Huwag Matakot
Mahal kong mga kapatid, nagtitipon tayo ngayong gabi dahil mahal natin ang Pasko at ang panahon ng Kapaskuhan. May mas iinam pa ba sa musika at mga awitin sa Pasko, sa pagtitipon ng pamilya at mga kaibigan kapag Pasko, sa nakangiting mga mukha, at sa umaapaw na kagalakan ng mga bata? Ang Pasko ay may banal na kakayahang pagsama-samahin tayo bilang mga pamilya, magkakaibigan, at komunidad. Inaasam natin ang palitan ng mga regalo at masayang salu-salo sa noche buena.
Sa A Christmas Carol, na isinulat ng English author na si Charles Dickens, naipakita ng pamangkin ni Scrooge ang hiwaga ng sagradong panahong ito sa pag-iisip na “Lagi kong naiisip ang Kapaskuhan, kapag sumasapit ito … isang magandang panahon; mabait, mapagpatawad, mapagkawanggawa, kalugud-lugod na sandali; ang tanging panahong alam ko, sa buong taon, kung kailan tila nagkakaisa ang kalalakihan at kababaihan na … buksan ang kanilang puso, at isipin ang [ibang] tao. … At dahil dito … kahit wala akong natanggap na ginto o pilak sa aking bulsa, naniniwala akong nakabuti ito sa akin, at makakabuti sa akin; at sinasabi kong, pagpalain nawa ito ng Diyos!” (A Christmas Carol [1858], 5–6).
Bilang magulang, at ngayon bilang lolo, naaalala ko ang hiwaga ng Pasko kapag minamasdan ko ang mga anak ko, at ang mga anak nila ngayon, na ipinagdiriwang ang pagsilang ng Tagapagligtas at nasisiyahan sa pagsasama-sama ng aming pamilya. Natitiyak ko na namasdan na ninyo, gaya ko, ang dalisay na kagalakan at kawalang-malay ng mga bata sa pag-asam sa espesyal na araw na ito. Kapag nakikita natin ang kanilang kagalakan naaalala natin ang maliligayang Paskong nagdaan. Si Dickens pa rin ang nagsabing, “Mainam ang maging bata kung minsan, lalo na kapag Pasko, kung saan ang magiting na Nagtatag nito ay isang bata mismo” (A Christmas Carol, 67).
Lumaki ako malapit sa Los Angeles, kung saan ang tahanan namin ay naliligiran ng mga puno ng kahel. Isang gabi tuwing Kapaskuhan, iniimbita ng mga magulang ko ang mga pamilya, kaibigan, at kapitbahay para kumanta ng mga awiting Pamasko at magsalu-salo sa miryenda. Napakagandang tradisyon nito para sa aming lahat, at tila patuloy ang pag-awit sa maraming oras. Kumakanta kaming mga bata hangga’t dama naming kailangan, at pagkatapos ay tatakas kami papunta sa mga puno ng kahel para maglaro.
Pinalaki namin ng asawa kong si Kathy ang aming pamilya sa Southern California, medyo malapit sa baybayin. Kapag Pasko doon ang mga puno ng palma ay umiindayog sa hangin. Taun-taon inaasam ng mga anak namin ang pagpunta sa daungan para panoorin ang taunang parada ng mga bangka kapag Pasko. Daan-daang magagandang bangka, na nagkikislapan at makukulay, ang nakapalibot sa daungan habang buong pagkamangha kaming nakamasid.
Ngayon na nakatira kami sa Salt Lake City, ginawa naming tradisyon ni Kathy ang dalhin ang mga anak at apo namin sa lokal na produksyon ng dulang A Christmas Carol. Taun-taon, habang pinanonood namin si Ebenezer Scrooge na mahimalang nagbabago mula sa isang walang-pusong ermitanyo na nagiging masayang kapitbahay na puspos ng kagalakan ng Pasko, nadarama naming dapat alisin na ang Scrooge sa kalooban namin. Nahihikayat kaming pagbutihin pa ang aming buhay para tularan ang halimbawa ng pag-ibig ng Tagapagligtas sa lahat.
Ang diwa ng pagbabago sa Kapaskuhan ay nagmula sa nakatutubos na kapangyarihan ni Jesucristo para mas maging mainam ang ating buhay. Ang pinakamamahal na kuwento ng pagsilang ng Anak ng Diyos mahigit dalawang libong taon na ang nakalipas sa Bet-lehem ay nasa aklat ni Lucas:
“At ito ay nangyari nga nang mga araw na yaon na lumabas ang isang utos mula kay Augusto Cesar, na magpatala ang buong sanlibutan. …
“At nagsisiparoon ang lahat upang sila’y mangatala, bawat isa sa kaniyang sariling bayan.
“At si Joseph naman ay umahon mula sa Galilea, mula sa bayan ng Nazaret, hanggang sa Judea, sa bayan ni David, na kung tawagi’y Bet-lehem; …
“Upang patala siya pati ni Maria, na magaasawa sa kaniya, na kasalukuyang kagampan.
“At nangyari, samantalang sila’y nangaroon, at naganap ang mga kaarawang dapat siyang manganak.
