Library
Napalibutan ng Apoy


Napalibutan ng Apoy

Seminaries and Institutes of Religion Satellite Broadcast•Agosto4, 2015

Mga kapatid, nagpapasalamat ako sa pagkakataong magsalita sa inyo sa pandaigdigang brodkast na ito. Labis kaming napagpalang makapunta rito.

Nais kong malaman ninyo na malaki ang pagmamahal ko sa inyo na alam kong isang kaloob mula sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Alam kong mahal Nila kayo, at alam kong nais Nila na tingnan at mahalin ko kayo tulad ng pagtingin at pagmamahal Nila sa inyo. Kaya nga biniyayaan Nila ako ng kaloob na iyon. Dalangin ko na madama ninyo ngayon ang pagmamahal ko at pagmamahal Nila sa inyo.

Dalangin ko rin na sumaatin ang Espiritu Santo habang sama-sama nating pinag-iisipan ang mga pahiwatig ng isang simpleng mensahe. Ang mensahe ay dumating nang personal sa akin, ngunit dama ko na dapat kong ibahagi ang mensaheng ito sa inyo. Ito iyon: Gaano man kataas ang espirituwalidad na tinatamasa natin ngayon sa buhay; gaano man kalaki ang ating pananampalataya ngayon kay Jesucristo; gaano man kalakas ang ating katapatan at dedikasyon, pagsunod o pag-asa o pag-ibig sa kapwa; anuman ang kasanayan at kakayahang natamo natin, hindi ito sasapat para sa gawain sa hinaharap.

Mga kapatid, kailangan nating magpakabuti pa kaysa rati. Itinuro sa atin ng mga banal na kasulatan na ang mundo ay nagkakagulo ngayon at magkakagulo sa hinaharap. Mag-iibayo ang kasamaan at kadiliman. Subalit sa nagdidilim na mundong iyan mag-iibayo ang banal na liwanag. Ang Panginoong Jesucristo ay may dakilang gawain na ipagagawa sa atin sa bagong henerasyon. Mas dakilang gawain ito kaysa sa dati nating nagawa. Ang Panginoon ay kumikilos nang makapangyarihan upang palakasin ang pagtuturo at pagkatuto sa Kanyang tunay at buhay na Simbahan. Pinabibilis Niya ang Kanyang gawain, at inihahanda Niya ang mundo at ang Kanyang kaharian at tayo para sa Kanyang pagbabalik.

Lahat ng ito ay bahagi ng isang magandang huwarang nakikita natin mula nang magsimula ang Panunumbalik. Noong 1820, nagpakita ang Diyos Ama kasama ang Kanyang Anak na si Jesucristo sa batang si Joseph Smith. Simula sa araw na iyon sa Sagradong Kakahuyan, itinatag ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan at mga tao nang taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin, sa paisa-isang hakbang.

Ganito ang sinabi Niya:

“Sapagkat ako ay magbabangon sa aking sarili ng mga dalisay na tao, na maglilingkod sa akin sa kabutihan.”1

“Upang ang gawain ng pagtitipong magkakasama ng aking mga banal ay magpatuloy, upang akin silang maitayo sa aking pangalan sa mga banal na lugar; sapagkat ang panahon ng pag-aani ay dumating na, at ang aking salita ay talagang kinakailangang matupad.”2

“Ang aking mga tao ay kinakailangang masubukan sa lahat ng bagay, nang sila ay maging handa sa pagtanggap ng kaluwalhatiang mayroon ako para sa kanila, maging ang kaluwalhatian ng Sion.”3

Ito ang huwaran ng Panginoon: Pinalalakas, pinatatatag, at inihahanda Niya ang Kanyang mga tao at Kanyang Simbahan. Ang huwarang ito ay malinaw na nakikita sa ating panahon sa panawagan ni Pangulong Thomas S. Monson na magbangon tayong lahat at itayo natin ang kaharian ng Diyos. Pakinggan ang kanyang mga paanyaya na gumawa tayo ng higit pa at nang mas mabuti sa gawain ng kaligtasan. Nais kong basahin sa inyo ang mga sipi mula sa ilan sa mga mensahe ni Pangulong Monson na ibinigay niya sa pangkalahatang kumperensya simula noong siya ang maging Pangulo ng Simbahan.

