tulad ng ginawa ni Jesus nang ipabasa sa Kanya sa Nazaret ang isang scroll ni Isaias. Maaari din kayong “mag-scroll”5—pero pakiusap, huwag “mag-scroll” sa oras ng sakramento. Tiyak na sa loob ng ilang minutong iyon makatutuon kayo sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas kapag hinangad ninyong pagpalain kayo ng Espiritu ng Panginoon sa linggong darating. At isiping ilagay ang inyong smartphone o tablet sa airplane mode para sa buong tatlong oras ng Linggo. Mababasa pa rin ninyo ang inyong mga scripture, mensahe sa pangkalahatang kumperensya, himnaryo, at manwal nang hindi nagagambala ng mga text message o notification.
Kanlungan mula sa Bagyo
Bukod pa sa paghahanap ng oras na mag-isip na mabuti at magnilay, kailangan din nating maghanap ng isang lugar, gaya ng binanggit sa Doktrina at mga Tipan, na magiging “isang tanggulan, at … isang kanlungan mula sa bagyo.”6
Kailangan natin ng espesyal na kanlungan kung saan hindi tayo magagambala ng mga electronic device sa pamamagitan ng pag-unplug dito para makaugnay tayo sa Espiritu ng Panginoon.
Isa sa pinakamaiinam na lugar para makaugnay sa Espiritu ay sa templo—ang bahay ng Panginoon. Mangyari pa, magagawa rin ito sa iba pang inilaang mga gusali ng Simbahan, kabilang na ang mga silid ng seminary at institute. Makasusumpong tayo ng kanlungan sa ating mga tahanan o apartment kapag ipinasiya nating patahimikin ang paligid at pumanatag at alamin ang mga bagay ng Diyos.
Para matuklasan natin ang kapaligiran kung saan natagpuan nina Adan at Eva, Abraham at Sara, at Jose at Maria ang Diyos, at makakita tayo ng lugar kung saan natin madarama at maririnig ang tinig ng Panginoon ngayon, inaanyayahan ko kayong pumunta sa templo. Pumunta nang madalas hangga’t maaari, at patayin ang inyong mga smartphone at itago ito nang malayo sa inyo bago kayo pumasok sa bakuran ng templo.
Sa lahat ng ordenansa sa bahay ng Panginoon, maririnig ninyo ang magagandang pananalita, salita, at pangako ng Panginoon sa Kanyang mga anak. Doon lamang ninyo maririnig ang magaganda at nagbibigay-inspirasyong mga salitang iyon.
Kung hindi pa kayo mabibigyan ng temple recommend ngayon, bisitahin ang bakuran ng templo. May sasabihin akong napakahalagang bagay sakali mang hindi pa ninyo ito narinig: Walang humahadlang sa inyo o kaninuman na bumisita sa bakuran ng templo. Nais ng Panginoon na ihanda ninyo ang inyong sarili na maging karapat-dapat sa temple recommend at pumunta kaagad sa templo hangga’t maaari. Sa paglibot sa templo makadarama kayo ng paghahangad na magkaroon ng recommend at pumasok nang regular sa templo.
Sa kabilang banda, ayaw ni Satanas na pumunta kayo sa templo o tumayo man lang sa tabi ng templo. Nais niyang iwasan ninyo na mapalapit man lang sa templo dahil ang templo ay bahay ng Panginoon.
Tinitiyak ko sa inyo na kapag nagpunta kayo sa templo o sa bakuran nito, lalakad kayo sa sagrado at banal na lugar tulad ng ginawa ng naunang kalalakihan at kababaihan noong araw. Nakatuon sila sa kanilang walang-hanggang paglalakbay at sa pinakamahahalagang bagay sa buhay. Tulad nila, makakatuon din kayo sa pagdama sa kapangyarihan at presensya ng langit.
Kung gugustuhin ninyo, maririnig ninyo ang marahan at banayad na tinig ng Espiritu sa templo o sa sagradong bakuran nito sa mga paraang hindi ninyo kailanman mararanasan sa mall, mga restawran, at pampublikong lugar. Katunayan, matutuklasan ninyo na ang templo ay napakagandang lugar para tumanggap ng mga sagot sa inyong mga dalangin.
