Alalahanin at Kumilos
Seminaries and Institutes of Religion Satellite Broadcast • Agosto 4, 2015
Sa isang pangkalahatang kumperensya, sinabi ni Elder Marlin K. Jensen, “Kung papansinin nating mabuti ang mga paggamit sa salitang alalahanin sa mga banal na kasulatan, malalaman natin na ang pag-alaala sa paraang nais ng Diyos ay mahalaga at nakapagliligtas na alituntunin ng ebanghelyo.” Paano nagsisilbing “mahalaga at nakapagliligtas na alituntunin” ang pag-alaala? Sinabi pa ni Elder Jensen, “Ito ay sa dahilang ang mga payo ng propeta na alalahanin ay madalas na kailangan ng pagkilos: makinig, magmasid, sumunod, gumawa, at magsisi.”1
May halimbawa niyan na nakatala sa Aklat ni Mormon. Pinangalanan ni Helaman ang kanyang mga anak na sina Nephi at Lehi at sinabi sa kanila kung bakit:
“Masdan, ibinigay ko sa inyo ang mga pangalan ng ating mga naunang magulang na lumisan sa lupain ng Jerusalem; at ginawa ko ito nang sa gayon kapag naalaala ninyo ang inyong mga pangalan ay maalaala ninyo sila; at kapag naalaala ninyo sila ay maalaala ninyo ang kanilang mga gawa; at kapag naalaala ninyo ang kanilang mga gawa ay malaman ninyo kung paanong nasabi, at nasulat din, na sila’y mabubuti.
“Samakatwid, mga anak ko, nais kong gawin ninyo ang yaong mabuti.”2
Isang paraan ito na magsisilbing mahalaga at nakapagliligtas na alituntunin ang pag-alaala. Matutulungan tayo nitong kumilos nang angkop at tama. Para magawa iyan hinihikayat tayo sa Simbahan na alalahanin ang mga nauna sa atin: ang nasa family history natin, ang nasa kasaysayan ng Simbahan, ang nasa mga banal na kasulatan, at higit sa lahat, alalahanin ang Tagapagligtas Mismo.
Isang bata pang babaeng Judio na nasawi sa mga kalupitang umiral noong World War II ang nagbigay ng magandang paglalarawan kung paano tayo mapagpapala ng mga taong nabuhay noong araw. Isinulat niya: “May mga bituin na ang ningning ay nakikita sa mundo kahit naglaho na ang mga ito. May mga tao na ang ningning ay patuloy na nagbibigay-liwanag sa mundo kahit pumanaw na sila. Ang mga liwanag na ito ay lalong maningning sa dilim ng gabi. Tinatanglawan nila ang landas para sa sangkatauhan.”3
Ang alituntuning ito ay angkop din sa kasaysayan ng mga seminary at institute. Marami sa kasaysayan natin ang nararapat alalahanin. Dahil diyan, ang kasaysayan ng seminary at institute of religion ay isinulat. Masaya kaming ibalita na malapit nang ilathala o magkaroon ng online copy ang kasaysayang ito para sa inyo. Sana’y basahin ninyo ito at maging mahalagang sanggunian ito sa ating personal at sama-samang pag-aaral. Matutulungan tayo ng kasaysayang ito na matuto mula sa mga taong nagpaganda sa Seminaries and Institutes ngayon. Nakasandig tayo sa mga ginawa nila at nagagalak sa mayamang pamanang iniwan nila sa atin. At bagama’t matagal nang pumanaw ang marami sa kanila, maaari pa rin silang magsilbing tanglaw na gagabay sa pagsulong natin sa hinaharap. Sana sa pag-alaala sa kanila ay mahikayat tayong alalahanin ang kanilang mga ginawa at kikilos tayo.
Sa loob ng ilang sandali ngayong umaga, magbabahagi ako ng ilang kuwento mula sa ating kasaysayan. Isinalaysay ang mga ito sa pag-asang sa pag-alaala sa mga tao na ang mga ginawa ay ating sinasandigan, nanaisin nating tularan sila—kapwa ang kanilang mga hangarin at kanilang mga pagsisikap.
