Ang Mapagbigay na Nilalang
Hindi ba napakagandang pribilehiyo ang masiyahan sa magandang gabing ito sa piling ng ating mahal na propeta, si Pangulong Thomas S. Monson?
Ang Pasko ang pinakapambihira sa lahat ng panahon—kung kailan nakikita natin ang iba nang may bagong pananaw, kung kailan mas bukas ang ating puso sa kagandahan ng ating paligid at tinutulungan ang iba nang may higit na kabaitan at habag.
Bilang mga adult, kung mapalad tayo, maya’t maya ay masisilayan natin ang pakiramdam ng maging bata muli.
Ang ideya na ang isang minamahal natin ay gumagawa ng isang bagay na espesyal para sa atin—at ang kasabikan natin sa espesyal na bagay na ipinaplano nating gawin para sa kanila—ay nagpapayapa sa ating puso at pinupuspos tayo ng pagmamahal at pag-asam. Idagdag pa rito ang nagkikislapang mga ilaw, ang magagandang dekorasyon, ang dakilang mga tagpo ng pagsilang ni Cristo, at hindi kataka-taka na ang Pasko ang pinakagusto ng mga tao sa buong taon.
At, siyempre pa, nariyan ang musika. Walang ibang nagbibigay-diin sa malalim na kahulugan at magiliw na diwa ng Kapaskuhan na gaya ng isang awiting Pamasko. Masaya man, naninimdim, o malungkot ang himig, may isang bagay tungkol sa Pasko na nagbibigay-inspirasyon sa maluwalhating musika. Ang kahanga-hangang mga tugtuging Pamasko ay nagpapasigla sa ating espiritu at ipinapaalala sa atin ang dahilan ng ating pagsasaya.
Mapalad tayong magkaroon ng oportunidad na marinig ang makalangit na pagtatanghal ng Orchestra at Temple Square at ng Mormon Tabernacle Choir.
Ang musikang itinanghal ng grupong ito ay napakadakila kaya gusto kong isipin na ang mga anghel sa langit ay nakatunghay paminsan-minsan para makinig at sumabay sa pagkanta.
Carol of the Bells
Katatapos awitin ng koro ang isa sa pinakamagagandang himig sa Pasko na naisulat, ang nakabibighaning “Carol of the Bells,” na unang itinanghal sa Estados Unidos noong 1921.
Sa simula, hindi ito isang awiting Pamasko. Batay ito sa lumang-lumang Ukrainian folk song na “Shchedryk,” na madalas isalin bilang “Ang Mapagbigay na Nilalang.”
Dati-rati’y kinakanta ng mga pamilyang Ukrainian ang awiting ito sa pagsisimula ng bagong taon. Ang orihinal na titik ay tungkol sa ibong swallow na lumilipad sa bahay ng pamilya at nagbabalita ng napakagandang kapalarang naghihintay sa kanila sa darating na taon.1
Gusto ko ang damdamin sa kuwentong iyon.
Gusto ko ang mensahe ng pag-asa at pag-asam sa magandang hinaharap.
Hindi ba iyan ang mensahe ng Pasko? Kahit mukhang madilim ang mundo—kapag hindi tama ang mga nangyayari, kapag ang ating puso ay umaapaw sa kabiguan at pag-aalala, kahit sa gitna ng lungkot at pighati—kumakanta tayo ng “o, magsaya” at “kapayapaan sa mga tao”2 dahil kay Cristo, na pumarito para “liwanagan ang nangakalugmok sa kadiliman.”3
Isang Panahon ng Pagbibigayan
Lubhang angkop, kung gayon, na ang napakagandang awiting Pamaskong karirinig lang natin ay pinamagatan sa simula ng “Ang Mapagbigay na Nilalang.” Tutal, ang Pasko ay panahon ng pagbibigayan.
Binigyang-inspirasyon ng diwang iyon, kung minsa’y gumugugol tayo ng oras sa paghahanap ng perpektong regalong ibibigay sa ating mga kaibigan at pamilya. Humahanap tayo ng mga paraan para maging mas matulungin at masaya. Hinihikayat tayong pag-ukulan pa ng kaunting panahon ang mga mahal natin sa buhay. Mas napapansin natin ang mga taong nangangailangan, at kadalasa’y higit natin silang tinutulungan. Lahat ng ito ay di-perpekto ngunit taos-pusong pagtulad sa pagbibigay ng ating Tagapagligtas na ang pagsilang ay ating ipinagdiriwang.
Ngunit alam nating lahat na kadalasa’y natatakpan ng dilim ang diwa ng Pasko at napaparam pa sa pagmamadali at hirap sa pamimili, mga bayarin, at mahihigpit na iskedyul.