Kamakailan, inilaan ni Pangulong Thomas S. Monson ang Gilbert Arizona Temple. Sa panalangin ng paglalaan hiniling niya sa Panginoon, “Nawa’y manahan dito ang Banal na Espiritu, at nawa’y madama ng lahat ng paparito ang impluwensya nito.” Idinalangin din niya: “Ang inyong tahanan nawa’y maging santuwaryo ng kapayapaan, isang kanlungan mula sa mga unos ng buhay at paggambala ng daigdig. Nawa’y maging lugar ito para sa payapang pag-iisip tungkol sa likas na kawalang-hanggan ng buhay at ng Inyong banal na plano para sa amin.”7
Lahat ng templong inilaan sa Panginoon ay “santuwaryo ng kapayapaan, kanlungan mula sa mga unos ng buhay at paggambala ng daigdig … [at] isang bahay para sa pagninilay.”
Ang Oposisyon
Ang mga batas at kaugalian ng mundong ginagalawan natin ngayon ay mabilis na lumilihis sa mga turo ni Cristo. Dahil diyan, si Satanas ay patuloy na nililigalig ang mga anak ng Diyos at inililihis ang mismong mga hinirang mula sa pagtupad sa kanilang tungkulin at pagtanggap sa lubos na mga pagpapala ng Panginoon.
Gusto ni Satanas na itigil ninyo ang magagandang gawing natutuhan ninyo sa bahay, sa seminary at institute, at sa inyong misyon—gaya ng araw-araw na pagbabasa ng scriptures, araw-araw na pagdarasal, at karapat-dapat na pakikibahagi ng sakramento linggu-linggo, at pagbigay ng tunay at taos-pusong paglilingkod. Gusto rin niya na huwag kayong makibahagi sa mahalaga at matitinding digmaan ngayon.
Tandaan, mahal kong mga kabataan, na nasa digmaan tayo—ngunit hindi digmaang gumagamit ng mga baril at bala. Gayunpaman, totoong may digmaan, at napakarami nang nabibiktima. Katunayan ang digmaang ito ay karugtong ng digmaang nagsimula noon sa daigdig na ating pinagmulan.
Inanyayahan tayo ni Pablo na “mangagbihis … ng buong kagayakan ng Dios.” Sabi niya, “Sapagka’t ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan.”8
Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, inaanyayahan ko kayong nakaririnig sa akin, sa malawak na daigdig na ito na ating tinitirhan ngayon, na “mangagbihis ng buong kagayakan ng Dios” at sumali sa digmaan ngayon, tulad ng ginawa ng mga anak na lalaki ni Helaman maraming taon na ang nakalipas. Huwag na ninyong hintaying makapag-asawa o makapagtrabaho o tumanda pa kayo. Kailangan ng Simbahan ang mga kabataan natin ngayon. Kailangan kayo ng Panginoon ngayon!
Maaalala ninyo na ang 2,000 libong kabataang mandirigma ay “nakipagtipan na makikipaglaban para sa kalayaan ng mga Nephita.”9 Kailangan ng Simbahan ng mga kabataang mandirigma ngayon na nakipagtipang “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar.”10
Ganito inilarawan ng Aklat ni Mormon ang mga kabataang mandirigmang ito:
“At lahat sila ay mga kabataan … , at sila ay napakagigiting, at gayon din sa lakas at gawain; subalit masdan, hindi lamang ito—sila’y … matatapat sa lahat ng panahon sa anumang bagay na ipinagkakatiwala sa kanila.
“Oo, sila’y mga [tao] ng katotohanan at maunawain, sapagkat sila ay naturuang sumunod sa mga kautusan ng Diyos at lumakad nang matwid sa kanyang harapan.”11
Kayong mga kabataang babae at lalaki ang makabagong mga anak na babae at lalaki ni Helaman. Nawa’y masabi rin tungkol sa inyo ang sinabi tungkol sa kanila noon: “Sila ngayon sa panahong ito ay naging isang malaking tulong.”12
2. Paglaban sa Pornograpiya
Ang pangalawang bagay na gusto kong sabihin sa inyo ay na kailangan namin kayong makiisa sa amin sa paglaban sa pornograpiya. Ito’y isang kahila-hilakbot na salot na lumalaganap sa buong mundo. Pakinggan sana ninyo ako habang ipinaliliwanang ko ang isang halimbawa ng karunungan ng Panginoon.