Sa kanyang mensahe na “The Charted Course of the Church in Education,” sinabi ni President J. Reuben Clark na ang unang kailangan ng isang guro ng relihiyon ay ang personal na patotoo “na si Jesus ang Cristo at na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos.”4 Ang patotoong ito ay naghikayat sa maraming matatapat na guro ng relihiyon at sa kanilang pamilya na tumanggap ng mahihirap at mabibigat na tungkulin at isakripisyo ang kanilang sariling ambisyon at kaginhawahan. Ang halimbawa nito ay si Pangulong Gordon B. Hinckley, na nagsabi tungkol sa kanyang sarili, “Hindi ko alam kung paano tatapusin ang anuman maliban sa aking pagluhod at paghingi ng tulong at pagtayo at pagkilos pagkatapos.”5 Isa sa gayong mga tao si Ray L. Jones, na hinilingang simulan ang early-morning seminary program para sa Simbahan.
“Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1950, 10 stake president mula sa Los Angeles area ang nakipag-usap kay Elder Joseph Fielding Smith para talakayin ang posibilidad na magtatag ng seminary program para sa mga kabataan sa kanilang lugar.” Hindi nila tiyak kung paano gagawin ito dahil hindi pinahihintulutan ng estado ang pagtuturo ng relihiyon pagkalabas ng eskuwelahan.
Batid ni Franklin L. West, ang Church Commissioner of Education, na may ilang seminary class sa Utah na idinaraos bago pumasok sa eskuwela at nakita niya na posibleng solusyon ito sa kahilingang mula sa Southern California. Ang commissioner ay “nagtanong kay Ray L. Jones, isang seminary principal sa Logan, [Utah,] kung papayag siyang pumunta sa California para simulan ang programa. Dahil komportable na sa kasalukuyan niyang tungkulin at nakatira sa bagong biling bahay, nag-alangan si Brother Jones kung siya nga ang dapat magsimula ng gawaing ito.”
Sabik na matuloy ang programa, si Commissioner West ay “nagmungkahi na maaaring iwan ni Brother Jones ang kanyang pamilya sa Logan at ‘magbiyahe’ na lang paminsan-minsan patungong Los Angeles [na mahigit 700 milya ang layo]. Sa huli ay pumayag si Brother Jones na ipagdasal ang bagay na ito. Matapos ang maikling panahong pagninilay, nagpasiya [siyang] ipagbili ang kanyang bahay sa Logan at lumipat nang permanente sa Los Angeles upang simulan ang programa.”6
Tulad ni Nephi, na nagsabing, “Ako ay pinatnubayan ng Espiritu, nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat kong gawin,”7 si Ray L. Jones ay nagtungo sa Southern California.
Hindi pinondohan ng Simbahan ang kanyang biyahe, kaya nagtrabaho si Brother Jones sa pagtulong na maglipat ng mga baka mula Utah hanggang California. Kalaunan ay inilipat niya ang kanyang pamilya sa Los Angeles at tumulong sa pag-organisa ng board of education sa lugar. Isang stake president sa area, si Howard W. Hunter, ang nagsilbing chairman of the board, at alam na ninyo—ika nga—ang sumunod na nangyari.8 Sa loob ng 65 taon, ang nagsimula noong 1950 sa 195 estudyante sa pitong klase ay naging mahigit 250,000 mga estudyante na sa 136 na bansa.
Ang katapatan at sakripisyo ay paulit-ulit na nakita sa puso ng mga guro ng relihiyon sa lahat ng dako ng mundo. Pakinggan ang kuwentong ito ng isa sa ating mga guro ng relihiyon sa Mongolia na nakinig sa payo ng kanyang priesthood leader at kumilos kahit mahirap ang sitwasyon para maisagawa ito:
Si Odgerel Ochirjav, isang convert sa Simbahan, ay nagtapos ng PhD sa forestry at nagtatrabaho bilang researcher sa Mongolia nang hilingan siyang magtrabaho nang full time bilang seminary at institute coordinator. Noong una ay tinanggihan niya ang alok ngunit kalaunan ay pumayag din siya. Noong Nobyembre ng 2008, si Brother Odgerel at ang kanyang area director na si Patrick Cheuck ay nakipagpulong sa mission president. Nagtanong ang president kung bakit walang early-morning seminary classes sa Mongolia. “Sumagot si Brother Odgerel, ‘President, Mongolia po ito. Malamig, madilim, maraming aso, at walang pampublikong sasakyan.’ Makalipas ang isang taon muling nagpulong ang tatlo, at iyon pa rin ang tanong ng mission president. Muling sumagot si Brother Odgerel, “Malamig, madilim, maraming aso, at walang pampublikong sasakyan.” Pagkatapos ng pulong, kinausap ni Brother Cheuck si Brother Odgerel at sinabing, ‘Odgerel, kapag may ipinagagawa sa iyo ang priesthood leader mo, kailangan mong gawin iyon!’ Sagot ni Brother Odgerel, ‘Patrick, hindi mo nauunawaan ang dilim ng Mongolia, lamig ng Mongolia, mga aso ng Mongolia, at walang pampublikong sasakyan!’ Doon nagtapos ang pag-uusap.
