Ang Araw ng Sabbath
Seminaries and Institutes of Religion Satellite Broadcast• Agosto 4, 2015
Masaya ako na makasama kayo ngayon at maturuan nang husto. Masaya talaga ako na narito ako. Sana alam ninyong lahat ang pagmamahal ko sa inyo at ang aking malalim na pagpapahalaga at paggalang sa bawat isa sa inyo at sa lahat ng ginagawa ninyo. Lalo akong masaya dahil kasama ko ang asawa kong si Kristi. Ngayon ang ika-25 anibersaryo ng aming kasal, kaya naisip namin na masayang ipagdiwang ito kasama ang 98,000 sa pinakamatatalik naming kaibigan. Talagang pambihira ang ginagawa ninyo at ng inyong asawa sa organisasyong ito. Salamat sa inyong lahat sa mga kontribusyon ninyo, at salamat sa pagparito. Napakagandang maging bahagi ng gawaing ito kasama kayong lahat.
Kaugnay sa mensahe ng nakaraang pangkalahatang kumperensya ng Simbahan, nagkaroon ng training para sa mga General Authority tungkol sa pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath at gawin itong kaluguran. Ang mga presiding quorum ng Simbahan ay nagkakaisa sa malawakang pagtuturo ng kahalagahan ng araw ng Sabbath sa simbahan at sa tahanan. Naituro na ito sa area, sa coordinating, at mga stake council. Ang mga stake president ay nakapagbigay na ng training sa mga bishop, at magkasama at patuloy nilang tuturuan ang mga miyembro sa stake at ward.
Training na Ibinigay sa mga Lider ng Simbahan
Ilan sa mga video clip mula sa General Authority training na iyan ang makukuha na at ilalagay sa website natin.1 Umaasa ako na panonoorin ninyong mabuti, at muling panonoorin at gagamitin ang mahalagang resource na ito. Panoorin natin ang ilang bahagi ng dalawang presentasyon sa training na iyan. Una ninyong mapapakinggan si President Russell M. Nelson. Susundan siya ni Elder M. Russell Ballard.
President Russell M. Nelson: “Mga minamahal kong kapatid, minamahal at hinahangaan ko nang lubos ang bawat isa sa inyo. … Pinagtuunan ng Unang Panguluhan ngayong umaga ang malasakit sa mga taong nawawala sa Simbahan, hindi na matunton kung nasaan, at di na gaanong aktibo. Sa pagtutuon natin sa problemang iyan, nais naming magpokus tayo sa kailangang gawin para maiwasan ang gayong mga problema. Kaya, ang pokus ng mga sesyon ngayon at bukas ay ang pagpapalakas ng pananampalataya sa Diyos, pananampalataya kay Jesucristo, at sa Kanyang Pagbabayad-sala. … Bilang isa sa Kanyang inordenang mga Apostol, talagang nagpapasalamat ako para sa tungkuling ito na ibinigay nila sa akin para magsalita tungkol sa paksang ito. Ang utos ng Panginoon na pabanalin ang Araw ng Sabbath at panatilihin itong banal ay utos na itinuturing nating seryoso at literal. Kung talagang magagawa natin iyan—matutulungan natin ang ating mga miyembro na manampalataya sa Panginoon at mapalalim ang kanilang pagbabalik-loob sa Kanya at sa Kanyang Simbahan. … Kapag mas natutuhan natin kung paano pabanalin ang araw ng Sabbath, madaragdagan ang pananampalataya sa buong daigdig.”
Elder M. Russell Ballard: “Ngayon mga kapatid, malugod namin kayong binabati sa mahalagang general conference training na ito. Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawa ay nag-ukol ng maraming oras sa nakalipas na ilang buwan sa pagrerepaso ng mga nasaliksik tungkol sa doktrina at mga alituntunin ng Simbahan na nagpapalakas ng pananampalataya sa ating Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo at Kanyang Pagbabayad-sala. Tulad ng alam ninyo, nakatuon pa rin tayo sa tunay na pagbabalik-loob, pagtupad ng tipan, mga pamilyang ilang henerasyon nang matapat sa Simbahan, at mga miyembrong matatag sa espirituwal. Sa lahat ng mga pagbabago sa organisasyon o tuntunin o doktrinal na pagsasanay na magpapabilis sa gawain ng kaligtasan sa panahong ito, natukoy namin na ang pagpapaibayo ng diwa at bisa ng araw ng Sabbath ay pinakamalakas na makahihikayat sa mga miyembro at pamilya na mas lumapit sa Panginoong Jesucristo.”
