Library
Kayo’y Aking mga Saksi


Kayo’y Aking mga Saksi

Seminaries and Institutes of Religion Satellite Broadcast•Agosto4, 2015

Napakasagrado ng espiritu, at, tulad ninyo, nagpapasalamat ako sa lahat ng naituro sa akin.

Sa isa sa mga huling sulat ni Moroni, itinuro niya:

“Sapagkat masdan, ang Diyos na nakaaalam sa lahat ng bagay, na nagmula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan, masdan, isinugo niya ang mga anghel upang maglingkod sa mga anak ng tao, upang ipaalam ang hinggil sa pagparito ni Cristo; at kay Cristo nagmumula ang bawat mabuting bagay. …

“Samakatwid, sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga anghel, at sa pamamagitan ng bawat salitang namumutawi sa bibig ng Diyos, ang tao ay nagsimulang manampalataya kay Cristo; at sa gayon, sa pamamagitan ng pananampalataya, sila ay nanangan sa bawat mabuting bagay.”1

Sa aking palagay, kayo, na mga guro sa seminaries at institutes, early morning at released time, sa mga tahanan, sa simbahan, sa high school, sa kolehiyo at unibersidad, kayo ang ilan sa mga anghel na ipinadala ng Diyos na magturo sa Kanyang mga anak upang manampalataya sila kay Cristo at manangan sa bawat mabuting bagay. Salamat sa pagtuturo ninyo ng Kanyang dalisay na doktrina sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Salamat sa pagtuturo ninyo sa klase araw-araw, umaga at gabi, ipinapahayag ang salita ng Diyos, na siyang “kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan.”2 Salamat sa inyong mga asawa, na maituturing na mga anghel sa kanilang kabaitan at pagsuporta.

Isang sagrado at dakilang pribilehiyo ang maipahayag ang salita ng Diyos—na maging isa sa Kanyang mga saksi at maituro ang walang hanggang katotohanan. Ipinahayag ni propetang Isaias ang salita ng Panginoon sa lahat ng Kanyang mga taong may tipan:

Kayo’y aking mga saksi, sabi ng Panginoon. …

“Ako, ang Panginoon; at liban sa akin ay walang tagapagligtas. …

“… Kaya’t kayo ang aking mga saksi, sabi ng Panginoon, at ako ang Dios.”3

Isang sagradong pribilehiyo na tulungan ang bagong henerasyon na matutuhan ang salita ng Diyos upang sila man ay manampalataya at maging mga saksi ni Cristo.

Ang mga kabataang lalaki at babae na dumadalo ng klase ng seminary at institute sa iba’t ibang dako ng mundo ay nakipagtipang mamahalin at paglilingkuran ang Diyos at magiging Kanyang mga saksi. Dahil sa kanilang pananampalataya kay Cristo, sila ay nabinyagan at nakatanggap ng Espiritu Santo upang malaman nila ang katotohanan at “mangusap sa wika ng mga anghel.”4 “[Sila] ay mga anak ng propeta; … ng sambahayan ni Israel; … [sila] ay sakop ng tipang ginawa ng Ama … , na sinasabi kay Abraham: At sa iyong binhi lahat ng magkakamag-anak sa lupa ay pagpapalain.”5

Dahil sa pananampalataya ang bawat kabataang lalaki at babae ay makapangungusap sa pangalan ni Cristo, sa pamamagitan ng Espiritu, at “[tatayo] bilang mga saksi [Niya] sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar.”6

Ngayon, isipin natin ang maaaring gawin sa klase ng seminary o institute para tulungan ang bagong henerasyon na maging tunay na mga saksi ng Diyos. Tiyak na gusto rin nilang gawin iyan.

Sa Mayo sa taong ito, bilang paghahanda para sa Face2Face Facebook event kasama sina Elder at Sister David A. Bednar, ang mga kabataan sa iba’t ibang panig ng mundo ay nagpadala ng 11,000 mga tanong. Karamihan dito ay mga tanong tungkol sa kung paano ibabahagi, paninindigan, at ipaglalaban sa mga kaibigan at sariling pamilya ang mga turo ng ebanghelyo ni Jesucristo. Gusto nilang malaman ang sasabihin at gagawin. Ipinaliwanag ni Elder Bednar na hindi nila masasagot ang lahat ng tanong, dahil hindi sila ganoon katalino o hindi sapat ang kanilang karanasan. Ngunit sinabi niya sa mga kabataan na kung sila ay magbabahagian, hihilinging gabayan sila ng Espiritu Santo, tatanggap sila ng mga ideya at pahiwatig, impresyon at inspirasyon sa kapangyarihan ng Espiritu Santo.7