Mahigit 180 taon na ang nakalipas, inihayag ng Panginoon ang Kanyang batas ng kalusugan, kabilang na ang babala tungkol sa paninigarilyo.13 Milyun-milyong tao ang nakinig sa Panginoon, ngunit maraming hindi nakinig. Walang may alam noon o kahit noong kaedad ninyo ako sa mga epekto ng paninigarilyo sa bandang huli. Ngayon, matapos ang maraming taon ng pagsasaliksik ng siyensya, alam na natin ang epekto ng paninigarilyo sa kanser sa baga at iba pang nakamamatay na sakit. Ang Word of Wisdom ng Panginoon ay proteksyong ipinagkaloob sa atin.
Sa gayunding mga paraan binalaan tayo ng Panginoon tungkol sa mga epekto ng pornograpiya. Milyun-milyong tao ang tapat na sumusunod sa payo ng Panginoon, pero maraming hindi. Hindi na natin kailangang hintayin pa, mahal kong mga kaibigan, ang 180 o kahit 10 taon lang para matuklasan ang mapangwasak na mga epekto ng pornograpiya dahil nakita sa pagsasaliksik kamakailan na ang pornograpiya ay nakapipinsala sa mga young adult sa maraming paraan at nakakasira sa mga pagkakataon nilang magkaroon ng maganda at matibay na relasyon sa kanilang asawa.
Nakita rin sa pagsasaliksik na ang madalas na paggamit ng pornograpiya ay maaaring humantong sa di-mapigilang pagnanasa sa seks at mababago ang takbo ng utak hanggang sa malulong dito ang isang tao.
Napatunayan din sa pagsasaliksik na ang pornograpiya ay nagbubunga ng di-makatotohanang mga ekspektasyon at maling impormasyon tungkol sa marapat na pakikipagrelasyon ng tao.
Ang mapanganib pa, kinukundisyon kayo ng pornograpiya na ituring ang mga tao na mga bagay na maaari ninyong pawalan ng halaga at hindi igalang kapwa ang damdamin at katawan.
Ang isa pang aspeto ng pornograpiya ay karaniwan itong ginagawa nang “palihim.” Ang mga gumagamit nito ay madalas itago o hindi gaanong ipakita sa lahat na ginagamit nila ito, pati na sa kanilang kasintahan at asawa. Natuklasan sa pag-aaral na kapag ginagawa ng mga tao ang ganitong uri ng paglilihim—kapag gumagawa sila ng mga bagay na hindi nila maipagmalaki at inililihim ito sa kanilang mga kapamilya at kaibigan—hindi lang nito sinisira ang kanilang mga relasyon at iniiwan silang malungkot kundi lalo silang nalulungkot, nababalisa, at bumababa ang pagtingin sa sarili. Ang paglilihim ay nakakasira ng tiwala.
Sa una pa lang, dapat na nating iwasan ang pornograpiya dahil nakamamatay ito. Sinisira nito ang tunay at magiliw na relasyon ng mga tao—ng mga mag-asawa at pamilya. Winawasak nito ang pagkatao ng sinumang gumagamit nito na tulad ng pagpatay ng pinakamabagsik na lason sa katawan at isipan.
Mahal kong mga kapatid na kabataan; huwag kayong palinlang. Huwag ninyong akalain na kapag nagmisyon na kayo o nag-asawa ay maititigil ninyo ang pagkalulong na ito. Kung ginagawa na ninyo ito, kung nabitag na kayo nito, humingi ng espirituwal na tulong ngayon. Malalabanan ninyo ang pornograpiya sa tulong ng Tagapagligtas. Huwag nang maghintay! Nakikiusap ako na talikuran ninyo ito! Maraming materyal sa LDS.org na makadaraig sa kadilimang dulot ng mga larawan ng pornograpiya.
Puno ng pagsubok ang panahong ito—ngunit hindi ito hihigit sa mga pagsubok sa panahon ni Helaman at ng kanyang mga kabataang mandirigma nang manindigan silang ipagtanggol ang kanilang pamilya at ang Simbahan. Ito ang panahon para matapang kayong makiisa sa pangkat ng iba pang matwid at tapat na mga kabataang lalaki at babae sa paglaban sa pornograpiya.