Nabanggit ni Elder Nelson ang tungkol sa pagiging di-aktibo at na kailangang palakasin ang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Nangako siya na “kapag mas natutuhan natin kung paano pabanalin ang araw ng Sabbath, madaragdagan ang pananampalataya sa buong daigdig.”
Tiyak na napansin din ninyo na sinabi ito ni Elder Ballard na, “Sa lahat ng mga pagbabago sa organisasyon o tuntunin o doktrinal na pagsasanay na magpapabilis sa gawain ng kaligtasan sa panahong ito, natukoy namin na ang pagpapaibayo ng diwa at kapangyarihan ng araw ng Sabbath ay pinakamalakas na makahihikayat sa mga miyembro at pamilya na mas lumapit sa Panginoong Jesucristo.”2
Ang Papel na Ginagampanan ng Seminaries and Institutes of Religion
Sa malawakang gawaing ito, ang Seminaries and Institutes of Religion ay inatasan ng Church Board of Education na tumulong na panibaguhin ang pokus sa pagtuturo ng alituntunin ng paggalang sa araw ng Sabbath at ng doktrinang may kaugnayan sa sakramento, at patulungin ang kabataan at young adult ng Simbahan na sikaping higit na unawain at ipamuhay ang mga alituntuning ito. Bibigyang-diin natin ang mga alituntuning ito na sadyang matatalakay sa mga ituturo nating banal na kasulatan at sa ating mga course outline. Napakagandang oportunidad para sa atin na kumilos kasama ang mga naatasang mamuno sa atin bilang mga propeta, tagakita, at mga tagapaghayag. At sa paggawa nito, higit nating magagampanan ang ating layuning tulungan ang mga kabataan at mga young adult na maunawaan at magtiwala sa mga turo at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Para mailarawan kung paano natin maituturo ang mga alituntunin tungkol sa Sabbath at sa sakramento sa paraang mapapalakas ang pananampalataya kay Jesucristo, pumili ako ng ilang halimbawa mula sa Lumang Tipan dahil marami sa inyo ang magtuturo ng Lumang Tipan sa darating na mga buwan.
Ang Araw ng Sabbath
1. Ang Sabbath ay tanda ng Panginoon sa atin
Isang mahalagang alituntunin tungkol sa Sabbath ang nagmula sa Exodo 31:
“Ipangingilin ninyo ang aking mga sabbath: sapagka’t isang tanda sa akin at sa inyo sa buong panahon ng inyong mga lahi, upang inyong makilala na ako ang Panginoon na magpapabanal sa inyo. …
“Kaya’t ang mga anak ni Israel ay mangingilin ng sabbath … na pinakapalaging tipan.”3
Ang ideya na ang Sabbath ay tanda ng tipan ng Diyos sa atin ay mahalaga dahil lahat tayo ay nahaharap sa mahirap na kalagayan, na “walang maruming bagay ang makapananahanang kasama ng Diyos,4 at alam natin na “lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios.”5 Ang solusyon, gaya ng ipinahayag sa Doktrina at mga Tipan 60:7, ay, “magagawa ko kayong banal.” At magagawa iyan, mangyari pa, sa pamamagitan ni Jesucristo, ang pinakasentro sa plano ng pagtubos ng Ama. O, ayon sa itinuro ni Apostol Pablo, “[Tayo’y] binili sa halaga.”6
Ang halagang iyan ay buhay, dusa, at kamatayan ng sakdal na Anak ng Diyos. At ano ang katibayan ng pagbili? Ano ang katibayan na may kabayaran? Ang Sabbath ay patuloy na tanda ng katuparan ng tipan ng Diyos sa Kanyang mga anak, ang tanda na Kanya tayong mapababanal.
2. Ang Sabbath ay tanda natin sa Panginoon
Hindi lamang katibayan ng pagbili ng Sabbath, ang tanda na pababanalin tayo ng Panginoon. Ito ay tanda rin mula sa atin tungo sa Kanya tungkol sa nadarama natin tungkol sa nagawa Niya para sa atin—sa nadarama natin tungkol sa Kanyang sakripisyo at sa nadarama natin tungkol sa ating mga tipan.