Ang Espiritu Santo ang guro. Sagradong tungkulin Niya ang magturo, magpatotoo, at sumaksi sa Ama at sa Anak8 at ihayag “ang katotohanan ng lahat ng bagay.”9 Napakagandang kaloob sa kabataan na malaman sa pamamagitan ng Espiritu na ang Diyos ay kanilang Ama at kilala Niya sila, minamahal sila, at may plano para sa kanila! Napakagandang kaloob para sa kabataan na malaman sa pamamagitan ng Espiritu na si Jesucristo ang Anak ng Diyos at sa pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala ay maaari silang magsisi at malinis sa kasalanan, mapagaling sa lahat ng sakit at dusa, at lalago, uunlad, at kakamtin ang kanilang banal na tadhana! Ang Espiritu ang daan para madama natin ang pagmamahal ng Diyos. Ipinangangaral natin ang ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu upang ang ating mga kabataan ay makatanggap sa pamamagitan ng Espiritu,10 upang kanilang makita, madama, makilala, at mapatotohanan ang Tagapagligtas at tumayo bilang Kanyang mga saksi tulad ng sinabi ng mga propeta noon pa man.11

Mga kapatid, marami pa akong dapat matutuhan sa pagtuturo at pagkatuto, ngunit ito ang alam ko: Ipinapakita sa atin ng ating mga propeta, tagakita, at tagapaghayag na makapagtuturo at matututo tayo nang may higit na kayayahang magpabalik-loob at may mas makabuluhang layunin. Kamakailan sa Mission Training Center sa Provo, naobserbahan ko ang mga Apostol ng Panginoon na ginagawa ang mga alituntuning nagtutulot sa Espiritu Santo na mangusap sa mga puso’t isipan ng mga mission president at kanilang mga asawa, nang indibiduwal at personal, upang masagot ang kanilang mga tanong at bigyan sila ng inspirasyong tugunan ang kanilang mga pangangailangan. Ang mga lider ng Simbahan ay hindi lamang tumatayo sa pulpito para magbigay ng mensahe, na angkop naman sa ilang sitwasyon. Nagpapakita sila ng mga pamantayang itinakda ng Panginoon para sa ikatututo, maging “sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya.”12 Iniutos ng Panginoon, “Magtalaga sa inyo ng isang guro, at huwag maging mga tagapagsalita ang lahat kaagad; sa halip magsalita nang isa-isa at makinig ang lahat sa kanyang sinasabi, upang kapag ang lahat ay nakapagsalita na ang lahat ay mapasigla ng lahat, at upang ang bawat tao ay magkaroon ng pantay na pribilehiyo.”13

Ang layunin ng pag-aaral ayon sa ipinaliwanag ng Panginoon ay ang anyayahan ang Espiritu na maging guro upang mabigyan ng sagot ang mga tanong ng mga kabataan at hayaang ang Espiritu Santo ang “[magbigay-alam] sa [kanila] ng lahat ng bagay na nararapat [nilang] gawin.”14

1. Maghandang Matuto

Una, maghandang matuto. Karamihan sa ginagawa natin sa buhay ay kailangan ng maagang paghahanda. Para magtamo ng walang hanggang kaalaman, hindi lamang tayo dapat pumapasok sa klase. Itinuro ng Tagapagligtas sa mga Nephita na dapat nilang pagnilayan ang Kanyang mga salita at idalangin na makaunawa.15 Noong bata pa, nakita ni Joseph Smith ang Diyos Ama at si Jesucristo sa pangitain dahil sinaliksik niya ang banal na kasulatan at pinagnilayan ang mga salita, “nang paulit-ulit.”16 Natanggap ni Pangulong Joseph F. Smith ang pangitain tungkol sa pagtubos sa mga patay dahil pinagbulayan niya ang mga talata sa banal na kasulatan na nabasa at pinag-aralan niya.17

