Ang Ilaw at ang Buhay ng Sanlibutan
Ang napakapamilyar at natatanging salaysay tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas ay matatagpuan sa ikalawang kabanata ng Lucas sa Bagong Tipan. Ako ay puspos ng pasasalamat tuwing babasahin ko ang tungkol sa paglalakbay nina Jose at Maria sa Bet-lehem, ang hamak na sabsaban, ang hamak na pagsilang ng Panginoong Jesucristo, at ang mga anghel na nagpapahayag ng “mabubuting balita ng malaking kagalakan … sa lahat ng tao” (Lucas 2:10).
Ang Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw ay naglalaan ng mahalagang kalakip na salaysay ng pagsilang ng Tagapagligtas sa Aklat ni Mormon. Tampok sa aking mensahe ang dagdag na paglalarawang ito ng unang Pasko. Habang magkakasama nating iniisip ang tagpong ito, mga kapatid, inaanyayahan ko kayong isipin na kunwari ay kasama kayo sa mga tagpong ito at hindi lamang pakinggan ang mga salita.
Dalangin kong tulungan kayo ng Espiritu Santo na ihalintulad ang mga banal na kasulatan sa inyo at sa inyong pamilya (tingnan sa 1 Nephi 19:23) at punuin ang inyong mga puso ng tunay na diwa ng Pasko.
Samuel, ang Lamanita
Ang ating salaysay ay nagsisimula sa lupain ng Zarahemla ilang taon bago isinilang ang Tagapaglitas. Nagpunta si Samuel na Lamanita sa mga tao upang mangaral ng pagsisisi at magpropesiya tungkol kay Cristo. Ngayon kunwari’y 10 taong gulang kayo at kasama sa maraming tao na nakikinig sa isang propeta ng Diyos na nagpopropesiya tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap.
Ipinahayag ni Samuel: “Masdan, magbibigay ako sa inyo ng palatandaan; sapagkat limang taon pa ang lilipas, at masdan, pagkatapos ay paparito ang Anak ng Diyos upang tubusin ang lahat ng yaong maniniwala sa kanyang pangalan.
“At masdan, ito ang ibibigay ko sa inyo bilang palatandaan sa panahon ng kanyang pagparito; sapagkat masdan, magkakaroon ng mga dakilang liwanag sa langit, kung kaya nga’t sa gabi bago siya pumarito ay hindi magkakaroon ng kadiliman, kung kaya nga’t sa paningin ng mga tao ito ay magmimistulang araw.
“Anupa’t magkakaroon ng isang maghapon at isang magdamag at isang maghapon, na parang ito ay isang araw at hindi magkakaroon ng gabi; at ito ang sasainyo bilang palatandaan. …
“At masdan, sisikat ang isang bagong bituin … ; at ito rin ay magiging palatandaan ninyo” (Helaman 14:2–5).
Ang Pagsilang ng Tagapagligtas
Sa paglipas ng panahon, “ang mga propesiya ng mga propeta ay nagsimulang ganap na matupad; sapagkat nagsimulang magkaroon ng mga higit na dakilang palatandaan at dakilang himala na ginawa sa mga tao” (3 Nephi 1:4).
Isipin naman ngayon na limang taon na ang lumipas at halos 15 taon na kayo ngayon. Malinaw ninyong maaalala ang mga propesiya ni Samuel kapag inisip ninyo ang kasalukuyang sitwasyon ng buhay ninyo.
“Subalit may ilan na nagsimulang magsabi na ang panahon ay nakalipas na upang ang mga salita ay matupad, na sinabi ni Samuel, ang Lamanita.
“At sila ay nagsimulang magsaya laban sa kanilang mga kapatid, sinasabing: Masdan, ang panahon ay lumipas na, at ang mga salita ni Samuel ay hindi natupad; anupa’t ang inyong kagalakan at ang inyong pananampalataya hinggil sa bagay na ito ay nawalang-saysay.
“At ito ay nangyari na, na sila ay lumikha ng malaking pagkakaingay sa buong lupain; at ang mga taong naniniwala ay nagsimulang malungkot nang labis, at baka sa anong paraan ang mga bagay na sinabi ay hindi mangyari.
“Ngunit masdan, sila ay matatag na naghintay sa maghapong yaon at sa magdamag na yaon at sa maghapon na magiging isang araw na parang walang gabi, upang malaman nila na ang kanilang pananampalataya ay hindi nawalang-kabuluhan.
“Ngayon ito ay nangyari na, na may isang araw na itinakda ang mga di naniniwala, na ang lahat ng yaong naniniwala sa gayong kaugalian ay nararapat na patayin maliban kung ang palatandaan ay mangyari, na ibinigay ni Samuel, ang propeta” (3 Nephi 1:5–9).
Mga kapatid, mauunawaan kaya natin kung paano ang maghintay sa palatandaan ng Kanyang pagdating at haharapin kaya natin ang kakila-kilabot na takdang araw ng kamatayan? Tayo kaya ay mananatiling matibay at matatag sa pananampalataya, o mag-aalinlangan at manliliit tayo?
Sa gayon, tunay ngang ibinigay ang palatandaan ng pagsilang ni Cristo na ipinropesiya ni Samuel. Sa panahon ng pang-uusig sa relihiyon at sa murang edad na 15, isang gabi ay mamamangha ka sa paglubog ng araw ngunit hindi nagkaroon ng kadiliman.
