O, Halina, Magpuri sa Kanya—at sa Plano!
Tulad ng marami sa inyo, mahal namin ng cute kong asawa na si Craig, ang mga kanta sa Pasko. Kung gagawa kami ng listahan ng mga paborito namin, malamang na nasa unahan ang “Halina, Magdiwang.” Ang “kasiya-siya” at “matagumpay” na mga titik ay nagsasabi sa ating “halina,” “masdan,” at “sambahin” ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo—ang “Hari ng mga anghel.”1 Natitiyak ko na, bilang mga premortal na espiritung natututo tungkol sa plano ng kaligtasan, di lang natin namasdan at sinamba kundi naghiyawan din tayo sa galak nang kusang-loob at mapagpakumbaba Niyang inialay ang Kanyang sarili bilang Tagapagligtas ng sanlibutan.2 Sa apat sa makabuluhang salitang binigkas, mapagpakumbaba Niyang sinabi, “Narito ako, isugo ako.”3
Tulad ni Apostol Pedro, madalas tayong payuhan ni Pangulong Monson na “lagi kayong handa ng pagsagot … ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa [atin].”4 Sa pagkukuwento ko ng ilang personal na alaala ng Pasko, sana makita ninyo ang dahilan kung bakit ako may pag-asa sa Tagapagligtas, sa “Diyos [na ating Amang Walang Hanggan, na] gayon na lang ang pagsinta sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak,”5 at sa perpekto at maluwalhating plano ng kaligayahan ng ating Ama.
Alaala ng Pasko Number 1
Noong 14 na taong gulang ako, tumira ang pamilya namin sa New Zealand. Bata pa ang tatay ko, mga 30 anyos nang tawagin siyang maging mission president.
Sumapit ang Kapaskuhan, at sinikap naming anim na magkakapatid na mamuhay sa aming bagong tahanan. Isang hamon para sa akin—na isang tinedyer—ang malayo sa tahanan, mga kaibigan, at pamilya. Nalungkot ako, na-miss ko ang dating mga tanawin, tunog, at pagdiriwang ng Pasko—ang musika, ang mga ilaw, Christmas tree, snow, at lalo na ang pamilya. Na-miss ko ang mahal kong mga pinsan, tiya, at tiyo na alam kong malapit nang magtipon sa bahay ni Lolo Kjar sa Salt Lake City para sa taunang Kjar family Christmas party.
Bisperas ng Pasko noon, taong 1966. Atubili akong nakihalubilo sa pamilya ko at sa mga missionary para sa family home evening sa mission home, kumbinsido na ito ay medyo panghalili sa Kjar family party na nami-miss ko. Hindi ko na maalala kung kailan tumunog ang telepono, pero ang tawag sa telepono ay biglang nagpabago sa batang puso ko, naawa ako sa mahal kong tatay at nagsisi na masyado akong natuon sa sarili ko.
Ang tawag ay mula sa aking tiyo Joe, na nagsabing ang aming mahal, di-makasarili, masipag, matapat na Lolo Kjar ay naistrok at nasa ospital at walang-malay. Sumagi sa isipan ko ang mga alaala ng mahilig kumuha ng retrato, mahilig sa musika, masayang patriarch na mahal na mahal namin! Halatang nanginginig si itay pagkatapos ng tawag sa telepono, ngunit inayos niya ang kanyang sarili, itinuwid ang kanyang balikat, at nagpatotoo tungkol sa plano ng Ama at sa kanyang pananampalataya sa mahalagang papel ng Tagapagligtas. Naantig ng kanyang patotoo ang nagdadalamhati kong puso.