Nitong nakaraang pangkalahatang kumperensya ng Simbahan, itinuro ni President Nelson: “Noong ako ay bata pa, pinag-aralan ko ang listahan na ginawa ng ibang tao tungkol sa bagay na dapat gawin at hindi dapat gawin sa araw ng Sabbath. Kalaunan ko lang natutuhan mula sa banal na kasulatan na ang kilos at pag-uugali ko sa Sabbath ay dapat maging tanda sa pagitan ko at ng aking Ama sa Langit. Dahil sa pagkaunawang iyon, hindi ko na kailangan ng mga listahan ng mga dapat at hindi dapat gawin. Kapag kailangan kong magpasiya kung ang isang aktibidad ay angkop o hindi sa araw ng Sabbath, tinatanong ko lang ang aking sarili, ‘Anong tanda ang nais kong ibigay sa Diyos?’ Sa tanong na iyon naging napakalinaw sa akin ang mga dapat piliin sa araw ng Sabbath.”7
Ang bawat pagpili hinggil sa Sabbath ay personal; ito ay indibiduwal na paghahandog; isang tanda ng pasasalamat na nais Niya tayong pabanalin. Hindi ako magmumungkahi ng listahan ng mga dapat at hindi dapat gawin, ngunit nais kong sabihin na nakakita ako ng mga kabataan at mga young adult sa buong mundo na piniling panatilihing banal ang araw ng Sabbath. Marami ang nagpasiyang huwag magtrabaho sa araw ng Linggo, ang iba naman ay nagpasiyang hindi gagawa ng assignment sa eskuwela kapag Linggo. Hindi alintana ng isang dalagita sa Thailand ang pagkawala ng mga kaibigan dahil pinili niyang huwag dumalo sa mga kasayahan sa araw ng Sabbath (isang bagay na hindi pamilyar sa kanyang mga kaibigan). May kilala akong batang manlalaro ng soccer sa California, na sa kabila ng matinding pressure mula sa mga kasamahan at coach at sa posibilidad na di makakuha ng scholarship, ay nagpasiyang huwag makilahok sa sports event sa araw ng Sabbath.
Naniniwala ako na pararangalan ng Panginoon ang kahanga-hangang mga kabataang ito dahil Siya ay pinarangalan nila sa pagpiling igalang ang Kanyang banal na araw. Maituturo natin sa ating mga estudyante na ang ating mga inaasal at ikinikilos sa araw ng Sabbath ay pagpapakita sa Panginoon ng nadarama natin sa ating mga tipan at “sa pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath, ipinakikita natin sa Diyos ang ating kahandaang tuparin ang ating mga tipan.”8
3. Ang Sabbath ay kaluguran
Isa pang alituntunin sa Lumang Tipan:
“Kung iyong iuurong ang iyong paa sa sabbath, sa paggawa ng iyong kalayawan sa aking banal na kaarawan; at iyong tawagin ang sabbath na kaluguran, at ang banal ng Panginoon, na marangal; at iyong pararangalan na hindi ka lalakad sa iyong mga sariling lakad, ni hahanap ng iyong sariling kalayawan, ni magsasalita ng iyong sariling mga salita:
“Kung magkagayoy malulugod ka nga sa Panginoon.”9
Ang Exodo 16 ay magandang paglalarawan ng alituntuning ito. Nang dumaing ang mga anak ni Israel na gutom na sila at gusto nang balikan ang mga “palyok ng karne” ng Egipto, sinabi ng Panginoon:
“Kayo’y aking pauulanan ng pagkain mula sa langit; at lalabasin at pupulutin ng bayan araw-araw ang bahagi sa bawa’t araw; upang aking masubok sila, kung sila’y lalakad ng ayon sa aking kautusan, o hindi.