Bago magklase, inaanyayahan namin ang mga estudyante na magdasal at pagnilayan ang mga salita ni Cristo upang maging handa ang kanilang puso at isipan sa pagtanggap ng kaalaman sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Sabi ng Panginoon, “Huwag hangaring ipahayag ang aking salita, kundi hangarin munang matamo ang aking salita, at pagkatapos ay kakalagan ang iyong dila; pagkatapos, kung iyong nanaisin, mapapasaiyo ang aking Espiritu at ang aking salita, oo, ang kapangyarihan ng Diyos sa ikahihikayat ng mga tao.”18

2. Makibahagi upang Makaunawa

Ikalawa, makibahagi upang makaunawa. Kapag binibigyan natin ng pagkakataong makabahagi ang klase, binibigyan natin ng pagkakataong makabahagi ang kabataan. Kapag sila ay magkakasamang natututo sa mga salita ng mga propeta, sumasagot sa magagandang tanong, tinatalakay ang kanilang mga iniisip at saloobin, at tumutugon sa mga tanong at alalahanin ng mga kaklase nila, pinalilinaw ng Panginoon ang kanilang isipan at pinalalawak ang kanilang pang-unawa.19 “Natututo silang mangusap sa pangalan ng Panginoon “nang may pag-iingat, at sa panghihimok ng Espiritu.”20 Ang pagbabahagi ng mga bagay ng Espiritu ng Panginoon ay nagtuturo sa kanila na madaig ang takot at palakasin ang isa’t isa bilang tagapagtanggol ng mataas na pamantayan ng moralidad at kabutihan. Naghahanda silang sumagot sa mga magdududa sa kanilang paniniwala, kukutya sa kanila, o magpaparatang na sila ay makaluma o makitid ang isip.

Mahalagang pansinin na maraming beses binanggit sa mga banal na kasulatan na natakot magsalita ang isang bagong tawag na propeta dahil sa kanyang kakulangan. Sabi ni Enoc, “Ako … ay isang bata lamang, at kinamumuhian ako ng lahat ng tao.”21 Ngunit tila hindi alintana ng Panginoon ang mga kakulangan o hadlang. Sagot Niya, “Humayo at gawin mo gaya ng aking ipinag-utos sa iyo. … Ibuka mo ang iyong bibig, at ito ay mapupuno, at akin kitang bibigyan ng sasabihin.”22

Inaasahan ng Panginoon ang lahat ng tumutupad sa kanilang mga tipan na maging mga saksi. Sabi Niya, “Ibuka ang inyong mga bibig at ang mga ito ay mapupuno, at kayo ay matutulad maging kay Nephi noong sinauna.”23

Tungkol kay Nephi noong sinauna, ipinaliwanag ni Amang Lehi, “Ito ay hindi siya, kundi ito ang Espiritu ng Panginoon na nasa kanya, na nagbubukas ng kanyang bibig sa pagsasalita kaya’t hindi niya ito maitikom.”24

Maliban sa tahanan, marahil wala ng iba pang lugar na mas mabibigyan ng kakayahan ang kabataan na mangusap sa pangalan ng Panginoon “sa kataimtiman ng puso, sa diwa ng kaamuan,”25 kaysa sa kanilang mga klase sa seminary at institute. Inaanyayahan natin silang makibahagi upang makaunawa nang sa gayon ay “lagi [silang] handa sa pagsagot sa bawa’t tao na humihingi … ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa [kanila] nguni’t sa kaamuan at takot.”26

3. Mag-aanyaya na Kumilos

Pangatlo, mag-anyaya na kumilos. Ang mga sinasabi ng isang kabataan ay napapatunayang totoo kapag ipinamumuhay niya ang ebanghelyo. Ang pag-aanyayang kumilos ay paanyayang tuparin ang kanilang mga tipan na sundin ang Tagapagligtas at kumilos nang “walang pagkukunwari at walang panlilinlang sa harapan ng Diyos.”27 Ito ay pag-anyaya sa ating mga kabataan na sumunod sa ipinapahiwatig ng Espiritu at ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa praktikal na paraan. Itinuro ng Tagapagligtas, “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo.”28 Para maging mga saksi ng Diyos, ang mga kabataan natin ay dapat mamuhay ayon sa nalalaman nila.

Tulad ninyo, nakita ko ang pananampalataya ng mga kabataan natin na nakakaunawa sa ibig sabihin ng maging sabik sa paggawa at “gumawa ng maraming bagay sa kanilang sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan.”29 Isang halimbawa nito ang naganap sa pioneer trek na dinaluhan ko.