“At kaniyang ipinanganak ang panganay niyang anak na lalake; at ito’y binalot niya sa mga lampin, at inihiga sa isang pasabsaban; sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa tuluyan.
“At may mga pastor ng tupa sa lupain ding yaon na nangasa parang, na pinagpupuyatan sa gabi ang kanilang kawan.
“At tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila: at sila’y totoong nangatakot.
“At sinabi sa kanila ng anghel, Huwag kayong mangatakot; sapagka’t narito, dinadalhan ko kayo ng mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan.
“Sapagka’t ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon.
“At ito ang sa inyo’y magiging pinakatanda; Masusumpungan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin, at nakahiga sa isang pasabsaban.
“At biglang nakisama sa anghel ang isang karamihang hukbo ng langit, na nangagpupuri sa Dios, at nangagsasabi:
“Luwalhati sa Dios sa kataastaasan, at sa lupa‘y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya” (Lucas 2:1, 3–14).
Marahil nadama ng anghel ang takot ng mga pastol noong una nang magpakita siya sa kanila, sinasabi sa kanila na “huwag matakot.” Ang kagila-gilalas na kaluwalhatian ng Diyos, na nagmula sa di-inaasahang makalangit na sugo, ay nagdulot ng takot sa kanilang puso. Ngunit ang balitang hatid ng anghel ay hindi dapat katakutan. Dumating siya para ibalita ang isang himala, para ihatid ang pinakadakilang mabuting balita, para sabihin sa kanila na ang pagkatubos ng sangkatauhan ay literal na nagsimula na. Walang ibang sugo noon o simula noon ang naghatid ng mas masayang pagbati. Ang Bugtong na Anak ng Ama ay nagsisimula na sa Kanyang mortal na buhay: “Sapagka’t ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon.” Ito ay tunay ngang mabuting balita ng labis na kagalakan.
Bawat isa sa atin ay may mga sandali sa ating buhay kung saan ang malaking galak na ipinangako ng anghel ay tila mahirap unawain at malayong mangyari. Lahat tayo ay saklaw ng mga kahinaan at kahirapan ng buhay—karamdaman, kabiguan, kalungkutan, at sa huli, kamatayan. Bagamat maraming tao ang pinagpalang mabuhay nang ligtas, ang iba naman ay hindi. Marami ang nahihirapang tugunan ang mga hinihingi ng buhay at ang pisikal at emosyonal na hirap na dulot nito.
Gayunman, sa kabila ng mga kahirapan sa buhay, ang mensahe ng Panginoon sa bawat isa sa atin ang siya ring mensahe Niya sa nagbabantay na mga pastol dalawang libong taon na ang nakalipas: “Huwag kayong mangatakot.” Marahil ang payo ng anghel na huwag matakot ay mas angkop sa atin ngayon kaysa noong payapain ang pangamba ng mga pastol sa unang gabing iyon ng Pasko. Hindi kaya gusto rin niyang maunawaan natin na dahil sa Tagapagligtas ang takot ay hindi kailanman magtatagumpay? para bigyang-diin na ang takot ay hindi makatwiran? para ipaalala sa atin na walang problemang hindi malulutas, na lahat tayo ay matutubos?
Ang pinakamagandang regalo sa Pasko ay iyon pa ring ibinigay sa atin ng ating Tagapagligtas mismo: Ang Kanyang ganap na kapayapaan. Sabi Niya: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man” (Juan 14:27). Maging sa mundong kung saan tila mahirap makamit ang kapayapaan, ang kaloob ng Tagapagligtas na kapayapaan ay maaaring manatili sa ating puso anuman ang ating sitwasyon. Kung tatanggapin natin ang paanyaya ng Tagapagligtas na sumunod sa Kanya, ang takot ay tuluyang maglalaho. Tiyak na ang ating hinaharap. Ito ang “mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan.” “Huwag kang matakot,” paalala sa atin ni propetang Isaias, sapagka’t ako’y sumasaiyo: huwag kang manglupaypay; sapagka’t ako’y iyong Dios: Aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking kabutihan” (Isaias 41:10).
Dahil sa Tagapagligtas na isinilang dalawang libong taon na ang nakalipas sa Bet-lehem, may pag-asa—at marami pa. Mayroong pagtubos, paglaya, pagwawagi, at tagumpay. “Ang maghahari nang husto, kapayapaan sa mundo” (“Mga Kampana’y Narinig sa Araw ng Pasko,” Mga Himno, blg.129). Hindi kataka-taka na biglang may lumitaw na koro ng mga anghel bilang pagpapatibay sa balita ng anghel tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas, na umaawit ng, “Luwalhati sa Dios sa kataastaasan, at sa lupa‘y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.” Walang ibang mensahe na mas nakapapanatag. Walang ibang mensahe na puno ng higit na kabutihan sa tao.
Nawa ang panahong ito ay mapuspos ng kapayapaan at kagalakan para sa ating lahat, “sapagkat sa [atin] ay ipinanganak sa araw na [iyon] sa bayan ni David ang Tagapagligtas, na si Cristong Panginoon.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.