“Muli naming ipinaaabot ang taos-pusong paanyaya: Halina’t bumalik. Lumalapit kami sa inyo sa dalisay na pag-ibig ni Cristo. … Sa mga nasugatan sa espiritu o nahihirapan at natatakot, sinasabi naming, Hayaang tulungan at pasayahin namin kayo at pawiin ang inyong mga pangamba.”4

“Kung mayroon mang nagpabaya sa inyo sa pagbisita bilang home teacher … , sasabihin ko na wala nang mas mainam na panahon kaysa ngayon upang muling ilaan ang inyong sarili.”5

“May mga paa na dapat mapatatag, kamay na dapat abutin, isipan na dapat mahikayat, puso na dapat mapasigla, at mga kaluluwa na dapat mailigtas.”6

“Kaagad ipatutupad na lahat ng karapat-dapat at may kakayahang kabataang lalaki na nakatapos na ng high school o ng katumbas nito, … ay magkakaroon ng opsiyon na mairekomenda para makapagmisyon pagtuntong sa edad na 18, sa halip na edad na 19. …

“… Ang may kakayahan at karapat-dapat na mga kabataang babae na may hangaring maglingkod ay maaari nang mairekomendang magmisyon simula sa edad na 19, sa halip na edad na 21.”7

“Ang hamon sa atin ay maging mas kapaki-pakinabang na mga lingkod sa ubasan ng Panginoon. Ito ay angkop sa ating lahat, anuman ang ating edad, at hindi lamang sa mga naghahandang maglingkod bilang mga full-time missionary, dahil iniutos sa bawat isa sa atin na ibahagi ang ebanghelyo ni Cristo.”8

“Panahon na para ang mga miyembro at missionary ay magsama-sama, magtulungan, magsigawa sa ubasan ng Panginoon upang magdala ng mga kaluluwa sa Kanya.”9

Walang mangyayari kung hihiling ka lang. Inaasahan ng Panginoon na tayo’y mag-iisip. Inaasahan Niya na tayo’y kikilos. … Inaasahan Niya ang ating pananalig.”10

“Pinatototohanan ko sa inyo na ang mga pangakong pagpapala sa atin ay hindi kayang sukatin. Kahit magtipon ang mga ulap, kahit bumuhos sa atin ang mga ulan. … Walang anumang bagay sa mundo na makadadaig sa atin.

“Minamahal kong mga kapatid, huwag matakot. Magalak. Ang hinaharap ay kasingliwanag ng inyong pananampalataya.”11

Mga kapatid, iyan ang panawagan ng propeta sa atin. Sa Church Educational System nangangahulugan ito na kailangan namin ng mapagkakatiwalaang mga lingkod ng Panginoon na handang gumawa sa mga seminary at institute, sa mga kolehiyo at unibersidad ng Simbahan, at sa mga paaralan ng Simbahan. Bawat trabaho, bawat katungkulan, bawat tao sa Church Educational System ay mahalaga, at bawat isa sa atin, pati na ako, ay kailangang maging mas mahusay kaysa rati.

Sa palagay ko may dalawang dahilan:

Dahilan numero 1: Kailangan nating turuan ang bagong henerasyon nang mas malalim at mas matindi kaysa nagawa na natin o ng sinuman.

Ang malalim na pagkatuto ay resulta ng “dagdag na kakayahang … Makaunawa, Makagawa, at Maging taong dapat nating kahinatnan.”12 Ang talagang ibig sabihin nito ay dagdag na kaalaman, ngunit nangangahulugan din ito ng dagdag pag-unawa ng puso. Ang ibig sabihin nito ay dagdag na kasanayan at kakayahang kumilos. Ang ibig sabihin nito ay ibayong katatagan ng pagkatao, pati na ng integridad, tapang, at kabaitan.