Ayaw kong tumanggi ang mga tao na ipagdiwang ang Pasko, ngunit ang ilan sa pinakamasasaya kong alaala ng Pasko ay ang palitan ng regalo, siksikan ng mga tao, at pagdalo sa masasayang kaganapang maliliit at malalaki na magkakasama ang mga tao sa panahong ito ng taon.
Oo, maraming dahilan para masiyahan sa mga bagay na ito. Ngunit hindi lamang ito tungkol dito.
Kaya nga, inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin na mag-ukol, sa Kapaskuhang ito, ng saglit na katahimikan sa kaibuturan ng ating kaluluwa para pahalagahan at mag-alay ng taos-pusong pasasalamat “sa Mapagbigay na Nilalang.”
Isipin natin ang mahabagin, pinakamamahal, at walang-katapusang awa ng ating Ama sa Langit.
Habang namimili tayo ng mga regalo—habang namimigay tayo at tumatanggap—nawa’y tahimik din nating pag-isipan ang napakaraming mga regalong ibinuhos ng Diyos sa atin, na Kanyang mga anak.
Ang Kaloob na Pasasalamat
Palagay ko likas sa tao ang balewalain ang mga bagay-bagay—maging ang mga bagay na napakahalaga. Isa ito sa mga aral na natutuhan natin sa kuwento ng sampung ketongin noong panahon ni Jesus. Nahihirapan sa sakit na naging dahilan ng pagkawalay nila sa mga kaibigan, pamilya, at sa buhay mismo, nagsumamong mapagaling ang nagdurusang mga ketonging ito at pinagaling sila ng Anak ng Diyos.
Tulad ng alam ninyo, matapos ang maluwalhating himalang ito humayo ang siyam sa mga ketongin na natutuwa sa kanilang magandang kapalaran.
Isa lamang ang nagbalik.
Isa lamang sa sampu ang nag-ukol ng panahon para magpasalamat. Isa lamang sa sampu, “nang makita niyang siya’y gumaling, ay nagbalik, na niluluwalhati ang Dios ng malakas na tinig; at siya’y nagpatirapa sa kaniyang paanan, na nagpapasalamat sa kaniya.”4
Ang gayong hamak na pagpapakita ng dalisay na pasasalamat ay maaaring tila pambihira na ngayon tulad noon sa kuwentong ito. Ngunit kapag nangyayari ito, inaantig nito ang ating puso at binibigyan tayo ng inspirasyong bilangin ang ating mga pagpapala.
Ang isang halimbawang nalaman ko ay tungkol sa isang lalaking tumira sa Africa. Dahil sa kapansanan, hindi na nakalakad ang lalaking ito kailanman. Napilitan siyang manatili sa bahay ng kanyang mga magulang. Hindi siya makapagtrabaho; hindi siya makasama sa kanyang mga kaibigan; ni hindi siya makagawa ng mga simpleng bagay na labis nating binabalewala.
Pagkatapos ay may narinig siyang isang pambihirang bagay! Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay magdadala ng mga wheelchair sa isang kaganapang malapit sa bahay niya!
Nagpasama siya sa isang kaibigan sa kaganapan, at doo’y pinanood ang napakaraming lalaki, babae, at batang may kapansanan na iniuupo sa bago at makikinang na wheelchair.
Ah, gustung-gusto niyang makaupo sa isa sa mga wheelchair na iyon! Sandali nitong babaguhin ang kanyang buhay kung makakakilos lang siyang mag-isa!
Naghintay siya sa pila hanggang sa wakas ay siya na ang iuupo.
Isinakay siya ng dalawang lalaki sa isang wheelchair at sa kauna-unahang pagkakataon sa kanyang buhay, nakakilos siya nang husto!
Noong una nag-aalangan pa siyang kumilos. Ngunit nang masanay na siya sa wheelchair, malakas na ang loob niyang kumilos.
Lumingon siya, pumihit, at mabilis nang pinatakbo ang wheelchair. Masigla siyang kumaway nang dalawang kamay habang mabilis na nilalagpasan ang kanyang kaibigan.
Sumibad siya!
Kitang-kitang masaya siya.
Gayunman, pagkaraan ng ilang sandali, dahan-dahan niyang pinagulong ang wheelchair pabalik sa iba pa at kalmadong naghandang buhatin ng iba.
“Ano’ng ginagawa mo?” tanong ng kaibigan niya.
Ngumiti siya at nagkibit-balikat. “Iba naman ang uupo,” sabi niya.