“Di-nagtagal pagkatapos niyon, binasa ni Brother Odgerel ang Doktrina at mga Tipan 85:8, at natuon ang pansin niya sa mga katagang ‘patatagin ang arka.’ Binasa niya ang pahayag ni Pangulong David O. McKay sa manwal ng institute na nagsabi na ang mga naghahangad na ‘patatagin ang arka’ ay namamatay sa espirituwal. Isinulat kalaunan ni Brother Odgerel: ‘Dahil ayaw kong mawala ang Espiritu, sinimulan ko ang isang early-morning seminary program sa Mongolia. Nagulat ako na natuwa ang mga lokal na priesthood leader sa ideyang iyon.’”9 Noong Setyembre 2009 nagsimula sila sa 140 estudyante, at pagsapit ng Marso, 352 na ang dumadalo, na sinuong ang pinakamaginaw na taglamig sa Mongolia sa loob ng 30 taon—isang taglamig na ang karaniwang temperatura ay minus 25 degrees Fahrenheit.
Sa isang pangkalahatang kumperensya, sinabi ni Bishop Victor L. Brown: “Sa mundo, maraming organisasyon, pamahalaan, maging mga simbahan, maging mga pamilya ang nanghihina dahil takot silang hilingan ang mga tao na magsakripisyo. Mahalagang huwag na nating ulitin ang gayong pagkakamali.”10
Nais ko kayong pasalamatan, sa ngalan ng administrasyon, sa mga sakripisyo ninyong lahat. Marami sa pinakamahahalagang bagay na ginagawa ninyo para mapagpala ang mga kabataan ang hindi napapansin at nababalita. Sa tingin ko patuloy pa ang paglilingkod at sakripisyo sa ating organisasyon. Salamat sa inyo. Tulad ng kinakanta natin sa isa sa ating mga himno, nawa ang inyong mga sakripisyo ay “[magbunga ng] biyaya ng langit”11 sa inyo at sa inyong mga mahal sa buhay.
Ang seminary at institute program ay laging nangangailangan ng mabuting pakikitungo ng mga guro ng relihiyon sa iba, pati na sa mga magulang, priesthood leader, school personnel, at miyembro ng komunidad. Ang ating pag-uugali at pakikipagtulungan sa iba ay kailangang kakitaan palagi ng Diwa ni Cristo at ng Kanyang ebanghelyo.
Sabi ni Elder Robert D. Hales, “Ang pagtrato natin sa ating mga kapamilya, kapitbahay, kasamahan sa negosyo, at sa lahat ng nakikilala natin ay magpapakita kung taglay natin ang Kanyang pangalan at lagi natin Siyang naaalala.”12 Ang gayong pag-uugali ay nakita sa direktor ng pinakaunang institute na si Brother J. Wyley Sessions.
Matapos maglingkod nang pitong taon bilang pangulo ng South African mission. Hiniling ng Unang Panguluhan kina Brother at Sister Sessions na lumipat sa Moscow, Idaho, para simulan ang institute program. “Bagamaʼt malugod na tinanggap ng mga miyembro ng Simbahan sa [Moscow, Idaho,] si Brother Sessions at ang kanyang pamilya, ilang grupo sa komunidad ang nagduda sa kanila. Ang hindi malinaw na gawain niya sa Moscow ay lalo pang nagpatindi sa pagdududa. … May ilang negosyante sa lugar na nagtalaga pa ng isang komite para bantayan siya at tiyakin na hindi siya magpipilit na ituro ang ‘Mormonismo’ sa unibersidad.”