Ang malalim na pagkatuto ay talagang isang espirituwal na karanasan. Ang bagong henerasyon ay matututo lamang nang mas malalim kapag ang nakatutubos at nagpapalakas na kapangyarihan ni Cristo ay nagkaroon ng epekto sa kanilang buhay, nagpapadalisay, nagpapabanal, at nagpapamarapat sa kanila na matanggap ang Kanyang biyaya at mga kaloob na inihanda Niya para sa kanila. Kailangan silang magsumigasig at maghangad na matuto, ngunit kailangan din silang malinis ng nagbabayad-salang dugo ni Cristo upang makatanggap sila ng higit na liwanag at maturuan ng Espiritu Santo.

Ang inspiradong pagtuturo na humahantong sa malalim na pagkatuto ay isa ring espirituwal na karanasan. Kailangan din nating gawing mas mabisa ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa ating buhay. Kailangan nating maging marapat sa at matanggap ang nagpapadalisay at nagpapabanal na mga kaloob at pagpapala ng Banal na Espiritu upang matulungan natin ang bagong henerasyon na matuto pa nang mas malalim.

Kailangan ng bagong henerasyon ang malalim na pagkatutong iyan dahil ang mundong haharapin nila ay magiging kapwa mabuti at masama—magkakaroon ng dagdag na liwanag at kapangyarihan mula sa langit, at magkakaroon ng mas matinding kasamaan at kaguluhan at kalituhan. Kakailanganin nilang sumalig sa malinaw at simpleng mga katotohanan ng ebanghelyo, kakailanganing itanim nang malalim sa kanilang puso ang ebanghelyo, at kakailanganin nila ang sinasabi ni President Russell M. Nelson na matatag na pananampalataya kay Cristo: “Bakit natin kailangan ang gayon katatag na pananampalataya? Dahil parating na ang mga araw ng paghihirap. Bihirang maging madali o bantog sa hinaharap ang pagiging matapat na Banal sa mga Huling Araw. Bawat isa sa atin ay susubukan. Nagbabala si Apostol Pablo na sa mga huling araw, yaong mga masigasig sumunod sa Panginoon ‘ay mangagbabata ng paguusig.’ [II Kay Timoteo 3:12]. Maaari kayong durugin ng pag-uusig na iyon hanggang sa kayo ay manghina o maganyak na maging mas mabuting halimbawa at matapang sa araw-araw ninyong buhay.”13

Dahilan numero 2: Naniniwala ako na ang mga kabataang darating sa atin ay magiging handa—at nanaising tumanggap pa—ng higit kaysa ibinibigay natin ngayon. Bukod dito, ang ilan sa darating ay mangangailangan ng higit na kaalaman dahil hindi nailaan sa kanilang tahanan ang nais o kailangan nila.

Hindi ko sinasabi na kailangang alamin ng mga kabataan ang mga ideyang kumplikado o batay lamang sa haka-haka. Kakailanganin nila ang malinaw at simpleng mga katotohanan ng ebanghelyo na itinuro nang may ibayong pagmamahal at kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Bibigyan ko kayo ng isang halimbawa ng malinaw at simpleng doktrina na kailangang mas lalo pang matutuhan ng ating mga estudyante. Sa nakalipas na pitong taon, ang BYU–Idaho ay may isinamang kurso tungkol sa pamilya bilang bahagi ng kanilang Foundations program. (Ang kursong iyon ay bahagi ng bagong Cornerstone series na kailangang ipasa ng lahat ng estudyante sa institute, kolehiyo, at unibersidad sa Church Educational System.) Dahil lahat ng estudyante sa BYU–Idaho ay kumuha ng kursong ito, nalaman ng faculty ang nasa isipan at puso ng mga estudyante tungkol sa doktrina ng kasal ayon sa nakasaad sa pagpapahayag tungkol sa pamilya.