Nakakalungkot na hindi na gumaling si Lolo. Agad siyang pumanaw kinabukasan. Araw ng Pasko noon sa New Zealand ngunit Bisperas ng Pasko, na paboritong araw ni Lolo, sa Salt Lake City. Ang kanyang pagpanaw ang una kong karanasan ng pagkawala ng taong mahal ko at malapit sa akin. Kahit nalungkot ako sa kanyang pagkawala, pinagpala ako at napanatag sa kaalaman ko tungkol sa maluwalhating plano ng kaligayahan. Natiyak kong makikita kong muli si Lolo kung mamumuhay akong katulad niya. Palagay ko hindi ko lubusang naunawaan, sa puntong iyon ng buhay ko, ang mahalagang bahagi ng Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala para muli kong makasama ang mga mahal ko sa buhay balang-araw. Ngunit sapat ang alam ko para magalak sa plano. Sapat ang alam ko para sambahin Siya na ipinagdiriwang natin ang pagsilang.
Simula noong Paskong iyon, marami pa akong natutuhan tungkol sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee: “Ang Anak ng Diyos … ay pumarito bilang Bugtong na Anak upang isakatuparan ang isang misyon, upang maging Kordero na pinatay bago pa itinatag ang sanlibutan, upang magdala ng kaligtasan sa buong sangkatauhan. Sa pag-aalay ng Kanyang buhay binuksan Niya ang pinto … at nagturo sa paraang matatamo natin ang buhay na walang hanggan. … Iyan si Jesus sa lahat ng Kanyang kadakilaan.”6
Alaala ng Pasko Number 2
Isa pang malungkot na alaala ng Pasko ang nangyari noong 1984, at dahil dito ang pasasalamat ko sa Tagapagligtas at sa dakilang plano ng kaligtasan ay lalong nadagdagan. Ako’y 32 anyos noon, ikinasal sa mahal at tapat kong asawa, at ako’y ina ng apat na musmos, edad tatlo hanggang sampu. Anim na linggo bago sumapit ang Pasko, natanggap namin ang balita mula sa doktor na ikinabigla namin nang sabihin niyang “kanser” ang diagnosis. Nagkatinginan kami ni Craig at di kami makapaniwala, pigil ang mga luha, nag-iisip kung ano ang mangyayari sa amin sa hinaharap. Ang sunod na nadama namin, gayunman, ay ang matamis na “kapayapaan … na di masayod ng pagiisip”7 dahil sa aming pananampalataya kay Jesucristo at sa plano ng Ama.
Bagama‘t si Craig ang bishop noon sa aming ward, ibinalita lamang namin ito sa aming pamilya para maging normal pa rin ang lahat sa aming mga anak. Sa loob ng anim na linggong iyon bago sumapit ang Pasko, halos araw-araw akong nagpupunta para sa outpatient na gamutan sa ospital sa kabila ng snow at ice—samantalang ang aming di-makasariling mga ina at kapatid ay nagpapalitan sa pagtulong sa bahay. Mahirap na panahon iyon, ngunit sa pag-alaala ko sa Paskong iyon ay di sapat ang mga salita para ilarawan ang matinding pasasalamat ko sa nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at “sa maawaing plano ng dakilang Lumikha.”8
Nang mas matanto ko na talagang pansamantala lang ang buhay, ang plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit ay naging mas personal sa akin. Iba ang Pasko sa taong iyon. Kahit gusto ko ang lahat ng tungkol sa Pasko, ang tanging mahalaga sa akin noon ay ang aking kasal sa walang hanggan, ang pamilya ko, at ang pananampalataya at patotoo ko sa aking Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa plano.
Isang araw habang nagpapahinga ako sa bahay, nag-iisip tungkol sa hinaharap ng apat naming anak, binuklat ko ang magasin na Friend at natuon ang pansin ko sa isang piyesa ng musika. Naupo ako sa piyano, at umiyak habang kumakanta ako at nadama ko ang mensahe ng awitin sa kaibuturan ng aking puso. Alam kong kailangan kong ituro ang awiting ito hindi lamang sa isandaang mga batang Primary sa aming ward, kung saan ako ang Primary music leader, kundi lalo na sa apat naming anak na nasa aming tahanan.
Paano mailalahad ng Diyos ang pag-ibig?
Sinugo ang kanyang Anak, banal at payapa.