Sumali si Brother Sessions sa ilang organisasyon sa komunidad sa pagsisikap na “makilala ang mga tao na ayaw sanang makipag-usap sa kanya. Sa sunud-sunod na hapunang idinaraos ng Chamber of Commerce kada ikalawang linggo, sinikap niyang makatabi sa upuan ang pinuno ng komite na itinalaga para hadlangan ang kanyang ginagawa. Sa isa sa mga hapunang ito, sinabi ng lalaking ito, ‘… Nakakatuwa ka. Hinirang ako sa isang komite para patalsikin ka sa Moscow, at tuwing makikita kita, napakabait mo kaya lalo kitang nagugustuhan.’ Sagot ni Brother Sessions, ‘Ganyan din ang pakiramdam ko. Dapat maging magkaibigan na lang tayo.’ Kalaunan nagunita ni Brother Sessions na [ang lalaking ito] ay naging isa sa pinakamatalik niyang mga kaibigan noong nasa Moscow siya.”13
Sa Doktrina at mga Tipan, sinabi ng Panginoon, “Walang sinuman ang makatutulong sa gawaing ito maliban kung siya ay magiging mapagpakumbaba at puno ng pagmamahal.”14 Hindi natin magagawa ang gawain ng isang guro ng relihiyon kung hindi tayo nahikayat ng pagmamahal: pagmamahal sa Panginoon, sa ating pamilya, sa mga estudyante, at sa mga kasama natin sa trabaho.
Noong 1978, nagsalita si Elder Gordon B. Hinckley sa education personnel ng Simbahan at nagsabing:
“Pagmamahal ang gawin ninyong gabay na tuntunin. Ito ang pinakamalakas na puwersa sa mundo. …
“ Mahalin ang [mga estudyanteng] tinuturuan ninyo … lalo na ang tila napakahirap turuan. Kailangang-kailangan nila kayo, at ang himalang darating sa buhay nila kapag tinuruan ninyo sila nang may panghihikayat at kabaitan ay magdudulot ng kagalakan at kasiyahan sa buong buhay ninyo at ng lakas at pananampalataya at patotoo sa kanila.”15
Paminsan-minsan, maaaring mahirapan tayong mahalin ang ilang estudyante o katrabaho natin. Ano ang gagawin natin? May kuwento sa ating kasaysayan tungkol sa isang dating administrator at sa hirap na dinanas niya para mahalin ang mga katrabaho niya. Pansinin sa kuwentong ito kung ano ang nagtulak sa kanya na magmahal.
Habang lumalaganap ang Simbahan sa buong mundo, naharap ang Seminaries and Institutes sa hamon na maglaan ng edukasyong pang-relihiyon sa bagong mga bansa, kultura, at wika. Noong mga unang taon ng 1970s ang pangangasiwa ng Seminaries and Institutes ay muling isinaayos at ang mga assistant administrator ay inatasang mamahala sa ibang bansa.
Si Frank Day, isa sa mga assistant administrator, ay naglingkod bilang Marino noong World War II. Lumaban siya sa South Pacific at naturuang kamuhian ang mga kaaway. Nag-alala ngayon si Brother Day na baka maatasan siyang mamahala sa mga tao sa Asia.
Gaya ng pinangangambahan niya, hiniling ni Brother Joe J. Christensen, Associate Commissioner of Education, na pamahalaan niya ang South Pacific at Asia. “Nang lumipad si [Brother] Day patawid ng Pacific Ocean patungong Japan, dama pa niya ang poot mula sa digmaan kahit nanalangin siya nang taimtim na mapawi ito. Habang naghahanda siya sa pagbaba ng eroplano, napuno ng pangamba si Brother Day. Nakalabas na siya sa airport at nilapitan ang [mission president]. Nang masdan niya ang mukha ng mission president, nakita niya roon ang pagmamahal at napuspos siya ng kanyang sariling damdamin ng pagmamahal.” Lahat ng dating negatibo niyang damdamin ay naglaho.16
Sinabi ni Brother Day na taimtim siyang nanalangin at pinuspos ng Espiritu ng Panginoon ng pagmamahal ang kanyang puso na likas na wala roon. Magagawa rin natin iyan. Ipinayo ni Mormon, “Manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig.”17
Ang Espiritu ring yaon ang maaaring maghikayat at magpasigla sa atin sa mga sandaling dama natin na tayo ay nag-iisa, hindi pinahahalagahan, o nanghihina.