“At mangyayari sa ikaanim na araw, na sila’y maghahanda ng kanilang dala, na ibayo ng kanilang pinupulot sa araw-araw.”10
May dalawang karagdagang alituntunin sa mga talatang iyon. Ang isa ay gusto ng Panginoon na subukan kung susundin natin ang Sabbath. Ang isa pa ay maghahanda ang Panginoon ng paraan upang masunod natin ang Kanyang mga utos. Isipin kung paano ninyo tinutupad ang pangako na isang kaluguran ang Sabbath. Kung kayo ay magtatrabaho araw-araw, magtitipon ng manna para manatiling buhay, at isang araw ay sasabihin sa inyo ng Panginoon, “Hindi mo na kailangang magtrabaho ngayon, ngunit pakakainin pa rin kita na parang nagtrabaho ka,” hindi ba’t kaluguran iyan?
Narinig ko ang makabagong bersyon ng kuwentong ito na inilahad nina Sister at Elder Beecher, mag-asawang missionary na naglingkod sa Africa. Isinulat nila:
“Nakatira kami sa pinakahikahos na bahagi ng Kenya sa hangganan ng Uganda. Isa sa aming mga branch president … ay magsasaka na nakatira sa compound ng kanilang pamilya. Bata pa siyang ama at maliliit pa ang mga anak. …
“… May mga miyembro sa kanyang branch na nagsasabi sa kanya na hindi sila makapagsimba dahil ayaw nilang iwanan ang kanilang mga bahay sa takot na nakawin ng mga kapitbahay ang kanilang mga pananim. … MALAKING problema talaga ito. … Sa katunayan, hinihintay muna ng mga tao na magtanim ang mga kapitbahay nila bago sila magtanim dahil kung sila ang unang aani ay baka manakaw ito sa kanila. …”
“Hindi rin daw sila makasimba dahil kailangan nilang magtrabaho kahit Linggo dahil mahirap lang sila.”
“[Pagpapatuloy ng branch president], ‘Sabi ko sa kanila, “Iniiwan ko ang bahay ko tuwing Linggo at halos maghapon ako sa Simbahan. Hindi ako nagtatrabaho sa araw ng Sabbath. Pag-uwi ko ng bahay, kadalasang nadadatnan kong ninakaw na ng mga kapitbahay ko ang aking mga mais, manok at mga itlog nito, mga prutas, dahil nagugutom sila at walang makain. Sa kabila niyan kapag anihan na, nabibiyayaan ako ng mas maraming ani kaysa sa kanila—kahit nagtatrabaho sila tuwing Linggo. Mas maraming ani ang aking bukirin, biniyayaan ako dahil iginalang ko ang araw ng Sabbath.”’
“Habang ikinukuwento niya iyon, nagsalita ang isa pang branch president at sinabing, ‘Mapapatunayan ko rin iyan. May 2 akre ako ng [mais]. Ang sa kapitbahay ko ay 10 akre. Nagtatrabaho siya tuwing Linggo. Ako ay hindi. Kapag panahon na ng pag-ani, mas marami akong inaani. Lumalapit sa akin ang kapitbahay ko para humingi ng pagkain dahil hindi sapat ang kanyang ani. Mapalad din ako, sa pamumuhay ng batas sa araw ng Sabbath.’”11
Ang pag-iisip ng Panginoon ay mas mataas kaysa sa ating pag-iisip—at gayundin ang Kanyang matematika. Iba ito sa atin. Totoo iyan sa ikapu, hindi ba? Sa ikapu, ang 10 na binawasan ng 1 ay hindi 9 ang katumbas. Binibiyayaan tayo ng Panginoon ayon sa kailangan natin at higit pa. Totoo rin iyan sa Sabbath. May pitong araw sa isang linggo, ngunit ang pagtatrabaho nang anim na araw sa pitong araw ay maglalaan sa atin ng mas marami, hindi mas kaunti, kaysa sa kailangan natin. Parang naririnig na ninyong sinasabi ng Panginoon, “Subukin ninyo ako ngayon sa bagay na ito … kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalagyan.”12
Ang Sabbath ay hindi lang pagpapahinga mula sa pisikal na paggawa, ito ay araw din ng espirituwal na pagpapanariwa. Ito ay araw ng pagpapahinga mula sa mga alalahanin ng mundo.