Nakakabahala ang natuklasan ng mga guro. Maraming estudyante, marahil ay 40 hanggang 50 porsiyento, ang hindi sapat ang pagkaunawa at ang masama pa ay mali ang pagkaunawa sa napakahalagang doktrinang ito. Ang mga kabataang ito ay mababait at aktibong mga Banal sa mga Huling Araw na nakatapos na ng seminary at hindi gaanong natutuhan ang doktrina ng kasal sa tahanan o sa seminary o sa Sunday School o sa kanilang mga klase sa Young Women o priesthood quorum at, sa ilang pagkakataon, kahit sa kanilang mission.

Hindi lamang kailangang mas matutuhan ng mga estudyante ang doktrina ng kasal, kailangan nilang maunawaan ito sa kanilang puso. Kailangan nila ng espirituwal na patotoo sa katotohanan nito, at kailangan nilang kumilos ayon sa patotoong iyan sa paraan ng paghahanda nila ngayon na maging asawa o ina o ama sa isang walang-hanggang pamilya.

Kailangan din nilang malaman kung paano talakayin ang doktrina ng kasal sa kanilang mga kaibigan at sa iba na hindi nila katulad ang mga paniniwala. At kailangan nilang pag-ibayuhin ang kanilang kakayahan na mahiwatigan ang katotohanan sa kamalian. Kailangan nila ng mas malakas na pananampalataya at pag-asa kay Jesucristo

Ito ang kailangan ng bagong henerasyon. Kaya, ano ang kailangan nating gawin?

Kailangang gawin ng bawat isa sa atin ang gustong mangyari ng Panginoon sa ating buhay. Sana’y makatulong sa inyo ang sumusunod na karanasan habang pinag-iisipan ninyong mabuti at ipinagdarasal ang nais ipagawa sa inyo ng Panginoon:

Maraming taon na ang nakararaan, sa napakahirap na panahon sa aming buhay, nadama kong sinasalakay ako ng kaaway. Sa karanasang iyon nilinaw sa akin ng Panginoon na kailangan kong magsumigasig pa at mas magpakabuti. Ikukuwento ko sa inyo nang bahagya ang buhay namin.

Kami ni Sue ay mahigit 30 taon nang kasal. Aktibo kami at dumadalo sa Simbahan sa buong buhay namin. Naglingkod kami sa Simbahan; nagpunta sa templo linggu-linggo; nagdasal kasama ang aming mga anak, pinag-aralan namin ang mga banal na kasulatan kasama sila, at nagdaos kami ng family home evening. Sinikap naming maging mabubuting Banal sa mga Huling Araw. Ngunit, sinabi sa akin ng Panginoon, “Marami ka pang dapat gawin.”

Isang gabi nagkaroon ako ng masamang panaginip. Nagising ako na hindi mapalagay at nag-aalala, at lumuhod ako at humingi ng tulong sa aking Ama sa Langit. Habang nagdarasal ako, pumasok sa isipan ko ang isang talata mula sa Mga Taga Efeso, kabanata 6: “Sapagka’t ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan.”14

Kinaumagahan nagbasa ako ng banal na kasulatan, at nabasa ko ang mga salitang ito:

“Sa katapustapusa’y magpakalakas kayo sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan.

“Mangagbihis kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo’y magsitibay laban sa mga lalang ng diablo.”15

Nang mabasa ko ang mga salitang “mangagbihis kayo ng buong kagayakan ng Dios,” nakadama ako ng malakas na patotoo ng Espiritu na ito ang sagot sa aking mga dalangin. Kinailangan kong isuot ang buong kagayakan ng Diyos, bawat bahagi nito.