Sina Bob at Gwenda Arnold ay inatasang lumipat sa Guatemala at simulan ang seminary at institute program doon. Inilarawan ni Brother Arnold ang nadama niya habang nagmamaneho pauwi pagkatapos ng kanyang gawain: “Alas-dose y medya o ala-una iyon ng umaga. Sa oras na iyon nakadama ako ng lungkot na walang sinuman sa mundo ang nakakaalam kung nasaan ako. Akala ng pamilya ko ay tulog na ako sa kung saan. Walang malay ang mga tao sa Estados Unidos sa ginagawa ko. Nadama kong nag-iisa ako. Habang dumaraan sa isang maganda [at mapunong lugar], at puno ng mga bituing maningning ang kalangitan, tumingala ako at bumulong ang Espiritu, ‘Alam ko kung nasaan ka.’ Napawi ang kalungkutan at napaiyak ako habang papauwi. Ang kagalakan at kapayapaang nadama ko ay nagmula sa kaalaman na mahal ako ng aking Ama sa Langit at alam Niya ang ginagawa ko.”18
Kung may itinuturo man ang kasaysayan ng mga seminary at institute sa atin, tiyak na iyon ay ang magpasalamat sa malaking pribilehiyo natin na makasama ang matatapat at nananalig na mga kabataan ng Simbahan. Sa bawat sulok ng mundo ang mga estudyanteng ito ay nagpapakita ng pananampalataya at sakripisyo. Halimbawa, gumigising ang isang binatilyo nang alas-3:15 tuwing umaga para hindi siya mahuli sa seminary. Kailangan niyang maglakad papunta sa hintayan ng bus, sumakay ng bus nang 15 minuto, maghintay sa pangalawang bus, sumakay sa bus na iyon, at maglakad nang apat na bloke papunta sa gusali ng Simbahan. Madalas niyang suungin ang ulan at lamig para magawa ito. Sa pagtatapos ng taon, mahigit 90 porsiyento ang attendance niya at hindi nahuli sa klase.
May isa pa akong halimbawa kung gaano kalakas ang pananampalataya at katapatan ng ating mga estudyante.
Si Stephen K. Iba, dating assistant administrator, ay naglingkod bilang missionary sa Pilipinas at bumalik pagkaraan ng ilang taon para tumulong na simulan ang seminary doon. Ikinuwento niya ang pagbisita sa isang pamilyang kilala niya noong siya ay missionary—isang pamilya na may “napakasigla at masayahing labindalawang taong gulang” na anak na nagngangalang Maria. Isinulat ni Brother Iba:
“Kumatok ako sa pintuan ng kanilang kongkretong [tahanan] … at binuksan ng ina ang pinto. … [Sinabi] ko sa kanya ang dahilan ng pagbalik ko at ipinaliwanag ang seminary home-study program.
“Kinumusta ko si Maria, na mga labingsiyam na taong gulang na noon o mahigit pa. Hinawi ng ina ang kurtinang nakatabing sa silid at naroo’t nakahiga si Maria sa kama, na parang manikin, limampu o animnapung libra ang timbang, at napakalala na ng kanser. Ngumiti siya at nagningning ang mga mata habang papalapit ako sa kanya.
“Itinanong niya kung maaari siyang magsimulang mag-aral ng seminary. Anim na buwan na lang siyang mabubuhay at gusto niyang maging mas handang magturo sa kanyang mga kamag-anak sa daigdig ng mga espiritu. Nangako ako na kapag dumating ang mga materyal sa Maynila ay siya ang unang makakatanggap nito. Pagbalik ko pagkaraan ng isang linggo, handa nang mag-aral si Maria.
“Ang kanyang ama, na miyembro na at branch president, ay naglagay ng mga salamin sa kanyang ulunan para makatingala siya at makabasa at makasulat. Dahil sa kanyang mahinang katawan, hindi siya makaupo. Isang linggo bago siya pumanaw … , natapos ni Maria ang huling home-study exercise sa Aklat ni Mormon—siyam na buwang paggawa, isang libong pahina o mahigit pa, bawat salita, bawat patlang.”19
Umaasa kami na babasahin ninyo ang kuwentong ito kapag nailathala na ito, pag-iisipan ang mga aral na maituturo nito sa atin, at—higit sa lahat—maging matibay na kawing kayo sa tanikala ng ating inilalahad na kasaysayan.
Sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf:
“Kung minsan iniisip natin na ang Panunumbalik ng ebanghelyo ay isang bagay na kumpleto, na tapos na. … Ang totoo, ang Panunumbalik ay tuluy-tuloy na proseso; nabubuhay tayo rito ngayon mismo. …
“Isa ito sa mga pinaka-pambihirang panahon sa kasaysayan ng mundo!”
Dahil diyan, pinayuhan tayo ni Pangulong Uchtdorf na “[makibahagi tayo] sa gawain ng Panunumbalik.”20 Dapat tayong magpasalamat at magpakumbaba na binigyan tayo ng sagradong pribilehiyo na tumulong sa pagsusulat nitong kabanatang ito sa kasaysayan ng Panunumbalik.
Lahat tayo ay saksi kung paano “pinabibilis [ng Panginoon] ang Kanyang gawain ng kaligtasan.” Sinabi ni Elder Quentin L. Cook, “Marami sa mahihirap na gawain sa pagpapabilis ng gawain ng kaligtasan kapwa para sa mga buhay at sa mga patay ang gagawin [ng] mga kabataan.”21 Bilang mga guro ng relihiyon matutulungan natin silang maghanda sa paggawa ng mabigat na gawaing ito. Mas matutulungan natin sila, tulad ng iminungkahi ni Pangulong Eyring ilang taon na ang nakararaan, sa pamamagitan ng paghiling sa kanila na ibigay ang lahat ng makakaya nila.22
Kapag pinagbuti ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng regular na pagdalo sa klase, sa pagbabasa kapag walang klase, at sa pakikibahagi sa mga assessment, sila ay magiging handa hindi tulad ng mga nakaraang henerasyon.
Minsa’y isinulat ng Kristiyanong awtor at apologist na si C. S. Lewis, “Ang pinakamahahalagang kaganapan sa lahat ng panahon ay hindi kailanman naisulat sa mga aklat ng kasaysayan.”23 Mahigit isang daang taong mayroon sa mga seminary at institute ng mga taong tahimik na nagtrabaho at nagsakripisyo para tulungan ang mga kabataan na mapalapit kay Cristo. Hindi maisusulat sa kasaysayan kailanman ang karamihan sa mga taong ito at ang tungkol sa kanila. Ngunit nakatitiyak tayo na hindi sila mababalewala. Ang “mga anghel sa langit, tumatanod,”24 at isang aklat ang iniingatan na magtatala ng bawat gawa—pati na ang sa inyo—na tumutulong sa Panginoon na isakatuparan ang Kanyang gawain.
Napag-usapan natin sandali sa araw na ito ang ating kasaysayan. Ngunit kapag bumaling tayo at tumanaw sa hinaharap, makabubuting alalahanin ang pahayag ni Elder James E. Talmage. “Ang propesiya,” sabi niya, “ay isang talaan ng mga bagay na mangyayari sa hinaharap. Ang kasaysayan ay isang talaan ng mga nangyari na; at sa dalawang ito, ang propesiya ang mas mapagkakatiwalaan ang katumpakan kaysa sa kasaysayan.”25
At ano ang sinasabi ng propesiya tungkol sa ating hinaharap? Sinabi sa atin ni Propetang Joseph Smith: “Walang kamay na di pinaging banal ang maaaring pumigil sa pagsulong ng gawain. … Ang katotohanan ng Diyos ay magpapatuloy nang may kagitingan, may pagkamaharlika, at may kalayaan, hanggang sa makapasok ito sa bawat bansa, makadalaw sa bawat klima, makaraan sa bawat lugar, at mapakinggan ng bawat tainga, hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang Dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na.”26
Nawaʼy pagpalain ng Panginoon ang bawat isa sa atin sa ating mga pagsisikap na gamitin ang ating kasaysayan upang makaalala—at kumilos—habang tumutulong tayo sa maluwalhating pagtatagumpay ng gawain ng Panginoon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
© 2015 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles 6/15. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 6/15. Pagsasalin ng “Remember and Act.” Tagalog. PD10054335 893