Itinuro ni President Joseph F. Smith na ang kapahingahan ng Panginoon ay “pagpasok sa kaalaman at pag-ibig ng Diyos, na may pananampalataya sa kanyang layunin at sa kanyang plano, … hindi tayo nagagambala ng magkabi-kabila ng lahat ng hangin ng aral, o sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian.”13 (Iugnay ninyo ang epekto ng pangakong that sa ating prayoridad upang tulungan ang mga estudyante natin na mahanap at malaman ang kaibhan ng tama at mali.)
At babanggitin ko rin ang isa pang pagpapala na napakahalaga mula sa mga reperensyang ito sa banal na kasulatan. Ginamit sa Exodo 31 ang katagang “sa inyong mga henerasyon,”14 at sa Isaias 58 ay ginawa ang pangako ng Panginoon na “pakanin mo ang kita ng pamana ni Jacob.”15 Habang pinag-aaralan ninyo ang mga talatang ito at ang mga training na inilaan ng ating mga lider ng Simbahan, mapapansin ninyo na magiging isa sa pinakadakilang mga pagpapala ng pagpapanatiling banal ang araw ng Sabbath para sa inyong mga anak at apo. Bawat Linggo ay oportunidad na ituro sa inyong mga anak ang prayoridad ninyo sa buhay at ang kahandaan ninyong isakripisyo ang personal na hangarin ninyo upang masunod ang mga utos ng Panginoon.
Pagpapalain sila nang lubos dahil dito. Lilikha ito sa iba’t ibang henerasyon ng mga pamilya na matatapat na disipulo ni Jesucristo. Kapag nalaman na natin ang mga bagay na ito at ang iba pang mga pagpapalang kaakibat nito, paano pa tayong hindi malulugod dito?
4. Ang Sabbath ay nagpapanatili sa ating walang bahid-dungis sa mundo
Ang isa pang alituntunin tungkol sa araw ng Sabbath ay mababasa sa Doktrina at mga Tipan bahagi 59: “At upang lalo pa ninyong mapag-ingatan ang inyong sariling walang bahid-dungis mula sa sanlibutan, kayo ay magtungo sa panalanginan at ihandog ang inyong sakramento sa aking banal na araw.”16
Maraming oportunidad sa Lumang Tipan para maituro ang alituntuning ito. Halimbawa, kapag itinuro ninyo ang tipang Abraham may pagkakataon kayong ituro sa mga kabataan na mabuhay sa mundo ngunit huwag maging makamundo. Isa pang oportunidad ang darating sa inyo kapag itinuro ninyo ang 1 Samuel 8.
Ginamit ni President Spencer W. Kimball ang kabanatang ito para ituro ang isang matinding aral. Sabi niya:
“Ang Panginoon at ang kanyang propetang si Samuel ay nalungkot at nagdalamhati. … Ngunit ang mga tao ay humihingi ng isang hari ‘upang matulad kami sa lahat ng mga bansa.’ …
“Walang pagkakaiba iyan sa atin ngayon! Gusto natin ang mga mapanghalina at walang kabuluhang bagay ng mundo, nang hindi natatanto ang kapalit ng ating kahangalan. Ang mga di-miyembro [ay naglilibang sa araw ng Sabbath, gusto nating naaaliw] kahit kadalasan ay nakakaligtaan ang mga dapat gawin tuwing Sabbath at nalalabag ang banal na araw ng Panginoon. Ang mga tao ngayon ay nagpapakasal na parang mga pagano—dapat gayahin natin ang bawat istilo at pamamaraan nila, kahit nakatuon lang ito sa karangyaang dulot ng mundo at hindi sa kabanalan ng tunay na pagpapakasal. …
“Ang mga istilo ng damit ay gawa ng mahahalay at ganid sa pera na gagawin ang lahat para makaisip ulit ng ipauusong istilo o moda. … Mas gugustuhin pa nating mamatay kaysa ‘mawala sa uso.’ … ‘Dapat kaming magkaroon ng hari gaya ng ibang mga bansa!’