Paano maihahayag ang tamang landas sa ’tin?
Anak N’ya’y ’pinagkaloob bilang gabay natin.
Pa’no N’ya ituturo pagpapakasakit?
Para sa ’tin, Kanyang Anak, yumao’t nabuhay.
Anong hinihiling sa atin? Ano’ng tagubilin?
Tularan ang Kanyang Anak, ang kapwa’y mahalin.
Kanyang bilin: Siya ay sundin.9
Sa inspiradong awiting ito ay nalaman ko kung paano ko maipapakita sa aking Ama sa Langit ang pasasalamat ko sa Kanyang Anak at sa Kanyang plano. Nadama ko na kung hindi ko man ako magkaroon ng pagkakataon na makita ang pagsapit sa hustong kaisipan ng mga anak ko, kung kanilang malalaman, mauunawaan at ipamumuhay ang simple ngunit mahalagang doktrina na nasa sagradong awiting ito, sila ay magiging mga tunay na disipulo ni Jesucristo.
May espesyal na diwang namayani sa aming tahanan sa taong iyon, biniyayaan kami ng kapayapaan at pagmamahal sa isa’t isa na hindi ko kailanman malilimutan. Nadama ko na parang binigyan ang mga anak namin ng pambihirang pag-unawa sa sagradong bagay sa Paskong iyon. Noon lamang nila isinadula ang pagsilang ni Cristo nang may gayong pagpipitagan, pagkamangha, at pagmamahal na higit sa kanilang murang edad. Habang dumadaan tayo sa mga pagsubok at umuunlad dito, parang mas madali nating madama ang mga espirituwal na pahiwatig habang pinag-iisipan natin at pinasasalamatan ang regalo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at ang maluwalhating plano ng kaligtasan ng ating Ama sa Langit.
Madalas akong magtaka kung paano nabubuhay ang mga tao nang walang pag-asang nagmumula sa pagkaunawa sa plano ng kaligtasan at sa mahalagang papel ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa planong iyan. Buong pasasalamat kong idinaragdag ang aking patotoo sa patotoo ng ating mahal na propetang si Pangulong Thomas S. Monson, na makapangyarihang nagpatotoo: “Sa Kanya na nagligtas sa bawat isa sa atin mula sa walang hanggang kamatayan, maging si Jesucristo, pinatototohanan ko na Siya ang guro ng katotohanan—ngunit higit pa Siya sa isang guro. Siya ang Huwaran ng perpektong buhay—ngunit higit pa Siya sa isang huwaran. Siya ang Dakilang Manggagamot—ngunit higit pa Siya sa isang manggagamot. Siya na nagligtas sa ‘nawawalang batalyon’ ng sangkatauhan ang literal na Tagapagligtas ng sanlibutan, ang Anak ng Diyos, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ang Banal ng Israel—maging ang nagbangong Panginoon—na nagsabing, ‘Ako ang una at ang huli; ako ang siyang nabuhay, ako ang siyang pinaslang; ako ang inyong tagapamagitan sa Ama’ [D at T 110:4].”10
Habang pinag-iisipan natin ang Kanyang hindi maunawaang sakripisyo para sa atin, tiyak na anim sa pinakamalulungkot na salitang binigkas ng ating Tagapagligtas ay ito: “Ibig baga ninyong magsialis din naman?”11 Kapag nahihirapan tayo, maaari nating piliing tumalikod sa Kanya at harapin ang ating mga pasakit nang mag-isa, o maaari tayong magpasiyang bumaling sa Kanya at sa plano ng Ama, at makikitang hindi tayo daranas ng “ano mang uri ng paghihirap, maliban sa malulon sa kagalakan dahil kay Cristo.”12 Dalangin ko na tanggapin ng bawat isa sa atin ang paanyaya ng sagradong Pamaskong himno na “halina, at magpuri [sa kanya]” at sa ating Ama sa Langit para sa Kanyang maluwalhati at perpektong plano! Sa pangalan ni Jesucristo, amen.