3. Ang Doktrina ng Kasal
Ngayon gusto kong magsalita sa inyo tungkol sa pangatlong paksa. At gusto kong ipaunawa sa inyo, nang mabuti hangga’t kaya ko, ang pananaw ng Simbahan tungkol sa kasal ayon sa ibinigay sa atin ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng mga scripture at ng “Ang mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Sabi sa napakagandang pahayag na iyan: “Ang mag-anak ay inorden ng Diyos. Ang kasal sa pagitan ng lalaki at babae ay mahalaga sa Kanyang walang hanggang plano. Ang mga anak ay may karapatang isilang sa loob ng matrimonyo, at palakihin ng isang ama at isang ina na gumagalang nang buong katapatan sa pangakong kanilang ginawa nang sila ay ikasal.”14
Ang mga apostol ay inatasang maging mga bantay sa mga tore para ituro ang mga doktrina ni Cristo. Alam ninyong lahat na ang tradisyunal na kahulugan ng kasal ay sinisira sa ngayon. May mga tao na itinutuon ang talakayan tungkol sa kasal sa konteksto ng karapatang sibil. Ipinaliwanag ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pananaw ng Simbahan at ang doktrina ng layunin at plano ng Diyos sa pagpapadanas sa Kanyang mga espiritung anak ng buhay sa mundo, na mahalaga sa ating buhay na walang hanggan.
Palagay ko marami sa inyo ang hindi pa nabasa ang pahayag na inilabas sa pagsisimula ng taon. Sisipi ako mula sa pahayag na ito at makinig sana kayong mabuti:
“Ang mga pagbabago sa batas ng tao ay hindi binabago, at hindi maaaring baguhin ang batas ng moralidad na itinatag ng Diyos. Inaasahan ng Diyos na ating aayunan at susundin ang Kanyang mga utos magkakaiba man ang opinyon o kalakaran sa lipunan. Ang Kanyang batas sa kadalisayan ng puri ay malinaw: ang seksuwal na relasyon ay nararapat lang mamagitan sa lalaki at babae na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas. Hinihikayat namin kayong repasuhin at ituro sa mga miyembro ng Simbahan ang doktrinang nakapaloob sa ‘Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.’”
Sabi pa sa pahayag:
“Kung ang mga sumasang-ayon na makasal ang magkapareho ang kasarian ay may karapatang igalang, dapat ay igalang din ang mga sumasalungat dito. …
“Bilang mga miyembro ng Simbahan, responsibilidad nating ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo at ipalaganap ang malalaking pagpapalang nagmumula sa pagsunod sa mga utos ng Diyos at ang tiyak na ibubunga ng pagsuway rito. Inaanyayahan namin kayong ipanalangin na ang mga tao saan mang dako ay palambutin ang kanilang puso sa mga katotohanan ng ebanghelyo, at mabigyan ng karunungan ang mga tinawag na magpasiya tungkol sa mga bagay na mahalaga sa kinabukasan ng lipunan.”15
Alam kong mahal ninyo at sinusuportahan ang Panginoon at sinasang-ayunan ang Kanyang mga propeta, ngunit alam ko rin na ang ilan sa inyo ay maaaring nalilito sa maraming implikasyon ng pasiya ng Simbahan na ayunan ang inihayag na plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak.
Alam ko rin na ilan sa kabataan natin ang nahihirapang unawain kung paano ipaliliwanag ang doktrina ukol sa pamilya at kasal nang nananatili pa ring mabait, mahinahon, at nagmamahal sa mga taong sumasalungat. Maaaring natatakot kayong mabansagang mapambatikos sa paniniwala ng iba.
Maaaring may kilala kayo na naaakit sa kapwa niya lalaki o babae at nagpasiyang makipagrelasyon sa kapareho niya ang kasarian. Ang pagmamahal ninyo sa taong iyan bilang anak na lalaki o babae ng Diyos ay maaaring lumikha ng pagtatalo ng kalooban habang sinisikap ninyong mahalin at suportahan siya at manindigan pa rin para sa walang-hanggang plano ng kaligayahan ng Panginoon.
Linawin natin ngayong gabi—Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay naniniwala na “ang pagkaakit sa kapwa lalaki o kapwa babae ay mahirap na realidad para sa karamihan. Ang pagkaakit ay hindi kasalanan, ngunit ang kumilos ayon dito ay kasalanan. Bagama’t hindi ginusto ng mga tao na magkaroon ng gayong pagkaakit, sila naman ang nagpapasiya kung paano tutugon dito. Taglay ang pagmamahal at pang-unawa, tinutulungan ng Simbahan ang lahat ng anak ng Diyos, kabilang na [ang mga naaakit sa kapareho nila ang kasarian].”16
Ang Simbahan ay hindi nagtuturo o naghihikayat ng mga gawaing hindi Kristiyano. Dapat nating mahalin at sikaping tulungan ang iba na maunawaan na hindi dapat ipagwalang-bahala ninuman ang mga utos ng Diyos.