Kaya nga, pinag-usapan namin ni Sue ang maaaring ibig sabihin niyon, at nanalangin kami na patnubayan kami. Nalaman ko na kailangan naming itanong sa aming sarili ang dalawang katanungan. Naniniwala ako na ang mga sagot sa mga tanong na ito ay aakay sa amin na gawin ang kailangan naming gawin para mapaghandaan ang mga mangyayari sa hinaharap. Ito ang mga tanong: (1) Ano ang ginagawa ko na dapat kong itigil? at (2) Ano ang hindi ko ginagawa na dapat kong simulang gawin?

Nang itanong namin ang mga iyon sa panalangin, nakatanggap kami ng tiyak na kasagutan. Binago namin ang paraan ng paggugol ng oras namin, ang media na puwede sa aming tahanan, paano kami maglingkod sa templo, paano kami mag-aral ng banal na kasulatan, paano kami maglingkod sa Panginoon, at napakarami pang iba. Kailangan naming palakasin pa ang aming espirituwalidad. Dahil sa pagsisisi, tinulungan kami ng Panginoong Jesucristo at binago ang aming buhay. Nadama namin ang Kanyang awa, biyaya, pagmamahal, at kapangyarihan. Sa Kanyang walang-kapantay na kapangyarihan binago Niya ang aming puso at isipan at inilapit kami sa Kanya. Alam ko na kung hindi kami nakinig at kumilos ayon sa sagot na natanggap namin, hindi sana ako natawag na maglingkod sa BYU–Idaho at hindi ako ngayon nakatayo rito sa harapan ninyo. Napakahalagang pagbabago nito sa aming buhay.

Mga kapatid, alam ko na nagsasalita ako sa mga Banal sa mga Huling Araw na matatapat at tumutupad sa mga tipan. Alam ko na napakahusay ninyo sa inyong ginagawa. Ngunit alam ko mula sa sarili kong karanasan na kailangan nating itanong palagi sa ating sarili ang dalawang tanong na ito. Kailangan nating magbago at magsisi upang maging mas mabisa ang Pagbabayad-sala ni Cristo sa ating buhay. Kung gagawin natin ito, bibiyayaan tayo ng ating Ama sa Langit ng mas matinding espirituwal na lakas. Alam ko na iyan ay totoo.

At iyan, naniniwala ako, ang mahalagang bagay upang mapaghandaan ang magagandang oportunidad at responsibilidad na darating sa atin. Maraming praktikal na bagay na kailangan nating gawin. Kailangan nating mag-isip nang mabuti at magplano at gumawa at sumangguni at maghandang gawin ang lahat ng makakaya natin. Ngunit ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang siyang magdudulot ng malalim na pagkatuto at pagkaunawa sa nakatutubos at nagpapalakas na kapangyarihan ni Cristo sa buhay ng ating mga estudyante.

Kailangan ng bagong henerasyon ang malinaw at simpleng mga katotohanan ng ebanghelyo na itinuro at natutuhan nang may ibayong pagmamahal, mas malakas na espirituwal na kapangyarihan, at mas malalim na epekto sa kanilang buhay. Naniniwala ako na ang epektong iyan ay mangyayari dahil ang ebanghelyo ni Jesucristo ay matatanim nang mas malalim sa ating puso at isipan at dahil kasama natin sa tuwina ang Espiritu Santo. Makikita nang mas lubos at ganap sa ating buhay ang mga turo ng Tagapagligtas. Pagkatapos—kapag nangasiwa tayo sa mga programa, o gumawa ng kurikulum, nagpatupad ng bagong paraan sa pagtuturo, o kumuha o tumawag at nag-train ng bagong mga guro, o nagpayo sa mga estudyante, o nagplano ng mga bagong gusali, o nagbukas ng bagong area, o pumasok sa klase para magturo sa mga anak ng Diyos—tatanggap tayo ng paghahayag na kailangan natin, at gagawin natin ang gawain nang may dalisay na pag-ibig ni Cristo sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang bagong henerasyon ay matututo nang mas malalim; sila ay kikilos!