“Sinabi ng Panginoon na magkakaroon siya ng sariling mga tao na naiiba ngunit ayaw naman nating maiba. …
“Kailan, oh, kailan kaya na ang ating mga Banal sa mga Huling Araw ay maninindigang mag-isa, bubuo ng kanilang pamantayan, susunod sa tamang huwaran at mamumuhay nang mabuti ayon sa pamantayan ng ebanghelyo.”17
Kapag nahihirapang lumayo ang ating mga kabataan sa mga pilosopiya, tradisyon at mga pamantayan at istilo ng mundo, ipakita sa kanila na dapat na maiba tayo, huwag magpaimpluwensya sa mundo.18 Ipakita sa kanila na ang pagpapanatiling banal ng Sabbath ay isang paraan para magawa iyan, isang paraan na mapapanatili natin ang sarili na walang bahid-dungis sa sanlibutan.
Ang Sakramento
Ang mga layunin ng sakramento
Maaari bang umiba tayo ng paksa at talakayin nang ilang minuto ang mga layunin ng sakramento?
Tumatanggap tayo ng sakramento bilang paalaala sa katawan at dugo ng Anak. Iyan ang dahilan kaya ibinigay ng Panginoon Mismo noong personal Niyang pasimulan ito sa Banal na Lupain at sa kalupaan ng Amerika.19 Dapat maging mahalagang bahagi ito ng karanasan natin sa bawat linggo. Ang sakramento ay pagkakataon upang alalahanin Siya at ang lahat ng isinasagisag ng Kanyang katawan at dugo kaugnay ng Pagkabuhay na Mag-uli, pagkatubos mula sa lahat ng ating mga kasalanan, at ang biyaya na sapat upang harapin ang lahat ng hamon ng buhay.
Ating pinapatunayan sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, na tayo ay pumapayag na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng Kanyang Anak at sundin ang Kanyang mga kautusan, at sa gayon ay mapanariwa natin ang lahat ng ating mga tipan. Naiisip ba ninyo ang mangyayari kung matapat nating gagawin iyan bawat linggo? Ang sacrament meeting ay magiging isang espirituwal na piging, na nagwawakas sa pangako ng Panginoon na “mapa[pasaatin] ang kanyang Espiritu upang makasama [natin],” nagdudulot ng pag-asa, lakas, kapanatagan, at kapatawaran.20
Kailangan nating lahat ang pagpapatawad at pagpapagaling, at ang ilan sa atin ay kailangang patawarin at kalimutan ang sama ng loob na matagal nating kinimkim. Ang Pagbabayad-sala at ang sakramento ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na magawa iyan ngayon.
May mga oportunidad na maituturo ang mga layunin ng sakramento sa mga banal na kasulatan at sa lahat ng ating mga klase. Mungkahi ko na tingnan natin ang kahit dalawa lang sa mga paraan para magawa ito. Isa, sa tuwing magtuturo tayo ng uri o sagisag ng Tagapagligtas, may oportunidad tayong ituro ang mga layunin ng sakramento. At dalawa, sa tuwing nagtuturo tayo ng mga alituntuning kaugnay ng mga tipan, may oportunidad tayo na iangkop ang mga alituntuning iyon sa sakramento.
Maaari bang magbahagi ako ng tig-isang halimbawa sa bawat dalawang uri ng oportunidad (muli, sa Lumang Tipan)?
1. Mga uri at sagisag na tumutukoy kay Jesucristo
Ang unang halimbawa, na naglalarawan ng paggamit ng mga uri at sagisag ng Tagapagligtas, ay mula sa Levitico kabanata 1. Tinuruan dito ng Panginoon ang mga anak ni Israel na kusang-loob na magdala ng alay sa Panginoon. Ang handog ay dapat na isang hayop na lalake na walang kapintasan, na tatanggapin bilang pantubos sa taong nagpunta roon upang sumamba. Papatayin ng lalake ang hayop, at iwiwisik ng mga saserdote ang dugo sa palibot ng dambana.21
Madaling makita ang sagisag at ang kaugnayan nito sa sakramento at kilalanin na bagama’t pinabanal ang isang tao, ang Panginoon Mismo ang magpapasan ng kanilang mga hirap, dusa, at kasalanan. Palagay ko parang kabalintunaan na ang mga matwid ay yaong “mapuputi ang kasuotan sa pamamagitan ng dugo ng Kordero.”22 Ngunit “ang Panginoon ay pula sa kanyang kasuotan.” Sapagka’t sinabi Niya, “Ang kanilang dugo ay aking iwinilig sa aking mga kasuotan, at nabahiran ang lahat ng aking damit.”23
