Mga Pandaigdigang Debosyonal
Isang Maringal na Identidad


Isang Maringal na Identidad

Isang Gabi Kasama si Elder L. Whitney Clayton

Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult • Setyembre 13, 2015 • New York, New York

Natutuwa ako na narito ako ngayon, kasama at katabi ng aking best friend sa habampanahon. Ang buhay sa piling ng aking minamahal ay isang maringal na karanasan.

Karangalan ko ring makasama kayo ngayon. Napakaganda ninyong pagmasdan—kapwa kayong mga nakikita ko at ang napakarami pang iba na nakalarawan sa aking isipan. Kahanga-hanga kayo. Sana nakikita ninyo ang inyong sarili na tulad na nakikita ko ngayon—may malaking potensyal at magandang kinabukasan. Kung minsan nangangamba ako na tayo mismo ang hindi makakilala sa ating kahalagahan, at kahit alam natin, mahirap pumantay rito. At ang malungkot, madalas ay napakaliit ng pagpapahalaga natin sa ating sarili sa halip na malaki.

Inilalarawan tayo sa mga banal na kasulatan, sa Moises, bilang Kanyang anak na lalaki o babae, “na kawangis ng [Diyos],”1 at muli sa Mosias, “Dahil sa tipang inyong ginawa [sa binyag] kayo ay tatawaging mga anak ni Cristo, mga anak niyang lalaki, at mga anak niyang babae.”2 Muli nating mababasa sa Mga Taga Roma:

“Tayo’y mga anak ng Dios:

“At kung mga anak, ay mga tagapagmana nga sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo.”3

Kaya, bakit tayo nahihirapang alalahanin ang ating maringal na identidad at mamuhay palagi ayon dito at nang kapantay nito? Ang sumusunod na metapora ay mukhang nakakatulong sa akin:

Ilang taon na ang nakalipas, kami ng aking asawa at bunso naming anak ay nanirahan sa Argentina dahil sa tungkulin sa Simbahan. Nakagawian naming mag-ina na bumisita sa magagandang lugar kapag may libreng oras kami. May ilan kaming paborito. Kabilang dito ang isang magandang zoo ng mababangis na hayop na hindi katulad ng anumang zoo na nakita na namin. Sa halip na gumala sa mga kulungan ng antok na mga hayop at hangaan sila mula sa malayo, inimbitahan ng Lujan Zoo ang mga bisita na pumasok sa mga kulungan at haplusin ang mga hayop—kahit ang pinakamababangis. Hindi namin matanggihan ang imbitasyong iyon. Kasama ang trainer, pumasok kami sa kulungang inihanda para sa napakalaki at nakakatakot na mga leon, at hinaplos namin ang mga ito habang tila lubos kaming hindi pinapansin ng mga ito.

Nang ligtas na kaming nakalabas ng kulungan, tinanong ko ang mga trainer kung paano nila nakumbinsi ang mga higanteng hayop na iyon na huwag kaming sakmalin. Natuwa ako sa sagot nila. Pinatingnan nila sa akin ang ilang maliliit na aso na nasa mga kulungan ding iyon. Sinabi nila sa akin na ang isa sa mga ginawa nila ay pinalaki nila ang mga leon na palaging katabi ng mga asong iyon. Noong napakaliliit pa ng mga leon, ang maiingay na asong iyon ay mas malalaki kaysa mga batang leon. Naniwala ang mga aso na sila ang naghahari, at walang-awang hinabol ang mga leon at kinagat-kagat sa paa ang mga ito. Nasanay ang mga batang leon sa pagyukyok sa sulok na parang takot na takot sa mga pesteng maliliit na aso.

Nang lumaki ang mga leon, patuloy silang nagyukyok sa sulok sa takot sa maliliit na aso. Sa pitik lang ng isang paa, madaling masisipa ng alinman sa malalaking leong iyon ang mga aso palabas ng kulungan, ngunit hindi naunawaan ng mga leon kung ano talaga sila. Ang masaklap ay hindi nila alam ang kanilang maringal na identidad. Hindi sila makagalaw at nalimitahan ng maling akala tungkol sa kanilang potensyal. Akala nila maliliit at mahihina sila, kaya hinayaan nilang kontrolin at takutin sila ng mga peste at makukulit na aso.

Nangangamba ako na may ilan tayong pesteng maliliit na aso na sumisira sa tiwala natin sa sarili at nagpapayukyok sa atin sa mga sulok. Babanggitin ko ang ilan na tila nararanasan ng halos lahat.