Alam natin na mangyayari ito. Alam natin ang kahihinatnan ng lahat ng ito. Ang Panginoong Jesucristo ay paparito, at ang Kanyang mga tao at Kanyang Simbahan ay magiging handa sa pagtanggap sa Kanya.

Kapag naiisip ko kayo at ang gagawin ninyo sa kaharian ng Diyos, naiisip ko ang napakagandang karanasan sa 3 Nephi 17, nang ipaligid ng Tagapagligtas ang mga bata sa Kanya. Gusto kong ilarawan ninyo ang tagpong iyon sa inyong isipan dahil kayo ay naroon. Dinala ng mga magulang ang kanilang minamahal na mga anak sa Tagapagligtas. Tinipon Niya sila na nakapalibot sa Kanya; Siya ang nasa gitna. Nanalangin Siya para sa kanila at kanilang mga magulang sa mahimalang paraan, at isa-isang binasbasan ang mga bata. Pagkatapos ay bumaba ang mga anghel mula sa Langit “na parang ito ay nasa gitna ng apoy”16 at naglingkod sa mga bata, at pinalibutan ng banal na apoy na iyon ang mga bata.

Ibig sabihin, ito ang ginagawa natin sa seminary at institute. Sa katunayan, ito ang Church Educational System. Dinadala ng mga magulang ang kanilang mga anak sa atin. Ang Tagapagligtas ang nasa gitna, ang sentro ng lahat ng bagay na nangyayari sa mga bata. Nanalangin Siya para sa kanila at sa atin; Siya ang ating Tagapamagitan sa Ama. Tayo ay mga anghel—kayo ay mga anghel—na lumapit para maglingkod sa mga batang iyon na napapalibutan ng banal na apoy. Iyan, mahal kong mga kapatid, ang kailangan nating gawin.

At iyan ang nararapat nating gawin dahil may Diyos sa langit. Siya ang ating Ama. Ang Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo, ang Tagapagligtas at Manunubos ng buong sangkatauhan. Siya ay buhay! Pinatototohanan ko ang Kanyang banal na pangalan. Nakita ko Siyang gumawa, alam ko ang Kanyang awa at biyaya, at dama ko ang Kanyang pagmamahal. Taglay niya ang lahat ng kapangyarihan upang malinis tayo mula sa kasalanan, baguhin ang ating puso at mapalapit sa Kanya, at mapalakas tayo upang maging lahat ng nais Niyang kahinatnan natin. Alam ko na kung babaling tayo kay Cristo, na nakaunat sa tuwina ang mga bisig sa atin, tayo ay pagpapalain Niya na maging mas mahusay pa at lalo pang magsumigasig sa Kanyang banal na gawain. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Doktrina at mga Tipan 100:16.

  2. Doktrina at mga Tipan 101:64.

  3. Doktrina at mga Tipan 136:31.

  4. Thomas S. Monson, “Paglingon at Pagsulong,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 90.

  5. Thomas S. Monson, “Mga Tunay na Pastol,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 68.

  6. Thomas S. Monson, “Handa at Karapat-dapat na Maglingkod,” Ensign o Liahona,Mayo 2012, 69.

  7. Thomas S. Monson, “Pagbati sa Kumperensya,” Ensign o Liahona,Nob. 2012, 4–5.

  8. Thomas S. Monson, “Halina, mga Anak ng Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 66.

  9. Thomas S. Monson, “Pagbati sa Kumperensya,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 4.

  10. Thomas S. Monson, “Sa Pagsaklolo,” Ensign, Mayo 2001, 49.

  11. Thomas S. Monson, “Magalak,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 92.

  12. Kim B. Clark, “Learning and Teaching: To Know, to Do, and to Become” (remarks to faculty at faculty meeting, BYU–Idaho, Sept. 6, 2011), byui.edu/presentations.

  13. Russell M. Nelson, “Harapin ang Kinabukasan nang May Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 35–36.

  14. Mga Taga Efeso 6:12.

  15. Mga Taga Efeso 6:10–11.

  16. 3 Nephi 17:24.