Kagila-gilalas makita na ang Panginoon ay nakapula, napalilibutan ng mga anghel na nakaputi. Dahil sa pagdurusa ni Jesucristo, “bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging maputi na parang niebe; bagaman maging mapulang gaya ng matingkad na pula, ay magiging parang balahibo ng tupa.”24
Sumunod, ang handog ay pinuputul-putol—ang ulo, lamang-loob, ang mga paa, at ang taba.25 Ang ulo ay kumakatawan sa ating mga isipan; ang lamang-loob ay sa ating puso, ating damdamin; at ang mga paa ay sa ating mga kilos. Ang sagisag ay nagpapaalala sa atin ng sakramento habang nangangako tayong mamahalin ang Diyos nang “buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas.”26
Sa madaling salita, tulad ng itinuro ni Elder Neal A. Maxwell, “Ang tunay, personal na sakripisyo ay hindi kailanman paglalagay ng hayop sa dambana. Sa halip, ito ang kahandaang ilagay ang anumang hangaring salungat sa Diyos at hayaang lamunin ito ng apoy.”27
Maaari din nating gamitin ang papel ng mga saserdote, “Mga anak ni Aaron,”28 upang ituro sa ating mga kabataang lalake ang kahalagahan ng tungkuling ginagampanan nila sa oras ng sakramento. Ituro sa ating mga priest na sila ay mga anak ni Aaron, na sila ay dapat maging kaiba, na sila ay kumakatawan sa Tagapagligtas. Ituro sa mga teacher sa Aaronic Priesthood na sila ang humahalili kay Jose na taga Arimatea, naghahanda ng katawan ni Cristo. (Naranasan na ng ilan sa inyo ang sagradong karanasan ng paghahanda ng bangkay para sa libing. Nawawari ba ninyo ang sagradong karanasan ni Jose ng Arimatea?29) Tulungan ang ating mga kabataang lalaki na maunawaan na ang sakramento ay memorial service bilang pag-alaala sa Tagapagligtas.
Itinuro ng isang stake president ang ideyang ito sa korum ng mga teacher. Ngayon, ang kanilang 15-taong-gulang na teachers quorum president ay nahikayat ang kanyang buong korum na dumating nang 30 minuto bago magsimula ang sacrament meeting tuwing Linggo upang magbasa ng banal na kasulatan at magkakasamang manalangin, at ihanda ang sakramento bilang korum.
Maaari din nating ituro sa ating mga deacon ang kanilang tungkulin. Nawawari ba ninyo na isa kayo sa mga tagapagdala ng kabaong sa libing ng Tagapagligtas?
Tulungan silang malaman na iginagalang nila ang kanilang priesthood dahil nakakatulong ito sa atin na mapagpala ng natigis na dugo sa Getsemani at matanggap ang kapatawaran at kagalingang dulot nito.
2. Ang Pagtuturo tungkol sa mga tipan ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong maituro ang sakramento
Ang isa pang oportunidad ay ang maituro ang sakramento kapag itinuturo natin ang mga alituntuning nauugnay sa mga tipan.
Isang halimbawa nito ay nasa aklat ni Oseas, na gumamit ng mga simbolo ng asawang lalake, ng babaeng kanyang pakakasalan, at isang pagsubok sa mga tipan ng kasal upang maituro ang ating pakikipagtipan sa ating Ama sa Langit. Sinabi ng Panginoon kay Oseas na “Magasawa ka sa isang patutot at mga anak sa patutot.”30 Kaya pinakasalan ni Oseas si Gomer. Ngunit matapos niya itong pakasalan, itaguyod, at mahalin, bumalik ito sa dati niyang mga gawi at nagtaksil sa kanya.
Ano ang mararamdaman ninyo kung kayo si Oseas? Ngunit heto, pakinggan ninyo ang tugon ni Oseas sa kataksilang ito:
“Akin siyang hihikayatin, at dadalhin siya sa ilang, at pagsasalitaan ko siyang may pagaliw.