Isang Saksi at Isang Babala
Sa huli, sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” sinabi ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindawalang Apostol: “Kami ay nagbababala na ang mga taong lumalabag sa tipan ng kalinisang-puri, nang-aabuso ng asawa o anak, o [hindi tumupad] ng kanilang mga tungkulin sa mag-anak ay mananagot balang-araw sa harap ng Diyos. At gayon din, kami ay nagbababala na ang pagkakawatak-watak ng mag-anak ay magdudulot sa mga tao, mga komunidad, at mga bansa ng mga kapahamakang sinabi na noon pa ng mga sinauna at makabagong propeta.”17
Isa ako sa mga nagbabalang iyan. Bilang isa sa mga bantay ng tore, responsibilidad kong “hipan ang pakakak, at magbigay alam sa bayan.”18 Ngayong gabi naging diretsahan ako at binalaan ko kayo. Ginawa ko iyan dahil mahal ko kayo at nais kong maunawaan ninyo na dapat tayong humarap sa Panginoon at sumunod sa Kanyang mga utos. Iyan ang tungkulin ko.
Ang Mabuting Balita
Ang babala ng Panginoon ay may kasamang paanyaya na lumapit sa Kanya. Alam ng ating Ama sa Langit ang mga bunga ng pamumuhay sa mundong puno ng kasalanan at, dahil doon, naglaan Siya ng isang Tagapagligtas, isang “Cordero na pinatay buhat nang itatag ang sanglibutan” para sa Kanyang mga anak.19 Sa ebanghelyo ni Juan, nalaman natin na, “gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”20
Alalahanin lamang na ang ebanghelyo ang “mabuting balita.” Ito ay isang mensahe ng pag-asa. Kung may problema kayo ngayon, humingi ng tulong. Ang Panginoon ay maawain at mapagpatawad.
Itinuro ni Apostol Pablo:
“Sino ang maghihiwalay sa atin sa pagibig ni Cristo? Ang kapighatian, o ang kahapisan, o ang paguusig, o ang kagutum, o ang kahubaran, o ang panganib, o ang tabak? …
“Hindi, kundi sa lahat ng mga bagay na ito tayo’y higit pa sa mga mapagtagumpay sa pamamagitan niyaong sa atin ay umiibig.
“Sapagka’t ako’y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, kahit ang mga anghel, kahit ang mga pamunuan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating,
“Kahit ang kataasan, kahit ang kababaan, kahit ang alin mang ibang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pagibig ng Dios, na nasa kay Cristo Jesus na Panginoon natin.”21
Dahil kay Jesucristo, mapapalitan ng kapayapaan ang panunurot ng budhi. Manunumbalik ang masayang samahan. Mapaglalabanan ang pagkalulong.
Dapat nating ipaalam sa ating pamilya at mga kaibigan ang katotohanang ito—ang Diyos ay pag-ibig, “at inaanyayahan niya silang lahat na lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya.”22
Kailangan namin kayong makibahagi sa gawain ng kaligtasan bago kayo magmisyon at habang nasa misyon kayo at matapos kayong magmisyon.
Paggamit ngTeknolohiya upang Magpala ng mga Buhay
Inaanyayahan kayo ng Panginoon na makibahagi at gamitin ang anumang social media na gusto ninyong gamitin sa pagbahagi ng ebanghelyo at tumayo bilang makabagong mga anak na lalaki at babae ni Helaman sa malalaking digmaan sa mga huling araw. Nais niya kayong maging makabagong mga kabataang mandirigma na matatag at nagkakaisa sa pagtatanggol sa katotohanan. Nais Niya kayong maging matapang at malakas sa harap ng mga impluwensya ng kaaway. Alam nating sa huli ay ang Panginoon ang mananalo at matatalo si Satanas.
Gamit ang iba’t ibang social media, mapag-uusapan ninyo ng inyong pamilya at mga kaibigan ang ebanghelyo, at, para sa inyong mga returned missionary, makakausap ninyo maging ang dati ninyong mga investigator at bagong miyembro. Maaaring tumayo kayo bilang mga saksi sa katotohanan at ipagtanggol ninyo ang kaharian.