Una: Kawalan ng tiwala.

Napuna sa isang pag-aaral na mas sinusukat ng napakarami sa atin ang ating pagganap batay sa ating mga kabiguan sa halip na sa ating mga tagumpay. Kadalasan, kung binigyan ng pagsusulit ang isang bata na may 100 tanong at 80 ang tama niya, malungkot niyang aaminin na mali ang sagot niya sa 20 tanong sa halip na ipagyabang na 80 ang tama niya. Ang kawalan ng tiwala sa ating sarili at sa ating potensyal ay maaaring makabulag sa atin sa tunay nating kahalagahan at kakayahan.

Ikalawa: Hindi perpekto at kulang ang kaalaman.

Kahit si Nephi, na isang propeta, ay obligadong manampalataya dahil hindi niya alam ang lahat. Naaalala ba ninyo nang mabuksan sa kanya ang kalangitan at bumaba ang isang anghel at tumayo sa mismong harapan niya? Nakita ni Nephi sa isang pangitain ang Nazaret at ang ina ng Tagapagligtas, ngunit nang tanungin siya kung naunawaan niya ang pagpapakababa ng Diyos, inamin niya na hindi niya alam ang kahulugan ng lahat ng bagay. Ngunit bago niya inamin ang hindi niya lubusang alam, iginiit niya ang tiyak na alam niya: “Na mahal [ng Diyos] ang kanyang mga anak.”4

Iyan ang pinakamahalagang bagay na dapat malaman. Sapat ito para hindi natin hayaan ang pesteng maliliit na aso na kulang ang kaalaman na pahinain ang ating katiyakan sa katotohanan ng Simbahan at ang banal na kaugnayan natin sa Kanya at sa Kanyang walang-maliw at nagbibigay-kapangyarihang pagmamahal sa atin.

Ikatlo: Kawalang-ingat o pagpapabaya.

Ang mga maling pagpili o hindi pagpili sa tama ay nililito ang pag-unawa natin sa realidad. Palagay ko may simbolikong dahilan kung bakit kinailangan ng mga anak ni Israel na mamulot ng manna araw-araw. Puwede naman sana silang bigyan ng Ama sa Langit ng isang linggong suplay, ngunit ang obligasyon araw-araw na magtipon ng pagkain ng kaluluwa ang nagpagunita sa kanila sa Kanya. Ang pagkain ng kaluluwa ay kailangang kainin nang regular at madalas. Ang pagbabasa ng banal na kasulatan, pagdarasal, pagsisimba, paglilingkod sa isa’t isa—ito ang ating manna at ang masustansyang pagkain ng mga anak ng Diyos.

Walang dudang may sarili kayong mga pesteng makukulit na aso. Lahat naman tayo. Huwag magpadikta rito. Kumilos bilang mariringal na anak ng Diyos. Iyan ang inyong pamana. Kung ang inyong mga kilos ay hindi tugma sa inyong maringal na identidad, gumawa ng mga pagbabago. Sa tulong ng langit, magagawa ninyo ito. Ang inyong banal na identidad ay walang kupas. Hindi komo hindi nagmatapang at nagmabangis ang mga leong iyon ay hindi na sila mga leon.

Kung minsan sinasabi natin na tayo ay mga nilikha ng Diyos, at totoo namang marangal na isipin iyan. Pero mas gusto kong alalahanin na tayo ay Kanyang mga anak. Ang Kanyang espirituwal na DNA ay dumadaloy sa ating mga ugat. Tandaan, paulit-ulit Niyang sinabi na tayo ay Kanyang mga anak at tagapagmana. Palisin ang anumang mapanlinlang na mga mensahe, paniniwala, o gawi na nagsasanhing magyukyok kayo sa sulok ng inyong buhay. Huwag hayaang kagat-kagatin nito ang inyong mga sakong at takutin o saktan kayo. Maniwala sa inyong walang-hanggang potensyal. Kayo ay maharlika.

Nawa’y biyayaan tayong lahat ng Panginoon ng pag-unawa tungkol sa ating banal na identidad. “Lahat ng mayroon ang Ama” ang pangako sa mga naniniwala sa dakilang pananaw ng Diyos sa kanilang potensyal at namumuhay nang marapat sa kanilang pamana bilang mga tagapagmana ng ating Ama sa Langit. Nawa’y pagpalain kayo ng Panginoon sa pagtanggap at kagalakan ninyo sa inyong tunay na identidad. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.