“Ibibigay ko sa kaniya ang mga ubasan.”31
At mula sa tala tungkol kina Oseas at Gomer ay naging tungkol na ito sa Panginoon at sa tipan ng Israel nang sabihin Niya sa atin: “Ako’y magiging asawa mo magpakailanman; oo, magiging asawa mo ako sa katuwiran, at sa kahatulan, at sa kagandahang-loob, at sa mga kaawaan.”32
Ang makita kung ano ang nadama ni Oseas sa kanyang mga tipan, at matanto na gayon ang nadama ng Panginoon sa Kanyang mga tipan sa atin, ay malaking pagpapala sa akin.
Naging paborito ko ang kuwentong ito dahil sa mensahe ni President Henry B. Eyring. Maaaring naroon ang ilan sa inyo nang ikuwento niya ang karanasan niya sa pagtuturo ng Lumang Tipan sa seminary: “Sa ilan pang kadahilanang hindi ko maipaliwanag, noong itinuturo ko ang Oseas, may nadama akong kakaiba, isang bagay na napakatindi. Hindi ito kuwento ng kasunduan sa negosyo ng mag-asawa. … Isa itong kuwento ng pag-ibig. Ito ay kuwento ng tipan ng kasal na ibinuklod ng pag-ibig, ng tapat na pagmamahalan. Ang nadama ko noon, na lalong umigting sa paglipas ng mga taon, ay na ang Panginoon, na mapalad akong makagawa ng tipan, ay minamahal ako at kayo, at lahat ng ating tinuturuan, nang walang maliw na ikinamamangha ko hanggang ngayon at buong puso kong hinahangad na matularan.”33
Marami pang nilalaman ang kuwento, pero ipapaubaya ko na sa inyo ito para basahin ninyong muli ang napakagandang mensaheng iyon ni Pangulong Eyring, na ibinigay sa CES symposium noong 1995. Ang gusto kong iparating ay may oportunidad tayong maituro ang mga tipan. At sa paggawa niyan, tulungan nating madama ng mga estudyante ang nadama ni President Eyring: na mahal tayo ng Diyos, at nalulugod Siyang pagpalain tayo sa pamamagitan ng ating mga tipan. Kapag naunawaan natin na ang mga ordenansa at tipan ay tanda ng pagmamahal at hangarin ng Diyos na dakilain tayo, tayo ay nababago ng sakramento magpakailanman.
Katapusan
Naiisip ba ninyo ang mangyayari kung ang mga kabataan at young adult ng Simbahan, ay dumadalo sa sacrament meeting linggu-linggo at tunay na inaalala ang Tagapagligtas, pinasasalamatan ang Kanyang Pagbabayad-sala, pinapatunayan sa Ama na kanilang tataglayin ang pangalan ng Tagapagligtas bawat araw at sisikaping sundin ang Kanyang mga utos at magiging marapat sa kaloob na Espiritu Santo? At sa linggong iyon, dumalo sila sa mga klase sa seminary at institute na may araling nakapokus sa pinakamahalagang papel ng Tagapagligtas sa plano ng ating mapagmahal na Ama sa Langit at naipaalala ang pangako nilang maging mga disipulo ni Jesucristo? At kung pag-uwi sa bahay ay ibinahagi nila ang mga bagay na ito sa kanilang mga magulang, at magkakasama nilang pinlano na gawing pokus sa buong linggo ang araw ng Sabbath?34 Hindi natin mailalarawan kung gaano kalaking pagpapala ang ilalaan sa atin ng Panginoon.
Hayaan ninyong magtapos ako sa patotoo na kung gusto nating maituro nang mabisa ang doktrinang ito, dapat muna nating ipamuhay ito. Kung pananatilihin nating banal ang araw ng Sabbath at aalalahanin ang Tagapagligtas habang pinaninibago natin ang ating mga tipan bawat linggo, ang Sabbath ay magiging kaluguran sa atin at pagpapalain tayo at ang ating pamilya sa mga darating pang henerasyon. At palalakasin nito nang lubos ang kakayahan nating mahikayat ang mga estudyante na matanto na ang pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath ay makakatulong sa kanila na maunawaan at magtiwala sa mga turo at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Palalalimin nito ang kanilang pagpapahalaga at pangako sa kanilang mga tipan bilang mga disipulo ng Tagapagligtas ng mundo.
Nawa ay lagi natin Siyang alalahanin. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
© 2015 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles 6/15. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 6/15. Pagsasalin ng “The Sabbath Day.” Tagalog. PD10054335 893