Lumuhod ang Church humanitarian missionary sa tabi niya at sinabing, “Sa iyo na ang wheelchair na ito.”
Hindi siya makapaniwala. Akala niya ipinapakita lang doon kung ano ang pakiramdam ng sumakay sa wheelchair.
“Sa akin na ito talaga?” tanong niya.
“Oo.”
“Pero wala akong pera.”
“Sa iyo na ito. Regalo ito ng mga taong nagmamahal sa iyo.”
Nang maunawaan kung ano ang nangyayari, tumingin ang mapagpakumbabang lalaking ito sa kanyang kaibigan.
Tiningnan niya ang missionary.
Sinubukan niyang huwag umiyak, pero hindi niya ito napigilan. At nang umiyak siya, tumawa siya sa kagalakang nadama.
Umiyak din ang kaibigan niya at ang missionary.
“Salamat,” pabulong niyang sinabi.
Niyakap niya ang dalawa, naupo na sa kanyang wheelchair, at humihiyaw sa kasabikang muli itong pinagulong nang nakangiti.
“Nakakalipad ako!” sigaw niya habang nagpapabalik-balik sa bangketa.
Naunawaan ng lalaking ito ang magpasalamat.
Ang Biyaya ng Diyos
Nakadama na ba tayo ng gayon kadalisay at nag-uumapaw na pasasalamat? Sa Kapaskuhang ito, at sa buong taon, dalangin ko na maalala natin ang Mapagbigay na Nilalang—ang ating Diyos, ating Ama, ating pinakamamahal na Pastol at Tagapayo.
Sapagkat Siya ang Tagapagbigay ng Regalo!
Siya ang Mapagbigay na Nilalang!
Kapag tayo, na Kanyang mga anak, ay nanghingi ng tinapay, hindi Niya tayo binibigyan ng bato.5 Sa halip, pinagkakalooban Niya tayo ng napakadakila at natatanging mga regalo na higit pa sa kaya nating lubos na unawain at isipin. Binibigyan Niya tayo ng:
-
Kapayapaan.
-
Kagalakan.
-
Kasaganaan.
-
Proteksyon.
-
Kabuhayan.
-
Tulong.
-
Pag-asa.
-
Tiwala.
-
Pagmamahal.
-
Kaligtasan.
-
Buhay na walang hanggan.
Sa Kapaskuhang ito ipinagdiriwang natin ang pinakadakilang regalo sa lahat, siya na ginagawang posible ang lahat ng iba pang regalo—ang pagsilang ng sanggol ng Bet-lehem. Dahil sa Kanya, “hindi nagtagumpay ang libingan, ang tibo ng kamatayan ay nalulon kay Cristo. Siya ang ilaw at ang buhay ng daigdig; oo, isang ilaw na walang hanggan, na hindi maaaring magdilim.”6
Masayang-masaya akong nagpapasalamat sa Diyos para sa Kanyang kabaitan.
Iniligtas Niya tayo mula sa kalungkutan, kahungkagan, at di-pagkamarapat.
Binubuksan Niya sa ating mga mata at ating mga tainga. Binabago Niya ang kadiliman at ginagawang liwanag, ang dalamhati ay ginagawang pag-asa, at ang lumbay ay ginagawang pagmamahal.
Siya ang nagpapalaya sa atin mula sa pagkaalipin at kasakiman noon at binubuksan ang landas ng layunin at katuparan ng hinaharap.
Siya ang ating sinasamba.
Siya ang ating Diyos.
Siya ang Mapagbigay na Nilalang.
Siya ay lubusang nagmamahal sa Kanyang mga anak kaya ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang ang lahat ng sumusunod sa Kanya ay hindi mamatay kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.7
Dahil kay Jesus na Cristo, hindi natin kailangang madama kailanman na para tayong mga dayuhan. Tayo ay magbabangong kasama ng mga matwid sa Kanyang pagbabalik! At dahil sa Kanyang perpektong buhay at walang-hanggang sakripisyo, balang-araw makakasama natin ang mga anghel ng langit at kasama nilang tatanggap ng walang-hanggang kaloob.8
Nawa, sa Paskong ito, maalala natin ang ating mapagbigay na Ama sa Langit at magbigay ng malalim at taos-pusong pasasalamat sa ating Makapangyarihang Diyos, na nagbigay sa lahat ng Kanyang mga anak ng mga pakpak para lumipad. Ito ang aking mapagpakumbaba at taimtim na panalangin at taos-pusong basbas sa lahat para sa Paskong ito at sa tuwina, sa pangalan ng ating pinakamamahal na Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.