“At ang mga tao ay nagsimulang manggilalas dahil sa hindi nagkaroon ng kadiliman nang sumapit ang gabi. …
“At nagsimula nilang malaman na ang Anak ng Diyos hindi maglalaon ay magpapakita; oo, … lahat ng tao … ay labis na nanggilalas na ikinabuwal nila sa lupa. …
“At ito ay nangyari na, na hindi nagkaroon ng kadiliman sa buong gabing yaon, kundi ito ay katulad ng liwanag ng katanghaliang-tapat. At ito ay nangyari na, na ang araw ay sumikat na muli sa umaga, … at alam nila na ito ang araw na ang Panginoon ay isisilang, dahil sa palatandaang ibinigay.
“At ito ay nangyari na nga, oo, lahat ng bagay, bawat kaliit-liitang bagay, alinsunod sa mga salita ng mga propeta.
“At ito rin ay nangyari na, na isang bagong bituin ang lumitaw, alinsunod sa salita” (3 Nephi 1:15, 17, 19–21).
Ang araw ng pagsilang ni Jesus ay araw ng pagpapalaya sa mga nananalig sa Bagong Daigdig. Ang ilaw bilang palatandaan ng pagsilang ng Tagapagligtas ay literal na nagligtas sa kanilang buhay.
Ang Pagkamatay at Pagkabuhay na Muli ng Tagapagligtas
Ngayon, mga kapatid, kunwari ay mahigit 30 taon na ang nakalipas at kayo ngayon ay malapit nang maging-50 anyos. Malinaw pa sa alaala ninyo ang mga turo ni Samuel at ang mga karanasan ninyo noong tinedyer pa kayo nang ibigay ang palatandaan ng pagsilang ng Panginoon.
Isa sa mga palatandaan ng kamatayan ni Cristo na ipinropesiya ni Samuel ay ang tatlong araw ng matinding kadiliman (tingnan sa Helaman 14:27; 3 Nephi 8:3).
“At ito ay nangyari na, na nagkaroon ng makapal na kadiliman sa ibabaw ng buong lupain, kung kaya’t ang mga naninirahan doon na hindi napabagsak ay nadama ang ulap ng kadiliman;
“At hindi maaaring magkaroon ng liwanag, dahil sa kadiliman, ni mga kandila, ni mga sulo; ni hindi makapagsindi ng apoy … , kung kaya’t hindi maaaring magkaroon ng anupamang liwanag;
“At walang anupamang liwanag na nakita, ni apoy, ni kislap, ni ang araw, ni ang buwan, ni ang mga bituin, sapagkat lubhang napakakapal ng abu-abo ng kadiliman na nasa ibabaw ng lupain.
“At ito ay nangyari na, na tumagal sa loob ng tatlong araw na walang liwanag na nakita” (3 Nephi 8:20–23).
Ano kaya ang pakiramdam noong tatlong araw na iyon ng di-maipaliwanag na kadiliman at pagkatapos, pagkaraan ng maikling panahon, ay nagtipon ang 2,500 katao sa templo sa lupaing Masagana? Nakikinita ba ninyo ang karingalan ng sandali nang bumaba ang Tagapagligtas mula sa kalangitan at sinabing, “Masdan, ako si Jesucristo. … Ako ang ilaw at ang buhay ng sanglibutan”? (3 Nephi 11:10–11; idinagdag ang italics).
Sa espesyal na pagtitipong ito sa templo, dalawa sa unang mga salita ng Tagapagligtas ang naglarawan sa Kanyang sarili bilang “ang ilaw.” Ipinropesiya ni Samuel ang palatandaan na ilaw. Ang palatandaan na ilaw ay ibinigay sa pagsilang ng Tagapagligtas. Para sa nakatipong mga tao, pinawi ang matinding kadiliman at takot ng tunay na ilaw, maging si Jesucristo.
Ang ulat ng unang Pasko sa Aklat ni Mormon ay tumutulong sa atin na malaman at mas lubusang maunawaan na si Jesucristo ang “ilaw na nagliliwanag sa kadiliman” (tingnan sa D at T 10:57–61). Sa bawat panahon sa ating buhay, sa lahat ng sitwasyong mararanasan natin, at sa bawat hamon na makakaharap natin, si Jesucristo ang ilaw na pumapawi sa takot, nagbibigay ng katiyakan at patnubay, at nagbubunga ng nagtatagal na kapayapaan at kagalakan.
Kabilang sa maraming di-malilimutan at nagtatagal na mga tradisyon natin sa Pasko ang iba’t ibang klase ng ilaw—mga ilaw sa mga puno, mga ilaw sa loob at labas ng ating tahanan, mga kandila sa ibabaw ng ating mesa. Nawa ang magagandang ilaw ng bawat Kapaskuhan ay magpaalala sa atin sa Kanya na siyang pinagmumulan ng lahat ng ilaw.
Sinilang ang liwanag
Sa ’yong kadiliman.
Ang pag-asa at pangamba
Ngayo’y makakamtan.
(“Munting Bayan ng Betlehem,” Mga Himno, blg. 208).
Pinatototohanan ko na si Jesus ay isinilang sa Bet-lehem, tagumpay na naisagawa ang Kanyang mortal na misyon at ministeryo, at bilang ating nabuhay na mag-uling Panginoon, Siya ay buhay ngayon. Ito ang aking patotoo sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.