Nagsihila ng mga kariton ang mga kabataan sa dating dinaanan ng mga pioneer sa Wyoming, USA. Nakarating sila sa Gravel Hill, “ang pinakamahaba at pinakamatarik na dalisdis … mula nang [lisanin] nila ang Winter Quarters.”30 Maraming taon bago iyon, noong Hulyo 9, 1847, ang pangkat ng orihinal na mga pioneer ni Brigham Young ay nagkabit ng mabibigat na kadena sa mga gulong ng kariton para hindi dumausdos pagbaba ng dalisdis. Ngunit sa mga kabataang pamilyang ito ng pioneer na humihila ng mga kariton nang araw na iyon, ilang miyembro ng bawat grupo ang naging tagaalalay sa kariton sa unahan habang marami sa kanila ang tagapigil sa pagdausdos nito sa matarik na dalisdis.

Nakakatakot ito. Mabuway at mapanganib ang tinatapakan nila, at kailangang ibuhos nila ang kanilang lakas para mapigilan ang mga karitong iyon. Wala akong anumang maitulong, kaya tumayo ako sa paanan ng burol para magmasid, taimtim na nagdasal na maging maayos ang lahat.

Sumadsad sa malaking bato ang unang kariton na nakapigil dito, kaya maayos na nakababa sa dalisdis. Nang tingnan ko na ang pagbaba ng susunod na kariton, nakita ko ang apat na kabataang lalaki na tumatakbong pataas sa burol. Naluha ako at labis na nagpasalamat nang matanto ko na nang makababa nang maayos ang kanilang kariton, kaagad na bumalik sa itaas ang apat na matatapat na binatang ito para tumulong sa pagbaba ng susunod na kariton. Tumulong sila na maibaba nang maayos ang mga kariton. Dahil sa ginawa nila, naganyak ang iba na ganoon din ang gawin, at di-nagtagal, lahat ng mga kariton ay maayos nang naihanda para sa campsite kinagabihan.

Hindi inakala ng ating mga kabataan na ang mabuting halimbawa nila sa Gravel Hill at iba pang mga pangyayari sa pionerer trail na iyon, sa salita at sa gawa, ay nasaksihan ng isang binatilyo na hindi miyembro ng ating relihiyon. Ikinuwento ni Jack kalaunan na habang nakikibahagi siya sa pioneer trek nalaman niyang hindi pala mapagkunwari ang mga Mormon na gaya nang inakala niya. Nakita at nadama niya na mga totoo silang tao. Ipinapamuhay nila ang pinaniniwalaan nila. Nadama ni Jack ang Espiritu, at nagplanong magpaturo sa mga missionary.

Ang ating mga kabataan ay hindi na kailangang humila ng mga kariton pababa sa mga dalisdis para maging mga saksi ng Diyos, ngunit madalas silang nahaharap sa matinding oposisyon habang matapang nilang sinisikap na panindigan ang katotohanan at kabutihan. Matutulungan ng mga guro ang bawat kabataan na manampalataya kay Cristo at matanggap ang Espiritu Santo. Tulungan silang maghanda na matuto sa pamamagitan ng pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo. Makibahagi para makaunawa sa pamamagitan ng paghahayag ng mga salita ni Cristo. At mag-anyayang kumilos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga salita ni Cristo upang sila ay mapuspos ng Espiritu ng Panginoon. At, sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, sila ay maaaring maging mga saksi ni Cristo na magsasalita ng Kanyang sasalitain, gagawin ang Kanyang gagawin, at magiging tulad Niya.

Pinatototohanan ko na ang Diyos ang ating Ama at ang Kanyang pagmamahal sa atin ay sakdal. Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang banal na Anak ng Diyos, ang ating Tagapagligtas at Manunubos, at ang Kanyang pagmamahal sa atin ay sakdal. Pinatototohanan ko na dahil sa sakdal na pagmamahal ng Ama at ng Anak sila ay nagpakita kay Propetang Joseph Smith at ipinanumbalik ang mga batas at ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mundo. Si Pangulong Thomas S. Monson ay tunay na propeta na siyang gumagabay sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ngayon. Pinatototohanan ko na kung mananalig tayo kay Cristo at tatanggap ng Espiritu Santo, tayo ay maaaring maging Kanyang mga saksi. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.