Pagtatanggol sa Kaharian
Alam ko na nag-aaala ang ilan sa inyo na mapag-isipan nang mali, kutyain, at guluhin kung panindigan ninyo ang Ama sa Langit at ang Panginoong Jesucristo at ang Simbahan. Nauunawaan ko ang inyong mga alalahanin.
Naglingkod ako sa British Mission matapos ang World War II bilang binatang missionary. Noong panahong iyon ang mga Mormon ay “bulung-bulungan at bukambibig,”23 at ang mga missionary ay pinagtatawanan at kinukutya. Binabato pa kami noon ng mga tao, at ang ilan ay dinuduraan kami. Pero hindi kami pinanghinaan ng loob, kundi patuloy kaming nagpatotoo at nagbahagi ng ebanghelyo. Tulad ni Abinadi, hindi kami nanliit, tulad ni Pablo, hindi kami nanliit, at tulad ng Tagapagligtas, hindi kami nanliit. Nang panahong iyon hindi namin nakinita ang epekto ng pagpupunyagi namin. Noon ay may14 na district kami at walang stake. Ngayon, may 46 na stake of Zion ang British Isles.
Mahal kong mga kaibigang kabataan, huwag kayong mag-alala tungkol sa mga taong nasa malaki at maluwang na gusali. Nakita ni Nephi na sila ay manlalait at magtuturo ng “kanilang daliri roon sa mga yaong nagsitungo at kumakain ng bunga ”24 Huwag matulad sa mga tao na “matapos na matikman nila ang bunga sila ay nahiya, dahil sa mga yaong humahamak sa kanila; at nangagsilayo sila patungo sa mga ipinagbabawal na landas at nangawala.”25
Kayo ay isang dakila at mahalagang henerasyon, at napakagandang panahon nito para mabuhay Maaliwalas ang kinabukasan. Sabihin sa inyong sarili ngayong gabi, “Tinutulungan ko ang Panginoon kapag nagbahagi ako ng patotoo at nagturo ng mga katotohanang inihayag ng Diyos sa mga huling araw na ito.”
Ngayon, may pagkakataon kayong gamitin nang matalino ang lahat ng social media na ito para ibahagi ang natutuhan at nadama ninyo ngayong gabi. Tandaan na may tamang pagkakataon at lugar sa paggamit ninyo ng social media, at ang pagbabahagi ng inyong mga ideya at patotoo tungkol sa mga bagay na natututuhan at nadarama ninyo ay isa sa mga pagkakataong iyon.
Patotoo at Pagsaksi
Nawa’y bigyan kayo ng Panginoon ng karunungang higit pa sa inyong edad, nang matanto ninyo nang may katalinuhan na tayo ay nasa digmaang ito at dapat tayong magkaisa, bata at matanda. Dalangin kong bantayan at pagpalain kayo ng Ama sa Langit. Minsan pa, nawa’y malaman ninyo na mahal namin kayo. At hinihiling ko sa ating Ama sa Langit na bawat isa sa inyo na nakikinig sa debosyonal na ito, saan mang panig ng mundo kayo naroroon, ay bigyan ng kapayapaan ng Panginoon sa inyong puso, ng magiliw na pagsaksi at pagtiyak na totoong buhay si Jesucristo, na Siya ang Anak ng Diyos, at na ito ang Kanyang Simbahan. Nawa’y sumainyo ang kapayapaan at kapangyarihang iyon. Nawa’y bantayan kayo ng ating Ama sa Langit. Nawa’y hindi ninyo malimutan kailanman, sa paglalakbay ninyong ito, na kayo ay mahalaga, bawat isa sa inyo, sa kinabukasan ng paghahanda sa mundo para sa araw na sasabihin ni Jesucristo na “Sukat na” at magbabalik at mamumuno at maghahari bilang Tagapagligtas, Panginoon ng mga panginoon, Hari ng mga hari, Manunubos ng sanlibutan, na pinatototohanan kong buhay. Kanina pa natin pinag-uusapan ang mga bagay na iyon na mahalaga sa Kanya. Nawa’y lisanin natin ang pulong na ito na puspos ng pagmamahal sa Panginoon at ng hangaring paglingkuran Siya ang aking abang dalangin, sa banal at sa pinakamamahal na pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.
© 2014 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 3/14. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 3/14. Pagsasalin ng Be Still, and Know That I Am God. Tagalog. PD50053655 893